Unang Liham sa mga Taga-Tesalonica
5 Kung tungkol sa mga panahon at kapanahunan, mga kapatid, hindi na ito kailangang isulat sa inyo. 2 Dahil alam na alam ninyo na ang pagdating ng araw ni Jehova+ ay kagayang-kagaya ng magnanakaw sa gabi.+ 3 Kapag sinasabi na nila, “Kapayapaan at katiwasayan!” biglang darating ang kanilang pagkapuksa,+ gaya ng kirot na nadarama ng isang babaeng manganganak, at hinding-hindi sila makatatakas. 4 Pero wala kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya hindi kayo gaya ng mga magnanakaw na magugulat sa pagdating ng araw na iyon, 5 dahil kayong lahat ay anak ng liwanag at anak ng araw.+ Wala tayo sa panig ng kadiliman o gabi.+
6 Kaya huwag na tayong matulog gaya ng ginagawa ng iba,+ kundi manatili tayong gisíng+ at alerto.+ 7 Dahil ang mga natutulog ay natutulog sa gabi, at ang mga nagpapakalasing ay lasing sa gabi.+ 8 Pero kung para sa atin na nasa panig ng araw, manatili tayong alerto* at isuot natin ang pananampalataya at pag-ibig gaya ng baluti at ang pag-asa nating maligtas gaya ng helmet,+ 9 dahil pinili tayo ng Diyos, hindi para matikman ang poot niya, kundi para maligtas+ sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo. 10 Namatay siya para sa atin,+ nang sa gayon, tayo man ay manatiling gisíng o matulog, mabubuhay tayong kasama niya.+ 11 Kaya patuloy ninyong pasiglahin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa,+ gaya ng ginagawa na ninyo.
12 Ngayon mga kapatid, hinihiling namin sa inyo na igalang ang mga nagpapagal sa gitna ninyo at nangunguna sa inyo may kaugnayan sa gawain ng Panginoon at nagpapayo sa inyo; 13 mahalin ninyo sila at maging mas makonsiderasyon sa kanila dahil sa ginagawa nila.+ Makipagpayapaan kayo sa isa’t isa.+ 14 Pero hinihimok din namin kayo, mga kapatid, na babalaan ang mga masuwayin,+ patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob,+ alalayan ang mahihina, at maging mapagpasensiya sa lahat.+ 15 Tiyakin ninyo na walang sinumang gaganti ng masama para sa masama;+ sa halip, lagi kayong gumawa ng mabuti sa isa’t isa at sa lahat ng iba pa.+
16 Lagi kayong magsaya.+ 17 Lagi kayong manalangin.+ 18 Magpasalamat kayo para sa lahat ng bagay.+ Ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo na kaisa ni Kristo Jesus. 19 Huwag ninyong patayin ang apoy ng espiritu.+ 20 Huwag ninyong hamakin ang mga hula.+ 21 Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay;+ manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mabuti. 22 Umiwas kayo sa lahat ng uri ng kasamaan.+
23 Lubusan nawa kayong pabanalin ng Diyos ng kapayapaan. At mga kapatid, maingatan nawa ang inyong buong katawan, saloobin,* at buhay at manatiling walang kapintasan sa panahon ng presensiya ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 24 Ang tumatawag sa inyo ay tapat, at tiyak na gagawin niya iyon.
25 Mga kapatid, patuloy ninyo kaming ipanalangin.+
26 Malugod ninyong batiin ang lahat ng kapatid.
27 Binibigyan ko kayo ng mabigat na pananagutan sa ngalan ng Panginoon na tiyaking mabasa ang liham na ito sa lahat ng kapatid.+
28 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.