JESU-KRISTO
Ang pinagdugtong na pangalan at titulo ng Anak ng Diyos mula nang pahiran siya noong narito siya sa lupa.
Ang pangalang Jesus (sa Gr., I·e·sousʹ) ay katumbas ng pangalang Hebreo na Jesua (o, sa kabuuang anyo nito, Jehosua), nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Hindi pambihira ang pangalang ito, yamang maraming lalaki noong panahong iyon ang may ganitong pangalan. Dahil dito, kadalasa’y dinaragdagan ito ng mga tao ng higit pang pagkakakilanlan, anupat sinasabing “Jesus na Nazareno.” (Mar 10:47; Gaw 2:22) Ang Kristo naman ay mula sa Griegong Khri·stosʹ, na katumbas ng Hebreong Ma·shiʹach (Mesiyas), at nangangahulugang “Pinahiran.” Bagaman ang pananalitang “pinahiran” ay wastong ikinapit sa iba bago dumating si Jesus, gaya kina Moises, Aaron, at David (Heb 11:24-26; Lev 4:3; 8:12; 2Sa 22:51), ang kanilang posisyon, katungkulan, o paglilingkod bilang pinahiran ay patiunang lumarawan lamang sa nakatataas na posisyon, katungkulan, at paglilingkod ni Jesu-Kristo. Kaya naman si Jesus ang bukod-tangi at nag-iisang “Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”—Mat 16:16; tingnan ang KRISTO; MESIYAS.
Pag-iral Bago Naging Tao. Hindi sa lupa unang nabuhay ang persona na nakilala bilang si Jesu-Kristo. Sinabi niya mismo na nabuhay siya sa langit bago siya naging tao. (Ju 3:13; 6:38, 62; 8:23, 42, 58) Sa Juan 1:1, 2, ibinibigay ang pangalan sa langit ng isa na naging si Jesus, sa pagsasabi: “Nang pasimula ay ang Salita [sa Gr., Loʹgos], at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos [“ay tulad-Diyos,” AT; Mo; o “may pagkadiyos,” Böhmer; Stage (parehong Aleman)]. Ang isang ito nang pasimula ay kasama ng Diyos.” Yamang si Jehova ay walang hanggan at hindi nagkaroon ng pasimula (Aw 90:2; Apo 15:3), tiyak na ang pagiging magkasama ng Salita at ng Diyos mula noong “pasimula” ay tumutukoy sa pasimula ng mga gawang paglalang ni Jehova. Pinatototohanan ito ng iba pang mga teksto na nagpapakilala kay Jesus bilang “ang panganay sa lahat ng nilalang,” “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” (Col 1:15; Apo 1:1; 3:14) Sa gayon, ipinakikilala ng Kasulatan ang Salita (si Jesus bago siya naging tao) bilang ang unang nilalang ng Diyos, ang kaniyang panganay na Anak.
Ipinakikita ng sariling pananalita ni Jesus na talagang si Jehova ang Ama o Tagapagbigay-Buhay ng panganay na Anak na ito at, samakatuwid, ang Anak na ito ay aktuwal na nilalang ng Diyos. Tinukoy niya ang Diyos bilang ang Bukal ng kaniyang buhay, sa pagsasabing, “Ako ay nabubuhay dahil sa Ama.” Batay sa konteksto, nangangahulugan ito na ang kaniyang buhay ay nagmula sa kaniyang Ama o pinangyari Niya, kung paanong magtatamo ng buhay ang mga taong namamatay bilang resulta ng pananampalataya nila sa haing pantubos ni Jesus.—Ju 6:56, 57.
Kung tama ang tantiya ng makabagong-panahong mga siyentipiko sa edad ng pisikal na uniberso, ang pag-iral ni Jesus bilang espiritung nilalang ay nagsimula libu-libong milyong taon bago lalangin ang unang tao. (Ihambing ang Mik 5:2.) Ang panganay na espiritung Anak na ito ang ginamit ng kaniyang Ama sa paglalang ng lahat ng iba pang bagay. (Ju 1:3; Col 1:16, 17) Kabilang dito ang milyun-milyong iba pang espiritung anak ng makalangit na pamilya ng Diyos na Jehova (Dan 7:9, 10; Apo 5:11), gayundin ang pisikal na uniberso at ang unang mga nilalang na ginawa rito. Kaya makatuwirang isipin na ang panganay na Anak na ito ang sinabihan ni Jehova: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis.” (Gen 1:26) Ang lahat ng iba pang mga nilalang na ito ay hindi lamang nilalang “sa pamamagitan niya” kundi “para [rin] sa kaniya,” bilang Panganay ng Diyos at “tagapagmana ng lahat ng bagay.”—Col 1:16; Heb 1:2.
Hindi kapuwa-Maylalang. Bagaman nakibahagi ang Anak sa mga gawang paglalang, hindi siya naging kapuwa-Maylalang ng kaniyang Ama. Ang kapangyarihang ginamit sa paglalang ay nanggaling sa Diyos sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. (Gen 1:2; Aw 33:6) At yamang si Jehova ang Bukal ng lahat ng buhay, siya ang pinagkakautangan ng buhay ng lahat ng nilalang na buháy, nakikita man o di-nakikita. (Aw 36:9) Samakatuwid, sa halip na maging kapuwa-Maylalang, ang Anak ang siyang ahente o kasangkapan na sa pamamagitan niya ay gumawa si Jehova, ang Maylalang. Iniukol ni Jesus mismo sa Diyos ang kapurihan para sa paglalang, gaya ng ginagawa ng buong Kasulatan.—Mat 19:4-6; tingnan ang PAGLALANG, NILALANG.
Personipikasyon ng karunungan. Ang ulat ng Kasulatan tungkol sa Salita ay katugmang-katugma ng paglalarawan sa Kawikaan 8:22-31. Doon ay binibigyang-katauhan ang karunungan na para bang ito’y nakapagsasalita at nakakakilos. (Kaw 8:1) Noong unang mga siglo ng Karaniwang Panahon, naunawaan ng maraming manunulat na nag-aangking Kristiyano na ang seksiyong ito ay makasagisag na tumutukoy sa Anak ng Diyos bago siya naging tao. Salig sa mga tekstong naisaalang-alang na, hindi maitatanggi na ang Anak na iyon ay “ginawa” ni Jehova “bilang ang pasimula ng kaniyang lakad, ang kauna-unahan sa kaniyang mga nagawa noong sinaunang panahon,” o na ang Anak ay “nasa piling [ni Jehova] bilang isang dalubhasang manggagawa” noong lalangin ang lupa, gaya ng inilalarawan ng mga talatang ito sa Mga Kawikaan. Totoo na sa wikang Hebreo, na nagtatakda ng kasarian sa mga pangngalan (gaya rin ng maraming iba pang wika), ang salita para sa “karunungan” ay laging nasa kasariang pambabae. Hindi nagbabago ang kasarian nito kahit binibigyang-katauhan ang karunungan at sa gayo’y maaari pa rin itong gamitin sa makasagisag na paraan upang kumatawan sa panganay na Anak ng Diyos. Sa pananalitang “ang Diyos ay pag-ibig” (1Ju 4:8), ang salitang Griego para sa “pag-ibig” ay nasa kasariang pambabae rin ngunit hindi ito nangangahulugan na babae ang Diyos. Bilang pangunahing manunulat ng Mga Kawikaan (Kaw 1:1), ikinapit ni Solomon sa kaniyang sarili ang titulong qo·heʹleth [tagapagtipon] (Ec 1:1) na nasa kasarian din na pambabae.
Makikita lamang ang karunungan kapag ipinahayag ito sa isang paraan. Ang sariling karunungan ng Diyos ay nahayag sa paglalang (Kaw 3:19, 20), ngunit ito’y sa pamamagitan ng kaniyang Anak. (Ihambing ang 1Co 8:6.) Gayundin naman, ang puspos-ng-karunungang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan ay ipinakikita sa pamamagitan ng Kaniyang Anak na si Jesu-Kristo at nabubuod sa kaniya. Dahil dito, maaaring sabihin ng apostol na “ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos” ay kinakatawanan ni Kristo at na si Kristo Jesus para “sa atin ay naging karunungan mula sa Diyos, at katuwiran din at pagpapabanal at pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.”—1Co 1:24, 30; ihambing ang 1Co 2:7, 8; Kaw 8:1, 10, 18-21.
Kung paanong siya ang “bugtong na Anak.” Ang pagtawag kay Jesus na “bugtong na Anak” (Ju 1:14; 3:16, 18; 1Ju 4:9) ay hindi nangangahulugang hindi anak ng Diyos ang iba pang mga espiritung nilalang, sapagkat tinatawag din silang mga anak. (Gen 6:2, 4; Job 1:6; 2:1; 38:4-7) Gayunman, dahil siya lamang ang tuwirang nilalang ng kaniyang Ama, ang panganay na Anak ay natatangi sa lahat ng iba pang mga anak ng Diyos, na pawang nilalang o inianak ni Jehova sa pamamagitan ng panganay na Anak na iyon. Kaya “ang Salita” ay “bugtong na Anak” ni Jehova sa isang partikular na diwa, kung paanong si Isaac ay “bugtong na anak” ni Abraham sa isang partikular na diwa (yamang si Abraham ay mayroon nang isang anak ngunit hindi sa asawa niya na si Sara).—Heb 11:17; Gen 16:15.
Kung bakit tinawag na “ang Salita.” Ang pangalan (o, marahil, titulo) na “ang Salita” (Ju 1:1) ay waring tumutukoy sa tungkuling ginampanan ng panganay na Anak ng Diyos nang maanyuan na ang iba pang matatalinong nilalang. Isang kahawig na pananalita ang matatagpuan sa Exodo 4:16, kung saan sinabi ni Jehova kay Moises tungkol sa kapatid nito na si Aaron: “At magsasalita siya sa bayan para sa iyo; at mangyayari nga na siya ay magiging parang bibig sa iyo, at ikaw ay magiging parang Diyos sa kaniya.” Bilang tagapagsalita para sa punong kinatawan ng Diyos sa lupa, si Aaron ay nagsilbing “bibig” para kay Moises. Gayundin ang naging gawain ng Salita, o Logos, na naging si Jesu-Kristo. Maliwanag na ginamit ni Jehova ang kaniyang Anak upang magtawid ng mga impormasyon at tagubilin sa iba pang kabilang sa kaniyang pamilya ng mga espiritung anak, kung paanong ginamit niya ang Anak na iyon upang maghatid ng kaniyang mensahe sa mga tao sa lupa. Upang ipakita na siya ang Salita, o Tagapagsalita, ng Diyos, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig na Judio: “Ang itinuturo ko ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin. Kung ang sinuman ay nagnanais na gawin ang Kaniyang kalooban, makikilala niya tungkol sa turo kung ito ay mula sa Diyos o ako ay nagsasalita nang mula sa aking sarili.”—Ju 7:16, 17; ihambing ang Ju 12:50; 18:37.
