Ayon kay Juan
7 Pagkatapos nito, patuloy na lumibot* si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang gawin ito sa Judea dahil ang mga Judio ay naghahanap ng pagkakataon na patayin siya.+ 2 Gayunman, malapit na ang Kapistahan ng mga Tabernakulo,+ na ipinagdiriwang ng mga Judio. 3 Kaya sinabi sa kaniya ng mga kapatid niya:+ “Pumunta ka sa Judea para makita rin ng iyong mga alagad ang mga ginagawa mo. 4 Dahil walang sinumang gumagawa ng anumang bagay sa lihim kung gusto niyang makilala ng mga tao. Kaya ipakita mo sa lahat ng tao* ang mga bagay na ginagawa mo.” 5 Ang totoo, hindi nananampalataya sa kaniya ang mga kapatid niya.+ 6 Kaya sinabi ni Jesus: “Hindi pa ito ang tamang panahon para sa akin,+ pero puwede ninyo itong gawin kahit anong panahon. 7 Walang dahilan ang sanlibutan para mapoot sa inyo, pero napopoot ito sa akin, dahil nagpapatotoo ako na napakasama ng mga gawa nito.+ 8 Pumunta kayo sa kapistahan; hindi ako pupunta sa kapistahang ito, dahil hindi pa ito ang tamang panahon para sa akin.”+ 9 Kaya pagkatapos niyang sabihin sa kanila ang mga ito, nanatili siya sa Galilea.
10 Nang makaalis na ang mga kapatid niya papunta sa kapistahan, pumunta rin siya pero palihim. 11 Kaya hinahanap siya ng mga Judio sa kapistahan at sinasabi: “Nasaan ang taong iyon?” 12 At nagbubulong-bulungan ang mga tao tungkol sa kaniya. Sinasabi ng ilan: “Mabuting tao siya.” Sinasabi naman ng iba: “Hindi, inililigaw niya ang mga tao.”+ 13 Pero walang may lakas ng loob na magsalita nang hayagan tungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio.+
14 Nang kalagitnaan* na ng kapistahan, pumunta si Jesus sa templo at nagturo. 15 Gulat na gulat ang mga Judio, at sinasabi nila: “Bakit napakaraming alam ng taong ito sa Kasulatan+ gayong hindi naman siya naturuan sa mga paaralan?”+ 16 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Ang itinuturo ko ay hindi galing sa akin kundi sa nagsugo sa akin.+ 17 Kung gustong gawin ng isa ang kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko ay galing sa Diyos+ o sa sarili ko. 18 Ang sinumang nagtuturo ng sarili niyang ideya ay lumuluwalhati sa sarili niya; pero ang sinumang gustong magbigay ng kaluwalhatian sa nagsugo sa kaniya+ ay tapat at matuwid. 19 Hindi ba si Moises ang nagbigay sa inyo ng Kautusan?+ Pero walang isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Bakit gusto ninyo akong patayin?”+ 20 Sumagot ang mga tao: “Sinasapian ka ng demonyo.+ Sino ang gustong pumatay sa iyo?” 21 Sinabi ni Jesus: “Isang himala lang ang ginawa ko nang Sabbath, at nagulat na kayong lahat. 22 Pag-isipan ninyo ito: Ibinigay sa inyo ni Moises ang batas sa pagtutuli+—hindi ibig sabihin na nagsimula iyon noong panahon ni Moises, kundi noong panahon pa ng mga ninuno niya+—at tinutuli ninyo ang isang lalaki kapag Sabbath. 23 Kung nagtutuli kayo kahit Sabbath para hindi malabag ang Kautusan ni Moises, bakit kayo galit na galit sa akin dahil nagpagaling ako ng isang tao sa araw ng Sabbath?+ 24 Huwag na kayong humatol batay sa inyong nakikita, kundi humatol kayo sa matuwid na paraan.”+
