Ayon kay Mateo
18 Pagkatapos, ang mga alagad ay lumapit kay Jesus at nagsabi: “Sino talaga ang pinakadakila* sa Kaharian ng langit?”+ 2 Kaya tinawag niya ang isang bata at pinatayo sa gitna nila. 3 Sinabi niya: “Sinasabi ko sa inyo, malibang kayo ay magbago* at maging gaya ng mga bata,+ hinding-hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng langit.+ 4 Kaya ang sinumang magpapakababa na gaya ng batang ito ang siyang pinakadakila sa Kaharian ng langit;+ 5 at ang sinumang tumatanggap sa isang batang gaya nito alang-alang sa akin ay tumatanggap din sa akin. 6 Pero ang sinumang tumisod sa* isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin, mas mabuti pang bitinan ang leeg niya ng isang gilingang-bato na iniikot ng isang asno at ihulog siya sa gitna ng dagat.+
7 “Kaawa-awa ang mundo dahil sa mga bagay na nakakatisod! Totoo, magkakaroon talaga ng mga dahilan ng pagkatisod, pero kaawa-awa ang taong pagmumulan nito! 8 Kaya nga, kung nagkakasala ka dahil sa iyong kamay o paa, putulin mo ito at itapon.+ Mas mabuti pang tumanggap ka ng buhay na may iisang kamay o iisang paa kaysa may dalawang kamay o dalawang paa ka nga, pero ihahagis ka naman sa walang-hanggang apoy.+ 9 At kung nagkakasala ka dahil sa mata mo, dukitin mo ito at itapon. Mas mabuti pang tumanggap ka ng buhay na may iisang mata, kaysa may dalawang mata ka nga, pero ihahagis ka naman sa maapoy na Gehenna.*+ 10 Huwag na huwag ninyong hahamakin ang isa sa maliliit na ito, dahil sinasabi ko sa inyo na laging nakikita ng kanilang mga anghel sa langit ang mukha ng aking Ama na nasa langit.+ 11 *——
12 “Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may 100 tupa at maligaw ang isa sa mga ito,+ hindi ba niya iiwan sa mga bundok ang 99 at hahanapin ang isa na naligaw?+ 13 At kung makita niya ito, sinasabi ko sa inyo, mas matutuwa siya rito kaysa sa 99 na hindi naligaw. 14 Sa katulad na paraan, hindi gusto ng aking* Ama sa langit na mapuksa ang kahit isa sa maliliit na ito.+
15 “Kung ang kapatid mo ay magkasala, puntahan mo siya at sabihin mo ang pagkakamali niya* nang kayong dalawa lang.+ Kung makinig siya sa iyo, natulungan mo ang kapatid mo na gawin ang tama.+ 16 Pero kung hindi siya makinig, magsama ka ng isa o dalawa pa, para sa patotoo* ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat bagay.+ 17 Kung hindi siya makinig sa kanila, sabihin mo sa kongregasyon. Kung hindi siya makinig kahit sa kongregasyon, ituring mo siyang gaya ng tao ng ibang bansa*+ at gaya ng maniningil ng buwis.+
18 “Sinasabi ko sa inyo, anumang bagay ang itali ninyo sa lupa ay naitali na sa langit, at anumang bagay ang kalagan ninyo sa lupa ay nakalagan na sa langit. 19 Muli ay sinasabi ko sa inyo, kung ang dalawa sa inyo sa lupa ay magkasundong humiling ng isang mahalagang bagay, ibibigay iyon sa kanila ng aking Ama na nasa langit.+ 20 Dahil kapag may dalawa o tatlong tao na nagtitipon sa pangalan ko,+ kasama nila ako.”
21 Pagkatapos, lumapit sa kaniya si Pedro at nagsabi: “Panginoon, hanggang ilang ulit ako dapat magpatawad sa kapatid ko na nagkakasala sa akin? Hanggang sa pitong ulit ba?” 22 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Sinasabi ko sa iyo, hindi hanggang sa pitong ulit, kundi hanggang sa 77 ulit.+
23 “Iyan ang dahilan kung bakit ang Kaharian ng langit ay gaya ng isang hari na gustong maningil ng utang ng mga alipin niya. 24 Nang magsimula siyang maningil, dinala sa harap niya ang isang lalaking may utang na 10,000 talento.* 25 Pero dahil hindi niya ito kayang bayaran, iniutos ng hari na siya at ang kaniyang asawa at mga anak at ang lahat ng pag-aari niya ay ipagbili para makabayad siya.+ 26 Kaya ang alipin ay lumuhod at yumukod sa harap ng hari at nagsabi, ‘Pasensiya na po kayo, babayaran ko rin ang lahat ng utang ko sa inyo.’ 27 Naawa ang hari, kaya pinalaya niya ito at hindi na pinabayaran ang utang nito.+ 28 Pero paglabas ng aliping iyon, nakita niya ang kapuwa niya alipin na may utang sa kaniya na 100 denario,* at sinunggaban niya ito at sinakal at sinabi, ‘Bayaran mo ang utang mo.’ 29 Kaya lumuhod ang kapuwa niya alipin at nagmakaawa sa kaniya, ‘Pasensiya ka na, babayaran ko rin ang utang ko sa iyo.’ 30 Pero hindi niya ito pinagbigyan, at ipinabilanggo niya ang kapuwa niya alipin hanggang sa makabayad ito. 31 Nang makita ng mga kapuwa niya alipin ang nangyari, lungkot na lungkot sila, at nagpunta sila sa hari para sabihin ang lahat ng nangyari. 32 Pagkatapos, ipinatawag siya ng hari at sinabi sa kaniya, ‘Napakasama mong alipin. Hindi ko na pinabayaran sa iyo ang lahat ng utang mo nang magmakaawa ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka rin sa kapuwa mo alipin, gaya ko na naawa sa iyo?’+ 34 Sa galit ng hari, ipinabilanggo niya* ang alipin hanggang sa mabayaran nito ang lahat ng utang nito. 35 Ganiyan din ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa langit+ kung hindi ninyo patatawarin mula sa puso ang inyong kapatid.”+