Tiyak na bago naging tao si Jesus, bilang ang Salita, maraming pagkakataon na gumanap siya bilang Tagapagsalita ni Jehova sa mga tao sa lupa. Bagaman sa ilang teksto ay tinutukoy si Jehova na para bang tuwiran siyang nagsasalita sa mga tao, nililinaw naman sa ibang mga teksto na ginawa niya iyon sa pamamagitan ng anghelikong kinatawan. (Ihambing ang Exo 3:2-4 sa Gaw 7:30, 35; gayundin ang Gen 16:7-11, 13; 22:1, 11, 12, 15-18.) Makatuwirang isipin na sa karamihan sa gayong mga kaso, nagsalita ang Diyos sa pamamagitan ng Salita. Malamang na gayon ang ginawa niya sa Eden, sapagkat sa tatlong pagkakataon na binanggit na nagsalita ang Diyos doon, sa dalawa rito ay espesipikong ipinakikita ng ulat na mayroon Siyang kasama, na tiyak na ang kaniyang Anak. (Gen 1:26-30; 2:16, 17; 3:8-19, 22) Samakatuwid, ang anghel na pumatnubay sa Israel sa ilang at na ang tinig ay dapat na mahigpit na sundin ng mga Israelita sapagkat ‘nasa kaniya ang pangalan ni Jehova,’ ay posibleng ang Anak ng Diyos, ang Salita.—Exo 23:20-23; ihambing ang Jos 5:13-15.
Hindi ito nangangahulugan na ang Salita ang tanging anghelikong kinatawan na ginamit ni Jehova. Ipinakikita ng kinasihang mga pananalita sa Gawa 7:53, Galacia 3:19, at Hebreo 2:2, 3 na ang tipang Kautusan ay inihatid kay Moises ng anghelikong mga anak ng Diyos na iba pa sa kaniyang Panganay.
Taglay pa rin ni Jesus ang pangalang “Ang Salita ng Diyos” mula nang bumalik siya sa makalangit na kaluwalhatian.—Apo 19:13, 16.
Bakit tinutukoy si Jesus sa ilang salin ng Bibliya bilang “Diyos,” samantalang sinasabi naman sa iba na siya’y “isang diyos”?
Sa ilang salin ay isinasalin ang Juan 1:1 nang ganito: “Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” Ang tekstong Griego ay literal na nagsasabi: “Nang pasimula ay ang salita, at ang salita ay tungo sa ang diyos, at diyos ang salita.” Dito, ang tagapagsalin ang dapat magsuplay ng malalaking titik depende sa hinihiling ng wikang pinagsasalinan niya ng teksto. Maliwanag na wastong gamitan ng malaking titik ang “Diyos” kapag isinasalin ang pariralang “ang diyos,” yamang tiyak na tumutukoy iyon sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na kasama ng Salita. Ngunit sa ikalawang paglitaw ng salitang “diyos,” maliwanag na walang saligan upang gamitan iyon ng malaking titik.
Ang Bagong Sanlibutang Salin ay kababasahan: “Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos.” Totoo, walang balintiyak na pantukoy (indefinite article; katumbas ng “isang”) sa orihinal na tekstong Griego. Ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi dapat gumamit niyaon sa pagsasalin, sapagkat ang Koine, o karaniwang Griego, ay walang balintiyak na pantukoy. Kaya naman sa buong Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang mga tagapagsalin ay kinailangang gumamit, o hindi gumamit, ng balintiyak na pantukoy ayon sa pagkaunawa nila sa kahulugan ng teksto. Ang lahat ng saling Ingles ng mga Kasulatang iyon ay daan-daang beses na gumagamit ng balintiyak na pantukoy; ngunit ang karamihan ay hindi gumagamit nito sa Juan 1:1. Gayunpaman, may matibay na dahilan upang gumamit nito sa salin ng tekstong iyon.
Una, dapat pansinin na ipinakikita ng mismong teksto na ang Salita ay “kasama ng Diyos,” sa gayo’y hindi maaaring siya ang Diyos, samakatuwid nga, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (Pansinin din ang tal 2, na hindi na sana kailangan kung talagang ipinakikita ng tal 1 na ang Salita ay ang Diyos.) Bukod diyan, ang salita para sa “diyos” (sa Gr., the·osʹ) sa ikalawang paglitaw nito sa talatang iyon ay walang pamanggit na pantukoy (definite article) na “ang” (sa Gr., ho). May kinalaman sa bagay na ito, si Ernst Haenchen, sa isang komentaryo sa Ebanghelyo ni Juan (kabanata 1-6), ay nagsabi: “Ang [the·osʹ] at ang [ho the·osʹ] (‘diyos, tulad-Diyos’ at ‘ang Diyos’) ay hindi iisa sa yugtong ito. . . . Sa katunayan, para sa . . . Ebanghelista, tanging ang Ama ang ‘Diyos’ ([ho the·osʹ]; ihambing ang 17:3); ‘ang Anak’ ay nakabababa sa kaniya (ihambing ang 14:28). Ngunit ipinahihiwatig lamang iyan sa talatang ito sapagkat ang idiniriin dito ay ang pagiging malapit nila sa isa’t isa . . . . Sa Judio at Kristiyanong monoteismo, maaaring tukuyin ang mga diyos na umiiral na kasama at nasa ilalim ng Diyos ngunit naiiba pa sa kaniya. Pinatutunayan iyan ng Fil 2:6-10. Sa mga talatang iyon, inilalarawan ni Pablo ang gayong diyos, na nang maglaon ay naging tao sa persona ni Jesu-Kristo . . . Sa gayon, kapuwa sa Filipos at sa Juan 1:1, hindi ito tumutukoy sa kaugnayan sa pagitan ng dalawa na iisang persona, kundi sa personal na pagkakaisa ng dalawang persona.”—John 1, isinalin ni R. W. Funk, 1984, p. 109, 110.
Pagkatapos magbigay ng isang salin sa Ingles ng Juan 1:1c na “and divine (nasa kategoryang diyos) was the Word,” si Haenchen ay nagsabi pa: “Sa kasong ito, ang pandiwang ‘was’ ([en]) ay nagpapahiwatig lamang ng pagiging panaguri. At, alinsunod dito, dapat maging mas maingat kapag isinasalin ang pangngalang panaguri: ang [the·osʹ] ay iba sa [ho the·osʹ] (ang ‘tulad-Diyos’ ay iba sa ‘Diyos’).” (p. 110, 111) Bilang pagpapalawak sa puntong ito, itinawag-pansin ni Philip B. Harner na ang pagkakaayos ng balarila ng Juan 1:1 ay gumagamit ng isang panaguring anarthrous, samakatuwid nga, isang pangngalang panaguri na walang pamanggit na pantukoy na “ang,” na nauuna sa pandiwa, anupat ang pagkakaayos na ito ay pangunahin nang tumutukoy sa isang katangian at nagpapahiwatig na “ang logos ay nagtataglay ng kalikasan ng theos.” Sinabi pa niya: “Sa palagay ko, sa Juan 1:1, ang puwersa ng panaguri bilang katangian ay litaw-na-litaw anupat ang pangngalan [the·osʹ] ay hindi maituturing na tiyakan.” (Journal of Biblical Literature, 1973, p. 85, 87) Palibhasa’y kinikilala rin ng iba pang mga tagapagsalin na ang terminong Griego ay isang katangian at naglalarawan sa kalikasan ng Salita, isinasalin nila ang pariralang iyon bilang: “ang Salita ay tulad-Diyos.”—AT; Sd; ihambing ang Mo; tingnan ang apendise ng Rbi8, p. 1579.
Malinaw na ipinakikita sa buong Hebreong Kasulatan na iisa lamang ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylalang ng lahat ng bagay at ang Kataas-taasan, na ang pangalan ay Jehova. (Gen 17:1; Isa 45:18; Aw 83:18) Kaya naman masasabi ni Moises sa bansang Israel: “Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova. At iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong lakas.” (Deu 6:4, 5) Hindi sinasalungat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ang turong ito na libu-libong taon nang tinatanggap at pinaniniwalaan ng mga lingkod ng Diyos, kundi sa halip ay sinusuportahan pa nga iyon. (Mar 12:29; Ro 3:29, 30; 1Co 8:6; Efe 4:4-6; 1Ti 2:5) Si Jesu-Kristo mismo ang nagsabi, “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin” at tinukoy niya ang Ama bilang kaniyang Diyos, “ang tanging tunay na Diyos.” (Ju 14:28; 17:3; 20:17; Mar 15:34; Apo 1:1; 3:12) Sa maraming pagkakataon, sinabi ni Jesus na siya’y nakabababa at nagpapasakop sa kaniyang Ama. (Mat 4:9, 10; 20:23; Luc 22:41, 42; Ju 5:19; 8:42; 13:16) Kahit noong nakaakyat na siya sa langit, gayong larawan pa rin ang inihaharap ng kaniyang mga apostol.—1Co 11:3; 15:20, 24-28; 1Pe 1:3; 1Ju 2:1; 4:9, 10.
Ang mga katotohanang ito ay matibay na sumusuporta sa salin na gaya ng “ang Salita ay isang diyos” sa Juan 1:1. Ang nakatataas na posisyon ng Salita sa gitna ng mga nilalang ng Diyos bilang ang Panganay, ang isa na sa pamamagitan niya’y nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay, at bilang ang Tagapagsalita ng Diyos, ay nagbibigay ng tunay na saligan upang tawagin siyang “isang diyos” o isa na makapangyarihan. Patiunang sinabi ng Mesiyanikong hula sa Isaias 9:6 na tatawagin siyang “Makapangyarihang Diyos,” bagaman hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, at na siya ang magiging “Walang-hanggang Ama” ng lahat niyaong magkakapribilehiyong mabuhay bilang kaniyang mga sakop. Ang sigasig ng kaniya mismong Ama, si “Jehova ng mga hukbo,” ang magsasagawa nito. (Isa 9:7) Kung ang Kalaban ng Diyos, si Satanas na Diyablo, ay tinatawag na “diyos” (2Co 4:4) dahil nagpupuno siya sa mga tao at mga demonyo (1Ju 5:19; Luc 11:14-18), tiyak na lalong higit na makatuwiran at wasto na ang panganay na Anak ng Diyos ay tawaging “isang diyos,” o “ang bugtong na diyos” gaya ng tawag sa kaniya sa pinakamapananaligang mga manuskrito ng Juan 1:18.
