Ayon kay Lucas
23 Kaya tumayo silang lahat at dinala siya kay Pilato.+ 2 Pagkatapos, inakusahan nila siya:+ “Inililigaw ng taong ito ang mga kababayan namin, ipinagbabawal ang pagbabayad ng buwis kay Cesar,+ at sinasabing siya ang Kristo na hari.”+ 3 Kaya tinanong siya ni Pilato: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot siya: “Ikaw mismo ang nagsasabi.”+ 4 Sinabi ni Pilato sa mga punong saserdote at sa mga tao: “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.”+ 5 Pero ipinipilit nila: “Sinusulsulan niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa buong Judea; nagsimula siya sa Galilea at nakaabot dito.” 6 Nang marinig ito, tinanong ni Pilato kung taga-Galilea ang taong ito. 7 Pagkatapos matiyak na galing siya sa lugar na sakop ni Herodes,+ ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nasa Jerusalem din nang panahong iyon.
8 Nang makita ni Herodes si Jesus, tuwang-tuwa siya. Matagal na niyang gustong makita si Jesus dahil sa dami ng nababalitaan niya tungkol dito,+ at gusto niyang makitang gumawa ng himala si Jesus. 9 Kaya pinagtatanong niya si Jesus, pero hindi ito sumasagot.+ 10 Samantala, paulit-ulit na tumatayo ang mga punong saserdote at mga eskriba at galit na galit siyang inaakusahan. 11 At hinamak siya+ ni Herodes pati ng mga sundalo nito at sinuotan siya ng magarbong damit para gawin siyang katatawanan+ at saka siya ibinalik kay Pilato. 12 Nang mismong araw na iyon, ang dating magkaaway na sina Herodes at Pilato ay naging magkaibigan.
13 Pagkatapos, ipinatawag ni Pilato ang mga punong saserdote, mga tagapamahala, at iba pa, 14 at sinabi: “Dinala ninyo sa akin ang taong ito at sinasabi ninyong sinusulsulan niya ang mga tao na maghimagsik. Pero sinuri ko siya sa harap ninyo at wala akong makitang dahilan para hatulan ang taong ito ayon sa mga paratang ninyo sa kaniya.+ 15 Sa katunayan, wala ring nakitang kasalanan si Herodes sa kaniya, dahil ibinalik niya siya sa atin, at wala siyang anumang ginawa na karapat-dapat sa kamatayan. 16 Kaya paparusahan ko siya+ at palalayain.” 17 *—— 18 Pero sumigaw ang lahat: “Patayin ang taong iyan,* at palayain si Barabas!”+ 19 (Ang lalaking ito ay nabilanggo dahil sa pagpatay at sa sedisyong naganap sa lunsod.) 20 Nagsalitang muli si Pilato sa harap nila dahil gusto niyang palayain si Jesus.+ 21 Pero sumigaw sila: “Ibayubay* siya sa tulos! Ibayubay siya sa tulos!”+ 22 Sinabi niya sa kanila sa ikatlong pagkakataon: “Bakit? Ano ba ang ginawang masama ng taong ito? Wala akong makita sa kaniya na karapat-dapat sa kamatayan; kaya paparusahan ko siya at palalayain.” 23 Dahil dito, lalo pa silang naging mapilit at isinisigaw nilang patayin siya,* at nangibabaw ang boses nila.+ 24 Kaya nagpasiya si Pilato na ibigay ang hinihiling nila. 25 Pinalaya niya ang lalaking gusto nilang palayain, na ibinilanggo dahil sa sedisyon at pagpatay, pero ibinigay niya sa kanila si Jesus para gawin ang gusto nila.
