Genesis
30 Nang makita ni Raquel na hindi pa sila nagkakaanak ni Jacob, nagselos siya sa kapatid niya at paulit-ulit niyang sinasabi kay Jacob: “Bigyan mo ako ng mga anak, dahil kung hindi ay mamamatay ako.” 2 Dahil dito ay nagalit nang husto si Jacob kay Raquel at sinabi niya: “Diyos ba ako? Ako ba ang humahadlang sa iyo na magkaanak?”* 3 Kaya sinabi nito: “Narito ang alipin kong babae na si Bilha.+ Sipingan mo siya para makapagsilang siya ng mga anak para sa akin,* at ako rin ay magkaroon ng mga anak sa pamamagitan niya.” 4 At ibinigay nito sa kaniya ang alila niyang si Bilha bilang asawa, at sinipingan ito ni Jacob.+ 5 Nagdalang-tao si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki. 6 Kaya sinabi ni Raquel: “Ang Diyos ay naging hukom ko at nakinig din siya sa tinig ko, kaya binigyan niya ako ng anak.” Iyan ang dahilan kung bakit niya ito pinangalanang Dan.*+ 7 At nagdalang-tao ulit ang alila ni Raquel na si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isa pang lalaki. 8 Pagkatapos, sinabi ni Raquel: “Hindi biro-biro ang naging pakikipaglaban ko sa kapatid ko. At ako ang nanalo!” Kaya pinangalanan niya itong Neptali.*+
9 Nang makita ni Lea na huminto na siya sa panganganak, kinuha niya ang alila niyang si Zilpa at ibinigay ito kay Jacob bilang asawa.+ 10 At ang alila ni Lea na si Zilpa ay nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki. 11 Kaya sinabi ni Lea: “Talagang pinagpala ako!” At pinangalanan niya itong Gad.*+ 12 Pagkatapos, ang alila ni Lea na si Zilpa ay nagkaanak kay Jacob ng isa pang lalaki. 13 At sinabi ni Lea: “Napakaligaya ko! Ngayon ay sasabihin ng mga babae na maligaya ako.”+ Kaya pinangalanan niya itong Aser.*+
14 Habang naglalakad si Ruben+ noong panahon ng pag-aani ng trigo, nakakita siya ng mga mandragoras* sa parang. At dinala niya ang mga ito sa nanay niyang si Lea. Kaya sinabi ni Raquel kay Lea: “Pahingi naman ng mga mandragoras ng anak mo.” 15 Sinabi naman nito: “Maliit na bagay lang ba sa iyo na kinuha mo sa akin ang asawa ko?+ Kukunin mo rin ba ngayon ang mga mandragoras ng anak ko?” Kaya sinabi ni Raquel: “Sige! Sisiping siya sa iyo ngayong gabi kapalit ng mga mandragoras ng anak mo.”
16 Nang paparating na si Jacob mula sa parang nang kinagabihan, lumabas si Lea para salubungin ito, at sinabi niya: “Sa akin ka sisiping dahil inupahan na kita sa pamamagitan ng mga mandragoras ng aking anak.” Kaya sumiping ito sa kaniya nang gabing iyon. 17 Dininig ng Diyos si Lea, at nagdalang-tao siya at isinilang niya ang ikalima niyang anak na lalaki kay Jacob. 18 Pagkatapos, sinabi ni Lea: “Ibinigay sa akin ng Diyos ang kabayaran ko* dahil ibinigay ko ang aking alila sa asawa ko.” Kaya pinangalanan niya itong Isacar.*+ 19 At nagdalang-tao ulit si Lea at isinilang ang ikaanim niyang anak na lalaki kay Jacob.+ 20 Pagkatapos, sinabi ni Lea: “Pinagkalooban ako ng Diyos, oo, ako, ng isang mabuting kaloob. Sa wakas, pagtitiisan ako ng asawa ko+ dahil nagsilang ako sa kaniya ng anim na lalaki.”+ Kaya pinangalanan niya itong Zebulon.*+ 21 Nagsilang din siya ng isang babae at pinangalanan itong Dina.+
22 At naalaala ng Diyos si Raquel, at dininig siya ng Diyos at hinayaang magdalang-tao.*+ 23 Nagdalang-tao siya at nagsilang ng isang lalaki. Pagkatapos, sinabi niya: “Inalis ng Diyos ang kadustaan ko!”+ 24 Kaya pinangalanan niya itong Jose*+ at sinabi: “Dinagdagan ako ni Jehova ng isa pang anak.”
