Ayon kay Marcos
15 At nang magbukang-liwayway, nag-usap-usap agad ang mga punong saserdote kasama ang matatandang lalaki at ang mga eskriba—ang buong Sanedrin.+ Iginapos nila si Jesus at dinala siya kay Pilato.+ 2 Tinanong siya ni Pilato: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?”+ Sumagot siya: “Ikaw na mismo ang nagsasabi.”+ 3 Pero maraming iniaakusa sa kaniya ang mga punong saserdote.+ 4 Muli siyang tinanong ni Pilato: “Wala ka bang isasagot?+ Tingnan mo, ang dami nilang ipinaparatang sa iyo.”+ 5 Pero hindi na sumagot si Jesus, kaya namangha si Pilato.+
6 Sa bawat kapistahan, nagpapalaya siya ng isang bilanggo na hihilingin ng mga tao.+ 7 Nang panahong iyon, nakabilanggo si Barabas kasama ng mga rebelde, na nakapatay nang mag-alsa sila sa gobyerno. 8 Kaya lumapit ang mga tao at hiniling nila na gawin ni Pilato para sa kanila ang dati niyang ginagawa. 9 Sinabi ni Pilato sa kanila: “Gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”+ 10 Ginawa ito ni Pilato dahil alam niyang naiinggit lang ang mga punong saserdote kaya ibinigay nila si Jesus sa kaniya.+ 11 Pero sinulsulan ng mga punong saserdote ang mga tao na si Barabas ang hilinging palayain.+ 12 Muli, sumagot si Pilato sa kanila: “Ano naman ang gagawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”+ 13 Muli silang sumigaw: “Ibayubay* siya sa tulos!”+ 14 Pero sinabi pa sa kanila ni Pilato: “Bakit? Ano ba ang ginawa niyang masama?” Pero lalo nilang inilakas ang sigaw: “Ibayubay siya sa tulos!”+ 15 Para pagbigyan ang kagustuhan ng mga tao, pinalaya ni Pilato si Barabas; at pagkatapos maipahagupit si Jesus,+ ibinigay niya ito sa mga sundalo para ibayubay sa tulos.+
16 Dinala siya ngayon ng mga sundalo sa looban ng bahay ng gobernador, at tinipon nila ang buong pangkat ng mga sundalo.+ 17 At sinuotan nila siya ng damit na purpura* at gumawa sila ng koronang tinik at inilagay iyon sa ulo niya.+ 18 At sinasabi nila sa kaniya: “Magandang araw, Hari ng mga Judio!” 19 Gayundin, hinahampas nila siya ng tambo sa ulo at dinuduraan, at lumuluhod sila at yumuyukod sa kaniya. 20 Matapos nila siyang gawing katatawanan, hinubad nila sa kaniya ang damit na purpura at isinuot sa kaniya ang damit niya. At inilabas nila siya para ipako sa tulos.+ 21 Dumadaan noon si Simon na taga-Cirene, ang ama nina Alejandro at Rufo, galing sa lalawigan. Pinilit nila itong buhatin ang pahirapang tulos ni Jesus.+
22 At dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgota, na kapag isinalin ay nangangahulugang “Bungo.”+ 23 Dito ay sinubukan nilang bigyan siya ng alak na hinaluan ng mira,+ pero hindi niya ito tinanggap. 24 At ipinako nila siya sa tulos at pinaghati-hatian ang damit niya. Nagpalabunutan sila para malaman kung alin ang mapupunta sa bawat isa sa kanila.+ 25 Ikatlong oras noon nang ipako nila siya sa tulos. 26 At isinulat nila ang akusasyon sa kaniya: “Ang Hari ng mga Judio.”+ 27 Isa pa, dalawang magnanakaw ang ipinako rin nila sa tulos, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa.+ 28 —— 29 At ang mga dumadaan ay pailing-iling at iniinsulto siya:+ “O, ano? Hindi ba ibabagsak mo ang templo at itatayo ito sa loob ng tatlong araw?+ 30 Iligtas mo ang sarili mo! Bumaba ka diyan sa pahirapang tulos!” 31 Ininsulto rin siya ng mga punong saserdote pati ng mga eskriba. Sinasabi nila sa isa’t isa: “Iniligtas niya ang iba; ang sarili niya, hindi niya mailigtas!+ 32 Kung makikita lang natin ngayon na bumaba sa pahirapang tulos ang Kristo na Hari ng Israel, maniniwala na tayo.”+ Ininsulto rin siya pati ng mga nakapako sa mga tulos sa tabi niya.+
33 Nang ikaanim na oras hanggang sa ikasiyam na oras, nagdilim sa buong lupain.*+ 34 At nang ikasiyam na oras na ay sumigaw si Jesus nang malakas: “Eli, Eli, lama sabaktani?” na kapag isinalin ay nangangahulugang “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”+ 35 At ang ilan sa mga nakatayo sa malapit, nang marinig ito, ay nagsabi: “Tingnan ninyo! Tinatawag niya si Elias.” 36 Pagkatapos, may isang tumakbo, isinawsaw nito sa maasim na alak ang isang espongha, inilagay ito sa isang tambo, at ibinigay kay Jesus para inumin.+ Sinabi nito: “Pabayaan ninyo siya! Tingnan lang natin kung darating si Elias para ibaba siya.” 37 Pero sumigaw nang malakas si Jesus at namatay.+ 38 At ang kurtina ng templo+ ay nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba.+ 39 Nakatayo sa harap ng tulos ang opisyal ng hukbo. Nang makita niya ang mga nangyari at ang pagkamatay ni Jesus, sinabi niya: “Tiyak na ang taong ito ang Anak ng Diyos.”*+
40 May mga babae ring nagmamasid mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago na Nakabababa at ni Joses, at si Salome,+ 41 na sumasama kay Jesus noon at naglilingkod sa kaniya+ nang siya ay nasa Galilea, at ang maraming iba pang babae na kasama niyang pumunta* sa Jerusalem.
42 Dapit-hapon na, at dahil noon ay Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath, 43 dumating si Jose ng Arimatea, isang iginagalang na miyembro ng Sanggunian at naghihintay rin sa Kaharian ng Diyos. Naglakas-loob siyang pumunta kay Pilato at hiningi niya ang katawan ni Jesus.+ 44 Pero gustong malaman ni Pilato kung patay na nga siya, kaya ipinatawag niya ang opisyal ng hukbo at tinanong ito kung patay na si Jesus. 45 Nang matiyak niya ito sa opisyal ng hukbo, pinahintulutan niya si Jose na kunin ang katawan. 46 Pagkatapos bumili ni Jose ng magandang klase ng lino at ibaba ang katawan, binalot niya ito ng lino at inilagay sa isang libingan+ na inuka sa bato; at iginulong niya ang isang bato sa pasukan ng libingan.+ 47 Pero si Maria Magdalena at si Maria na ina ni Joses ay patuloy na nakatingin kung saan siya inilagay.+