Liham sa mga Hebreo
13 Patuloy nawa ninyong ibigin ang isa’t isa bilang magkakapatid.+ 2 Huwag ninyong kalilimutan ang pagkamapagpatuloy;*+ dahil dito, may mga nag-asikaso ng mga anghel nang hindi nila nalalaman.+ 3 Lagi ninyong alalahanin ang mga nasa bilangguan,*+ na para bang nakabilanggo kayong kasama nila,+ at ang mga pinagmamalupitan, dahil kayo rin mismo ay nasa isang katawan pa.* 4 Maging marangal nawa para sa lahat ang pag-aasawa, at huwag nawang madungisan ang higaang pangmag-asawa,+ dahil hahatulan ng Diyos ang mga nagkakasala ng seksuwal na imoralidad* at ang mga nangangalunya.+ 5 Huwag nawang makita sa pamumuhay ninyo ang pag-ibig sa pera,+ at maging kontento na kayo sa mga bagay na mayroon kayo.+ Dahil sinabi niya: “Hinding-hindi kita iiwan, at hinding-hindi kita pababayaan.”+ 6 Kaya lalakas ang loob natin at masasabi natin: “Si Jehova* ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”+
7 Alalahanin ninyo ang mga nangunguna sa inyo,+ na nagsabi sa inyo ng salita ng Diyos, at habang pinag-iisipan ninyo ang mabubuting resulta ng paggawi nila, tularan ninyo ang pananampalataya nila.+
8 Kung paano si Jesu-Kristo kahapon, ganoon pa rin siya ngayon, at mananatili siyang gayon magpakailanman.
9 Huwag kayong magpapaligáw sa sari-sari at kakaibang turo, dahil mas mabuti sa puso ang mapatatag ng walang-kapantay na kabaitan kaysa ng pagkain,* na hindi nakatutulong sa mga masyadong nagpapahalaga rito.+
10 Mayroon tayong altar, at ang mga naglilingkod* sa tolda ay walang awtoridad na kumain mula sa altar na iyon.+ 11 Dahil ang katawan ng mga hayop, na ang dugo ay dinadala ng mataas na saserdote sa banal na lugar bilang handog para sa kasalanan, ay sinusunog sa labas ng kampo.+ 12 Kaya si Jesus ay nagdusa rin sa labas ng pintuang-daan ng lunsod+ para mapabanal ang bayan sa pamamagitan ng sarili niyang dugo.+ 13 Kung gayon, puntahan natin siya sa labas ng kampo, at tiisin natin ang pandurusta na tiniis niya,+ 14 dahil wala tayo ritong lunsod na permanente, kundi buong puso nating hinahanap ang lunsod na darating.+ 15 Sa pamamagitan niya, lagi nawa tayong maghandog ng papuri sa Diyos,+ ang bunga ng mga labi natin+ na naghahayag sa mga tao ng pangalan niya.+ 16 Bukod diyan, huwag ninyong kalimutang gumawa ng mabuti at magbahagi sa iba ng kung ano ang mayroon kayo,+ dahil nalulugod ang Diyos sa gayong mga handog.+
17 Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo+ at maging mapagpasakop,+ dahil patuloy nila kayong* binabantayan na isinasaisip na mananagot sila,+ para magawa nila ito nang masaya at hindi nagbubuntonghininga, dahil makapipinsala ito sa inyo.
18 Patuloy ninyo kaming ipanalangin, dahil naniniwala kaming malinis* ang konsensiya namin at gusto naming gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.+ 19 Pero partikular kong hinihiling sa inyo na ipanalanging makabalik ako agad sa inyo.
20 Ang Diyos ng kapayapaan, na bumuhay-muli sa dakilang pastol+ ng mga tupa, ang ating Panginoong Jesus, na may dugo para sa walang-hanggang tipan, 21 ay magbigay nawa sa inyo ng bawat mabuting bagay para magawa ninyo ang kalooban niya, at pakilusin niya nawa tayo sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na gawin ang kalugod-lugod sa paningin niya. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
22 Ngayon ay pinapayuhan ko kayo, mga kapatid, na matiyagang makinig sa mga salitang ito ng pampatibay-loob, dahil maikli lang ang sulat na ginawa ko para sa inyo. 23 Gusto kong malaman ninyo na ang kapatid nating si Timoteo ay pinalaya na. Kapag dumating siya agad, magkasama kaming pupunta sa inyo.
24 Ikumusta ninyo ako sa lahat ng nangunguna sa inyo at sa lahat ng banal. Kinukumusta rin kayo ng mga taga-Italya.+
25 Nawa ay sumainyong lahat ang walang-kapantay na kabaitan.