Liham sa mga Taga-Galacia
4 Ngayon ay sinasabi ko na hangga’t bata pa ang tagapagmana, wala siyang kaibahan sa isang alipin, kahit siya ang panginoon ng lahat ng bagay; 2 dahil nasa ilalim siya ng mga tagapagbantay at mga katiwala hanggang sa araw na patiunang itinakda ng ama niya. 3 Gayon din tayo; noong mga bata pa tayo, alipin tayo ng mga bagay sa sanlibutan.+ 4 Pero nang matapos ang itinakdang panahon, isinugo ng Diyos ang Anak niya, na isinilang ng isang babae+ at nasa ilalim ng kautusan,+ 5 para mabili niya at mapalaya ang mga nasa ilalim ng kautusan,+ nang sa gayon ay maampon tayo bilang mga anak.+
6 At dahil kayo ay mga anak, ipinadala ng Diyos sa ating mga puso ang espiritu+ na nasa Anak niya, at sumisigaw ito: “Abba, Ama!”+ 7 Kaya hindi ka na alipin kundi isang anak; at kung isa kang anak, ginawa ka rin ng Diyos na isang tagapagmana.+
8 Pero noong hindi pa ninyo kilala ang Diyos, alipin kayo ng di-totoong mga diyos. 9 At ngayong nakilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mahihina+ at walang-kabuluhang mga bagay at gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito?+ 10 Tinitiyak ninyong maipagdiwang ang mga araw, buwan,+ panahon, at taon. 11 Natatakot ako na baka nasayang lang ang mga pagsisikap kong tulungan kayo.
12 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na tularan ninyo ako, dahil kagaya rin ninyo ako noon.+ Wala kayong ginawang mali sa akin. 13 Alam ninyo na naipahayag ko sa inyo sa unang pagkakataon ang mabuting balita dahil sa sakit ko. 14 At kahit naging pagsubok* sa inyo ang sakit ko, hindi ninyo ako hinamak o kinasuklaman,* kundi tinanggap ninyo akong gaya ng isang anghel ng Diyos, gaya ni Kristo Jesus. 15 Nasaan na ang kaligayahan ninyong iyon? Alam na alam ko na kung puwede lang, dudukitin ninyo noon ang mga mata ninyo para ibigay sa akin.+ 16 Pero ngayon ba ay kaaway na ninyo ako dahil sinasabi ko sa inyo ang totoo? 17 Ginagawa nila ang lahat para makuha ang loob ninyo, pero masama ang motibo nila; gusto nila kayong ihiwalay sa akin para sa kanila kayo sumunod. 18 Wala namang masama kung gusto ng iba na makuha ang loob ninyo kung maganda ang motibo nila, at gayundin, hindi lang kapag kasama ninyo ako. 19 Mahal kong mga anak,+ nakararanas na naman ako ng kirot ng panganganak dahil sa inyo, at mararamdaman ko ito hanggang sa matularan ninyo ang personalidad ni Kristo. 20 Kung puwede lang sanang makasama ko kayo ngayon at maging mas mahinahon ako sa pagsasalita,* dahil hindi ko alam ang gagawin sa inyo.
21 Sabihin ninyo sa akin, kayong mga gustong mapasailalim sa kautusan,+ hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22 Halimbawa, nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, ang isa ay sa alilang babae+ at ang isa naman ay sa malayang babae;+ 23 nagdalang-tao ang alilang babae sa natural na paraan+ pero nagdalang-tao ang malayang babae dahil sa pangako.+ 24 Ang mga bagay na ito ay isang makasagisag na drama, dahil ang mga babaeng ito ay sumasagisag sa dalawang tipan. Ang isa ay mula sa Bundok Sinai,+ na nagsilang ng mga anak para sa pagkaalipin, at siya si Hagar. 25 Si Hagar ay sumasagisag sa Sinai,+ isang bundok sa Arabia, at kumakatawan siya sa Jerusalem ngayon, dahil siya* ay aliping kasama ng mga anak* niya. 26 Pero ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siya ang ating ina.
27 Dahil nasusulat: “Magsaya ka, ikaw na babaeng baog na hindi nanganak; humiyaw ka sa kagalakan, ikaw na babaeng hindi nakaranas ng kirot ng panganganak; dahil ang mga anak ng babaeng pinabayaan ay mas marami kaysa sa mga anak ng babaeng may asawa.”+ 28 Kayo, mga kapatid, ay naging anak din dahil sa pangako, gaya ni Isaac.+ 29 Pero kung paanong ang anak na ipinagbuntis sa pamamagitan ng espiritu ay pinag-usig noon ng anak na ipinagbuntis sa natural na paraan,+ gayon din naman ngayon.+ 30 Gayunman, ano ba ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin mo ang alilang babae at ang anak niya, dahil ang anak ng alilang babae ay hindi kailanman magiging tagapagmanang kasama ng anak ng malayang babae.”+ 31 Kaya, mga kapatid, tayo ay mga anak ng malayang babae, hindi ng isang alilang babae.