Genesis
35 Pagkatapos, sinabi ng Diyos kay Jacob: “Maghanda ka. Pumunta ka sa Bethel+ at manirahan doon, at gumawa ka roon ng isang altar para sa tunay na Diyos, na nagpakita sa iyo noong tumatakas ka mula sa kapatid mong si Esau.”+
2 Kaya sinabi ni Jacob sa sambahayan niya at sa lahat ng kasama niya: “Alisin ninyo sa gitna ninyo ang mga diyos ng mga banyaga,+ at linisin ninyo ang inyong sarili at magpalit kayo ng damit, 3 at aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Gagawa ako roon ng isang altar para sa tunay na Diyos, na duminig sa akin sa panahon ng kagipitan at kasama ko saanman ako pumunta.”+ 4 Kaya ibinigay nila kay Jacob ang lahat ng diyos ng mga banyaga at ang mga hikaw sa mga tainga nila, at ibinaon* ni Jacob ang mga iyon sa ilalim ng malaking puno na malapit sa Sikem.
5 Nang maglakbay na sila, tinakot ng Diyos ang mga lunsod sa palibot kaya hindi na hinabol ng mga ito ang mga anak ni Jacob. 6 Nang maglaon, nakarating si Jacob sa Luz,+ na siyang Bethel, sa lupain ng Canaan, siya at ang lahat ng kasama niya. 7 Nagtayo siya roon ng isang altar at tinawag ang lugar na El-bethel, dahil nagpakita sa kaniya roon ang tunay na Diyos noong tumatakas siya mula sa kapatid niya.+ 8 Nang maglaon, namatay ang yaya ni Rebeka na si Debora+ at inilibing sa paanan ng Bethel sa ilalim ng malaking puno.* Kaya tinawag niya itong Alon-bakut.*
9 Muling nagpakita ang Diyos kay Jacob nang manggaling siya sa Padan-aram, at pinagpala siya ng Diyos. 10 Sinabi ng Diyos: “Jacob ang pangalan mo.+ Hindi ka na tatawaging Jacob; Israel na ang magiging pangalan mo.” Mula noon, tinawag na niya itong Israel.+ 11 Sinabi pa ng Diyos: “Ako ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.+ Magpalaanakin ka at magpakarami. Pagmumulan ka ng mga bansa,* oo, ng maraming bansa,+ at pagmumulan ka ng* mga hari.+ 12 Ang lupain na ibinigay ko kina Abraham at Isaac ay ibibigay ko rin sa iyo, at sa magiging mga supling* mo ay ibibigay ko ang lupain.”+ 13 Pagkatapos, pumaitaas ang Diyos mula sa lugar na iyon kung saan siya nakipag-usap sa kaniya.
14 Kaya isang bato ang itinayo ni Jacob bilang palatandaan sa lugar kung saan siya kinausap ng Diyos, at binuhusan niya iyon ng handog na inumin at ng langis.+ 15 At patuloy na tinawag ni Jacob na Bethel+ ang lugar kung saan siya kinausap ng Diyos.
16 Pagkatapos, umalis sila sa Bethel. Nang medyo malayo pa sila sa Eprat, nagsimulang humilab ang tiyan ni Raquel, pero nahihirapan siyang manganak. 17 Habang naghihirap siya sa panganganak, sinabi ng komadrona sa kaniya: “Huwag kang matakot, magsisilang ka ng isa pang anak na lalaki.”+ 18 Noong naghihingalo na siya (dahil malapit na siyang mamatay), pinangalanan niya itong Ben-oni;* pero tinawag itong Benjamin*+ ng ama nito. 19 At namatay si Raquel at inilibing sa daan papuntang Eprat, na siyang Betlehem.+ 20 Kaya itinayo ni Jacob ang isang malaking bato sa ibabaw ng libingan niya; ito ang palatandaan ng libingan ni Raquel hanggang sa araw na ito.
21 Pagkatapos, nagpatuloy si Israel sa paglalakbay at itinayo ang tolda niya pagkalampas sa tore ng Eder. 22 Habang naninirahan si Israel sa lupaing iyon, sinipingan ni Ruben si Bilha na pangalawahing asawa ng ama niya, at nalaman ni Israel ang tungkol dito.+
Si Jacob ay nagkaroon ng 12 anak na lalaki. 23 Ang mga anak ni Jacob kay Lea ay ang panganay na si Ruben,+ sumunod sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, at Zebulon. 24 Ang mga anak niya kay Raquel ay sina Jose at Benjamin. 25 Ang mga anak niya sa alila ni Raquel na si Bilha ay sina Dan at Neptali. 26 At ang mga anak niya sa alila ni Lea na si Zilpa ay sina Gad at Aser. Ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa Padan-aram.
27 Nang maglaon, nakarating si Jacob sa ama niyang si Isaac na nasa Mamre,+ sa Kiriat-arba, na siyang Hebron, kung saan nanirahan bilang mga dayuhan sina Abraham at Isaac.+ 28 Nabuhay si Isaac nang 180 taon.+ 29 Pagkatapos, namatay si Isaac at inilibing gaya ng mga ninuno niya,* matapos masiyahan sa mahabang buhay;* inilibing siya ng mga anak niyang sina Esau at Jacob.+