Ayon kay Mateo
20 “Dahil ang Kaharian ng langit ay tulad ng may-ari ng ubasan na maagang lumabas para kumuha ng mga manggagawa sa ubasan niya.+ 2 Matapos makipagkasundo sa mga manggagawa na susuwelduhan niya sila ng isang denario sa isang araw, pinapunta niya sila sa ubasan niya. 3 Lumabas ulit siya noong mga ikatlong oras, at may nakita siyang mga nakatayo lang sa pamilihan at walang ginagawa; 4 at sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan, at bibigyan ko kayo ng makatuwirang suweldo.’ 5 Kaya pumunta sila roon. Lumabas siya ulit noong mga ikaanim na oras at ikasiyam na oras at ganoon din ang ginawa niya. 6 At noong mga ika-11 oras, lumabas siya at nakita ang iba pa na nakatayo lang, at sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo rito nang walang ginagawa?’ 7 Sumagot sila, ‘Wala kasing nagbibigay sa amin ng trabaho.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo sa ubasan.’
8 “Nang gumabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa katiwala niya, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa at suwelduhan sila,+ simula sa pinakahuling dumating hanggang sa pinakauna.’ 9 Nang dumating ang mga lalaking nagtrabaho nang ika-11 oras, bawat isa sa kanila ay tumanggap ng isang denario. 10 Kaya nang dumating ang mga naunang magtrabaho, inisip nila na mas malaki ang tatanggapin nila, pero isang denario din ang isinuweldo sa kanila. 11 Pagkatanggap nito, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Isang oras lang nagtrabaho ang mga huling dumating, pero ang isinuweldo mo sa kanila, kapareho ng sa amin na nagpakapagod sa buong maghapon at nagtiis ng init!’ 13 Pero sinabi niya sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, wala akong ginagawang mali sa iyo. Nagkasundo tayo sa isang denario, hindi ba?+ 14 Kunin mo ang suweldo mo at umuwi ka. Gusto kong ibigay sa mga huling nagtrabaho ang katulad ng ibinigay ko sa iyo. 15 Wala ba akong karapatang gawin kung ano ang gusto ko sa mga pag-aari ko? O naiinggit ka dahil naging mabuti ako sa kanila?’+ 16 Sa ganitong paraan, ang mga nahuhuli ay mauuna, at ang mga nauuna ay mahuhuli.”+
17 Habang papunta sa Jerusalem, ibinukod ni Jesus ang 12 alagad. Sinabi niya sa kanila sa daan:+ 18 “Makinig kayo. Pupunta tayo sa Jerusalem, at ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga punong saserdote at mga eskriba. Hahatulan nila siya ng kamatayan+ 19 at ibibigay sa mga tao ng ibang mga bansa para tuyain at hagupitin at ibayubay sa tulos;+ at sa ikatlong araw ay bubuhayin siyang muli.”+
20 Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo+ kasama ang mga anak niya. Lumuhod ito para makiusap.+ 21 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya: “Kapag naroon ka na sa iyong Kaharian, paupuin mo sana sa tabi mo ang dalawa kong anak, isa sa kanan mo at isa sa kaliwa mo.”+ 22 Sumagot si Jesus: “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman?”+ Sinabi nila sa kaniya: “Kaya namin.” 23 Sinabi niya sa kanila: “Talagang iinuman ninyo ang aking kopa,+ pero hindi ako ang magpapasiya kung sino ang uupo sa kanan ko at sa kaliwa ko. Ang aking Ama ang magpapasiya kung para kanino ang mga puwestong iyon.”+
24 Nang marinig ito ng 10 iba pa, nagalit sila sa magkapatid.+ 25 Pero tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila: “Alam ninyo na ang mga tagapamahala ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila at ipinapakita ng mga may kapangyarihan na sila ang dapat masunod.+ 26 Hindi kayo dapat maging ganiyan;+ sa halip, ang sinumang gustong maging dakila sa inyo ay dapat na maging lingkod ninyo,+ 27 at ang sinumang gustong maging una sa inyo ay dapat na maging alipin ninyo.+ 28 Kung paanong ang Anak ng tao ay dumating, hindi para paglingkuran, kundi para maglingkod+ at ibigay ang buhay* niya bilang pantubos na kapalit ng marami.”+
29 Habang papalabas sila mula sa Jerico, maraming tao ang sumunod sa kaniya. 30 May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumadaan si Jesus, sumigaw sila: “Panginoon, maawa ka sa amin, Anak ni David!”+ 31 Pero sinaway sila ng mga tao at sinabihang tumahimik; pero lalo pa nilang nilakasan ang sigaw nila at sinabi: “Panginoon, maawa ka sa amin, Anak ni David!” 32 Kaya huminto si Jesus, tinawag sila, at sinabi: “Ano ang gusto ninyong gawin ko para sa inyo?” 33 Sinabi nila sa kaniya: “Panginoon, gusto naming makakita.” 34 Dahil sa awa,+ hinipo ni Jesus ang mga mata nila,+ at nakakita sila agad, at sumunod sila sa kaniya.