Liham sa mga Taga-Colosas
1 Akong si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos, at si Timoteo+ na ating kapatid ay nagpapadala ng sulat na ito 2 sa mga banal at sa tapat na mga kapatid sa Colosas na kaisa ni Kristo:
Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama.
3 Lagi naming pinasasalamatan ang Diyos, na Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, kapag ipinapanalangin namin kayo, 4 dahil nabalitaan namin ang pananampalataya ninyo kay Kristo Jesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng banal 5 dahil sa pag-asang nakalaan sa inyo sa langit.+ Narinig ninyo noon ang tungkol sa pag-asang ito nang ang mensahe ng katotohanan ng mabuting balita+ 6 ay makarating sa inyo. Kung paanong namumunga at lumalaganap sa buong sanlibutan ang mabuting balita,+ iyan din ang nangyayari sa gitna ninyo mula nang araw na marinig ninyo at maranasan kung ano talaga ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. 7 Natutuhan ninyo iyan kay Epafras+ na minamahal nating kapuwa alipin, isang tapat na lingkod ng Kristo na kahalili namin. 8 Siya rin ang nagsabi sa amin ng tungkol sa inyong makadiyos na pag-ibig.
9 Kaya mula nang araw na marinig namin iyon, lagi na namin kayong ipinapanalangin at hinihiling namin na mapuno kayo ng tumpak na kaalaman+ tungkol sa kaniyang kalooban, taglay ang lahat ng karunungan at ang kakayahang umunawa mula sa espiritu,+ 10 para makapamuhay kayo nang karapat-dapat sa harap ni Jehova+ at sa gayon ay lubusan ninyo siyang mapalugdan habang namumunga kayo dahil sa inyong mabubuting gawa at lumalago ang inyong tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos;+ 11 at mapalakas sana kayo ng maluwalhating kapangyarihan ng Diyos+ para maging mapagpasensiya kayo at masaya habang tinitiis* ang lahat ng bagay,+ 12 habang pinasasalamatan ninyo ang Ama, na tumulong sa inyo na maging kuwalipikadong magkaroon ng bahagi sa mana ng mga banal+ na nasa liwanag.
13 Iniligtas niya tayo mula sa awtoridad ng kadiliman+ at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang mahal na Anak, 14 na nagsilbing pantubos para mapalaya tayo—para mapatawad ang mga kasalanan natin.+ 15 Siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos,+ ang panganay sa lahat ng nilalang;+ 16 dahil sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at di-nakikita,+ mga trono man, pamamahala, gobyerno, o awtoridad. Ang lahat ng iba pang bagay ay nilalang sa pamamagitan niya+ at para sa kaniya. 17 Gayundin, siya ang nauna sa lahat ng iba pang bagay,+ at sa pamamagitan niya, ang lahat ng iba pang bagay ay nilikha, 18 at siya ang ulo ng katawan, ang kongregasyon.+ Siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay,+ nang sa gayon ay maging una siya sa lahat ng bagay; 19 dahil gusto ng Diyos na maging ganap* ang lahat ng bagay sa kaniya.+ 20 Sa pamamagitan din niya, ipinagkasundo ng Diyos sa Kaniyang sarili ang lahat ng iba pang bagay,+ sa lupa man o sa langit; naging posible ito dahil sa dugo+ na ibinuhos niya sa pahirapang tulos.
21 Oo, kayo, na malayo noon sa Diyos at mga kaaway niya+ dahil nakatuon ang isip ninyo sa masasamang gawa, 22 ay ipinakipagkasundo niya sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng kamatayan ng isang iyon+ na naghandog ng pisikal na katawan nito, para kayo ay maging banal, walang dungis, at malaya sa anumang akusasyon sa harap niya.+ 23 Pero siyempre, kailangan ninyong patuloy na mamuhay kaayon ng inyong pananampalataya,+ na nakatayong matatag+ sa pundasyon,+ hindi naililihis sa pag-asa na mula sa mabuting balitang iyon na narinig ninyo at ipinangangaral sa lahat ng nilalang sa buong lupa.+ Akong si Pablo ay naging lingkod* ng mabuting balitang iyon.+
24 Nagsasaya ako ngayon sa mga paghihirap ko para sa inyo,+ at nagdurusa akong gaya ni Kristo, pero kulang pa ang pagdurusa ko para sa kaniyang katawan,+ ang kongregasyon.+ 25 Ako ay naging lingkod ng kongregasyong ito dahil sa responsibilidad+ na ibinigay sa akin ng Diyos para sa inyong kapakanan, ang lubusang pangangaral ng salita ng Diyos, 26 ang sagradong lihim+ na hindi ipinaalám sa nakalipas na mga sistema+ at henerasyon. Pero isiniwalat ito ngayon sa mga banal;+ 27 gusto ng Diyos na ipaalám sa mga banal mula sa ibang mga bansa ang maluwalhating kayamanang ito, ang sagradong lihim+—na si Kristo ay kaisa ninyo, na nangangahulugang may pag-asa kayong makabahagi sa kaluwalhatian niya.+ 28 Siya ang inihahayag natin sa lahat ng tao, at pinaaalalahanan at tinuturuan natin sila taglay ang malawak na karunungan para maiharap natin ang bawat tao bilang maygulang na kaisa ni Kristo.+ 29 Dahil diyan, ibinibigay ko ang buo kong makakaya at nagsisikap ako nang husto, sa tulong ng lakas na ibinibigay niya sa akin.+