Genesis
22 Pagkatapos nito, sinubok ng tunay na Diyos si Abraham,+ at sinabi niya: “Abraham!” Sumagot ito: “Narito ako!” 2 Sinabi niya: “Pakisuyo, isama mo ang iyong anak na si Isaac,+ ang kaisa-isa mong anak na pinakamamahal mo,+ at maglakbay ka papunta sa lupain ng Moria+ at ihain mo siya bilang handog na sinusunog sa isa sa mga bundok doon na ituturo ko sa iyo.”
3 Kaya maagang gumising si Abraham at inihanda ang kaniyang asno at isinama ang dalawa sa mga lingkod niya at ang anak niyang si Isaac. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na sinusunog, at nagsimula silang maglakbay papunta sa lugar na sinabi sa kaniya ng tunay na Diyos. 4 Noong ikatlong araw, natanaw na ni Abraham ang lugar. 5 Sinabi ngayon ni Abraham sa mga lingkod niya: “Maiwan kayo rito kasama ng asno, pero pupunta kami roon ng anak ko para sumamba at babalikan namin kayo.”
6 Kaya kinuha ni Abraham ang kahoy para sa handog na sinusunog at ipinasan iyon sa anak niyang si Isaac. Dinala naman niya ang baga* at kutsilyo,* at magkasama silang lumakad. 7 Sinabi ni Isaac sa ama niyang si Abraham: “Ama ko!” Sumagot ito: “Bakit, anak ko?” Sinabi niya: “Narito ang baga* at kahoy, pero nasaan ang tupa bilang handog na sinusunog?” 8 Kaya sinabi ni Abraham: “Ang Diyos mismo ang maglalaan ng tupa bilang handog na sinusunog,+ anak ko.” At nagpatuloy sila sa paglalakad.
9 Sa wakas, narating nila ang lugar na sinabi ng tunay na Diyos sa kaniya, at si Abraham ay gumawa roon ng isang altar, at inayos niya ang kahoy sa ibabaw nito. Tinalian niya ang kamay at paa ng anak niyang si Isaac at inihiga ito sa altar sa ibabaw ng kahoy.+ 10 Pagkatapos, kinuha ni Abraham ang kutsilyo* at papatayin na sana ang kaniyang anak,+ 11 pero tinawag siya ng anghel ni Jehova mula sa langit at sinabi: “Abraham, Abraham!” Sumagot siya: “Narito ako!” 12 Sinabi nito: “Huwag mong saktan ang anak mo, at huwag kang gumawa ng anuman sa kaniya; alam ko na ngayon na ikaw ay may takot sa Diyos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong kaisa-isang anak.”+ 13 Nang pagkakataong iyon, tumingin si Abraham sa di-kalayuan at may nakitang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay nasabit sa mga sanga. Kaya pumunta roon si Abraham at kinuha ang lalaking tupa at inihain iyon bilang handog na sinusunog kapalit ng anak niya. 14 At tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na Jehova-jireh.* Kaya sinasabi pa rin ngayon: “Sa bundok ni Jehova ay ilalaan iyon.”+
15 Sa ikalawang pagkakataon, si Abraham ay tinawag ng anghel ni Jehova mula sa langit, 16 at sinabi nito: “‘Ipinanunumpa ko ang sarili ko,’ ang sabi ni Jehova,+ ‘na dahil ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait ang iyong kaisa-isang anak,+ 17 tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang supling* mo gaya ng mga bituin sa langit at gaya ng mga butil ng buhangin sa baybayin ng dagat,+ at kukunin ng iyong supling* ang mga lunsod* ng mga kaaway niya.+ 18 At sa pamamagitan ng iyong supling,*+ ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila dahil pinakinggan mo ang tinig ko.’”+
19 Pagkatapos nito, binalikan ni Abraham ang mga lingkod niya, at magkakasama silang naglakbay pabalik sa Beer-sheba;+ at si Abraham ay patuloy na tumira sa Beer-sheba.
20 Pagkalipas ng ilang panahon, ibinalita kay Abraham: “Si Milca rin ay nagkaroon ng mga anak na lalaki sa kapatid mong si Nahor:+ 21 si Uz na panganay niya, si Buz na kapatid nito, si Kemuel na ama ni Aram, 22 sina Kesed, Hazo, Pildas, Jidlap, at Betuel.”+ 23 Naging anak ni Betuel si Rebeka.+ Ang walong ito ang naging anak ni Milca kay Nahor na kapatid ni Abraham. 24 Ang kaniyang pangalawahing asawa na nagngangalang Reuma ay nagkaroon din ng mga anak: sina Teba, Gaham, Tahas, at Maaca.