25 Pagkatapos, sinabi ng ilan sa mga taga-Jerusalem: “Hindi ba ito ang taong gusto nilang patayin?+ 26 Pero tingnan ninyo! Nagsasalita siya sa maraming tao, at wala silang sinasabi sa kaniya. Hindi kaya alam na talaga ng mga tagapamahala na siya ang Kristo? 27 Pero alam natin kung saan nagmula ang taong ito;+ gayunman, kapag dumating ang Kristo, walang sinuman ang makaaalam kung saan siya nagmula.” 28 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya: “Kilala ninyo ako at alam ninyo kung saan ako nagmula. At hindi ako dumating sa sarili kong pagkukusa;+ mayroon talagang nagsugo sa akin,* at hindi ninyo siya kilala.+ 29 Kilala ko siya+ dahil ako ang kinatawan niya, at siya ang nagsugo sa akin.” 30 Kaya nagsimula silang maghanap ng pagkakataong hulihin siya,+ pero hindi nila siya nadakip, dahil hindi pa dumarating ang oras niya.+ 31 Pero marami pa rin ang nanampalataya sa kaniya,+ at sinasabi nila: “Kapag dumating ang Kristo, hindi siya gagawa ng mas maraming tanda kaysa sa ginawa ng taong ito.”+
32 Narinig ng mga Pariseo ang bulong-bulungan ng mga tao tungkol sa kaniya, kaya ang mga punong saserdote at mga Pariseo ay nagsugo ng mga guwardiya para hulihin siya. 33 Sinabi ni Jesus: “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon bago ako pumunta sa nagsugo sa akin.+ 34 Hahanapin ninyo ako, pero hindi ninyo ako makikita, at hindi kayo makakapunta kung nasaan ako.”+ 35 Kaya sinabi ng mga Judio sa isa’t isa: “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi natin siya makikita? Balak ba niyang pumunta sa mga Judio na nakapangalat sa gitna ng mga Griego at turuan din ang mga Griego? 36 Bakit sinabi niya, ‘Hahanapin ninyo ako, pero hindi ninyo ako makikita, at hindi kayo makakapunta kung nasaan ako’?”
37 Sa huling araw ng kapistahan,+ ang pinakaimportanteng araw, tumayo si Jesus at sinabi niya: “Kung ang sinuman ay nauuhaw, pumunta siya sa akin para uminom.+ 38 Kung ang sinuman ay nananampalataya sa akin, ‘mula sa kaniyang puso ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay,’*+ gaya ng sinasabi sa Kasulatan.” 39 Pero ang sinasabi niya ay may kinalaman sa espiritu, na malapit nang tanggapin ng mga nananampalataya sa kaniya; hindi pa ibinibigay ang espiritu noon+ dahil hindi pa naluluwalhati si Jesus.+ 40 Ang ilan sa mga nakarinig sa mga salitang ito ay nagsabi: “Siya nga talaga ang Propeta.”+ 41 Sinasabi naman ng iba: “Siya ang Kristo.”+ Pero sinasabi ng ilan: “Hindi naman sa Galilea manggagaling ang Kristo, hindi ba?+ 42 Hindi ba sinasabi sa Kasulatan na ang Kristo ay manggagaling sa supling ni David+ at sa Betlehem,+ ang nayon ni David?”+ 43 Kaya nagtalo-talo ang mga tao tungkol sa kaniya. 44 Gusto siyang hulihin ng ilan sa kanila, pero hindi nila siya nadakip.
45 Pagkatapos, nang bumalik ang mga guwardiya, tinanong sila ng mga punong saserdote at mga Pariseo: “Bakit hindi ninyo siya hinuli?” 46 Sumagot ang mga guwardiya: “Wala pang sinuman ang nakapagsalita nang tulad niya.”+ 47 Sinabi naman ng mga Pariseo: “Nailigaw na rin ba kayo? 48 Walang isa man sa mga tagapamahala o Pariseo ang nanampalataya sa kaniya.+ 49 Ang mga taong ito na nakikinig kay Jesus ay walang alam sa Kautusan at mga isinumpa.” 50 Sinabi sa kanila ni Nicodemo, na pumunta noon kay Jesus+ at isa sa mga Pariseo: 51 “Ayon sa ating Kautusan, hindi ba kailangan muna nating marinig ang panig ng isang tao para malaman kung ano ang ginawa niya bago siya hatulan?”+ 52 Sumagot sila: “Bakit, taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka nang makita mo na walang propetang manggagaling sa Galilea.”+