Genesis
49 At tinawag ni Jacob ang mga anak niya at sinabi: “Magtipon-tipon kayo para masabi ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa hinaharap.* 2 Magsama-sama kayo at makinig, kayong mga anak ni Jacob, oo, makinig kayo kay Israel na inyong ama.
3 “Ruben,+ ikaw ang panganay ko,+ ang aking sigla at ang pasimula ng kakayahan kong magkaanak; nakahihigit ka pagdating sa dangal at lakas. 4 Pero hindi na ngayon, dahil naging mapusok kang gaya ng nagngangalit na tubig, dahil sumampa ka sa higaan ng iyong ama.+ Dinumhan* mo noon ang higaan ko. Talagang sumampa siya roon!
5 “Sina Simeon at Levi ay magkapatid.+ Ang kanilang mga espada ay mga sandata ng karahasan.+ 6 Huwag nawa akong mapasama sa kanila. At huwag kang makiisa sa grupo nila, O puso* ko, dahil sa galit ay pumatay sila ng tao,+ at para sa katuwaan ay pinutulan nila ng litid sa binti ang mga toro para malumpo. 7 Sumpain ang kanilang galit, dahil iyon ay malupit, at ang kanilang poot, dahil iyon ay mabagsik.+ Magkakawatak-watak sila sa Jacob, at pangangalatin ko sila sa Israel.+
8 “Kung tungkol sa iyo, Juda,+ pupurihin ka ng mga kapatid mo.+ Hahawakan mo sa leeg ang mga kaaway mo.+ Ang mga anak ng iyong ama ay yuyukod sa iyo.+ 9 Si Juda ay isang anak ng leon.+ Anak ko, tiyak na kakainin mo ang iyong nasila* at babangon ka. Siya ay hihiga at magpapahinga na gaya ng leon, at gaya sa leon, sino ang mangangahas na gumising sa kaniya? 10 Ang setro ay hindi hihiwalay kay Juda,+ at ang baston ng kumandante ay hindi maaalis sa pagitan ng mga paa niya, hanggang sa dumating ang Shilo,*+ at magiging masunurin dito ang mga bayan.+ 11 Itatali niya ang asno niya sa punong ubas at ang anak ng kaniyang asno sa piling punong ubas, at lalabhan niya ang damit niya sa alak at ang kasuotan niya sa katas ng ubas. 12 Pulang-pula ang mga mata niya dahil sa alak, at maputi ang mga ngipin niya dahil sa gatas.
13 “Si Zebulon+ ay titira sa tabi ng dagat, sa baybayin kung saan nakadaong ang mga barko,+ at ang hangganan niya ay papunta sa direksiyon ng Sidon.+
14 “Si Isacar+ ay isang asnong matitibay ang buto, na humihiga habang nasa likod nito ang dalawang lalagyang nakakabit sa síya.* 15 At makikita niya na mabuti ang lugar na pagpapahingahan niya at na maganda ang lupain. Ibababa niya ang balikat niya para dalhin ang pasan at magpapasailalim siya sa puwersahang pagtatrabaho.
16 “Si Dan,+ na isa sa mga tribo ni Israel, ay hahatol sa bayan niya.+ 17 Si Dan nawa ay maging isang ahas sa tabing-daan, isang may-sungay na ahas sa tabi ng daan, na nanunuklaw ng mga sakong ng kabayo kaya nahuhulog sa likuran ang sakay nito.+ 18 Maghihintay ako ng kaligtasan mula sa iyo, O Jehova.
19 “Kung tungkol kay Gad,+ sasalakayin siya ng isang grupo ng mga mandarambong, pero sasalakayin niya sila sa kanilang mga sakong.+
20 “Ang tinapay* ni Aser+ ay magiging sagana,* at maglalaan siya ng pagkaing bagay sa isang hari.+
21 “Si Neptali+ ay isang maliksing babaeng usa. Bumibigkas siya ng marikit na pananalita.+
22 “Si Jose+ ay sanga ng isang mabungang puno, isang mabungang puno sa tabi ng bukal, na ang mga sanga ay lumalampas sa pader. 23 Pero patuloy siyang nililigalig ng mga mamamanà at pinana nila siya at patuloy silang nagkikimkim ng galit sa kaniya.+ 24 Pero laging matatag na nakaposisyon ang kaniyang pana,+ at ang mga kamay niya ay nanatiling malakas at maliksi.+ Ito ay mula sa mga kamay ng makapangyarihang isa ni Jacob, mula sa pastol, ang bato ni Israel. 25 Siya* ay mula sa Diyos ng kaniyang ama, at tutulungan siya ng Diyos, at siya ay kasama ng Makapangyarihan-sa-Lahat, at bibigyan siya ng Diyos ng mga pagpapala mula sa langit sa itaas at ng mga pagpapala mula sa malalim na katubigan,+ at pagpapalain siya ng maraming anak at alagang hayop. 26 Ang mga pagpapala ng kaniyang ama ay makahihigit pa sa mabubuting bagay ng walang-hanggang mga bundok at sa kagandahan ng matatagal nang burol.+ Ang mga iyon ay mananatili sa ulo ni Jose, sa ibabaw ng ulo ng isa na pinili mula sa mga kapatid niya.+
27 “Si Benjamin+ ay patuloy na manlalapa na tulad ng lobo.*+ Kakainin niya sa umaga ang nahuling hayop, at hahatiin niya sa gabi ang samsam.”+
28 Ang lahat ng ito ang 12 tribo ni Israel, at ito ang sinabi sa kanila ng kanilang ama nang pagpalain niya sila. Binigyan niya sila ng pagpapalang nararapat sa bawat isa.+
29 Pagkatapos, inutusan niya sila: “Mamamatay na ako.*+ Ilibing ninyo ako kasama ng aking mga ama sa kuweba na nasa lupain ni Epron na Hiteo,+ 30 ang kuweba sa lupain ng Macpela na nasa tapat ng Mamre sa lupain ng Canaan, ang lupaing binili ni Abraham mula kay Epron na Hiteo para maging libingan. 31 Doon nila inilibing si Abraham at ang asawa niyang si Sara.+ Doon nila inilibing si Isaac+ at ang asawa niyang si Rebeka, at doon ko inilibing si Lea. 32 Ang lupain at ang kuwebang naroon ay binili mula sa mga anak ni Het.”+
33 At natapos ni Jacob ang paghahabilin sa mga anak niyang lalaki. Pagkatapos, humiga siya, hinugot ang kaniyang huling hininga, at namatay.*+