Nang paratangan siya ng mga mananalansang na ‘ginagawa niyang diyos ang kaniyang sarili,’ tumugon si Jesus: “Hindi ba nakasulat sa inyong Kautusan, ‘Ako ay nagsabi: “Kayo ay mga diyos”’? Kung tinawag niya na ‘mga diyos’ yaong mga laban sa kanila ay dumating ang salita ng Diyos, at gayunma’y hindi mapawawalang-bisa ang Kasulatan, sinasabi ba ninyo sa akin na pinabanal ng Ama at isinugo sa sanlibutan, ‘Namumusong ka,’ sapagkat sinabi ko, Ako ang Anak ng Diyos?” (Ju 10:31-37) Dito ay sumipi si Jesus mula sa Awit 82, kung saan ang mga taong hukom, na hinatulan ng Diyos dahil sa hindi paglalapat ng katarungan, ay tinatawag na “mga diyos.” (Aw 82:1, 2, 6, 7) Sa gayon, ipinakita ni Jesus na hindi makatuwirang paratangan siya ng pamumusong dahil sinabi niyang siya ay, hindi ang Diyos, kundi ang Anak ng Diyos.
Bumangon ang paratang na ito ng pamumusong dahil sa sinabi ni Jesus: “Ako at ang Ama ay iisa.” (Ju 10:30) Hindi ito nangangahulugan na inangkin ni Jesus na siya ang Ama o ang Diyos, at makikita natin ito sa tugon ni Jesus, na naisaalang-alang na natin nang bahagya. Ang pagiging iisa na binanggit ni Jesus ay dapat unawain kasuwato ng konteksto ng kaniyang sinabi. Ang tinutukoy niya noon ay ang kaniyang mga gawa at ang pangangalaga niya sa “mga tupa” na susunod sa kaniya. Ipinakita ng kaniyang mga gawa, gayundin ng kaniyang mga salita, na may umiiral na pagkakaisa, hindi kawalan ng pagkakaisa at di-pagkakasuwato, sa pagitan niya at ng kaniyang Ama, isang punto na idiniin pa niya sa kaniyang tugon. (Ju 10:25, 26, 37, 38; ihambing ang Ju 4:34; 5:30; 6:38-40; 8:16-18.) May kinalaman sa kaniyang “mga tupa,” siya at ang kaniyang Ama ay nagkakaisa rin sa kanilang pagsasanggalang sa gayong mga tulad-tupa at sa pag-akay sa mga ito tungo sa buhay na walang hanggan. (Ju 10:27-29; ihambing ang Eze 34:23, 24.) Ipinakikita ng panalangin ni Jesus para sa pagkakaisa ng lahat ng kaniyang mga alagad, kasama na yaong magiging mga alagad sa hinaharap, na ang pagiging iisa, o pagkakaisa, ni Jesus at ng kaniyang Ama ay hindi pagiging iisa sa persona kundi sa layunin at pagkilos. Sa ganitong paraan, ang lahat ng mga alagad ni Jesus ay ‘magiging isa,’ kung paanong siya at ang kaniyang Ama ay iisa.—Ju 17:20-23.
Kasuwato nito, bilang tugon sa isang tanong ni Tomas ay sinabi ni Jesus: “Kung nakilala ninyo ako, nakilala rin sana ninyo ang aking Ama; mula sa sandaling ito ay kilala ninyo siya at nakita na ninyo siya,” at, bilang sagot naman sa tanong ni Felipe, idinagdag ni Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Ju 14:5-9) Muli, ipinakikita ng kasunod na paliwanag ni Jesus na ito’y sa dahilang tapat niyang kinatawanan ang kaniyang Ama, sinalita ang mga salita ng Ama, at ginawa ang mga gawa ng Ama. (Ju 14:10, 11; ihambing ang Ju 12:28, 44-49.) Ito rin ang pagkakataon, noong gabi bago siya mamatay, nang sabihin ni Jesus sa mismong mga alagad na iyon: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.”—Ju 14:28.
Makatutulong din ang iba pang mga halimbawa sa Kasulatan upang maunawaan natin kung paano ‘makikita’ ng mga alagad ang Ama sa katauhan ni Jesus. Noong minsan ay sinabi ni Jacob kay Esau: “Nakita ko ang iyong mukha na para bang nakikita ang mukha ng Diyos sapagkat tinanggap mo ako nang may kaluguran.” Sinabi ito ni Jacob sapagkat ang naging reaksiyon ni Esau ay kaayon ng kaniyang panalangin sa Diyos. (Gen 33:9-11; 32:9-12) Nang maunawaan ni Job ang mga bagay-bagay matapos siyang pagtatanungin ng Diyos mula sa buhawi, sinabi ni Job: “Sa sabi-sabi ay nakarinig ako ng tungkol sa iyo, ngunit ngayon ay nakikita ka nga ng aking mata.” (Job 38:1; 42:5; tingnan din ang Huk 13:21, 22.) Naliwanagan ang ‘mga mata ng kaniyang puso.’ (Ihambing ang Efe 1:18.) Ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagkakita sa Ama ay dapat unawain sa makasagisag at hindi sa literal na paraan; maliwanag itong makikita sa sariling pananalita ni Jesus sa Juan 6:45 at gayundin sa isinulat ni Juan mahabang panahon na ang lumipas pagkamatay ni Jesus: “Walang taong nakakita sa Diyos kailanman; ang bugtong na diyos na nasa dakong dibdib ng Ama ang siyang nakapagpaliwanag tungkol sa kaniya.”—Ju 1:18; 1Ju 4:12.
Ano ang ibig sabihin ni Tomas nang sabihin niya kay Jesus, “Panginoon ko at Diyos ko”?
Noong magpakita si Jesus kay Tomas at sa iba pang mga apostol, na pumawi sa mga pag-aalinlangan ni Tomas tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus, ang nakumbinsing si Tomas ay bumulalas kay Jesus: “Panginoon ko at Diyos ko! [sa literal, “Ang Panginoon ko at ang Diyos (ho The·osʹ) ko!”].” (Ju 20:24-29) Ipinapalagay ng ilang iskolar na isa itong bulalas ng matinding pagkamangha na sinabi kay Jesus ngunit sa aktuwal ay patungkol sa Diyos, na kaniyang Ama. Gayunman, inaangkin ng iba na batay sa orihinal na Griego, ang mga salitang iyon ay dapat ituring na patungkol kay Jesus. Kahit totoo pa ito, ang pananalitang “Panginoon ko at Diyos ko” ay dapat pa ring maging kaayon ng iba pang bahagi ng kinasihang Kasulatan. Yamang ipinakikita ng ulat na bago nito ay nagpadala si Jesus sa kaniyang mga alagad ng mensaheng, “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos,” walang dahilan upang maniwala na iniisip ni Tomas na si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. (Ju 20:17) Si Juan mismo, matapos isalaysay ang pagtatagpo ni Tomas at ng binuhay-muling si Jesus, ay nagsabi tungkol dito at sa katulad na mga ulat: “Ngunit ang mga ito ay isinulat upang maniwala kayo na si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos, at upang dahil sa paniniwala ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.”—Ju 20:30, 31.
Sa gayon, maaaring tinukoy ni Tomas si Jesus bilang “Diyos ko” sa diwa na si Jesus ay “isang diyos” bagaman hindi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, hindi “ang tanging tunay na Diyos,” na madalas marinig noon ni Tomas na dinadalanginan ni Jesus. (Ju 17:1-3) O maaaring tinukoy niya si Jesus bilang “Diyos ko” sa pananalitang katulad ng ginamit noon ng kaniyang mga ninuno, na nakaulat sa Hebreong Kasulatan at pamilyar kay Tomas. Sa iba’t ibang pagkakataon, kapag may mga indibiduwal na dinadalaw o kinakausap ng isang anghelikong mensahero ni Jehova, ang mga indibiduwal na iyon, o kung minsa’y ang manunulat ng Bibliya na nagtala ng ulat, ay tumutugon o tumutukoy sa anghelikong mensaherong iyon na para bang iyon mismo ang Diyos na Jehova. (Ihambing ang Gen 16:7-11, 13; 18:1-5, 22-33; 32:24-30; Huk 6:11-15; 13:20-22.) Ito ay sa dahilang ang anghelikong mensahero ay gumaganap bilang kinatawan ni Jehova at nagsasalita sa pangalan Niya, anupat marahil ay gumagamit ng unang panauhang isahang panghalip at nagsasabi pa nga, “Ako ang tunay na Diyos.” (Gen 31:11-13; Huk 2:1-5) Kaya naman maaaring sa ganitong diwa tinukoy ni Tomas si Jesus bilang “Diyos ko,” anupat kinikilala o ipinahahayag si Jesus bilang ang kinatawan at tagapagsalita ng tunay na Diyos. Anuman ang naging kalagayan, tiyak na hindi sinasalungat ng sinabi ni Tomas ang malinaw na pananalitang narinig niya mismo kay Jesus: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.”—Ju 14:28.
Ang Kaniyang Kapanganakan sa Lupa. Bago pa ipanganak si Jesus sa lupa, mayroon nang mga anghel na nagtungo sa planetang ito at nagpakita sa anyong tao, anupat lumilitaw na gumamit ng mga katawang laman na angkop sa pagkakataon, pagkatapos ay hinubad ang mga iyon nang magampanan na nila ang gayong mga atas. (Gen 19:1-3; Huk 6:20-22; 13:15-20) Kaya naman nanatili silang mga espiritung nilalang, anupat pansamantala lamang na gumamit ng pisikal na katawan. Gayunman, hindi ganito ang kaso noong pumarito sa lupa ang Anak ng Diyos upang maging ang taong si Jesus. Sinasabi ng Juan 1:14 na “ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin.” Dahil dito, maaari niyang tawagin ang kaniyang sarili na “Anak ng tao.” (Ju 1:51; 3:14, 15) Itinatawag-pansin ng ilan ang pananalitang “tumahan [sa literal, “nagtolda”] sa gitna natin” at sinasabi nila na ipinakikita nito na si Jesus ay hindi naging tunay na tao, kundi nagkatawang-tao lamang. Gayunman, ang apostol na si Pedro ay gumamit ng katulad na pananalita tungkol sa kaniyang sarili, at maliwanag na hindi nagkatawang-tao lamang si Pedro.—2Pe 1:13, 14.
