Ayon kay Juan
2 Pagkaraan ng dalawang araw, nagkaroon ng isang handaan sa kasal sa Cana ng Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Inimbitahan din si Jesus at ang mga alagad niya sa handaan.
3 Nang paubos na ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya: “Wala na silang alak.” 4 Pero sinabi ni Jesus: “Ano ang kinalaman natin doon?* Hindi pa dumarating ang oras ko.” 5 Sinabi ng kaniyang ina sa mga nagsisilbi: “Gawin ninyo anuman ang sabihin niya sa inyo.” 6 At may anim na batong banga na nakahanda para sa ritwal na paglilinis ng mga Judio.+ Ang bawat banga ay makapaglalaman ng mga 44 hanggang 66 na litro.* 7 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” Kaya pinuno nila ang mga iyon. 8 Pagkatapos, sinabi niya: “Sumalok kayo ngayon ng kaunti at dalhin ninyo sa nangangasiwa* sa handaan.” Kaya dinala nila iyon. 9 Tinikman ng nangangasiwa sa handaan ang tubig na ginawang alak. Hindi niya alam kung saan ito galing (pero alam iyon ng mga nagsisilbi na sumalok ng tubig). Pagkatapos, tinawag niya ang lalaking ikinasal 10 at sinabi: “Ang lahat ng iba pa ay naglalabas muna ng mainam na alak, at kapag lango na ang mga tao, ang mababang klase naman. Pero ngayon mo inilabas ang mainam na alak.” 11 Ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea ang kaniyang unang himala para maipakita ang kaniyang kapangyarihan,+ at nanampalataya sa kaniya ang mga alagad niya.
12 Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Capernaum+ kasama ang kaniyang ina, mga kapatid na lalaki,+ at mga alagad, pero ilang araw lang sila roon.
13 Ang Paskuwa+ ng mga Judio ay malapit na, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14 Nakita niya sa templo ang mga nagtitinda ng baka, tupa, at kalapati,+ pati na ang nakaupong mga nagpapalit ng pera. 15 Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid at pinalayas sa templo ang lahat ng nagtitinda ng tupa at baka, at ibinuhos niya ang mga barya ng mga nagpapalit ng pera at itinaob ang mga mesa nila.+ 16 Sinabi niya sa mga nagtitinda ng kalapati: “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag na ninyong gawing lugar ng negosyo* ang bahay ng aking Ama!”+ 17 Naalaala ng kaniyang mga alagad na nasusulat: “Mag-aalab ang sigasig ko para sa iyong bahay.”+
18 Kaya sinabi ng mga Judio sa kaniya: “Magbigay ka ng tanda+ para patunayang may karapatan kang gawin ang mga ito.” 19 Sinabi ni Jesus: “Gibain ninyo ang templong ito, at itatayo ko ito sa loob ng tatlong araw.”+ 20 Sinabi naman ng mga Judio: “Itinayo ang templong ito nang 46 na taon, at maitatayo mo ito sa loob lang ng tatlong araw?” 21 Pero ang tinutukoy niyang templo ay ang kaniyang katawan.+ 22 At nang ibangon siya mula sa mga patay, naalaala ng mga alagad niya na dati pa niya itong sinasabi,+ kaya pinaniwalaan nila ang kasulatan at ang sinabi ni Jesus.
23 Gayunman, nang nasa Jerusalem siya noong kapistahan ng Paskuwa, marami ang nanampalataya sa kaniyang pangalan nang makita nila ang ginagawa niyang mga tanda. 24 Pero si Jesus ay hindi lubos na nagtiwala sa kanila dahil nakikilala niya silang lahat, 25 at hindi niya kailangan ang sinuman para magpaliwanag sa kaniya tungkol sa mga tao dahil alam niya kung ano ang nasa puso nila.+