Ayon kay Lucas
16 Pagkatapos, sinabi rin niya sa mga alagad: “Isang taong mayaman ang may katiwala+ na inakusahang sinasayang ang kayamanan niya. 2 Kaya tinawag niya ito at sinabi, ‘Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo sa akin ang ulat kung paano mo ginamit ang pera ko, dahil hindi ka na puwedeng magtrabaho sa akin.’* 3 Sinabi ng katiwala sa sarili niya, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng panginoon ko bilang katiwala. Hindi naman ako ganoon kalakas para maghukay, at nahihiya akong mamalimos. 4 A! Alam ko na ang gagawin ko, para kapag inalis ako sa pagiging katiwala, patutuluyin ako ng mga tao sa bahay nila.’ 5 Kaya isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa panginoon niya. Sinabi niya sa una, ‘Magkano ang utang mo sa panginoon ko?’ 6 Sumagot ito, ‘Sandaang takal ng langis ng olibo.’ Sinabi ng katiwala, ‘Kunin mo ang iyong nasusulat na kasunduan, umupo ka, at isulat mo agad na 50.’ 7 Sinabi niya sa isa pa, ‘Ikaw naman, magkano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Sandaang malalaking takal ng trigo.’ Sinabi niya, ‘Kunin mo ang iyong nasusulat na kasunduan at isulat mo na 80.’ 8 At pinapurihan ng kaniyang panginoon ang katiwala, dahil kahit di-matuwid ay naging marunong siya sa praktikal na paraan; dahil ang mga anak ng sistemang ito ay mas marunong sa praktikal na paraan kaysa sa mga anak ng liwanag.+
9 “Sinasabi ko rin sa inyo: Makipagkaibigan kayo gamit ang di-matuwid na mga kayamanan,+ para kapag wala na ang mga ito, tanggapin nila kayo sa walang-hanggang mga tirahan.+ 10 Ang taong tapat sa pinakamaliit na* bagay ay tapat din sa maraming bagay, at ang taong di-matuwid sa pinakamaliit na* bagay ay hindi rin matuwid sa maraming bagay. 11 Kaya kung hindi ninyo napatunayang tapat kayo pagdating sa di-matuwid na mga kayamanan, paano ipagkakatiwala sa inyo ang tunay na kayamanan? 12 At kung hindi ninyo napatunayang tapat kayo pagdating sa pag-aari ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng gantimpala na para talaga sa inyo?+ 13 Walang lingkod na puwedeng maging alipin ng dalawang panginoon, dahil alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo puwedeng maging alipin ng Diyos at ng Kayamanan.”+
14 At ang mga Pariseo, na maibigin sa pera, ay nakikinig sa lahat ng sinasabi niya, at kitang-kita sa mukha nila na hindi sila natutuwa.+ 15 Kaya sinabi niya: “Ipinapakita ninyo sa harap ng mga tao na matuwid kayo,+ pero alam ng Diyos ang laman ng puso ninyo.+ Dahil ang mahalaga sa paningin ng tao ay walang-saysay sa paningin ng Diyos.+
16 “Ang Kautusan at mga Propeta ay ipinahayag hanggang sa dumating si Juan. Mula noon, ang Kaharian ng Diyos ay ipinahahayag bilang mabuting balita, at bawat uri ng tao ay nagsisikap nang husto na makapasok doon.+ 17 Oo, mas posible pang mawala ang langit at lupa kaysa mawala ang kahit isang letra sa Kautusan nang hindi natutupad.+
18 “Ang sinumang nakikipagdiborsiyo sa kaniyang asawang babae at nag-aasawa ng iba ay nangangalunya, at ang sinumang nag-aasawa ng babaeng diniborsiyo ng asawa nito ay nangangalunya.+
19 “May isang taong mayaman na nagsusuot ng damit na purpura* at lino,+ at araw-araw siyang nagpapakasasa sa karangyaan. 20 Pero may isang pulubi na nagngangalang Lazaro na laging dinadala noon sa pintuang-daan niya; punô ito ng sugat 21 at gusto nitong kainin ang mga nahuhulog mula sa mesa ng taong mayaman. May mga aso pa nga na lumalapit sa pulubi at hinihimod ang mga sugat niya. 22 Paglipas ng panahon, namatay ang pulubi at dinala siya ng mga anghel sa tabi ni Abraham.
“Ang taong mayaman ay namatay rin at inilibing. 23 Tumingala siya mula sa Libingan habang hirap na hirap siya, at mula sa malayo ay nakita niya si Abraham at si Lazaro sa tabi nito. 24 Kaya sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa ka sa akin. Isugo mo si Lazaro para isawsaw sa tubig ang dulo ng daliri niya at palamigin ang dila ko, dahil hirap na hirap na ako sa naglalagablab na apoy na ito.’ 25 Pero sinabi ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mo na puro magagandang bagay ang tinamasa mo sa buong buhay mo, at masasama naman ang dinanas ni Lazaro. Pero ngayon, pinagiginhawa siya rito at ikaw ay nahihirapan.+ 26 Bukod diyan, isang malaking agwat ang inilagay sa pagitan namin at ninyo, para ang mga narito na gustong pumunta sa inyo ay hindi makatawid, at ang mga tao mula riyan ay hindi makatawid sa amin.’ 27 Kaya sinabi niya, ‘Kung gayon, pakisuyo, ama, isugo mo siya sa bahay ng aking ama, 28 dahil may lima akong kapatid na kailangan niyang mababalaan para hindi rin sila mapunta sa lugar na ito ng paghihirap.’ 29 Pero sinabi ni Abraham, ‘Nasa kanila si Moises at ang mga Propeta; pakinggan nila ang mga iyon.’+ 30 Kaya sinabi niya, ‘Hindi, amang Abraham, pero kung isang mula sa mga patay ang pupunta sa kanila, magsisisi sila.’ 31 Pero sinabi ni Abraham, ‘Kung hindi sila nakikinig kay Moises+ at sa mga Propeta, hindi rin sila mahihikayat kung may isang bumangon mula sa mga patay.’”