Ayon kay Juan
6 Pagkatapos, tumawid si Jesus sa kabila ng Lawa ng Galilea, o Tiberias.+ 2 At patuloy siyang sinundan ng isang malaking grupo ng mga tao,+ dahil nakikita nila na makahimala niyang pinagagaling ang mga maysakit.+ 3 Kaya umakyat si Jesus sa isang bundok at umupo roon kasama ang mga alagad niya. 4 Malapit na noon ang Paskuwa,+ ang kapistahan ng mga Judio. 5 Nang makita ni Jesus na may malaking grupo na papalapit sa kaniya, sinabi niya kay Felipe:+ “Saan tayo bibili ng tinapay para sa kanila?”+ 6 Pero sinabi lang niya ito para malaman ang nasa isip ni Felipe, dahil alam na niya ang gagawin niya. 7 Sumagot si Felipe: “Kahit tinapay na halagang 200 denario ay hindi sapat para makakuha ng tigkakaunti ang bawat isa.” 8 Sinabi sa kaniya ng isa sa mga alagad niya, si Andres na kapatid ni Simon Pedro: 9 “Isang batang lalaki ang may limang tinapay na sebada at dalawang maliliit na isda. Pero paano ito magkakasya sa ganito karaming tao?”+
10 Sinabi ni Jesus: “Paupuin ninyo ang mga tao.” Dahil madamo sa lugar na iyon, umupo sila roon, at may mga 5,000 lalaki sa grupong iyon.+ 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay, at pagkatapos magpasalamat, ipinamahagi niya iyon sa mga nakaupo; gayon din ang ginawa niya sa maliliit na isda, at nakakain sila hanggang sa mabusog. 12 Nang mabusog sila, sinabi niya sa mga alagad niya: “Tipunin ninyo ang mga natira para walang masayang.” 13 Kaya tinipon nila iyon, at 12 basket ang napuno ng mga natira nila mula sa limang tinapay na sebada.
14 Nang makita ng mga tao ang tanda* na ginawa niya, sinabi nila: “Ito talaga ang Propeta na darating sa mundo.”*+ 15 Kaya dahil alam ni Jesus na papalapit na sila para kunin siya at gawing hari, muli siyang umalis+ na nag-iisa papunta sa bundok.+
16 Nang gumabi na, ang mga alagad niya ay pumunta sa lawa,+ 17 sumakay sa bangka, at tumawid papuntang Capernaum. Madilim na noon, at hindi pa rin nila kasama si Jesus.+ 18 At ang lawa ay naging maalon dahil sa malakas na hangin.+ 19 Pero nang makalayo na sila nang mga lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa lawa at papalapit sa bangka, kaya natakot sila. 20 Pero sinabi niya sa kanila: “Ako ito; huwag kayong matakot!” + 21 Kaya pinasakay nila siya agad sa bangka, at di-nagtagal, nakarating sila sa lugar na pupuntahan nila.+
22 Kinabukasan, nakita ng mga taong hindi umalis sa kabila ng lawa na wala na sa pampang ang nag-iisang maliit na bangka. Sumakay roon ang mga alagad ni Jesus at umalis nang hindi siya kasama. 23 Ngayon, ang mga bangka mula sa Tiberias ay dumating malapit sa lugar kung saan nila kinain ang tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24 Nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus o ang mga alagad niya, sumakay sila sa mga bangka nila at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus.
25 Nang makita nila siya sa kabila ng lawa, sinabi nila: “Rabbi,+ kailan ka dumating dito?” 26 Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa nakakita kayo ng mga tanda,* kundi dahil sa kumain kayo ng tinapay at nabusog.+ 27 Gumawa kayo, hindi para sa pagkaing nasisira,+ kundi para sa di-nasisirang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan,+ na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao; dahil sa isang ito inilagay ng Ama, ng Diyos mismo, ang kaniyang tatak ng pagsang-ayon.”+
28 Kaya sinabi nila sa kaniya: “Ano ang dapat naming gawin para maisakatuparan ang mga gawain ng Diyos?” 29 Sumagot si Jesus: “Para maisakatuparan ang gawain ng Diyos, dapat kayong manampalataya sa isinugo niya.”+ 30 Sinabi nila: “Kung gayon, anong tanda* ang ipapakita mo sa amin+ para maniwala kami sa iyo? Ano ang gagawin mo? 31 Kinain ng mga ninuno namin ang manna sa ilang,+ gaya ng nasusulat: ‘Binigyan niya sila ng tinapay na mula sa langit.’”+ 32 Sumagot si Jesus: “Tinitiyak ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na mula sa langit. Ang Ama ko ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na mula sa langit. 33 Ang tinapay na ibinibigay ng Diyos ay ang isa na bumaba mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sangkatauhan.”+ 34 Kaya sinabi nila: “Panginoon, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito.”
