Ayon kay Lucas
12 Samantala, natipon ang libo-libong tao at nagkakatapakan na sila. Sinabi muna ni Jesus sa mga alagad niya: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, sa pagkukunwari nila.+ 2 Pero walang anumang itinagong mabuti na hindi malalantad, at walang lihim na hindi malalaman.+ 3 Kaya naman, anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag, at anumang ibulong ninyo sa loob ng isang silid ay ipangangaral mula sa mga bubungan ng bahay. 4 Isa pa, sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko,+ huwag kayong matakot sa mga makapapatay sa katawan pero wala nang iba pang magagawa maliban dito.+ 5 Sasabihin ko sa inyo kung kanino kayo dapat matakot: Matakot kayo sa kaniya na pagkatapos pumatay ay may awtoridad na maghagis sa Gehenna.+ Oo, sinasabi ko sa inyo, matakot kayo sa kaniya.+ 6 Hindi ba ang limang maya ay ipinagbibili sa dalawang barya na maliit ang halaga? Pero walang isa man sa mga ito ang nalilimutan* ng Diyos.+ 7 At kayo, biláng niya kahit ang mga buhok ninyo sa ulo.+ Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.+
8 “Sinasabi ko sa inyo, bawat isa na kumikilala sa akin sa harap ng mga tao+ ay kikilalanin din ng Anak ng tao sa harap ng mga anghel ng Diyos.+ 9 Pero kung ikinakaila ako ng sinuman sa harap ng mga tao, ikakaila ko rin siya sa harap ng mga anghel ng Diyos.+ 10 At ang lahat ng nagsasalita laban sa Anak ng tao ay mapatatawad, pero ang sinumang namumusong* laban sa banal na espiritu ay hindi mapatatawad.+ 11 Kapag dinala nila kayo sa harap ng nagkakatipong mga tao, mga opisyal ng gobyerno, at mga awtoridad, huwag kayong mag-alala kung paano ninyo ipagtatanggol ang sarili ninyo at kung ano ang sasabihin ninyo,+ 12 dahil ituturo sa inyo ng banal na espiritu sa mismong oras na iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”+
13 Pagkatapos, may isa mula sa karamihan na nagsabi: “Guro, sabihin mo sa kapatid ko na hatian ako sa mana.” 14 Sinabi niya: “Lalaki, sino ang nag-atas sa akin bilang hukom o tagapamagitan ninyong dalawa?” 15 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila: “Mag-ingat kayo at magbantay laban sa bawat uri ng kasakiman,+ dahil kahit sagana ang isang tao, ang mga ari-arian niya ay hindi makapagbibigay sa kaniya ng buhay.”+ 16 Kaya nagbigay siya sa kanila ng ilustrasyon: “Sagana ang ani sa lupain ng isang taong mayaman. 17 Kaya sinabi niya sa sarili niya: ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng mga ani ko.’ 18 Pagkatapos, sinabi niya, ‘Ito ang gagawin ko:+ Gigibain ko ang mga imbakan ko at magtatayo ako ng mas malalaki, at doon ko ilalagay ang lahat ng ani ko at iba pang bagay, 19 at sasabihin ko sa sarili ko: “Marami kang mabubuting bagay na nakaimbak para sa maraming taon; magpasarap ka na lang sa buhay, kumain, uminom, at magpakasaya.”’ 20 Pero sinabi ng Diyos sa kaniya, ‘Ikaw na di-makatuwiran, mamamatay ka* ngayong gabi. Kanino ngayon mapupunta ang mga bagay na inimbak mo?’+ 21 Ganiyan ang nangyayari sa taong nag-iimbak ng kayamanan para sa sarili niya pero hindi mayaman sa Diyos.”+
22 Pagkatapos, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Kaya naman sinasabi ko sa inyo, huwag na kayong mag-alala kung ano ang kakainin o isusuot ninyo,+ 23 dahil mas mahalaga ang buhay* kaysa sa pagkain at ang katawan kaysa sa damit. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak: Hindi sila nagtatanim o umaani; wala silang imbakan ng pagkain; pero pinakakain sila ng Diyos.+ Di-hamak na mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon, hindi ba?+ 25 Sino sa inyo ang makapagpapahaba nang kahit kaunti sa buhay niya dahil sa pag-aalala? 26 Kaya kung hindi ninyo magawa kahit ang maliit na bagay na iyon, bakit kayo mag-aalala tungkol sa iba pang bagay?+ 27 Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga liryo: Hindi sila nagtatrabaho o nananahi; pero sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon, sa kabila ng karangyaan niya, ay hindi nakapagdamit na gaya ng isa sa mga ito.+ 28 Kung ganito dinaramtan ng Diyos ang pananim, na nasa parang ngayon at bukas ay ihahagis sa pugon, tiyak na mas daramtan niya kayo, kayo na may maliit na pananampalataya! 29 Kaya huwag na kayong maghanap ng kakainin at iinumin ninyo, at huwag na kayong masyadong mag-alala;+ 30 dahil ang lahat ng ito ang pinagkakaabalahan ng mga tao sa mundo,* pero alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito.+ 31 Sa halip, patuloy na hanapin ang kaniyang Kaharian, at ibibigay* niya sa inyo ang mga ito.+
32 “Huwag kayong matakot, munting kawan,+ dahil ibinigay sa inyo ng inyong Ama ang Kaharian.+ 33 Ipagbili ninyo ang inyong mga pag-aari at magbigay kayo sa mahihirap.+ Gumawa kayo ng mga lalagyan ng pera na hindi nasisira, isang di-nauubos na kayamanan sa langit,+ kung saan hindi nakalalapit ang mga magnanakaw at hindi nakapaninira ang mga insekto.* 34 Dahil kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo.