Sinasabi ng kinasihang Rekord: “Ngunit ang kapanganakan ni Jesu-Kristo ay sa ganitong paraan. Noong panahon na ang kaniyang inang si Maria ay ipinangakong mapangasawa ni Jose, siya ay nasumpungang nagdadalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu bago sila nagsama.” (Mat 1:18) Bago nito, sinabihan ng anghelikong mensahero ni Jehova ang birheng si Maria na ito’y ‘maglilihi sa bahay-bata nito’ bilang resulta ng pagdating kay Maria ng banal na espiritu ng Diyos at ng paglilim sa kaniya ng Kaniyang kapangyarihan. (Luc 1:30, 31, 34, 35) Ang batang isinilang ay ang mismong persona pa rin na tumahan sa langit bilang ang Salita, pero aktuwal na anak din ni Maria at samakatuwid ay isang tunay na inapo ng mga ninuno ni Maria na sina Abraham, Isaac, Jacob, Juda, at Haring David at lehitimong tagapagmana ng mga pangakong binitiwan ng Diyos sa kanila. (Gen 22:15-18; 26:24; 28:10-14; 49:10; 2Sa 7:8, 11-16; Luc 3:23-34; tingnan ang TALAANGKANAN NI JESU-KRISTO.) Dahil dito, malamang na ang batang isinilang ay kahawig ng kaniyang inang Judio sa ilang pisikal na katangian.
Si Maria ay inapo ng makasalanang si Adan, samakatuwid, siya rin ay di-sakdal at makasalanan. Kaya naman may mga nagtatanong kung paano maaaring maging sakdal at malaya sa kasalanan ang pisikal na katawan ni Jesus, na “panganay” ni Maria. (Luc 2:7) Bagaman marami nang natutuhan ang makabagong mga geneticist tungkol sa mga batas ng pagmamana at tungkol sa mga katangiang dominant at recessive, wala pa silang karanasan na alamin ang mga resulta ng pagsasanib ng kasakdalan at ng di-kasakdalan, gaya noong ipaglihi si Jesus. Anuman ang naging kalagayan, tiniyak ng pagkilos ng banal na espiritu ng Diyos noong pagkakataong iyon na magtatagumpay ang layunin ng Diyos. Gaya ng ipinaliwanag ng anghel na si Gabriel kay Maria, nililiman si Maria ng “kapangyarihan ng Kataas-taasan” anupat ang ipinanganak ay banal, Anak ng Diyos. Sa diwa, ang banal na espiritu ng Diyos ay naglagay ng isang pananggalang na harang upang walang di-kasakdalan o nakapipinsalang puwersa ang makasira, o makadungis, sa lumalaking binhi, mula sa paglilihi.—Luc 1:35.
Yamang ang banal na espiritu ng Diyos ang nagpaging-posible sa kapanganakang iyon, ang buhay ni Jesus bilang tao ay nagmula sa kaniyang makalangit na Ama, hindi sa kaninumang lalaki, tulad ng kaniyang ama-amahang si Jose. (Mat 2:13-15; Luc 3:23) Gaya ng sinasabi sa Hebreo 10:5, ang Diyos na Jehova ang ‘naghanda ng katawan para sa kaniya,’ at si Jesus, mula nang ipaglihi siya, ay tunay na “walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.”—Heb 7:26; ihambing ang Ju 8:46; 1Pe 2:21, 22.
Samakatuwid, tiyak na ang Mesiyanikong hula sa Isaias 52:14, na bumabanggit ng “pagkasira kung tungkol sa kaniyang kaanyuan,” ay kumakapit kay Jesus na Mesiyas tanging sa makasagisag na paraan. (Ihambing ang tal 7 sa kabanata ring iyon.) Bagaman sakdal ang kaniyang pisikal na anyo, naging nakapandidiri si Jesu-Kristo sa paningin ng mapagpaimbabaw na mga mananalansang dahil sa mensahe ng katotohanan at katuwiran na buong-tapang niyang ipinahayag, anupat sinabi nilang siya’y isang ahente ni Beelzebub, isang taong inaalihan ng demonyo, isang mapamusong na impostor. (Mat 12:24; 27:39-43; Ju 8:48; 15:17-25) Sa katulad na paraan, dahil sa mensaheng ipinahayag ng mga alagad ni Jesus, sila’y naging “mabangong amoy” ng buhay sa mga taong tumatanggap, ngunit isang amoy ng kamatayan naman sa mga tumatanggi sa kanilang mensahe.—2Co 2:14-16.
Panahon ng Kapanganakan, Haba ng Ministeryo. Maliwanag na si Jesus ay ipinanganak noong buwan ng Etanim (Setyembre-Oktubre) ng taóng 2 B.C.E., binautismuhan sa gayunding panahon noong 29 C.E., at namatay nang mga 3:00 n.h. noong Biyernes, ika-14 na araw ng tagsibol na buwan ng Nisan (Marso-Abril), 33 C.E. Ang saligan para sa mga petsang ito ay gaya ng sumusunod:
Isinilang si Jesus mga anim na buwan matapos ipanganak ang kaniyang kamag-anak na si Juan (na Tagapagbautismo), noong panahon ng pamamahala ng Romanong si Emperador Cesar Augusto (31 B.C.E.–14 C.E.) at ng pagkagobernador ni Quirinio sa Sirya (tingnan ang PAGPAPAREHISTRO, PAGREREHISTRO para sa posibleng mga petsa ng pamamahala ni Quirinio), at noong pagtatapos ng paghahari ni Herodes na Dakila sa Judea.—Mat 2:1, 13, 20-22; Luc 1:24-31, 36; 2:1, 2, 7.
Ang kaugnayan ng kaniyang kapanganakan sa kamatayan ni Herodes. Bagaman pinagtatalunan ang petsa ng kamatayan ni Herodes, may mga ebidensiya na naganap ito noong 1 B.C.E. (Tingnan ang HERODES Blg. 1 [Petsa ng Kaniyang Kamatayan]; KRONOLOHIYA [Mga eklipseng lunar].) May ilang pangyayari sa pagitan ng panahon ng kapanganakan ni Jesus at ng kamatayan ni Herodes. Kabilang sa mga ito ang pagtuli kay Jesus noong ikawalong araw (Luc 2:21); ang pagdadala sa kaniya sa templo sa Jerusalem 40 araw pagkapanganak sa kaniya (Luc 2:22, 23; Lev 12:1-4, 8); ang paglalakbay ng mga astrologo “mula sa mga silanganing bahagi” patungo sa Betlehem (nang panahong iyon ay wala na si Jesus sa sabsaban kundi nasa bahay na—Mat 2:1-11; ihambing ang Luc 2:7, 15, 16); ang pagtakas nina Jose at Maria patungong Ehipto kasama ang bata (Mat 2:13-15); na sinundan ng pagkatanto ni Herodes na hindi sinunod ng mga astrologo ang kaniyang mga tagubilin, at ang kasunod nito na pagpatay sa lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa mga distrito nito na hindi lalampas sa edad na dalawang taon (nagpapahiwatig na hindi na bagong-silang na sanggol si Jesus noon). (Mat 2:16-18) Kung ipinanganak si Jesus noong taglagas ng 2 B.C.E., may sapat na panahon upang maganap ang mga pangyayaring ito sa pagitan ng kaniyang kapanganakan at ng kamatayan ni Herodes, na malamang ay noong 1 B.C.E. Gayunman, may iba pang dahilan na nagpapakitang ipinanganak si Jesus noong 2 B.C.E.
Ang kaugnayan nito sa ministeryo ni Juan. Ang karagdagang saligan para sa mga petsang ibinigay sa pasimula ng seksiyong ito ay matatagpuan sa Lucas 3:1-3, na nagpapakitang sinimulan ni Juan na Tagapagbautismo ang kaniyang pangangaral at pagbabautismo noong “ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar.” Ang ika-15 taóng iyon ay mula noong huling kalahatian ng 28 C.E. hanggang noong Agosto o Setyembre ng 29 C.E. (Tingnan ang TIBERIO.) Noong panahon ng ministeryo ni Juan, si Jesus ay pumaroon sa kaniya at nagpabautismo. Pagkatapos nito, nang pasimulan naman ni Jesus ang kaniyang ministeryo, siya noon ay “mga tatlumpung taóng gulang.” (Luc 3:21-23) Sa edad na 30, na edad ni David nang ito’y maging hari, si Jesus ay hindi na sakop ng kaniyang mga magulang na tao.—2Sa 5:4, 5; ihambing ang Luc 2:51.
Ayon sa Bilang 4:1-3, 22, 23, 29, 30, ang mga pumapasok sa paglilingkod sa santuwaryo sa ilalim ng tipang Kautusan ay “mula tatlumpung taóng gulang pataas.” Makatuwirang isipin na si Juan na Tagapagbautismo, na isang Levita at anak ng isang saserdote, ay nagsimulang magministeryo sa gayunding edad, hindi sa templo, kundi sa pantanging atas na itinakda ni Jehova para sa kaniya. (Luc 1:1-17, 67, 76-79) Ang espesipikong pagbanggit (dalawang beses) sa agwat ng mga edad nina Juan at Jesus at ang pagkakatugma ng mga pagpapakita at mga mensahe ng anghel ni Jehova nang ipatalastas nito ang mga kapanganakan ng dalawang anak na lalaking ito (Luc 1) ay nagbibigay ng sapat na saligan upang maniwalang magkahawig ang talaorasan ng kanilang mga ministeryo, samakatuwid nga, na ang pasimula ng ministeryo ni Juan (bilang ang tagapagpauna ni Jesus) ay sinundan ng pasimula ng ministeryo ni Jesus pagkaraan ng mga anim na buwan.
Salig sa bagay na ito, ang kapanganakan ni Juan ay naganap 30 taon bago niya sinimulan ang kaniyang ministeryo noong ika-15 taon ni Tiberio, samakatuwid ay sa pagitan ng huling kalahatian ng 3 B.C.E. at ng Agosto o Setyembre ng 2 B.C.E., na sinundan naman ng kapanganakan ni Jesus pagkaraan ng mga anim na buwan.
Katibayan para sa tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo. Sa pamamagitan ng natitirang katibayan batay sa kronolohiya, isang mas tiyak na konklusyon ang maaari nating mabuo. Ang katibayang ito ay may kinalaman sa haba ng ministeryo ni Jesus at sa panahon ng kaniyang kamatayan. Ipinakikita sa hula ng Daniel 9:24-27 (tinalakay nang lubusan sa artikulong PITUMPUNG SANLINGGO) na ang Mesiyas ay lilitaw sa pasimula ng ika-70 “sanlinggo” ng mga taon (Dan 9:25) at ang kaniyang sakripisyong kamatayan naman ay magaganap sa kalagitnaan o “sa kalahati” ng huling sanlinggo, sa gayon ay winawakasan ang bisa ng mga hain at mga handog na kaloob sa ilalim ng tipang Kautusan. (Dan 9:26, 27; ihambing ang Heb 9:9-14; 10:1-10.) Mangangahulugan ito na ang haba ng ministeryo ni Jesu-Kristo ay tatlo at kalahating taon (kalahati ng isang “sanlinggo” ng pitong taon).
