Unang Liham sa mga Taga-Corinto
10 Ngayon, mga kapatid, gusto kong malaman ninyo na ang mga ninuno natin ay lumakad sa ilalim ng ulap+ at lahat ay tumawid sa dagat+ 2 at lahat ay nabautismuhan habang sumusunod kay Moises sa pamamagitan ng ulap at ng dagat, 3 at lahat ay kumain ng iisang espirituwal na pagkain*+ 4 at lahat ay uminom ng iisang espirituwal na inumin.*+ Dahil umiinom sila noon mula sa espirituwal na bato na malapit* sa kanila, at ang batong iyon ay kumakatawan sa Kristo.+ 5 Pero hindi nalugod ang Diyos sa karamihan sa kanila, at ang pagkamatay nila sa ilang ang nagpapatunay nito.+
6 Nagsilbing halimbawa para sa atin ang mga iyon para hindi tayo magnasa ng nakapipinsalang mga bagay gaya nila.+ 7 Huwag tayong sumamba sa idolo, tulad ng ilan sa kanila; gaya ng nasusulat: “Umupo ang bayan para kumain at uminom. At tumayo sila para magsaya.”+ 8 Huwag tayong mamihasa sa seksuwal na imoralidad, gaya ng ilan sa kanila na nagkasala ng seksuwal na imoralidad, kung kaya 23,000 sa kanila ang namatay sa isang araw.+ 9 Huwag din nating susubukin si Jehova,+ gaya ng ilan sa kanila na sumubok sa kaniya, kung kaya nalipol sila sa pamamagitan ng mga ahas.+ 10 Huwag din tayong magbulong-bulungan,+ gaya ng ginawa ng ilan sa kanila,+ kung kaya nilipol sila ng tagapuksa.+ 11 Ngayon ang mga bagay na ito na nangyari sa kanila ay nagsisilbing halimbawa at isinulat para maging babala sa atin+ na nabubuhay sa wakas ng sistemang ito.+
12 Kaya ang sinumang nag-iisip na nakatayo siya ay dapat mag-ingat para hindi siya mabuwal.+ 13 Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao.+ Pero ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo,+ kundi gagawa siya ng daang malalabasan para matiis* ninyo ang tukso.+
14 Kaya nga, mga minamahal ko, tumakas kayo mula sa idolatriya.+ 15 Kayo ay mga taong may unawa, kaya kayo ang magpasiya kung tama ang sinasabi ko. 16 Kapag umiinom tayo mula sa kopa ng pagpapala na ipinagpapasalamat natin, hindi ba nakikibahagi tayo sa dugo ng Kristo?+ Kapag kinakain natin ang tinapay na pinagpipira-piraso natin, hindi ba nakikibahagi tayo sa katawan ng Kristo?+ 17 Dahil iisa lang ang tinapay, tayo rin ay iisang katawan lang kahit marami tayo,+ dahil nakikibahagi tayong lahat sa iisang tinapay na iyon.
18 Alalahanin ninyo ang mga Israelita: Kapag kinakain nila ang mga inihandog sa altar, hindi ba parang kumakain silang kasama ng Diyos?+ 19 Kaya ano ang ibig kong sabihin? Na ang inihahandog sa idolo ay may kabuluhan, o na ang isang idolo ay may kabuluhan?+ 20 Hindi; ang ibig kong sabihin, ang inihahandog ng mga bansa ay inihahandog nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos;+ at ayokong makisama kayo sa mga demonyo.+ 21 Hindi kayo puwedeng uminom sa kopa ni Jehova at sa kopa ng mga demonyo; hindi kayo puwedeng kumain sa “mesa ni Jehova”+ at sa mesa ng mga demonyo. 22 ‘Pinagseselos ba natin si Jehova’?+ Mas malakas ba tayo kaysa sa kaniya?
23 Lahat ng bagay ay ipinapahintulot ng kautusan, pero hindi lahat ay kapaki-pakinabang.+ Lahat ng bagay ay ipinapahintulot ng kautusan, pero hindi lahat ay nakapagpapatibay.+ 24 Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.+
25 Kainin ninyo ang anumang ibinebenta sa pamilihan ng karne nang hindi nagtatanong dahil sa inyong konsensiya, 26 dahil “kay Jehova ang lupa at ang lahat ng narito.”+ 27 Kung imbitahan kayo ng isang di-sumasampalataya at gusto ninyong pumunta, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi nagtatanong dahil sa inyong konsensiya. 28 Pero kung may magsabi sa inyo, “Inihandog ito sa mga idolo,” huwag kayong kumain alang-alang sa nagsabi nito at dahil sa konsensiya.+ 29 Ang tinutukoy ko ay hindi ang konsensiya ninyo kundi ang sa ibang tao. Dahil bakit ko gagamitin ang kalayaan ko kung hahatulan naman ako ng konsensiya ng iba?+ 30 Kahit na ipinagpapasalamat ko ang kinakain ko, tama pa rin bang kumain ako kung may masasabing masama sa akin ang iba?+
31 Kaya kumakain man kayo o umiinom o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.+ 32 Iwasan ninyong maging katitisuran sa mga Judio, pati na sa mga Griego at sa kongregasyon ng Diyos,+ 33 kagaya ko rin na nagsisikap na palugdan sa lahat ng bagay ang lahat ng tao at inuuna ang kapakanan ng marami sa halip na ang sa akin,+ nang sa gayon ay maligtas sila.+