26 Nang dalhin nila siya, pinahinto nila si Simon na taga-Cirene, na naglalakbay mula sa lalawigan, at ipinasan nila sa kaniya ang pahirapang tulos* para buhatin ito habang naglalakad kasunod ni Jesus.+ 27 Sinusundan siya ng maraming tao, kasama ang mga babae na humahagulgol habang sinusuntok ang dibdib nila sa pagdadalamhati. 28 Lumingon si Jesus sa mga babae, at sinabi niya: “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag na kayong umiyak para sa akin. Umiyak kayo para sa inyong sarili at sa inyong mga anak;+ 29 dahil darating ang panahon kung kailan sasabihin ng mga tao, ‘Maligaya ang mga babaeng baog, ang mga sinapupunang hindi nanganak at ang mga dibdib na hindi nagpasuso!’+ 30 At sasabihin nila sa mga bundok, ‘Itago ninyo kami!’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami!’+ 31 Kung ito ang nangyayari habang buháy pa ang puno, ano na lang ang mangyayari kung tuyot na ito?”
32 Dinala rin ang dalawa pang lalaki, na mga kriminal, para pataying kasama niya.+ 33 Nang makarating sila sa lugar na tinatawag na Bungo,+ ipinako nila siya sa tulos kasama ang mga kriminal, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa.+ 34 Pero sinabi ni Jesus: “Ama, patawarin mo sila, dahil hindi nila alam ang ginagawa nila.” Nagpalabunutan din sila para paghati-hatian ang damit niya.+ 35 Ang mga tao naman ay nakatayo roon at nanonood. Pero nangungutya ang mga tagapamahala at sinasabi nila: “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ang sarili niya kung siya nga ang Kristo ng Diyos, ang Pinili.”+ 36 Ginawa rin siyang katatawanan kahit ng mga sundalo; nilapitan siya ng mga ito, inalok ng maasim na alak,+ 37 at sinabi: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang sarili mo.” 38 May nakasulat din sa ulunan niya: “Ito ang Hari ng mga Judio.”+
39 At ininsulto siya ng isa sa nakabayubay na mga kriminal+ at sinabi: “Ikaw ang Kristo, hindi ba? Iligtas mo ang sarili mo, pati kami!” 40 Sinaway ito ng isa pang kriminal at sinabi: “Wala ka na ba talagang takot sa Diyos? Hinatulan ka ring mamatay tulad niya. 41 Nararapat lang na magdusa tayo dahil sa mga ginawa natin, pero ang taong ito ay walang ginawang masama.” 42 Pagkatapos, sinabi niya: “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.”+ 43 Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita sa Paraiso.”+
44 Noon ay mga ikaanim na oras* na, pero nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikasiyam na oras,*+ 45 dahil naglaho ang liwanag ng araw; at ang kurtina ng templo+ ay nahati sa gitna.+ 46 At sumigaw si Jesus: “Ama, ipinagkakatiwala ko na ang buhay* ko sa mga kamay mo.”+ Pagkasabi nito, namatay siya.*+ 47 Nang makita ng opisyal ng hukbo ang nangyari, niluwalhati niya ang Diyos at sinabi: “Talaga ngang matuwid ang taong ito.”+ 48 Pagkakita sa nangyari, ang lahat ng nagtipon doon ay umuwi habang sinusuntok ang dibdib nila. 49 At nakatayo sa malayo ang lahat ng nakakakilala sa kaniya. Naroon din ang mga babae na sumama sa kaniya mula sa Galilea, at nakita nila ang mga bagay na ito.+
50 At naroon ang lalaking si Jose, na miyembro ng Sanggunian.* Isa siyang mabuti at matuwid na tao.+ 51 (Hindi siya pumayag* sa pakana nila at hindi niya sila sinuportahan.) Mula siya sa Arimatea, isang lunsod ng mga Judeano, at hinihintay niya ang Kaharian ng Diyos. 52 Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang katawan ni Jesus. 53 Ibinaba niya ito mula sa tulos,+ binalot sa magandang klase ng lino, at inilagay sa isang libingan* na inuka sa bato,+ na hindi pa napaglilibingan ng sinuman. 54 Noon ay araw ng Paghahanda,+ at malapit nang magsimula ang Sabbath.+ 55 Pero pumunta rin ang mga babae na sumama kay Jesus mula sa Galilea, at tiningnan nila ang libingan* at nakita kung paano inilagay ang katawan niya,+ 56 at umuwi sila para maghanda ng mabangong langis at iba pang mababangong sangkap.* Pero nagpahinga sila nang Sabbath+ ayon sa utos.