Upang masabi na tumagal nang tatlo at kalahating taon ang ministeryo ni Jesus, anupat nagwakas sa kaniyang kamatayan sa panahon ng Paskuwa, dapat na may apat na Paskuwa sa loob ng yugtong iyon. Ang katibayan para sa apat na Paskuwang iyon ay matatagpuan sa Juan 2:13; 5:1; 6:4; at 13:1. Hindi espesipikong binabanggit sa Juan 5:1 ang Paskuwa, anupat tinukoy lamang doon ang isang “kapistahan [“ang kapistahan,” ayon sa ilang sinaunang manuskrito] ng mga Judio.” Gayunman, may mabuting dahilan upang ipalagay na tumutukoy ito sa Paskuwa sa halip na sa iba pang taunang kapistahan.
Mas maaga rito, sa Juan 4:35, binabanggit na sinabi ni Jesus na “mayroon pang apat na buwan bago dumating ang pag-aani.” Ang kapanahunan ng pag-aani, partikular na ang pag-aani ng sebada, ay nagsisimula sa panahon ng Paskuwa (Nisan 14). Samakatuwid, sinabi ni Jesus ang pananalitang iyon apat na buwan bago ang panahong iyon o humigit-kumulang noong buwan ng Kislev (Nobyembre-Disyembre). Ang Kapistahan ng Pag-aalay, na pinasimulang ipagdiwang pagkaraan ng pagkatapon, ay ginaganap sa buwan ng Kislev ngunit hindi ito isa sa mga pangunahing kapistahan na dapat daluhan sa Jerusalem. (Exo 23:14-17; Lev 23:4-44) Ipinagdiriwang ito sa buong lupain sa maraming sinagoga, ayon sa tradisyong Judio. (Tingnan ang KAPISTAHAN NG PAG-AALAY.) Nang maglaon, sa Juan 10:22, espesipikong binabanggit na dumalo si Jesus sa gayong Kapistahan ng Pag-aalay sa Jerusalem; gayunman, lumilitaw na naroroon na siya sa kapaligirang iyon mula pa noong mas naunang Kapistahan ng mga Kubol, sa gayo’y hindi siya dumayo roon para lamang sa layuning iyon. Naiiba naman dito, malinaw na ipinahihiwatig sa Juan 5:1 na ang partikular na “kapistahan ng mga Judio” ang dahilan kung bakit lumisan si Jesus sa Galilea (Ju 4:54) at nagtungo sa Jerusalem.
Ang tanging iba pang kapistahan sa pagitan ng Kislev at ng panahon ng Paskuwa ay ang Purim, na idinaraos sa buwan ng Adar (Pebrero-Marso), mga isang buwan bago ang Paskuwa. Ngunit ang Kapistahan ng Purim, na pinasimulang idaos pagkaraan ng pagkatapon, ay ipinagdiriwang din sa buong lupain sa mga tahanan at mga sinagoga. (Tingnan ang PURIM.) Kaya malamang na ang “kapistahan ng mga Judio” na tinukoy sa Juan 5:1 ay ang Paskuwa, anupat ang pagdalo noon ni Jesus sa Jerusalem ay kaayon ng kautusan ng Diyos sa Israel. Totoo na pagkatapos nito, iilang pangyayari lamang ang iniulat ni Juan bago niya muling binanggit ang Paskuwa (Ju 6:4), ngunit ipinakikita ng pagsusuri sa tsart ng Tampok na mga Pangyayari sa Buhay ni Jesus sa Lupa na talagang napakaikli ng pagtalakay ni Juan sa maagang bahagi ng ministeryo ni Jesus, anupat hindi iniulat ang maraming pangyayari na inilahad na ng tatlong iba pang ebanghelista. Sa katunayan, ang napakaraming gawain ni Jesus na itinala ng iba pang mga ebanghelista (sina Mateo, Marcos, at Lucas) ay sumusuporta sa konklusyon na talagang may isa pang taunang Paskuwa sa pagitan ng mga ulat sa Juan 2:13 at 6:4.
Ang panahon ng kaniyang kamatayan. Naganap ang kamatayan ni Jesu-Kristo sa panahon ng tagsibol, noong Araw ng Paskuwa, Nisan (o Abib) 14, ayon sa kalendaryong Judio. (Mat 26:2; Ju 13:1-3; Exo 12:1-6; 13:4) Nang taóng iyon, ang Paskuwa ay tumapat sa ikaanim na araw ng sanlinggo (tinutuos ng mga Judio bilang mula Huwebes paglubog ng araw hanggang Biyernes paglubog ng araw). Maliwanag itong makikita sa Juan 19:31, na nagsasabing ang sumunod na araw ay isang ‘dakilang’ sabbath. Ang araw pagkaraan ng Paskuwa ay laging isang sabbath, anumang araw iyon ng sanlinggo. (Lev 23:5-7) Ngunit kapag ang pantanging Sabbath na ito ay tumapat sa regular na Sabbath (ang ikapitong araw ng sanlinggo), iyon ay nagiging “dakila.” Kaya ang kamatayan ni Jesus ay naganap noong Biyernes, Nisan 14, mga 3:00 n.h.—Luc 23:44-46.
Sumaryo ng katibayan. Bilang sumaryo, yamang si Jesus ay namatay sa tagsibol na buwan ng Nisan, ang kaniyang ministeryo, na nagsimula tatlo at kalahating taon bago nito ayon sa Daniel 9:24-27, ay tiyak na nagsimula sa panahon ng taglagas, humigit-kumulang noong buwan ng Etanim (Setyembre-Oktubre). Kung gayon, tiyak na ang ministeryo ni Juan (na pinasimulan noong ika-15 taon ni Tiberio) ay nagsimula noong tagsibol ng taóng 29 C.E. Samakatuwid, ang kapanganakan ni Juan ay papatak sa tagsibol ng taóng 2 B.C.E., ang kapanganakan naman ni Jesus ay pagkaraan ng mga anim na buwan noong taglagas ng 2 B.C.E., ang kaniyang ministeryo ay nagsimula pagkaraan ng mga 30 taon noong taglagas ng 29 C.E., at ang kaniyang kamatayan ay noong taóng 33 C.E. (Nisan 14 sa panahon ng tagsibol, gaya ng nabanggit na).
Walang saligan na ipinanganak siya sa panahon ng taglamig. Samakatuwid, ang popular na petsang Disyembre 25 ay walang saligan sa Kasulatan bilang araw ng kapanganakan ni Jesus. Gaya ng ipinakikita ng maraming reperensiyang akda, nagmula ito sa isang paganong kapistahan. May kinalaman sa pinagmulan ng pagdiriwang ng araw ng Disyembre 25, ang Jesuitang iskolar na si Urbanus Holzmeister ay sumulat:
“Sa ngayon ay karaniwan nang tinatanggap na ang okasyong ipinagdiriwang sa araw ng Disyembre 25 ay ang kapistahan na ipinagdiriwang noon ng mga pagano sa araw na iyon. May-katumpakang sinabi ni Petavius [Jesuitang iskolar na Pranses, 1583-1652] na ang Disyembre 25 ay ipinagdiriwang noon bilang ‘ang kaarawan ng di-malupig na araw.’
“Ang mga nagpapatotoo sa kapistahang ito ay: (a) Ang Calendar ni Furius Dionysius Filocalus, binuo noong taóng 354 [C.E.], kung saan sinasabi: ‘Disyembre 25, ang K(aarawan) ng di-malupig (na Araw).’ (b) Ang kalendaryo ng astrologong si Antiochus (binuo noong mga 200 [C.E.]): ‘Buwan ng Disyembre . . . 25 . . . Ang kaarawan ng Araw; humahaba ang liwanag ng araw.’ (c) Si Cesar Julian [Julian na Apostata, emperador noong 361-363 C.E.] na nagrekomenda ng mga palaro na ipinagdiriwang sa pagtatapos ng taon bilang parangal sa araw, na tinatawag na ‘ang di-malupig na araw.’”—Chronologia vitae Christi (Chronology of the Life of Christ), Pontificium Institutum Biblicum, Roma, 1933, p. 46.
Marahil ang pinakamaliwanag na katibayan na hindi tumpak ang petsang Disyembre 25 ay ang binanggit sa Kasulatan na may mga pastol sa parang na nag-aalaga ng kanilang mga kawan noong gabi ng kapanganakan ni Jesus. (Luc 2:8, 12) Pagsapit pa lamang ng taglagas na buwan ng Bul (Oktubre-Nobyembre) ay nagsisimula na ang tag-ulan (Deu 11:14), at isinisilong ang mga kawan kapag gumabi na. Ang sumunod na buwan, ang Kislev (na ikasiyam na buwan ng kalendaryong Judio, Nobyembre-Disyembre), ay isang buwan na maginaw at maulan (Jer 36:22; Ezr 10:9, 13), at ang Tebet naman (Disyembre-Enero) ang siyang pinakamalamig na buwan ng taon, anupat paminsan-minsan ay umuulan ng niyebe sa matataas na lugar. Samakatuwid, ang pagbabantay noon ng mga pastol sa parang sa gabi ay kaayon ng katibayan na ipinanganak si Jesus sa buwan ng Etanim noong maagang bahagi ng taglagas.—Tingnan ang BUL; KISLEV.
Bilang karagdagang ebidensiya na hindi ipinanganak si Jesus sa buwan ng Disyembre, malayong mangyari na pipiliin ng Romanong emperador ang gayong malamig at maulang buwan upang utusan ang kaniyang mga sakop na Judio (na mapaghimagsik) na maglakbay “bawat isa sa kaniyang sariling lunsod” para magparehistro.—Luc 2:1-3; ihambing ang Mat 24:20; tingnan ang TEBET.
Ang Maagang Bahagi ng Kaniyang Buhay. Napakaikli ng ulat tungkol sa maagang bahagi ng buhay ni Jesus. Ipinanganak siya sa Betlehem ng Judea, ang tinubuang lunsod ni Haring David; nang maglaon, dinala siya sa Nazaret sa Galilea pagkabalik ng pamilya mula sa Ehipto—lahat ng ito ay katuparan ng hulang nagmula sa Diyos. (Mat 2:4-6, 14, 15, 19-23; Mik 5:2; Os 11:1; Isa 11:1; Jer 23:5) Si Jose na ama-amahan ni Jesus ay isang karpintero (Mat 13:55) at maliwanag na dukha. (Ihambing ang Luc 2:22-24 sa Lev 12:8.) Dahil dito, maliwanag na ginugol ni Jesus ang kaniyang pagkabata sa hamak na mga kalagayan, anupat noong unang araw ng buhay niya bilang tao ay sa isang kuwadra siya pinatulog. Ang Nazaret ay hindi prominente sa kasaysayan, bagaman malapit ito sa dalawang pangunahing ruta ng kalakalan. Maaaring minamaliit ito noon ng maraming Judio.—Ihambing ang Ju 1:46; tingnan ang MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 537, 539; NAZARET.
