Exodo
21 “Ito ang mga batas* na sasabihin mo sa kanila:+
2 “Kung bibili ka ng isang aliping Hebreo,+ maglilingkod siya bilang alipin sa loob ng anim na taon, pero sa ikapitong taon, palalayain siya nang walang binabayarang anuman.+ 3 Kung wala siyang asawa nang maging alipin mo siya, mag-isa siyang aalis. Pero kung may asawa siya, aalis siyang kasama ang asawa niya. 4 Kung bigyan siya ng panginoon niya ng asawa at magkaanak sila ng mga lalaki o babae, ang kaniyang asawa at mga anak ay magiging pag-aari ng panginoon niya, at aalis siyang mag-isa.+ 5 Pero kung magpumilit ang alipin at sabihin niya, ‘Mahal ko ang panginoon ko, ang asawa ko, at mga anak ko; ayokong lumaya,’+ 6 ihaharap siya ng panginoon niya sa tunay na Diyos. Pagkatapos, dadalhin siya ng panginoon niya sa tapat ng pinto o poste ng pinto at bubutasan ang tainga niya,* at magiging alipin siya nito habambuhay.
7 “Kung ipagbili ng isang lalaki ang anak niyang babae bilang alipin, hindi ito lalaya gaya ng paglaya ng isang aliping lalaki. 8 Kung ang babae ay hindi magustuhan ng panginoon nito at hindi niya ito ginawang pangalawahing asawa kundi nagpasiyang ipagbili* ito sa iba, hindi niya ito puwedeng ipagbili sa mga dayuhan, dahil hindi siya naging makatarungan dito. 9 Kung kinuha niya ito para maging asawa ng kaniyang anak na lalaki, dapat niyang ibigay rito ang mga karapatan ng isang anak na babae. 10 Kung kukuha siya ng isa pang asawa, hindi niya dapat bawasan ang inilalaan niyang pagkain at pananamit para sa unang asawa niya at dapat niyang ibigay ang kaukulan para dito.*+ 11 Kung hindi niya ibibigay sa babae ang tatlong bagay na ito, lalaya ito nang hindi nagbabayad ng kahit magkano.
12 “Ang sinumang manakit sa isang tao at makapatay rito ay dapat patayin.+ 13 Pero kung hindi niya ito sinasadya at hinayaan ng tunay na Diyos na mangyari iyon, maglalaan ako ng isang lugar na matatakasan niya.+ 14 Kung galit na galit ang isang tao sa kaniyang kapuwa at sadya niya itong pinatay,+ dapat mamatay ang taong iyon kahit kailangan mo pa siyang kunin mula sa aking altar.+ 15 Ang manakit sa kaniyang ama o ina ay dapat patayin.+
16 “Kung ang sinuman ay dumukot ng isang tao+ at ipagbili niya ito o mahuli siya habang kasama ang dinukot na tao,+ dapat siyang patayin.+
17 “Ang sinumang sumumpa sa kaniyang ama o ina ay dapat patayin.+
18 “Ganito ang dapat mangyari kung may mga taong mag-away at saktan ng isa ang kapuwa niya gamit ang bato o kamao* at hindi ito namatay kundi naratay sa higaan: 19 Kung makabangon ito at makapaglakad sa labas sa tulong ng tungkod, ang nanakit dito ay hindi paparusahan. Magbabayad lang siya para sa panahong hindi ito nakapagtrabaho hanggang sa lubusan itong gumaling.
20 “Kung saktan ng isang tao ang kaniyang aliping lalaki o babae gamit ang tungkod at mamatay ito sa kaniyang kamay, dapat ipaghiganti ang alipin.+ 21 Pero kung mabuhay pa ito nang isa o dalawang araw, hindi ito ipaghihiganti, dahil binili ito ng panginoon niya.
22 “Kung may mga taong mag-away at masaktan nila ang isang babaeng nagdadalang-tao at mapaaga ang panganganak nito*+ pero wala namang namatay,* dapat magbigay ang nagkasala ng bayad-pinsala na ipapataw ng asawa ng babae; at ibabayad niya kung ano ang ipinasiya ng mga hukom.+ 23 Pero kung may mamatay, magbabayad ka ng buhay para sa buhay,*+ 24 mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, kamay para sa kamay, paa para sa paa,+ 25 paso para sa paso, sugat para sa sugat, pasâ para sa pasâ.
26 “Kung masaktan ng isang tao ang mata ng kaniyang aliping lalaki o babae at mabulag ito, palalayain niya ang alipin bilang kabayaran para sa mata nito.+ 27 At kung mabungi niya ang kaniyang aliping lalaki o babae, palalayain niya ang alipin bilang kabayaran para sa ngipin nito.
28 “Kung ang isang toro ay manuwag ng isang lalaki o babae at mamatay iyon, ang toro ay babatuhin hanggang sa mamatay+ at hindi kakainin ang karne nito; pero ang may-ari ng toro ay hindi paparusahan. 29 Gayunman, kung ang isang toro ay mahilig manuwag at nababalaan na ang may-ari nito pero hindi pa rin niya ito binantayan at nakapatay ito ng isang lalaki o babae, ang toro ay babatuhin at ang may-ari nito ay dapat ding patayin. 30 Kung pagbayarin siya ng pantubos,* dapat niyang ibigay ang buong halaga ng hihinging pantubos para sa kaniyang buhay. 31 Kahit ang sinuwag nito ay batang lalaki o babae, ito pa rin ang batas* na ipatutupad. 32 Kung ang sinuwag ng toro ay isang aliping lalaki o babae, magbabayad ang may-ari ng toro ng 30 siklo* sa panginoon ng alipin, at ang toro ay babatuhin hanggang sa mamatay.
33 “Kung binuksan ng isang tao ang isang hukay o gumawa siya ng bagong hukay pero hindi ito tinakpan at mahulog doon ang isang toro o asno, 34 magbabayad ang may-ari ng hukay.+ Dapat niyang bayaran ang halaga ng hayop sa may-ari nito, at mapupunta sa kaniya ang patay na hayop. 35 Kung ang toro ng isang tao ay manakit at makapatay ng toro ng iba, ipagbibili nila ang buháy na toro at paghahatian ang pinagbentahan nito; paghahatian din nila ang patay na hayop. 36 Pero kung dati nang alam na ang isang toro ay mahilig manuwag at hindi pa rin ito binantayan ng may-ari, dapat siyang magbayad ng toro para sa toro, at mapupunta sa kaniya ang patay na hayop.