Ayon kay Mateo
23 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tao at sa mga alagad niya: 2 “Ang mga eskriba at mga Pariseo ay umupo sa upuan ni Moises. 3 Kaya gawin ninyo ang lahat ng sinasabi nila, pero huwag ninyong gayahin ang ginagawa nila, dahil hindi nila ginagawa ang sinasabi nila.+ 4 Nagbibigkis sila ng mabibigat na pasan at ipinapapasan ang mga ito sa mga tao,+ pero ayaw man lang nilang galawin ang mga iyon ng kanilang daliri.+ 5 Ang lahat ng ginagawa nila ay ginagawa nila para makita ng mga tao.+ Pinalalaki nila ang mga sisidlang naglalaman ng kasulatan na isinusuot nila bilang proteksiyon+ at pinahahaba ang mga palawit ng mga damit nila.+ 6 Gusto nila ang mga upuan para sa importanteng mga bisita sa mga handaan* at ang pinakamagagandang puwesto* sa mga sinagoga.+ 7 Gusto nilang binabati sila ng mga tao sa mga pamilihan at tinatawag na Rabbi.* 8 Pero kayo, huwag kayong patawag na Rabbi, dahil iisa ang inyong Guro,+ at lahat kayo ay magkakapatid. 9 Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa lupa, dahil iisa ang inyong Ama,+ ang nasa langit. 10 At huwag kayong patawag na mga lider, dahil iisa ang inyong Lider, ang Kristo. 11 Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ay dapat na maglingkod.+ 12 Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa,+ at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.+
13 “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Isinasara ninyo ang Kaharian ng langit sa mga tao; dahil kayo mismo ay hindi pumapasok, at hinahadlangan ninyo ang mga papasók na rito.+ 14 *——
15 “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari!+ Tinatawid ninyo ang dagat at lupa para gawing proselita* ang isa, at kapag naging proselita na siya, ginagawa ninyo siyang mas masahol pa sa inyo at karapat-dapat sa Gehenna* gaya ninyo.
16 “Kaawa-awa kayo, mga bulag na tagaakay,+ na nagsasabi, ‘Kung ipanumpa ng isa ang templo, hindi siya obligadong tuparin ang isinumpa niya; pero kung ipanumpa niya ang ginto ng templo, obligado siyang tuparin ito.’+ 17 Mga mangmang at bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo na nagpabanal sa ginto? 18 Sinasabi rin ninyo, ‘Kung ipanumpa ng isa ang altar, hindi siya obligadong tuparin ang isinumpa niya; pero kung ipanumpa niya ang handog sa ibabaw nito, obligado siyang tuparin ito.’ 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya kung ipanumpa ng isa ang altar, ipinanunumpa niya ito at ang lahat ng bagay na nasa ibabaw nito; 21 at kung ipanumpa ng isa ang templo, ipinanunumpa niya ito at ang Diyos na nakatira dito;+ 22 at kung ipanumpa ng isa ang langit, ipinanunumpa niya ang trono ng Diyos at ang nakaupo rito.
23 “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Ibinibigay ninyo ang ikasampu ng yerbabuena at ng eneldo at ng komino,*+ pero binabale-wala ninyo ang mas mahahalagang bagay sa Kautusan: ang katarungan+ at awa+ at katapatan. Kailangan namang gawin ang mga iyon, pero hindi ninyo dapat bale-walain ang iba pang bagay.*+ 24 Mga bulag na tagaakay,+ na sumasala ng niknik*+ pero lumululon ng kamelyo!+
25 “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng kopa at pinggan,+ pero ang loob naman nito ay punô ng kasakiman*+ at pagpapakasasa.+ 26 Bulag na Pariseo, linisin mo muna ang loob ng kopa at pinggan para ang labas nito ay maging malinis din.
27 “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari!+ Kagaya kayo ng mga pinaputing libingan,+ na maganda sa labas pero sa loob ay punô ng buto ng mga patay at ng bawat uri ng karumihan. 28 Kayo rin ay mukhang matuwid sa paningin ng mga tao, pero sa loob ay punô kayo ng pagkukunwari at kasamaan.+
29 “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari!+ Iginagawa ninyo ng libingan* ang mga propeta at pinapalamutian ang libingan ng mga matuwid,+ 30 at sinasabi ninyo, ‘Kung nabuhay kami noong panahon ng mga ninuno namin, hindi kami sasama sa kanila sa pagpatay sa mga propeta.’ 31 Kayo na rin ang nagsasabi na mga anak kayo ng mga pumatay sa mga propeta.+ 32 Kaya tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno.*
33 “Mga ahas, mga anak ng ulupong,+ paano ninyo matatakasan ang parusa sa Gehenna?+ 34 Dahil sa kasamaan ninyo, kapag nagsugo ako sa inyo ng mga propeta+ at marurunong na tao at mga pangmadlang tagapagturo,+ papatayin ninyo at ibabayubay sa tulos ang ilan sa kanila,+ at ang iba ay hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at pag-uusigin+ sa bawat lunsod. 35 Kaya mananagot kayo sa lahat ng dumanak na dugo ng matuwid na mga tao, mula sa dugo ng matuwid na si Abel+ hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Barakias, na pinatay ninyo sa pagitan ng templo at ng altar.+ 36 Sinasabi ko sa inyo, mangyayari ang lahat ng ito sa henerasyong ito.
37 “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya+—ilang ulit kong sinikap na tipunin ang mga anak mo, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang mga sisiw niya sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Pero ayaw ninyo.+ 38 Kaya pababayaan* ng Diyos ang bahay* ninyo.+ 39 At sinasabi ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita mula ngayon hanggang sa sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang isa na dumarating sa pangalan ni Jehova!’”*+