Walang nalalaman tungkol sa unang mga taon ng buhay ni Jesus maliban sa iniulat na “ang bata ay patuloy na lumalaki at lumalakas, na napupuspos ng karunungan, at ang lingap ng Diyos ay patuloy na sumakaniya.” (Luc 2:40) Sa paglipas ng panahon, lumaki ang pamilya nang magkaanak sina Jose at Maria ng apat na anak na lalaki at ilang anak na babae. (Mat 13:54-56) Kaya ang “panganay” na anak ni Maria (Luc 2:7) ay hindi lumaki na solong anak. Tiyak na ito ang dahilan kung bakit nakapagsimulang maglakbay ang kaniyang mga magulang pauwi mula sa Jerusalem nang hindi kaagad namalayan na ang kanilang panganay na anak na si Jesus ay hindi kasama sa pangkat. Ang pangyayaring ito, nang dumalaw si Jesus (bilang isang 12-taóng-gulang) sa templo at makipagtalakayan sa mga gurong Judio na lubhang namangha sa kaniya, ang tanging insidente noong kaniyang kabataan na isinalaysay nang medyo detalyado. (LARAWAN, Tomo 2, p. 538) Ang tugon ni Jesus sa kaniyang nag-alalang mga magulang, nang matagpuan nila siya roon, ay nagpapakita na alam niyang ipinanganak siya sa makahimalang paraan at na batid niya ang kaniyang hinaharap bilang Mesiyas. (Luc 2:41-52) Makatuwirang isipin na sinabi sa kaniya ng kaniyang ina at ama-amahan ang impormasyong ibinigay noong mga panahon ng pagdalaw ng anghel at gayundin yaong nabanggit sa mga hula nina Simeon at Ana, na binigkas noong una silang maglakbay patungong Jerusalem 40 araw pagkapanganak kay Jesus.—Mat 1:20-25; 2:13, 14, 19-21; Luc 1:26-38; 2:8-38.
Walang pahiwatig na si Jesus ay may makahimalang kapangyarihan noong kaniyang kabataan o na gumamit siya nito noong panahong iyon, gaya ng inaangkin ng kathang-isip na mga kuwento na nakaulat sa ilang akdang apokripal, tulad ng tinatawag na Ebanghelyo ni Tomas Tungkol sa Batang si Jesus. Ang “pasimula ng kaniyang mga tanda” ay naganap sa Cana nang gawin niyang alak ang tubig, na isinagawa noong panahon ng kaniyang ministeryo. (Ju 2:1-11) Gayundin, samantalang kapiling ng kaniyang pamilya sa Nazaret, maliwanag na hindi ipinagparangya ni Jesus ang kaniyang karunungan at kahigitan bilang taong sakdal. Bilang pahiwatig nito, kapansin-pansin na hindi nanampalataya sa kaniya ang kaniyang mga kapatid sa ina noong panahon ng kaniyang ministeryo bilang tao, kung paanong hindi rin naniwala sa kaniya ang karamihan ng mga taga-Nazaret.—Ju 7:1-5; Mar 6:1, 4-6.
Gayunman, maliwanag na kilalang-kilala si Jesus ng mga tao sa Nazaret (Mat 13:54-56; Luc 4:22); tiyak na napansin ang kaniyang mahuhusay na katangian at personalidad, kahit man lamang niyaong mga mapagpahalaga sa katuwiran at kabutihan. (Ihambing ang Mat 3:13, 14.) Regular siyang dumadalo sa mga serbisyo sa sinagoga tuwing Sabbath. Edukado siya, gaya ng ipinakikita ng kakayahan niyang maghanap at magbasa ng mga seksiyon mula sa Sagradong mga Akda, bagaman hindi siya nag-aral sa mga paaralang rabiniko ng “mataas na edukasyon.”—Luc 4:16; Ju 7:14-16.
Maikli ang ulat tungkol sa unang mga taóng iyon sapagkat noon ay hindi pa pinapahiran ni Jehova si Jesus bilang “ang Kristo” (Mat 16:16) at hindi pa sinisimulang isagawa ni Jesus ang atas na ibinigay sa kaniya ng Diyos. Tulad ng kaniyang kapanganakan, ang kaniyang pagkabata at paglaki ay kinakailangan ngunit hindi siyang pinakamahahalagang yugto ng buhay niya. Gaya ng sinabi ni Jesus nang dakong huli sa Romanong si Gobernador Pilato: “Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.”—Ju 18:37.
Ang Kaniyang Bautismo. Ang pagbubuhos ng banal na espiritu noong panahon ng bautismo ni Jesus ang nagsilbing palatandaan na siya’y aktuwal na naging Mesiyas, o Kristo, ang Pinahiran ng Diyos (maliwanag na noong ipatalastas ng mga anghel ang kaniyang kapanganakan, ginamit nila ang titulong ito tanging sa makahulang diwa; Luc 2:9-11, pansinin din ang tal 25, 26). Sa loob ng anim na buwan, ‘inihanda ni Juan ang daan’ para sa “paraan ng pagliligtas ng Diyos.” (Luc 3:1-6) Si Jesus, na “mga tatlumpung taóng gulang” noon, ay binautismuhan sa kabila ng mga pagtutol ni Juan, na ibinulalas niya sapagkat hanggang noong panahong iyon ay mga nagsisising makasalanan lamang ang binabautismuhan niya. (Mat 3:1, 6, 13-17; Luc 3:21-23) Ngunit hindi kailanman nagkasala si Jesus; samakatuwid, ipinakita ng kaniyang bautismo na iniharap niya ang kaniyang sarili upang gawin ang kalooban ng kaniyang Ama. (Ihambing ang Heb 10:5-9.) ‘Pagkaahon ni Jesus mula sa tubig,’ at habang nananalangin siya, “nakita niya ang langit na nahahawi,” bumaba kay Jesus ang espiritu ng Diyos sa hugis ng katawang tulad ng isang kalapati, at narinig ang tinig ni Jehova mula sa langit, na nagsasabi: “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan.”—Mat 3:16, 17; Mar 1:9-11; Luc 3:21, 22.
Tiyak na naging malinaw sa isip ni Jesus ang maraming bagay dahil sa espiritu ng Diyos na ibinuhos sa kaniya. Ipinakikita ng sariling mga pananalita niya nang dakong huli, lalo na ng kaniyang napakapersonal na panalangin sa kaniyang Ama noong gabi ng Paskuwa, 33 C.E., na naalaala ni Jesus ang kaniyang pag-iral bago siya naging tao at ang mga bagay na narinig niya sa kaniyang Ama at ang mga bagay na nakita niyang ginawa ng kaniyang Ama, gayundin ang kaluwalhatiang tinamasa niya mismo noon sa langit. (Ju 6:46; 7:28, 29; 8:26, 28, 38; 14:2; 17:5) Malamang na nabalik sa kaniyang alaala ang mga bagay na ito noong panahong siya’y bautismuhan at pahiran.
Sa pamamagitan ng pagpapahid kay Jesus ng banal na espiritu, siya’y hinirang at inatasan upang magsagawa ng kaniyang ministeryo ng pangangaral at pagtuturo (Luc 4:16-21) at upang maglingkod din bilang Propeta ng Diyos. (Gaw 3:22-26) Ngunit, higit pa riyan, sa pamamagitan nito ay hinirang at inatasan siya bilang ang ipinangakong Hari ni Jehova, ang tagapagmana ng trono ni David (Luc 1:32, 33, 69; Heb 1:8, 9) at ng isang walang-hanggang Kaharian. Kaya nang maglaon ay nasabi niya sa mga Pariseo: “Ang kaharian ng Diyos ay nasa gitna ninyo.” (Luc 17:20, 21) Gayundin, pinahiran si Jesus upang gumanap bilang ang Mataas na Saserdote ng Diyos, hindi bilang isang inapo ni Aaron, kundi ayon sa wangis ng haring-saserdote na si Melquisedec.—Heb 5:1, 4-10; 7:11-17.
Si Jesus ay Anak ng Diyos mula pa noong panahong ipanganak siya, kung paanong ang sakdal na si Adan ay “anak ng Diyos.” (Luc 3:38; 1:35) Ipinakilala ng anghel na si Gabriel si Jesus bilang Anak ng Diyos bago pa siya ipanganak. Kaya pagkatapos ng bautismo ni Jesus, nang marinig ang tinig ng kaniyang Ama na nagsasabi, “Ikaw ang aking Anak, ang minamahal; ikaw ay aking sinang-ayunan” (Mar 1:11), waring makatuwirang isipin na ang deklarasyong ito na kasabay ng pagpapahid ng espiritu ng Diyos ay higit pa kaysa pagkilala kung sino si Jesus. Ipinakikita ng katibayan na si Jesus noon ay inianak ng Diyos bilang kaniyang Anak, ‘ipinanganak muli,’ wika nga, na may pag-asang muling tumanggap ng buhay bilang isang espiritung Anak ng Diyos sa langit.—Ihambing ang Ju 3:3-6; 6:51; 10:17, 18; tingnan ang BAUTISMO; BUGTONG NA ANAK.
Ang Kaniyang Mahalagang Dako sa Layunin ng Diyos. Minabuti ng Diyos na Jehova na ang kaniyang panganay na Anak ang maging pangunahing tauhan sa katuparan ng lahat ng Kaniyang layunin (Ju 1:14-18; Col 1:18-20; 2:8, 9), ang sentro na pagtutuunan ng liwanag ng lahat ng hula at pagmumulan din ng liwanag ng mga iyon (1Pe 1:10-12; Apo 19:10; Ju 1:3-9), ang solusyon sa lahat ng suliraning ibinangon ng paghihimagsik ni Satanas (Heb 2:5-9, 14, 15; 1Ju 3:8), at ang pundasyong pagtatayuan ng Diyos ng lahat ng kaayusan sa hinaharap para sa walang-hanggang ikabubuti ng Kaniyang pansansinukob na pamilya sa langit at lupa. (Efe 1:8-10; 2:20; 1Pe 2:4-8) Kaya dahil sa mahalagang papel na ginagampanan niya sa layunin ng Diyos, masasabi ni Jesus nang may kawastuan at walang pagpapalabis: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”—Ju 14:6.
Ang “sagradong lihim.” Ang layunin ng Diyos ayon sa pagkakasiwalat nito sa katauhan ni Jesu-Kristo ay nanatiling isang “sagradong lihim [o, hiwaga] . . . na pinanatiling tahimik sa loob ng lubhang mahabang panahon.” (Ro 16:25-27) Sa loob ng mahigit na 4,000 taon, mula noong paghihimagsik sa Eden, hinintay ng mga taong may pananampalataya ang katuparan ng pangako ng Diyos na isang “binhi” ang susugat sa ulo ng tulad-serpiyenteng Kalaban at sa gayo’y magdudulot ng kaginhawahan sa sangkatauhan. (Gen 3:15) Sa loob naman ng halos 2,000 taon, umasa sila sa tipan ni Jehova kay Abraham hinggil sa isang “binhi” na ‘magmamay-ari sa pintuang-daan ng kaniyang mga kaaway’ at sa pamamagitan niya ay pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.—Gen 22:15-18.
