Mga Gawa ng mga Apostol
10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio. Isa siyang opisyal ng hukbo sa tinatawag na Italyanong pangkat. 2 Relihiyoso siya at may takot sa Diyos, pati na ang buong sambahayan niya. Matulungin din siya sa mahihirap* at laging nagsusumamo sa Diyos. 3 Nang mga ikasiyam na oras,+ malinaw niyang nakita sa pangitain na dumating ang isang anghel ng Diyos at nagsabi: “Cornelio!” 4 Takot na takot si Cornelio habang nakatingin dito. Nagtanong siya: “Ano iyon, Panginoon?” Sinabi nito: “Ang iyong mga panalangin at kabutihang ginagawa sa mahihirap ay nakarating sa Diyos at nagsilbing alaala para sa iyo sa harap Niya.+ 5 Kaya ngayon, magsugo ka ng mga lalaki sa Jope at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro. 6 Tumutuloy siya kina* Simon, na gumagawa ng katad* at nasa tabing-dagat ang bahay.” 7 Pagkaalis ng anghel na nakipag-usap sa kaniya, tinawag niya agad ang dalawa sa mga lingkod niya at isang sundalo niyang relihiyoso. 8 Ikinuwento niya sa kanila ang lahat at isinugo sila sa Jope.
9 Kinabukasan, habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay at papalapit na sa lunsod, umakyat si Pedro sa bubungan ng bahay nang bandang ikaanim na oras para manalangin. 10 Pero nagutom siya nang husto, at gusto niyang kumain. Habang ipinaghahanda siya ng pagkain, nakakita siya ng isang pangitain.+ 11 Nakita niyang bumukas ang langit at ibinaba sa lupa ang isang tulad ng malaking telang lino na nakabitin sa apat na dulo nito; 12 at nasa loob nito ang iba’t ibang klase ng hayop na apat ang paa at mga reptilya* sa lupa at mga ibon sa langit. 13 At sinabi ng isang tinig: “Tumayo ka, Pedro, magkatay* ka at kumain!” 14 Pero sinabi ni Pedro: “Hindi ko kaya, Panginoon! Dahil kahit kailan, hindi pa ako kumain ng anumang marumi at ipinagbabawal.”+ 15 Muling nagsalita ang tinig: “Huwag mo nang tawaging marumi ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.” 16 Nagsalita ito sa ikatlong pagkakataon, at agad itong* iniakyat pabalik sa langit.
17 Habang naguguluhan pa si Pedro sa ibig sabihin ng nakita niyang pangitain, nasa tapat* na ng bahay ni Simon ang mga lalaking isinugo ni Cornelio, dahil ipinagtanong nila kung nasaan ang bahay nito.+ 18 Kinausap nila ang may-bahay at tinanong ito kung doon ba tumutuloy si Simon, na tinatawag na Pedro. 19 Habang iniisip pa rin ni Pedro ang pangitain, sinabi ng espiritu:+ “Tingnan mo! May tatlong lalaki na naghahanap sa iyo. 20 Bumaba ka at huwag kang magdalawang-isip na sumama sa kanila, dahil isinugo ko sila.” 21 Kaya bumaba si Pedro, at sinabi niya sa mga lalaki: “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang sadya ninyo?” 22 Sinabi nila: “Pinapunta kami rito ni Cornelio,+ isang opisyal ng hukbo, isang lalaking matuwid at may takot sa Diyos at may mabuting ulat mula sa buong bansa ng mga Judio. Inutusan siya ng Diyos sa pamamagitan ng isang banal na anghel na papuntahin ka sa bahay niya at makinig sa sasabihin mo.” 23 Kaya pinatuloy niya sila sa bahay at hindi muna pinaalis.