35 Sinabi ni Jesus: “Ako ang tinapay ng buhay. Ang sinumang lumalapit sa akin ay hindi na kailanman magugutom, at ang sinumang nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mauuhaw.+ 36 Pero gaya ng sinabi ko sa inyo, nakita na ninyo ako pero hindi pa rin kayo naniwala.+ 37 Ang lahat ng ibinibigay ng Ama sa akin ay lalapit sa akin, at hindi ko kailanman itataboy ang lumalapit sa akin;+ 38 dahil bumaba ako mula sa langit+ para gawin, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.+ 39 Kalooban ng nagsugo sa akin na wala akong maiwalang sinuman sa lahat ng ibinigay niya sa akin,+ kundi ang buhayin ko silang muli+ sa huling araw. 40 Kalooban ng aking Ama na ang bawat isa na nakakakilala sa Anak at nananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan,+ at bubuhayin ko siyang muli+ sa huling araw.”
41 At nagbulong-bulungan ang mga Judio tungkol sa kaniya dahil sinabi niya: “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.”+ 42 Sinabi nila: “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kaniyang ama at ina.+ Kaya bakit niya sinasabi ngayon, ‘Ako ay bumaba mula sa langit’?” 43 Sinabi ni Jesus: “Huwag na kayong magbulong-bulungan. 44 Walang taong makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama, na nagsugo sa akin,+ at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw.+ 45 Nakasulat sa mga Propeta: ‘Silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’+ Ang bawat isa na nakinig at natuto sa Ama ay lumalapit sa akin. 46 Hindi ibig sabihin nito na may taong nakakita sa Ama;+ ang nakakita lang sa Ama ay ang isa na nanggaling sa Diyos.+ 47 Tinitiyak ko sa inyo, ang sinumang nananampalataya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.+
48 “Ako ang tinapay ng buhay.+ 49 Kinain ng inyong mga ninuno ang manna sa ilang pero namatay pa rin sila.+ 50 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit para ang sinuman ay makakain nito at hindi mamatay. 51 Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay* na bumaba mula sa langit. Ang sinumang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang totoo, ang tinapay na ibibigay ko alang-alang sa sangkatauhan* ay ang aking katawan.”+
52 Kaya nagtalo-talo ang mga Judio: “Paano maibibigay ng taong ito ang katawan niya para kainin natin?” 53 Sinabi ni Jesus: “Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi ninyo kakainin ang katawan ng Anak ng tao at iinumin ang kaniyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay.+ 54 Ang sinumang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli+ sa huling araw; 55 dahil ang katawan ko ay tunay na pagkain at ang dugo ko ay tunay na inumin. 56 Ang sinumang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatiling kaisa ko, at ako naman ay kaisa niya.+ 57 Kung paanong isinugo ako ng buháy na Ama at ako ay nabubuhay dahil sa Ama, ang kumakain sa aking katawan ay mabubuhay dahil sa akin.+ 58 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit. Hindi ito gaya ng kinain ng inyong mga ninuno, na namatay rin nang bandang huli. Ang sinumang kumakain sa tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”+ 59 Sinabi niya ang mga ito habang nagtuturo siya sa sinagoga sa Capernaum.
60 Nang marinig nila ito, marami sa mga alagad niya ang nagsabi: “Nakakakilabot ang mga sinabi niya; sino ang makikinig sa ganiyang pananalita?” 61 Pero alam ni Jesus na nagbubulong-bulungan ang mga alagad niya, kaya sinabi niya: “Nagulat ba kayo rito? 62 Paano pa kaya kung makita ninyo ang Anak ng tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan?+ 63 Ang espiritu ang nagbibigay-buhay;+ walang kabuluhan ang pagsisikap ng tao. Ang mga sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay.+ 64 Pero may ilan sa inyo na hindi nananampalataya.” Nasabi ito ni Jesus dahil mula pa sa pasimula ay alam na niya kung sino ang mga hindi nananampalataya at kung sino ang magtatraidor sa kaniya.+ 65 Sinabi pa niya: “Ito ang dahilan kaya sinabi ko sa inyo, walang sinumang makalalapit sa akin malibang pahintulutan siya ng Ama.”+
66 Dahil dito, marami sa mga alagad niya ang bumalik sa mga bagay na dati nilang iniwan+ at hindi na sumunod sa kaniya. 67 Kaya sinabi ni Jesus sa 12 apostol: “Gusto rin ba ninyong umalis?” 68 Sumagot si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta?+ Nasa iyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.+ 69 Naniwala kami at alam namin na ikaw ang isinugo ng Diyos.”*+ 70 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ba ako ang pumili sa inyong 12?+ Pero ang isa sa inyo ay maninirang-puri.”+ 71 Ang totoo, ang tinutukoy niya ay si Hudas na anak ni Simon Iscariote, dahil magtatraidor ito sa kaniya kahit isa ito sa 12 apostol.+