Sa wakas, nang “dumating na ang hustong hangganan ng panahon, isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak” at sa pamamagitan niya ay isiniwalat ang kahulugan ng “sagradong lihim,” anupat ibinigay ang ultimong sagot sa usaping ibinangon ng Kalaban ng Diyos (tingnan ang JEHOVA [Ang pinakamahalagang usapin ay isang usaping moral]), at inilaan ang paraan upang matubos ang masunuring sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng haing pantubos ng kaniyang Anak. (Gal 4:4; 1Ti 3:16; Ju 14:30; 16:33; Mat 20:28) Sa gayon ay inalis ng Diyos na Jehova ang anumang pag-aalinlangan o kawalang-katiyakan sa isipan ng mga lingkod niya hinggil sa kaniyang mga layunin. Dahil dito, sinabi ng apostol na “gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging Oo sa pamamagitan [ni Jesu-Kristo].”—2Co 1:19-22.
Hindi lamang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng Anak ng Diyos ang kasangkot sa “sagradong lihim.” Sa halip, kasangkot din dito ang papel na iniatas sa kaniya sa kaayusan ng layunin ng Diyos na patiunang itinalaga, at ang pagsisiwalat at pagtupad sa layuning iyon sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Ang layuning iyon, na napakatagal nang iniingatang lihim, ay “ukol sa isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng mga takdang panahon, samakatuwid nga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa.”—Efe 1:9, 10.
Ang isa sa mga aspekto ng “sagradong lihim” na mahigpit na nakalakip kay Kristo Jesus ay ang pagpupuno niya sa isang bagong makalangit na pamahalaan; ang mga miyembro nito ay bubuuin ng mga tao (mga Judio at mga di-Judio) na kukunin mula sa populasyon ng lupa, at magiging sakop nito kapuwa ang langit at lupa. Kaya naman sa pangitain sa Daniel 7:13, 14, may isang “gaya ng anak ng tao” (isang titulo na malimit ikapit kay Kristo nang maglaon—Mat 12:40; 24:30; Luc 17:26; ihambing ang Apo 14:14) na humarap sa makalangit na mga korte ni Jehova at binigyan ng “pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya.” Gayunman, ipinakikita ng pangitain ding iyon na ang “mga banal ng Kadaki-dakilaan” ay makikibahagi rin sa “anak ng tao” sa kaniyang Kaharian, pamamahala, at karingalan. (Dan 7:27) Noong naririto si Jesus sa lupa, pinili niya mula sa kaniyang mga alagad ang unang potensiyal na mga miyembro ng kaniyang pamahalaan ng Kaharian at, matapos silang ‘manatiling kasama niya sa kaniyang mga pagsubok,’ nakipagtipan siya sa kanila ukol sa isang Kaharian, anupat nanalangin sa kaniyang Ama na pabanalin sila (o gawin silang “mga banal”) at hiniling na “kung nasaan ako, sila rin ay makasama ko, upang makita ang aking kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin.” (Luc 22:28, 29; Ju 17:5, 17, 24) Palibhasa’y may gayong pakikipagkaisa kay Kristo, ang kongregasyong Kristiyano ay may bahagi rin sa “sagradong lihim,” gaya ng ipinahayag ng kinasihang apostol nang maglaon.—Efe 3:1-11; 5:32; Col 1:26, 27; tingnan ang SAGRADONG LIHIM.
“Punong Ahente ng buhay.” Bilang kapahayagan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng kaniyang Ama, ibinigay ni Kristo Jesus ang kaniyang sakdal na buhay-tao bilang hain. Dahil dito, naging posibleng makasama ni Kristo ang kaniyang piniling mga tagasunod sa kaniyang makalangit na paghahari at naging posible rin ang isang kaayusan para sa makalupang mga sakop ng kaniyang pamamahala sa Kaharian. (Mat 6:10; Ju 3:16; Efe 1:7; Heb 2:5; tingnan ang PANTUBOS.) Kaya naman siya ay naging “ang Punong Ahente [“Prinsipe,” KJ; JB] ng buhay” para sa buong sangkatauhan. (Gaw 3:15) Dito, ang terminong Griego na ginamit ay pangunahin nang nangangahulugang “punong lider,” anupat isang kaugnay na salita ang ikinapit kay Moises (Gaw 7:27, 35) bilang “tagapamahala” sa Israel.
Kaya nga, bilang “punong lider,” ipinakilala ni Jesu-Kristo ang isang bago at mahalagang elemento para sa pagtatamo ng walang-hanggang buhay sa diwa na siya’y naging tagapamagitan o tagapag-ugnay, ngunit nagsilbi rin siyang gayon sa diwang administratibo. Siya ang Mataas na Saserdote ng Diyos na lubusang makapaglilinis mula sa kasalanan at makapagpapalaya mula sa nakamamatay na mga epekto ng kasalanan (Heb 3:1, 2; 4:14; 7:23-25; 8:1-3); siya ang inatasang Hukom kung kanino ipinagkatiwala ang lahat ng paghatol, anupat buong-karunungan niyang ikakapit ang mga kapakinabangan ng kaniyang pantubos sa mga indibiduwal sa gitna ng sangkatauhan ayon sa pagiging marapat nilang mabuhay sa ilalim ng kaniyang paghahari (Ju 5:22-27; Gaw 10:42, 43); magaganap din ang pagkabuhay-muli ng mga patay sa pamamagitan niya. (Ju 5:28, 29; 6:39, 40) Dahil itinalaga ng Diyos na Jehova na gamitin ang kaniyang Anak sa gayong paraan, “walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na siya nating dapat ikaligtas.”—Gaw 4:12; ihambing ang 1Ju 5:11-13.
Yamang ang aspektong ito ng awtoridad ni Jesus ay saklaw rin ng kaniyang “pangalan,” sa pamamagitan ng pangalang iyon, ang kaniyang mga alagad, bilang mga kinatawan ng Punong Ahente ng buhay, ay maaaring magpagaling ng mga taong may mga kapansanang bunga ng kanilang minanang kasalanan at magbangon pa nga ng mga patay.—Gaw 3:6, 15, 16; 4:7-11; 9:36-41; 20:7-12.
Ang buong kahulugan ng kaniyang “pangalan.” Makikita natin na bagaman gumanap ng mahalagang bahagi sa kaligtasan ng mga tao ang kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos, hindi lamang ang pagtanggap dito ang nasasangkot sa ‘pananampalataya sa pangalan ni Jesus.’ (Gaw 10:43) Matapos siyang buhaying-muli, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa,” sa gayo’y ipinakitang isang pansansinukob na pamahalaan ang pinamumunuan niya. (Mat 28:18) Nilinaw ng apostol na si Pablo na ang Ama ni Jesus ay “walang iniwang anumang bagay na hindi napasasakop sa kaniya [kay Jesus],” maliwanag na maliban sa “isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya,” samakatuwid nga, si Jehova, ang Soberanong Diyos. (1Co 15:27; Heb 1:1-14; 2:8) Dahil dito, ang “pangalan” ni Jesu-Kristo ay higit na magaling kaysa sa pangalan ng mga anghel ng Diyos, sapagkat ang kaniyang pangalan ay sumasaklaw o kumakatawan sa napakalawak na awtoridad bilang tagapagpatupad na iniatang ni Jehova sa kaniya. (Heb 1:3, 4) Tanging yaong mga kusang-loob na kumikilala at yumuyukod sa “pangalan” na ito, anupat nagpapasakop sa awtoridad na kinakatawanan nito, ang magtatamo ng walang-hanggang buhay. (Gaw 4:12; Efe 1:19-23; Fil 2:9-11) Dapat silang umalinsunod, nang may kataimtiman at walang pagpapaimbabaw, sa mga pamantayang ipinakita ni Jesus at, taglay ang pananampalataya, dapat nilang sundin ang mga utos na ibinigay niya.—Mat 7:21-23; Ro 1:5; 1Ju 3:23.
Ano ang “pangalan” ni Jesus na dahil doon ay kapopootan ng lahat ng mga bansa ang mga Kristiyano?
Ang aspektong ito ng “pangalan” ni Jesus ay ipinakikita ng kaniyang makahulang babala na ang mga tagasunod niya ay magiging “mga tudlaan ng pagkapoot ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.” (Mat 24:9; gayundin ang Mat 10:22; Ju 15:20, 21; Gaw 9:15, 16) Maliwanag na mangyayari ito hindi dahil ang kaniyang pangalan ay kumakatawan sa isang Manunubos, kundi dahil kumakatawan ito sa Tagapamahalang inatasan ng Diyos, ang Hari ng mga hari, na dapat yukuran ng lahat ng mga bansa bilang pagpapasakop kung ayaw nilang mapuksa.—Apo 19:11-16; ihambing ang Aw 2:7-12.
Gayundin naman, tiyak na nang sundin ng mga demonyo ang utos ni Jesus na lumabas sila sa mga taong inaalihan nila, ginawa nila iyon, hindi dahil si Jesus ang ihahaing Kordero ng Diyos, kundi dahil sa awtoridad na kinakatawanan ng kaniyang pangalan bilang ang pinahirang kinatawan ng Kaharian, ang isa na may awtoridad na tumawag, hindi lamang ng isang hukbo, kundi ng isang dosenang hukbo ng mga anghel, anupat may kakayahang magpalayas ng sinumang demonyo na maaaring magmatigas at tumangging umalis. (Mar 5:1-13; 9:25-29; Mat 12:28, 29; 26:53; ihambing ang Dan 10:5, 6, 12, 13.) Ang tapat na mga apostol ni Jesus ay binigyan ng awtorisasyong gamitin ang kaniyang pangalan sa pagpapalayas ng mga demonyo, kapuwa bago at pagkatapos ng kamatayan niya. (Luc 9:1; 10:17; Gaw 16:16-18) Ngunit nang tangkaing gamitin ng mga anak ng Judiong saserdote na si Esceva ang pangalan ni Jesus sa ganitong paraan, kinuwestiyon ng balakyot na espiritu ang karapatan nilang manawagan sa awtoridad na kinakatawanan ng pangalan at pinangyari nito na daluhungin at bugbugin sila ng taong inaalihan nito.—Gaw 19:13-17.