Kinabukasan, naghanda siya at sumama sa kanila. Sumama rin ang ilang kapatid na taga-Jope. 24 Nang sumunod na araw, nakarating siya sa Cesarea. At inaasahan na sila ni Cornelio, kaya tinipon niya ang mga kamag-anak niya at malalapít na kaibigan. 25 Pagdating ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio; lumuhod ito at yumukod sa kaniya. 26 Pero itinayo ito ni Pedro at sinabi: “Tumayo ka; tao lang din ako.”+ 27 Habang nag-uusap sila, pumasok sila sa bahay at nakita ni Pedro na maraming nagkakatipon doon. 28 Sinabi niya sa kanila: “Alam na alam ninyo na ipinagbabawal sa isang Judio na makisama o lumapit sa taong iba ang lahi,+ pero ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na* marumi ang sinuman.+ 29 Kaya hindi na ako nagdalawang-isip na pumunta nang ipatawag ako. Pero gusto kong malaman kung bakit mo ako ipinasundo.”
30 Sinabi ni Cornelio: “Apat na araw na ang nakararaan, nananalangin ako sa bahay ko nang ganito ring oras, ikasiyam na oras; biglang may tumayo sa harap ko na isang lalaking may nagniningning na damit 31 at nagsabi: ‘Cornelio, pinakinggan ng Diyos ang panalangin mo, at hindi niya nakakalimutan ang kabutihang ginagawa mo sa mahihirap.+ 32 Kaya magsugo ka sa Jope at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro. Bisita siya ni Simon, na gumagawa ng katad at nasa tabing-dagat ang bahay.’+ 33 Kaya ipinasundo kita agad, at buti na lang, sumama ka papunta rito. At ngayon, nagkakatipon kaming lahat sa harap ng Diyos para pakinggan ang lahat ng iniutos ni Jehova na sabihin mo.”
34 Nagsimulang magsalita si Pedro: “Lubusan ko nang naiintindihan ngayon na hindi nagtatangi ang Diyos,+ 35 kundi tinatanggap* niya ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng tama, saanmang bansa ito nagmula.+ 36 Nagpadala siya ng mensahe sa mga Israelita at ipinahayag sa kanila ang mabuting balita ng kapayapaan+ sa pamamagitan ni Jesu-Kristo—ang Panginoon ng lahat.+ 37 Alam ninyo kung ano ang pinag-uusapan sa buong Judea, na nagsimula sa Galilea+ matapos ipangaral ni Juan ang tungkol sa bautismo:+ 38 Tungkol ito kay Jesus na mula sa Nazaret; inatasan* siya ng Diyos sa pamamagitan ng banal na espiritu+ at binigyan ng kapangyarihan, at lumibot siya sa lupain habang gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat ng pinahihirapan ng Diyablo,+ dahil sumasakaniya ang Diyos.+ 39 At mga saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem; pero pinatay nila siya at ipinako sa tulos.+ 40 Binuhay siyang muli ng Diyos sa ikatlong araw+ at hinayaang makita ng mga tao, 41 pero hindi ng lahat kundi ng mga saksi na patiunang pinili ng Diyos, kami, na kasama niyang kumain at uminom matapos siyang buhaying muli.+ 42 At inutusan niya kaming mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo+ na siya ang inatasan ng Diyos para maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.+ 43 Nagpapatotoo tungkol sa kaniya ang lahat ng propeta,+ na ang lahat ng nananampalataya sa kaniya ay mapatatawad sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng pangalan niya.”+
44 Habang nagsasalita si Pedro tungkol sa mga bagay na ito, tumanggap ng banal na espiritu ang lahat ng nakikinig sa mensahe.*+ 45 At namangha ang mga tuling mananampalataya na kasama ni Pedro, dahil ibinubuhos din sa mga tao ng ibang mga bansa ang walang-bayad na regalo ng Diyos, ang banal na espiritu. 46 Dahil narinig nila ang mga ito na nagsasalita ng iba’t ibang wika at dinadakila ang Diyos.+ Sinabi ni Pedro: 47 “Sino ang makapagsasabing hindi dapat bautismuhan sa tubig+ ang mga taong ito na tumanggap ng banal na espiritu gaya natin?” 48 Pagkatapos, iniutos niyang bautismuhan ang mga ito sa pangalan ni Jesu-Kristo.+ At hiniling ng mga ito na manatili muna siya nang ilang araw.