Apocalipsis kay Juan
1 Isang pagsisiwalat* ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya,+ para ipakita sa mga alipin niya+ ang mga bagay na malapit nang mangyari. At isinugo niya ang kaniyang anghel para iharap ito sa pamamagitan ng mga tanda sa alipin niyang si Juan,+ 2 na nagpatotoo sa salita na ibinigay ng Diyos at sa patotoo na ibinigay ni Jesu-Kristo, oo, sa lahat ng bagay na nakita niya. 3 Maligaya ang bumabasa nang malakas at ang mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito at tumutupad sa mga nakasulat dito,+ dahil ang takdang panahon ay malapit na.
4 Mula kay Juan para sa pitong kongregasyon+ na nasa lalawigan* ng Asia:
Tumanggap nawa kayo ng walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa “Isa na siyang kasalukuyan at nakaraan at darating,”+ at mula sa pitong espiritu+ na nasa harap ng trono niya, 5 at mula kay Jesu-Kristo, “ang Tapat na Saksi,”+ “ang panganay mula sa mga patay,”+ at “ang Tagapamahala ng mga hari sa lupa.”+
Sa kaniya na nagmamahal sa atin+ at nagpalaya sa atin mula sa mga kasalanan natin sa pamamagitan ng sarili niyang dugo+— 6 at ginawa niya tayong isang kaharian,+ mga saserdote+ ng kaniyang Diyos at Ama—oo, sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at kalakasan magpakailanman. Amen.
7 Tingnan ninyo! Dumarating siya na nasa mga ulap,+ at makikita siya ng bawat mata, at ng mga sumaksak sa kaniya; at susuntukin ng lahat ng tribo sa lupa ang dibdib nila sa pagdadalamhati dahil sa kaniya.+ Oo, Amen.
8 “Ako ang Alpha at ang Omega,”*+ ang sabi ng Diyos na Jehova,* “ang Isa na siyang kasalukuyan at nakaraan at darating, ang Makapangyarihan-sa-Lahat.”+
9 Akong si Juan, ang kapatid at kabahagi ninyo sa kapighatian+ at sa kaharian+ at sa pagtitiis*+ kaisa ni Jesus,+ ay nasa isla na tinatawag na Patmos dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus. 10 Sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nakarating ako sa araw ng Panginoon, at narinig ko sa likuran ko ang isang malakas na tinig na gaya ng sa trumpeta, 11 na nagsasabi: “Ang nakikita mo ay isulat mo sa isang balumbon at ipadala mo iyon sa pitong kongregasyon: sa Efeso,+ sa Smirna,+ sa Pergamo,+ sa Tiatira,+ sa Sardis,+ sa Filadelfia,+ at sa Laodicea.”+
12 Lumingon ako para makita kung sino ang nagsasalita sa akin, at paglingon ko, nakakita ako ng pitong gintong kandelero,+ 13 at sa gitna ng mga kandelero ay may isang tulad ng anak ng tao,+ na nakasuot ng damit na abot hanggang paa at may gintong pamigkis sa dibdib. 14 Bukod diyan, ang kaniyang ulo at buhok ay maputing gaya ng puting balahibo ng tupa, gaya ng niyebe, at ang mga mata niya ay gaya ng nagliliyab na apoy,+ 15 at ang mga paa niya ay gaya ng magandang klase ng tanso+ kapag nagbabaga sa hurno, at ang tinig niya ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig. 16 At sa kanang kamay niya ay may pitong bituin,+ at mula sa bibig niya ay may lumabas na isang matalas at mahabang espada na magkabila ang talim,+ at ang kaniyang mukha ay gaya ng araw sa katanghaliang-tapat.+ 17 Nang makita ko siya, bumagsak akong parang patay sa paanan niya.
At ipinatong niya sa akin ang kanang kamay niya at sinabi: “Huwag kang matakot. Ako ang Una+ at ang Huli,+ 18 at ang isa na buháy,+ at namatay ako,+ pero ngayon ay nabubuhay ako magpakailanman,+ at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Libingan.*+ 19 Kaya isulat mo ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay na nangyayari ngayon, at ang mga bagay na magaganap pagkatapos ng mga ito. 20 Kung tungkol sa sagradong lihim ng pitong bituin na nakita mo sa kanang kamay ko at ng pitong gintong kandelero: Ang pitong bituin ay sumasagisag sa mga anghel ng pitong kongregasyon, at ang pitong kandelero ay sumasagisag sa pitong kongregasyon.+