Mga Gawa ng mga Apostol
15 May ilang lalaking dumating mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid: “Maliligtas lang kayo kung tutuliin kayo ayon sa Kautusan ni Moises.”+ 2 Pagkatapos magkaroon ng mainitang pagtatalo at di-pagkakasundo sa pagitan nila at nina Pablo at Bernabe, napagpasiyahan na papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ang iba pa para iharap ang usaping ito sa mga apostol at matatandang lalaki.+
3 Sinamahan sila ng kongregasyon sa simula ng paglalakbay. Pagkatapos, nagpatuloy sila at dumaan sa Fenicia+ at Samaria, at inilahad nila roon nang detalyado ang pagkakumberte ng mga tao ng ibang mga bansa, kaya tuwang-tuwa ang lahat ng kapatid. 4 Pagdating sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng kongregasyon at ng mga apostol at ng matatandang lalaki, at ikinuwento nila ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.+ 5 Pero ang ilan sa dating miyembro ng sekta ng mga Pariseo na naging mananampalataya ay tumayo at nagsabi: “Dapat silang tuliin at utusan na sundin ang Kautusan ni Moises.”+
6 Kaya nagtipon ang mga apostol at matatandang lalaki para pag-usapan ang bagay na ito. 7 Pagkatapos ng mahaba at mainitang pag-uusap, tumayo si Pedro at nagsabi: “Mga kapatid, alam na alam ninyo na ako ang pinili noon ng Diyos sa gitna natin para sabihin sa mga tao ng ibang mga bansa ang salita ng mabuting balita, at sa gayon ay maniwala sila.+ 8 At pinatotohanan ito ng Diyos, na nakababasa ng puso,+ sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng banal na espiritu,+ gaya rin ng ginawa niya sa atin. 9 At pantay ang tingin niya sa atin at sa kanila,+ at dinalisay niya ang mga puso nila dahil sa kanilang pananampalataya.+ 10 Kaya bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga alagad ng mabigat na pasan*+ na hindi natin kayang dalhin o ng mga ninuno natin?+ 11 Kung paanong iniligtas tayo, nananampalataya tayo na maliligtas din sila sa pamamagitan ng walang-kapantay na kabaitan ng Panginoong Jesus.”+
12 Kaya natahimik ang buong grupo, at nakinig ang mga ito kina Bernabe at Pablo habang ikinukuwento nila ang maraming tanda at kamangha-manghang bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng ibang mga bansa. 13 Pagkatapos, sinabi ni Santiago:+ “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako.+ 14 Inilahad ni Symeon+ na binigyang-pansin ngayon ng Diyos ang ibang mga bansa para kumuha sa kanila ng isang bayan na magdadala ng pangalan niya.+ 15 At kaayon ito ng sinasabi sa aklat ng mga Propeta: 16 ‘Pagkatapos nito, babalik ako at itatayo ko ulit ang nakabuwal na tolda ni David; itatayo kong muli at aayusin ang nawasak na mga bahagi nito, 17 para buong pusong hanapin si Jehova ng mga taong nalabi, kasama ng mga tao ng lahat ng iba pang bansa, mga taong tinatawag ayon sa pangalan ko, ang sabi ni Jehova, na gumagawa ng mga bagay na ito,+ 18 na alam na niya noon pa man.’+ 19 Kaya ang pasiya ko ay huwag nang pahirapan ang mga bumabaling sa Diyos na mula sa ibang mga bansa,+ 20 kundi sulatan sila na umiwas sa mga bagay na narumhan ng mga idolo,+ sa seksuwal na imoralidad,+ sa mga binigti, at sa dugo.+ 21 Dahil noon pa man,* mayroon nang nangangaral sa bawat lunsod tungkol sa mga sinabi ni Moises, at ang mga ito ay binabasa nang malakas sa mga sinagoga tuwing sabbath.”+
22 At nagpasiya ang mga apostol at matatandang lalaki, kasama ang buong kongregasyon, na pumili mula sa kanila ng mga lalaking isusugo sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe; isinugo nila si Hudas na tinatawag na Barsabas at si Silas,+ mga lalaking nangangasiwa sa mga kapatid. 23 Isinulat nila ito at ipinadala sa mga lalaking iyon:
“Mula sa mga kapatid ninyong apostol at matatandang lalaki, para sa mga kapatid sa Antioquia,+ Sirya, at Cilicia na mula sa ibang mga bansa: Tanggapin ninyo ang aming pagbati! 24 Narinig namin na may ilan mula sa amin na nanggugulo sa inyo dahil sa mga sinasabi nila,+ at tinatangka nilang iligaw kayo; hindi namin iniutos na ituro nila iyon. 25 Kaya nagpasiya kaming lahat na pumili ng mga lalaking isusugo sa inyo kasama ng mahal naming sina Bernabe at Pablo, 26 mga taong ibinigay na ang buhay nila para sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 27 Kaya isinugo namin sina Hudas at Silas, para masabi rin nila sa inyo ang mga bagay na ito.+ 28 Tinulungan kami ng banal na espiritu+ na magpasiya na huwag nang magdagdag ng higit na pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan: 29 patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo,+ sa dugo,+ sa mga binigti,+ at sa seksuwal na imoralidad.+ Kung patuloy ninyong iiwasan ang mga ito, mapapabuti kayo. Hanggang sa muli!”
30 Kaya pumunta ang mga lalaking ito sa Antioquia, at tinipon nila ang mga alagad at ibinigay ang liham. 31 Pagkabasa rito, nagsaya sila dahil sa pampatibay na tinanggap nila. 32 At pinatibay at pinalakas nina Hudas at Silas, na mga propeta rin, ang mga kapatid+ sa pamamagitan ng maraming pahayag. 33 Nanatili sila roon nang ilang panahon, at noong paalis na sila, sinabi sa kanila ng mga kapatid na makabalik sana sila nang payapa sa mga nagsugo sa kanila. 34 —— 35 Pero sina Pablo at Bernabe ay nanatili sa Antioquia, at itinuro nila at ipinahayag ang mabuting balita ng salita ni Jehova kasama ang maraming kapatid.
36 Pagkalipas ng ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe: “Balikan natin ngayon at dalawin ang mga kapatid sa lahat ng lunsod kung saan natin ipinahayag ang salita ni Jehova para makita ang kalagayan nila.”+ 37 Ipinipilit ni Bernabe na isama si Juan, na tinatawag na Marcos.+ 38 Pero ayaw ni Pablo na isama ito, dahil iniwan sila nito sa Pamfilia at hindi na sumama sa kanila sa gawain.+ 39 Dahil dito, nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo at naghiwalay ng landas; at isinama ni Bernabe+ si Marcos at naglayag papuntang Ciprus. 40 Pinili ni Pablo si Silas, at umalis si Pablo matapos siyang maipagkatiwala ng mga kapatid sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova. + 41 Lumibot siya sa Sirya at Cilicia, at pinatibay niya ang mga kongregasyon.