25 Nang maisilang na ni Raquel si Jose, sinabi agad ni Jacob kay Laban: “Hayaan mo akong umuwi sa aking tahanan at sa aking lupain.+ 26 Hayaan mong sumama sa pag-alis ko ang mga asawa at anak ko, na dahilan ng paglilingkod ko sa iyo, dahil alam na alam mo kung paano kita pinaglingkuran.”+ 27 Sinabi ni Laban: “Kung naging kalugod-lugod ako sa iyong paningin,—naunawaan ko sa pamamagitan ng mga tanda* na pinagpapala ako ni Jehova dahil sa iyo.” 28 At idinagdag nito: “Sabihin mo sa akin ang dapat kong ibayad sa iyo at ibibigay ko iyon.”+ 29 Kaya sinabi ni Jacob sa kaniya: “Alam mo kung paano ako naglingkod sa iyo at kung paano dumami ang kawan mo sa akin;+ 30 kakaunti lang ang pag-aari mo bago ako dumating, pero lumaki at dumami ang kawan mo, at pinagpala ka ni Jehova mula nang dumating ako. Kailan ko naman aasikasuhin ang sarili kong sambahayan?”+
31 Kaya sinabi niya: “Ano ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot si Jacob: “Wala kang kailangang ibigay sa akin na kahit ano! Ipagpapatuloy ko ang pagpapastol at pagbabantay sa kawan mo+ kung papayag ka sa kasunduang ito: 32 Dadaan ako sa iyong buong kawan ngayon. Ibukod mo mula roon ang bawat tupa na batik-batik at may mga patse, bawat batang lalaking tupa na kayumanggi, at mga babaeng kambing na may patse at batik-batik. Mula ngayon, ito ang magiging bayad sa akin.+ 33 Sa hinaharap, kapag tiningnan mo ang ibinayad mo sa akin, makikita mo na tapat ako sa iyo;* ang bawat babaeng kambing na hindi batik-batik at walang patse at mga batang lalaking tupa na hindi kayumanggi ay nakaw kung iyon ay nasa akin.”
34 Kaya sinabi ni Laban: “Maganda iyan! Pumapayag ako sa sinabi mo.”+ 35 At nang araw na iyon, ibinukod ni Laban ang mga lalaking kambing na guhit-guhit at may patse at ang lahat ng babaeng kambing na batik-batik at may patse, ang lahat ng may kulay puti, at ang lahat ng batang lalaking tupa na kayumanggi at ibinigay ang mga ito sa pangangalaga ng mga anak niyang lalaki. 36 Pagkatapos, pumunta siya sa isang lugar na tatlong-araw na paglalakbay ang layo mula kay Jacob, at pinastulan ni Jacob ang mga natira sa kawan ni Laban.
37 Pagkatapos, kumuha si Jacob ng mga sanga mula sa puno ng estorake, almendras, at platano, saka niya binalatan ang ibang parte ng mga ito para lumabas ang puting bahagi at magmukhang batik-batik. 38 At inilagay niya ang mga iyon sa harap ng kawan, sa mga painuman kung saan pumupunta ang mga kawan para uminom, nang sa gayon ay maglandi ang mga kawan sa harap ng mga kahoy na iyon kapag pumupunta ang mga ito para uminom ng tubig.
39 Kaya ang mga kawan ay naglalandi sa harap ng mga kahoy, at nanganganak ang mga ito ng guhit-guhit, batik-batik, at may patse. 40 Pagkatapos, inihiwalay ni Jacob ang mga batang lalaking tupa at iniharap ang mga kawan sa mga guhit-guhit at sa lahat ng kayumanggi na nasa gitna ng mga kawan ni Laban. At inihiwalay niya ang mga kawan niya mula sa mga kawan ni Laban. 41 At tuwing maglalandi ang malulusog na hayop, inilalagay ni Jacob ang mga kahoy sa mga painuman para makita ito ng mga kawan, nang sa gayon ay maglandi ang mga ito sa tabi ng mga kahoy. 42 Pero kapag mahina ang mga hayop, hindi niya inilalagay roon ang mga kahoy. Kaya ang mahihina ay laging napupunta kay Laban, pero ang malulusog ay kay Jacob.+
43 At ang lalaki ay naging napakayaman, at nagkaroon siya ng malalaking kawan, mga alilang lalaki at babae, mga kamelyo, at mga asno.+