35 “Magbihis kayo at maging handa,+ at sindihan ninyo ang inyong mga lampara,+ 36 at dapat kayong maging tulad ng mga taong naghihintay sa pagbalik* ng kanilang panginoon+ mula sa kasalan,+ para kapag dumating siya at kumatok, agad nila siyang mapagbubuksan. 37 Maligaya ang mga aliping iyon na inabutan ng panginoon na nagbabantay! Sinasabi ko sa inyo, magbibihis siya para maglingkod sa kanila at pauupuin* niya sila sa mesa at pagsisilbihan sila. 38 At kung dumating siya sa ikalawang pagbabantay, kahit pa sa ikatlo, at maabutan niya silang handa, maligaya sila! 39 Pero isipin ninyo ito, kung nalaman lang ng may-bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya sana hinayaang mapasok ang bahay niya.+ 40 Manatili rin kayong handa, dahil sa oras na hindi ninyo inaasahan, darating ang Anak ng tao.”+
41 Pagkatapos, sinabi ni Pedro: “Panginoon, para sa amin lang ba ang ilustrasyong ito o para sa lahat?” 42 Sinabi ng Panginoon: “Sino talaga ang tapat na katiwala, ang matalino, na aatasan ng panginoon niya sa grupo ng mga tagapaglingkod nito para patuloy na magbigay sa kanila ng kinakailangang pagkain sa tamang panahon?+ 43 Maligaya ang aliping iyon, kung sa pagdating ng panginoon niya ay madatnan siyang gayon ang ginagawa! 44 Sinasabi ko sa inyo, aatasan siya ng panginoon sa lahat ng pag-aari nito. 45 Pero kung sabihin ng aliping iyon sa sarili niya, ‘Hindi pa darating ang panginoon ko,’+ at binugbog niya ang mga lingkod na lalaki at babae, at kumain siya at uminom at nagpakalasing,+ 46 ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam, at paparusahan siya nang napakatindi at itatapon kasama ng mga di-tapat. 47 Pagkatapos, ang aliping iyon na nakaunawa ng kalooban ng panginoon niya pero hindi naghanda o hindi ginawa ang iniutos* nito ay hahampasin nang maraming ulit.+ 48 Pero kung ang isa ay gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa mga hampas dahil wala siyang alam, hahampasin siya nang kaunti. Oo, bawat isa na binigyan ng marami, marami rin ang hihingin sa kaniya, at ang isa na inatasan sa marami, higit kaysa karaniwan ang aasahan sa kaniya.+
49 “Dumating ako para magpasimula ng apoy sa lupa, at ano pa ang mahihiling ko kung nasindihan na ito? 50 Pero mayroon pa akong bautismo+ na dapat kong maranasan, at mababagabag ako hangga’t hindi ito natatapos!+ 51 Iniisip ba ninyong dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi.+ 52 Dahil mula ngayon, ang lima sa isang bahay ay mababahagi, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Magkakabaha-bahagi sila, ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama, ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina, biyenang babae laban sa manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenang babae.”+
54 Sinabi pa niya sa mga tao: “Kapag nakakita kayo ng namumuong ulap sa kanluran, agad ninyong sinasabi, ‘May darating na bagyo,’ at nangyayari iyon. 55 At kapag nakita ninyo na humihihip ang hangin mula sa timog, sinasabi ninyo, ‘Magiging napakainit,’* at nangyayari iyon. 56 Mga mapagpanggap, nabibigyang-kahulugan ninyo ang mga palatandaan sa lupa at langit, pero bakit hindi ninyo mabigyang-kahulugan ang nangyayari sa panahong ito?+ 57 Bakit hindi kayo magpasiya para sa sarili ninyo kung ano ang matuwid? 58 Halimbawa, habang papunta ka sa isang tagapamahala kasama ang taong may reklamo sa iyo, sikapin mong makipag-ayos sa kaniya para hindi ka na niya iharap sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa opisyal ng hukuman, at ikulong ka ng opisyal ng hukuman.+ 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makalalaya hanggang sa mabayaran mo ang kahuli-hulihang sentimo na dapat mong bayaran.”