Ikalawang Liham kay Timoteo
1 Akong si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos para maihayag ang pangakong buhay na naging posible dahil kay Kristo Jesus,+ 2 ay sumusulat kay Timoteo, isang anak na minamahal:+
Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan, awa, at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula kay Kristo Jesus na ating Panginoon.
3 Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglilingkuran ko gaya ng paglilingkod ng aking mga ninuno at nang may malinis na konsensiya;+ lagi kitang inaalaala sa mga pagsusumamo ko araw at gabi. 4 Kapag naaalaala ko ang mga luha mo, nasasabik akong makita ka para sumaya ako. 5 Dahil hindi ko nalilimutan ang pananampalataya mong walang halong pagkukunwari,+ na unang nakita sa iyong lolang si Loida at inang si Eunice, at nagtitiwala ako na gayon pa rin ang pananampalataya mo.
6 Kaya naman pinaaalalahanan kita na paningasin mong tulad ng apoy ang regalo ng Diyos na tinanggap mo nang ipatong ko sa iyo ang mga kamay ko.+ 7 Dahil hindi duwag na puso+ ang ibinigay sa atin ng espiritu ng Diyos* kundi kapangyarihan,+ pag-ibig, at matinong pag-iisip. 8 Kaya huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon,+ at huwag mo rin akong ikahiya, ako na isang bilanggo alang-alang sa kaniya. Sa halip, maging handa kang maghirap+ para sa mabuting balita habang umaasa sa kapangyarihan ng Diyos.+ 9 Iniligtas niya tayo at tinawag para maging banal,+ hindi dahil sa mga ginawa natin,+ kundi dahil sa kalooban niya at walang-kapantay na kabaitan.+ Napakatagal na panahon na ang nakalilipas mula nang ibigay niya ito sa atin dahil kay Kristo Jesus,+ 10 pero ngayon ay malinaw na itong nakikita dahil sa pagkakahayag sa ating Tagapagligtas, si Kristo Jesus,+ na nag-alis ng kamatayan+ at nagsiwalat kung paano magkakaroon ng buhay+ at katawang di-nasisira+ sa pamamagitan ng mabuting balita,+ 11 at para maipaalám ito sa iba, inatasan ako bilang mángangarál, apostol, at guro.+
12 Kaya naman pinagdurusahan ko rin ang mga bagay na ito,+ pero hindi ako nahihiya.+ Dahil kilala ko kung sino ang pinaniniwalaan ko, at nagtitiwala akong kaya niyang bantayan hanggang sa araw na iyon ang ipinagkatiwala ko sa kaniya.+ 13 Manghawakan ka sa pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita+ na narinig mo sa akin habang nagpapakita ka ng pananampalataya at pag-ibig na resulta ng pagiging kaisa ni Kristo Jesus. 14 Sa pamamagitan ng banal na espiritu na nasa atin, bantayan mo ang kayamanang ito na ipinagkatiwala sa iyo.+
15 Alam mong iniwan ako ng lahat ng nasa lalawigan ng Asia,+ kasama na sina Figelo at Hermogenes. 16 Kaawaan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo,+ dahil lagi niya akong napapatibay, at hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako. 17 At ang totoo, noong nasa Roma siya, talagang hinanap niya ako at nakita niya ako. 18 Kaawaan nawa siya ng Panginoong Jehova sa araw na iyon. Alam na alam mo rin ang lahat ng ginawa niya para sa akin sa Efeso.