Mga Gawa ng mga Apostol
16 At nakarating siya sa Derbe at gayundin sa Listra.+ At naroon ang alagad na si Timoteo,+ na ang ina ay isang mananampalatayang Judio pero ang ama ay Griego, 2 at mabuti ang sinasabi* tungkol sa kaniya ng mga kapatid+ sa Listra at Iconio. 3 Sinabi ni Pablo na gusto niyang isama si Timoteo, kaya isinama niya ito. Pero tinuli muna niya ito dahil sa mga Judio sa mga lugar na iyon,+ dahil alam nilang lahat na Griego ang ama nito. 4 Habang naglalakbay sila sa mga lunsod, ipinaaalam nila sa mga naroroon ang mga tuntunin na napagpasiyahan ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem para masunod din nila ang mga iyon.+ 5 Kaya patuloy na tumitibay ang pananampalataya ng mga kongregasyon at nadaragdagan sila araw-araw.
6 Bukod diyan, naglakbay sila sa Frigia at sa lupain ng Galacia,+ dahil* pinagbawalan sila ng banal na espiritu na ipangaral ang salita sa lalawigan ng Asia. 7 Karagdagan pa, nang makarating sila sa Misia, sinikap nilang makapunta sa Bitinia,+ pero hindi sila pinayagan ng espiritu ni Jesus. 8 Kaya nilampasan nila ang Misia at pumunta sa Troas. 9 Kinagabihan, nakakita si Pablo ng pangitain—isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo sa harap niya at hinihimok siya: “Pumunta* ka sa Macedonia at tulungan mo kami.” 10 Pagkakita niya sa pangitain, sinikap naming makapunta sa Macedonia, dahil iniisip naming ipinatawag kami ng Diyos para sabihin sa kanila ang mabuting balita.
11 Kaya umalis kami sa Troas at tuloy-tuloy na naglayag hanggang sa Samotracia, at kinabukasan, nakarating kami sa Neapolis; 12 mula roon, pumunta kami sa Filipos,+ isang kolonya, na pangunahing lunsod ng distrito ng Macedonia. Nanatili kami rito nang ilang araw. 13 Noong araw ng Sabbath, lumabas kami sa pintuang-daan at pumunta sa tabi ng isang ilog, kung saan iniisip naming nagtitipon ang mga tao para manalangin; umupo kami at nagsimulang makipag-usap sa mga babaeng naroon. 14 At nakikinig ang babaeng si Lydia, na nagtitinda ng purpura* mula sa lunsod ng Tiatira+ at mananamba ng Diyos; binuksan ni Jehova ang puso niya para magbigay-pansin sa sinasabi ni Pablo.+ 15 Nang mabautismuhan siya at ang sambahayan niya,+ sinabi niya sa amin: “Kung itinuturing ninyo akong mananampalataya ni Jehova, tumuloy kayo sa bahay ko.” At talagang pinilit niya kaming pumunta.
16 Minsan, nang papunta kami sa lugar kung saan nagtitipon ang mga tao para manalangin, nakasalubong namin ang isang alilang babae na sinasapian ng masamang espiritu, isang demonyo ng panghuhula.+ Malaki ang kinikita ng mga amo niya dahil sa panghuhula niya. 17 Ang babaeng ito ay sunod nang sunod kay Pablo at sa amin, at isinisigaw niya: “Ang mga lalaking ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos+ at inihahayag nila sa inyo ang daan ng kaligtasan.” 18 Maraming araw niya itong ginawa. Kaya nagsawa na si Pablo, at sinabi niya sa masamang espiritu: “Sa ngalan ni Jesu-Kristo, inuutusan kitang lumabas sa kaniya.” At noon din ay lumabas ito.+
19 Nang makita ng mga amo niya na nawala na ang pinagkakakitaan nila,+ sinunggaban nila sina Pablo at Silas at kinaladkad papunta sa pamilihan, sa mga tagapamahala.+ 20 Dinala nila ang mga ito sa harap ng mga mahistrado sibil at sinabi: “Sobra-sobra na ang ginagawang panggugulo ng mga lalaking ito sa lunsod natin.+ Mga Judio sila, 21 at nagtuturo sila ng mga kaugaliang hindi natin dapat isagawa+ dahil mga Romano tayo.”+ 22 Kaya nagkaisa laban sa kanila ang mga tao, at iniutos ng mga mahistrado sibil na punitin ang mga damit nila at pagpapaluin sila.+ 23 Maraming beses silang pinagpapalo; pagkatapos, itinapon sila sa bilangguan+ at inutusan ang tagapagbilanggo na bantayan silang mabuti.+ 24 Dahil sa utos na iyon, dinala niya sila sa pinakaloob ng bilangguan at inilagay sa pangawan ang mga paa nila.
25 Noong kalaliman ng gabi, nananalangin sina Pablo at Silas at umaawit ng papuri sa Diyos,+ at nakikinig sa kanila ang mga bilanggo. 26 Biglang lumindol nang malakas, kaya nayanig ang mga pundasyon ng bilangguan. At agad na nabuksan ang lahat ng pinto, at natanggal ang mga gapos ng lahat.+ 27 Nang magising ang tagapagbilanggo at makitang bukás ang mga pinto, hinugot niya ang kaniyang espada para magpakamatay, dahil iniisip niyang nakatakas ang mga bilanggo.+ 28 Pero sumigaw si Pablo: “Huwag mong saktan ang sarili mo! Narito kaming lahat!” 29 Kaya nagpakuha siya ng mga sulo at patakbong pumasok, at nanginginig siyang lumuhod sa harap nina Pablo at Silas. 30 Dinala niya sila sa labas at sinabi: “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin para maligtas?” 31 Sinabi nila: “Maniwala ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka at ang sambahayan mo.”+ 32 At sinabi nila sa kaniya at sa lahat ng nasa bahay niya ang salita ni Jehova. 33 At isinama niya sila nang oras ding iyon ng gabi at nilinis ang mga sugat nila. Pagkatapos, binautismuhan siya agad at ang buong sambahayan niya.+ 34 Isinama niya sila sa bahay niya at ipinaghanda sila, at dahil naniniwala na siya sa Diyos, masayang-masaya siya at gayundin ang buong sambahayan niya.
35 Nang mag-umaga na, isinugo ng mga mahistrado sibil ang mga guwardiya para sabihin: “Palayain mo ang mga taong iyan.” 36 Kaya sinabi ng tagapagbilanggo kay Pablo: “May isinugo ang mga mahistrado sibil para iutos na palayain kayong dalawa. Kaya lumabas na kayo at umuwi nang payapa.” 37 Pero sinabi ni Pablo sa kanila: “Hayagan nila kaming pinagpapalo nang hindi pa nahahatulan,* kahit mga Romano kami,+ at itinapon nila kami sa bilangguan. At ngayon, gusto nila kaming palayasin nang palihim? Hindi puwede! Sila mismo ang pumunta rito at maglabas sa amin.” 38 Sinabi ito ng mga guwardiya sa mga mahistrado sibil. Natakot ang mga ito nang malaman na Romano sila.+ 39 Kaya pumunta ang mga ito at nakiusap sa kanila, at pagkatapos silang samahan palabas, hinilingan sila ng mga ito na umalis sa lunsod. 40 Pero pagkalabas ng bilangguan, pumunta sila sa bahay ni Lydia;+ nang makita nila ang mga kapatid, pinatibay nila ang mga ito+ at saka umalis.