Unang Liham sa mga Taga-Tesalonica
4 Bilang panghuli, mga kapatid, tinagubilinan namin kayo noon kung paano kayo dapat mamuhay para maging kalugod-lugod sa Diyos,+ at iyan nga ang ginagawa ninyo. Ngayon, hinihiling namin sa inyo, oo, nakikiusap kami sa inyo sa ngalan ng Panginoong Jesus na lalo pa ninyong pagbutihin ang ginagawa ninyo. 2 Dahil alam ninyo ang mga itinagubilin* namin sa inyo sa ngalan ng Panginoong Jesus.
3 Dahil kalooban ng Diyos na maging banal kayo+ at umiwas sa seksuwal na imoralidad.+ 4 Dapat na alam ng bawat isa sa inyo kung paano kontrolin ang kaniyang katawan+ para mapanatili itong banal+ at marangal, 5 na hindi nagpapadala sa sakim at di-makontrol na seksuwal na pagnanasa,+ gaya ng ginagawa ng mga bansa na hindi nakakakilala sa Diyos.+ 6 Hindi dapat lumampas sa limitasyon ang sinuman sa bagay na ito at masamantala ang kapatid niya, dahil pinaparusahan ni Jehova ang gumagawa ng mga ito. Noon pa man ay sinabi na namin ito at binigyan namin kayo ng malinaw na babala tungkol dito. 7 Dahil tinawag tayo ng Diyos para maging banal, hindi para maging marumi.+ 8 Kaya kung may hindi nagbibigay-pansin dito, hindi tao ang binabale-wala niya kundi ang Diyos,+ na nagbibigay sa inyo ng kaniyang banal na espiritu.+
9 Pero kung tungkol naman sa pag-ibig sa mga kapatid,+ hindi na namin ito kailangang isulat sa inyo, dahil tinuruan na kayo ng Diyos na mahalin ang isa’t isa.+ 10 Ang totoo, ginagawa na ninyo iyan sa lahat ng kapatid sa buong Macedonia. Pero hinihimok namin kayo, mga kapatid, na lalo pa ninyong pagbutihin ang ginagawa ninyo. 11 Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik+ at huwag makialam sa buhay ng iba+ at magtrabaho kayo,+ gaya ng tagubilin namin sa inyo, 12 para makita ng mga tao sa labas na namumuhay kayo nang disente+ at hindi nangangailangan ng anuman.
13 Bukod diyan, mga kapatid, gusto naming maunawaan ninyo ang* mangyayari sa mga namatay na,+ para hindi kayo malungkot gaya ng iba na walang pag-asa.+ 14 Dahil kung nananampalataya tayo na namatay si Jesus at nabuhay-muli,+ nananampalataya rin tayong bubuhayin ng Diyos ang mga namatay* na kaisa ni Jesus para makasama niya.*+ 15 Ito ang sinasabi namin sa inyo ayon sa salita ni Jehova: Ang mga buháy sa atin sa panahon ng presensiya ng Panginoon ay hindi mauunang umakyat sa langit kaysa sa mga namatay* na; 16 dahil ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit at maririnig ang kaniyang tinig, tinig ng isang arkanghel,+ at hawak niya ang trumpeta ng Diyos, at ang mga patay na kaisa ni Kristo ang unang bubuhaying muli.+ 17 Pagkatapos, tayong mga natitirang buháy ay aagawin sa mga ulap+ para makasama sila at para salubungin ang Panginoon+ sa hangin; at lagi na nating makakasama ang Panginoon.+ 18 Kaya patuloy ninyong patibayin ang isa’t isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.