Mga Gawa ng mga Apostol
21 Malungkot kaming humiwalay sa kanila at saka naglayag nang tuloy-tuloy papuntang Cos, kinabukasan ay sa Rodas, at mula roon ay sa Patara. 2 Nang may makita kaming barko patungong Fenicia, sumakay kami at naglayag. 3 Natanaw namin ang isla ng Ciprus sa gawing kaliwa. Pero nilampasan namin iyon at naglayag papuntang Sirya at dumaong sa Tiro, kung saan ibababa ng barko ang kargamento nito. 4 Hinanap namin ang mga alagad, at nang matagpuan namin sila ay nanatili kami roon nang pitong araw. Pero dahil sa ipinaalám ng espiritu, paulit-ulit nilang sinabihan si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem.+ 5 Kaya nang oras na para umalis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Pero inihatid kami ng lahat, pati ng mga babae at bata, hanggang sa labas ng lunsod. At nanalangin kami nang nakaluhod sa dalampasigan 6 at nagpaalam sa isa’t isa. Sumakay kami sa barko, at umuwi na sila.
7 Mula Tiro, dumaong kami sa Tolemaida, at kinumusta namin ang mga kapatid at nakituloy sa kanila nang isang araw. 8 Kinabukasan, pumunta kami sa Cesarea at tumuloy sa bahay ni Felipe na ebanghelisador,+ na isa sa pitong lalaki.+ 9 Ang taong ito ay may apat na dalagang anak na nanghuhula.+ 10 Pero nang mga ilang araw na kami roon, ang propetang si Agabo+ ay dumating mula sa Judea. 11 At pinuntahan niya kami, kinuha ang sinturon ni Pablo, at iginapos ang mga paa at kamay niya at sinabi: “Ganito ang sabi ng banal na espiritu, ‘Ang lalaking may-ari ng sinturong ito ay igagapos sa ganitong paraan ng mga Judio sa Jerusalem,+ at ibibigay nila siya sa kamay ng mga tao ng ibang mga bansa.’”+ 12 Nang marinig namin ito, kami at ang mga naroon ay nagsimulang makiusap sa kaniya na huwag pumunta sa Jerusalem. 13 Sumagot si Pablo: “Bakit kayo umiiyak, at bakit ninyo pinahihina ang loob ko? Handa akong maigapos at mamatay pa nga sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.”+ 14 Nang ayaw niyang magpapigil, hindi na kami tumutol* at sinabi namin: “Mangyari nawa ang kalooban ni Jehova.”
15 Pagkatapos, naghanda kami at naglakbay papuntang Jerusalem. 16 Sinamahan kami ng ilan sa mga alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa tutuluyan namin, sa bahay ni Minason na taga-Ciprus, isa sa mga unang alagad. 17 Pagdating namin sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Pero kinabukasan, sumama sa amin si Pablo papunta kay Santiago,+ at naroon* ang lahat ng matatandang lalaki. 19 At binati niya sila at inilahad nang detalyado ang lahat ng ginawa ng Diyos sa ibang mga bansa sa pamamagitan ng ministeryo niya.
20 Pagkarinig nito, niluwalhati nila ang Diyos, pero sinabi nila sa kaniya: “Kapatid, alam mong libo-libo sa mga mananampalataya ay Judio, at lahat sila ay mahigpit na sumusunod sa Kautusan.+ 21 At narinig nila ang usap-usapan tungkol sa iyo na tinuturuan mong tumalikod sa Kautusan ni Moises ang lahat ng Judio na nasa ibang mga bansa. Sinasabi mo raw sa mga ito na huwag tuliin ang mga anak nila at huwag nang sundin ang mga kaugalian.+ 22 Kaya ano ang magandang gawin? Dahil tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Ito ang gawin mo: May apat na lalaki sa amin na nasa ilalim ng panata. 24 Isama mo ang mga lalaking ito at linisin mo ang iyong sarili sa seremonyal na paraan kasama nila at sagutin mo ang mga gastusin nila, para mapaahitan nila ang kanilang ulo.* At malalaman ng lahat na hindi totoo ang usap-usapan tungkol sa iyo, kundi namumuhay ka kaayon ng Kautusan.+ 25 Para naman sa mga mananampalataya mula sa ibang mga bansa, nakapagpadala na tayo ng sulat sa kanila para ipaalám ang desisyon natin na dapat silang umiwas sa mga inihain sa idolo,+ pati na sa dugo,+ binigti,+ at seksuwal na imoralidad.”+
26 Kinabukasan, isinama ni Pablo ang mga lalaki at nilinis ang sarili niya sa seremonyal na paraan kasama nila,+ at pumasok siya sa templo para ipaalám kung kailan matatapos ang seremonyal na paglilinis at kung kailan dapat maghandog para sa bawat isa sa kanila.
27 Nang magtatapos na ang pitong araw, nakita siya sa templo ng mga Judiong mula sa Asia. Sinulsulan nila ang mga tao at sinunggaban siya, 28 at isinigaw nila: “Mga Israelita, tulong! Ito ang taong nagtuturo sa lahat ng tao saanmang lugar ng mga bagay na laban sa ating bayan, Kautusan, at sa lugar na ito. Ang mas masama pa, nagsama siya ng mga Griego sa templo at dinumhan ang banal na lugar na ito.”+ 29 Nakita kasi nila dati na kasama niya sa lunsod si Trofimo+ na taga-Efeso, at inisip nilang isinama siya ni Pablo sa templo. 30 Nagkagulo ang buong lunsod, at sumugod ang mga tao at kinaladkad nila si Pablo palabas ng templo, at agad na isinara ang mga pinto. 31 Habang binubugbog nila siya para patayin, nabalitaan ng kumandante ng militar na nagkakagulo ang buong Jerusalem; 32 at agad siyang nagsama ng mga sundalo at opisyal ng hukbo papunta roon. Nang makita nila ang kumandante ng militar at ang mga sundalo, tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo.
33 Lumapit ang kumandante ng militar at kinuha siya at iniutos na igapos siya ng dalawang tanikala;+ at itinanong nito sa mga tao kung sino siya at kung ano ang ginawa niya. 34 Pero magkakaiba ang isinisigaw nila. At dahil nagkakagulo ang lahat, walang maintindihan ang kumandante. Kaya iniutos nitong dalhin si Pablo sa kuwartel ng mga sundalo. 35 Nang makarating siya sa hagdan, kinailangan na siyang buhatin ng mga sundalo dahil napakarahas ng mga tao. 36 May grupong sumusunod sa kanila at sumisigaw: “Patayin siya!”
37 Nang dadalhin na siya sa kuwartel ng mga sundalo, sinabi ni Pablo sa kumandante ng militar: “Puwede ba kitang makausap?” Sinabi nito: “Nakapagsasalita ka ng Griego? 38 Hindi ba ikaw ang Ehipsiyo na nanulsol ng sedisyon noon at nagsama sa ilang ng 4,000 lalaking may punyal?” 39 At sinabi ni Pablo: “Ako ay isang Judio+ mula sa Tarso+ sa Cilicia, mamamayan ng isang kilalang lunsod. Pakiusap, payagan mo akong magsalita sa mga tao.” 40 Nang mabigyan ng pahintulot, sumenyas si Pablo para patahimikin ang mga tao habang nakatayo siya sa hagdan. Nang tumahimik ang lahat, sinabi niya sa kanila sa wikang Hebreo:+