Ayon kay Juan
13 Alam na ni Jesus bago pa ang kapistahan ng Paskuwa na dumating na ang oras niya+ para umalis sa mundong* ito at pumunta sa Ama.+ Dahil mahal niya ang mga sariling kaniya na nasa mundo, patuloy niya silang inibig hanggang sa wakas.+ 2 Naghahapunan sila noon,* at inilagay na ng Diyablo sa puso ni Hudas Iscariote,+ na anak ni Simon, na magtraidor kay Jesus.+ 3 Dahil alam ni Jesus na ibinigay na sa kaniya ng Ama* ang lahat ng bagay at na nanggaling siya sa Diyos at pupunta siya sa Diyos,+ 4 umalis siya sa mesa at hinubad ang balabal niya. Kumuha siya ng tuwalya at itinali iyon sa baywang niya.+ 5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana at hinugasan niya ang mga paa ng mga alagad at tinuyo ang mga iyon ng tuwalyang nakatali sa kaniya.+ 6 At lumapit siya kay Simon Pedro. Sinabi nito: “Panginoon, huhugasan mo ba ang mga paa ko?” 7 Sumagot si Jesus: “Hindi mo mauunawaan sa ngayon ang ginagawa ko, pero mauunawaan mo rin ito.” 8 Sinabi ni Pedro: “Hinding-hindi ako papayag na hugasan mo ang mga paa ko.” Sumagot si Jesus: “Kung hindi ko huhugasan ang mga paa mo,+ hindi mo ako puwedeng makasama.” 9 Sinabi ni Simon Pedro: “Panginoon, hugasan mo na rin ang mga kamay ko at ulo, hindi lang ang mga paa ko.” 10 Sinabi ni Jesus sa kaniya: “Kung naligo na ang isa, malinis na siya+ at mga paa na lang ang kailangang hugasan. At kayo ay malilinis, pero hindi lahat.” 11 Kilala ni Jesus ang magtatraidor sa kaniya,+ kaya sinabi niya: “Hindi lahat sa inyo ay malinis.”
12 Nang mahugasan na niya ang mga paa nila at maisuot ang balabal niya, bumalik siya sa mesa* at sinabi niya: “Alam ba ninyo kung bakit ko ginawa iyon? 13 Tinatawag ninyo akong ‘Guro’+ at ‘Panginoon,’ at tama kayo, dahil gayon nga ako.+ 14 Kaya kung ako na Panginoon at Guro ay naghugas ng mga paa ninyo,+ dapat din kayong maghugas ng mga paa ng isa’t isa.+ 15 Dahil nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo, dapat din ninyo itong gawin.+ 16 Sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa panginoon niya, at ang isinugo ay hindi mas dakila kaysa sa nagsugo sa kaniya.+ 17 Dahil alam na ninyo ito, magiging maligaya kayo kung gagawin ninyo ito.+ 18 Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko; kilala ko ang aking mga pinili. Pero kailangang matupad ang nasa Kasulatan:+ ‘Siya na dating kumakaing kasama ko ay kumalaban sa akin.’+ 19 Sinasabi ko na ito sa inyo ngayon bago pa ito mangyari para kapag naganap ito ay maniwala kayo na ako nga siya.+ 20 Tinitiyak ko sa inyo, ang tumatanggap sa sinumang isinusugo ko ay tumatanggap din sa akin,+ at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa nagsugo sa akin.”+
21 Pagkasabi nito, nabagabag ang kalooban ni Jesus at sinabi niya: “Tinitiyak ko sa inyo, isa sa inyo ang magtatraidor sa akin.”+ 22 Nagtinginan ang mga alagad dahil hindi nila alam kung sino ang tinutukoy niya.+ 23 Ang isa sa mga alagad, ang minamahal ni Jesus,+ ay nasa tabi niya. 24 Kaya sinenyasan* ito ni Simon Pedro at sinabi: “Sabihin mo sa amin kung sino ang tinutukoy niya.” 25 Kaya sumandig ito sa dibdib ni Jesus at sinabi: “Panginoon, sino iyon?”+ 26 Sumagot si Jesus: “Siya ang bibigyan ko ng tinapay na isasawsaw ko.”+ Kaya pagkasawsaw sa tinapay, ibinigay niya ito kay Hudas, na anak ni Simon Iscariote. 27 Pagkakuha ni Hudas sa tinapay, pumasok sa kaniya si Satanas.+ At sinabi ni Jesus sa kaniya: “Tapusin mo na agad ang ginagawa mo.” 28 Gayunman, walang sinuman sa mga kasama niya sa mesa ang nakaaalam kung bakit niya ito sinabi sa kaniya. 29 Ang totoo, dahil si Hudas ang may hawak sa kahon ng pera,+ iniisip ng ilan na sinasabi ni Jesus sa kaniya, “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa kapistahan,” o na magbigay siya ng anuman sa mahihirap. 30 Kaya pagkakuha sa tinapay, lumabas siya agad. Gabi na noon.+
31 Kaya nang makalabas na siya, sinabi ni Jesus: “Ngayon ang Anak ng tao ay naluluwalhati,+ at ang Diyos ay naluluwalhati sa pamamagitan niya. 32 Ang Diyos mismo ang luluwalhati sa kaniya,+ at agad niya siyang luluwalhatiin. 33 Mahal na mga anak, sandali na lang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako; at ang sinabi ko sa mga Judio ay sinasabi ko rin sa inyo ngayon, ‘Hindi kayo makakapunta kung nasaan ako.’+ 34 Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.+ 35 Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.”+
36 Sinabi ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka pupunta?” Sumagot si Jesus: “Hindi ka pa makakasama ngayon sa pupuntahan ko, pero makakasunod ka rin.”+ 37 Sinabi ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi ako makakasama sa iyo ngayon? Ibibigay ko ang buhay ko para sa iyo.”+ 38 Sumagot si Jesus: “Talaga bang ibibigay mo ang buhay* mo para sa akin? Tinitiyak ko sa iyo, hindi titilaok ang isang tandang hanggang sa maikaila mo ako nang tatlong ulit.”+