Liham sa mga Hebreo
5 Dahil ang bawat taong pinili para maging mataas na saserdote ay inatasang maglingkod sa Diyos para sa mga tao,+ nang sa gayon ay makapaghandog siya ng mga kaloob at hain para sa mga kasalanan.+ 2 Kaya niyang makitungo nang may malasakit sa mga kulang sa unawa at nagkakasala, dahil hindi niya nakakalimutang mahina rin siya, 3 kaya kailangan niyang maghandog para sa mga kasalanan niya gaya ng ginagawa niya para sa kasalanan ng mga tao.+
4 Hindi makukuha ng isang tao ang karangalang ito sa sarili niyang kagustuhan; matatanggap lang niya ito kapag tinawag siya ng Diyos, gaya ni Aaron.+ 5 Gayundin, hindi niluwalhati ng Kristo ang sarili niya+ sa pag-aatas sa kaniyang sarili bilang mataas na saserdote, kundi niluwalhati siya ng nagsabi sa kaniya: “Ikaw ang anak ko; ngayon, ako ay naging iyong ama.”+ 6 Gaya rin ng sinasabi niya sa isa pang bahagi ng Kasulatan, “Ikaw ay isang saserdote magpakailanman gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.”+
7 Noong nabubuhay siya sa lupa,* nagsusumamo at nakikiusap si Kristo nang may paghiyaw at mga luha+ sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya sa kamatayan, at pinakinggan siya dahil sa kaniyang makadiyos na takot. 8 Kahit na anak siya ng Diyos, natuto siyang maging masunurin mula sa mga pinagdusahan niya.+ 9 At pagkatapos niyang maging perpekto,+ siya ang naging daan para sa walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kaniya,+ 10 dahil inatasan siya ng Diyos bilang mataas na saserdote gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.+
11 Marami kaming masasabi tungkol sa kaniya, pero mahirap itong ipaliwanag, dahil naging mabagal kayo sa pag-unawa. 12 Dahil dapat sana ay mga guro na kayo ngayon, pero kailangan na namang ituro sa inyo ang panimulang mga bagay+ ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos, at gatas ulit ang kailangan ninyo sa halip na matigas na pagkain.+ 13 Dahil ang bawat isa na umiinom pa rin ng gatas ay hindi nakaaalam ng salita ng katuwiran, dahil siya ay isang sanggol.+ 14 Pero ang matigas na pagkain ay para sa mga maygulang; sa paggamit sa kanilang kakayahang umunawa, sinanay nila itong makilala ang tama at mali.