Noon, kapag binabanggit ng mga tagasunod ni Jesus ang kaniyang “pangalan,” kalimita’y ginagamit nila ang pananalitang “Panginoong Jesus” o “ating Panginoong Jesu-Kristo.” (Gaw 8:16; 15:26; 19:5, 13, 17; 1Co 1:2, 10; Efe 5:20; Col 3:17) Kinilala nila siya bilang kanilang Panginoon hindi lamang dahil siya ang inatasan ng Diyos upang maging kanilang Manunubos at May-ari sa bisa ng kaniyang haing pantubos (1Co 6:20; 7:22, 23; 1Pe 1:18, 19; Jud 4) kundi dahil din sa kaniyang makaharing posisyon at awtoridad. Kaayon ng lubos na makahari at makasaserdoteng awtoridad na kinakatawanan ng pangalan ni Jesus, ang kaniyang mga tagasunod ay nangaral (Gaw 5:29-32, 40-42), nagbautismo ng mga alagad (Mat 28:18-20; Gaw 2:38; ihambing ang 1Co 1:13-15), nagtiwalag ng mga taong imoral (1Co 5:4, 5), at nagpayo at nagtagubilin sa mga kongregasyong Kristiyano na pinapastulan nila (1Co 1:10; 2Te 3:6). Samakatuwid, yaong mga sinang-ayunan ni Jesus ukol sa buhay ay hindi kailanman maaaring manampalataya, o mag-ukol ng katapatan, sa ibang “pangalan” na diumano’y kumakatawan sa awtoridad ng Diyos na mamahala kundi dapat silang magpakita ng di-masisirang pagkamatapat sa “pangalan” ng inatasan-ng-Diyos na Haring ito, ang Panginoong Jesu-Kristo.—Mat 12:18, 21; Apo 2:13; 3:8; tingnan ang PAGLAPIT SA DIYOS.
‘Nagpatotoo sa Katotohanan.’ Nang itanong ni Pilato, “Kung gayon nga, ikaw ba ay isang hari?”, tumugon si Jesus: “Ikaw mismo ang nagsasabing ako ay isang hari. Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” (Ju 18:37; tingnan ang USAPIN SA BATAS [Paglilitis kay Jesus].) Gaya ng ipinakikita ng Kasulatan, ang katotohanan na kaniyang pinatotohanan ay hindi lamang ang katotohanan sa pangkalahatan. Iyon ay ang pinakamahalagang katotohanan hinggil sa mga layunin ng Diyos noon at ngayon, katotohanang nakabatay sa kalooban ng Diyos bilang Soberano at sa Kaniyang kakayahang tuparin ang kaloobang iyon. Sa pamamagitan ng kaniyang ministeryo, isiniwalat ni Jesus na ang katotohanang iyon, na nakapaloob sa “sagradong lihim,” ay ang Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Jesu-Kristo, ang “anak ni David,” na naglilingkod bilang Haring-Saserdote sa trono. Ito rin ang diwa ng mensaheng ipinatalastas ng mga anghel bago siya isilang at noong panahong isilang siya sa Betlehem ng Judea, ang lunsod ni David.—Luc 1:32, 33; 2:10-14; 3:31.
Upang magampanan ni Jesus ang kaniyang ministeryo ng pagpapatotoo sa katotohanan, higit pa sa pagsasalita, pangangaral, at pagtuturo ang dapat niyang gawin. Bukod sa paghuhubad ng kaniyang makalangit na kaluwalhatian upang maipanganak siya bilang tao, kinailangan niyang tuparin ang lahat ng bagay na inihula tungkol sa kaniya, kabilang na rito ang mga anino, o mga parisan, na nasa tipang Kautusan. (Col 2:16, 17; Heb 10:1) Upang maitaguyod ang katotohanan ng makahulang salita at mga pangako ng kaniyang Ama, kinailangang mamuhay si Jesus sa paraang magiging katunayan ang katotohanang iyon, anupat tinutupad iyon sa pamamagitan ng kaniyang mga sinabi at mga ginawa, sa paraan ng pamumuhay niya, at sa paraan ng kaniyang kamatayan. Sa gayon, kinailangan siyang maging ang katotohanan, sa diwa, ang pinakalarawan ng katotohanan, gaya ng sinabi niya mismo.—Ju 14:6.
Dahil dito, maisusulat ng apostol na si Juan na si Jesus ay ‘puspos ng di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan’ at na, bagaman “ang Kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang di-sana-nararapat na kabaitan at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” (Ju 1:14, 17) Sa pamamagitan ng kapanganakan niya bilang tao, ng paghaharap niya ng kaniyang sarili sa Diyos noong magpabautismo siya sa tubig, ng kaniyang tatlo at kalahating taon ng pangmadlang paglilingkod alang-alang sa Kaharian ng Diyos, ng kaniyang kamatayan taglay ang katapatan sa Diyos, ng kaniyang pagkabuhay-muli sa langit—sa pamamagitan ng lahat ng makasaysayang pangyayaring ito—ang katotohanan ng Diyos ay “dumating,” o natupad. (Ihambing ang Ju 1:18; Col 2:17.) Kaya naman ang buong landasin ni Jesu-Kristo ay isang ‘pagpapatotoo sa katotohanan,’ sa mga bagay na pinanumpaan ng Diyos. Dahil dito, si Jesus ay hindi aninong Mesiyas o Kristo. Siya ang tunay na Mesiyas na ipinangako. Hindi siya aninong Haring-Saserdote. Sa diwa at sa katotohanan, siya ang tunay na Haring-Saserdote na patiunang inilarawan.—Ro 15:8-12; ihambing ang Aw 18:49; 117:1; Deu 32:43; Isa 11:10.
Ang katotohanang ito ang katotohanang ‘magpapalaya sa mga tao’ kung ipakikita nilang sila’y “nasa panig ng katotohanan” sa pamamagitan ng pagtanggap sa papel ni Jesus sa layunin ng Diyos. (Ju 8:32-36; 18:37) Ang pagwawalang-bahala sa layunin ng Diyos may kinalaman sa kaniyang Anak, ang pagtatatag ng pag-asa sa ibang pundasyon, ang paggawa ng mga pasiya hinggil sa landasin ng buhay ng isa batay sa ibang saligan ay katumbas ng paniniwala sa kasinungalingan, ng pagpapalinlang, ng pagsunod sa pag-akay ng ama ng mga kasinungalingan, ang Kalaban ng Diyos. (Mat 7:24-27; Ju 8:42-47) Mangangahulugan ito ng ‘pagkamatay ng isa sa kaniyang mga kasalanan.’ (Ju 8:23, 24) Dahil dito, hindi nangimi si Jesus na ipahayag ang kaniyang dako sa layunin ng Diyos.
Totoo, tinagubilinan niya ang kaniyang mga alagad, nang buong-higpit pa nga, na huwag ipagsabi sa madla na siya ang Mesiyas (Mat 16:20; Mar 8:29, 30) at bihira niyang tukuyin nang tuwiran ang kaniyang sarili bilang ang Kristo malibang sila-sila lamang ang magkakasama. (Mar 9:33, 38, 41; Luc 9:20, 21; Ju 17:3) Ngunit buong-tapang at madalas niyang itinawag-pansin ang katibayan sa mga hula at sa kaniyang mga gawa na nagpapatunay na siya ang Kristo. (Mat 22:41-46; Ju 5:31-39, 45-47; 7:25-31) Nang makipag-usap siya sa isang babaing Samaritana sa tabi ng balon, si Jesus, na noo’y “pagod dahil sa paglalakbay,” ay nagpakilala sa kaniya bilang Mesiyas, marahil ay upang pukawin ang pagkamausisa ng taong-bayan at paparoonin sila sa kaniya mula sa bayan, na siya namang naging resulta. (Ju 4:6, 25-30) Walang kabuluhan ang basta pag-aangkin sa pagiging Mesiyas kung wala itong kalakip na katibayan, at nang dakong huli, yaong mga nakakita at nakarinig ay kinailangang manampalataya kung tinatanggap nila ang konklusyon na buong-linaw na itinuturo ng katibayang iyon.—Luc 22:66-71; Ju 4:39-42; 10:24-27; 12:34-36.
Sinubok at Pinasakdal. Napakalaking pagtitiwala ang ipinakita ng Diyos na Jehova sa kaniyang Anak nang bigyan niya ito ng atas na pumarito sa lupa at maglingkod bilang ang ipinangakong Mesiyas. Ang layunin ng Diyos na magkaroon ng isang “binhi” (Gen 3:15), ang Mesiyas, na maglilingkod bilang ang ihahaing Kordero ng Diyos, ay patiuna Niyang inalam “bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan” (1Pe 1:19, 20), isang pananalitang tinatalakay sa ilalim ng pamagat na PATIUNANG KAALAMAN, PATIUNANG PAGTATALAGA (Patiunang pagtatalaga sa Mesiyas). Gayunman, hindi sinasabi sa rekord ng Bibliya kung kailan aktuwal na itinalaga o sinabihan ang espesipikong indibiduwal na piniling gumanap sa papel na ito, kung iyon ay noong panahon ng paghihimagsik sa Eden o pagkaraan pa ng ilang panahon. Dahil sa mga kahilingan, partikular na ng haing pantubos, hindi maaaring gamitin ang isang taong di-sakdal, ngunit maaaring gumamit ng isang sakdal na espiritung anak. Mula sa lahat ng kaniyang milyun-milyong espiritung anak, pumili si Jehova ng isa na gaganap sa atas na iyon: ang kaniyang Panganay, ang Salita.—Ihambing ang Heb 1:5, 6.
Malugod na tinanggap ng Anak ng Diyos ang atas na iyon. Ipinakikita ito ng Filipos 2:5-8; “hinubad niya [sa] kaniyang sarili” ang kaniyang makalangit na kaluwalhatian at pagkaespiritu at “nag-anyong alipin” nang ang buhay niya ay ilipat sa makalupa at materyal na kapaligiran ng mga tao. Napakabigat na pananagutan ang kalakip ng atas na ibinigay sa kaniya; napakalaki ng nasasangkot dito. Sa pamamagitan ng pananatiling tapat, mapabubulaanan niya ang paratang ni Satanas, na nakaulat sa kaso ni Job, na diumano, sa ilalim ng kakapusan, pagdurusa, at pagsubok, ang Diyos ay itatakwil ng Kaniyang mga lingkod. (Job 1:6-12; 2:2-6) Sa lahat ng nilalang ng Diyos, si Jesus, bilang ang panganay na Anak, ang makapagbibigay ng pinakamatibay na kasagutan sa paratang na iyon at ng pinakamahusay na ebidensiya para sa panig ng kaniyang Ama sa mas malaking usapin hinggil sa pagiging marapat ng pansansinukob na soberanya ni Jehova. Sa gayon ay patutunayan niyang siya ang “Amen . . . , ang saksing tapat at totoo.” (Apo 3:14) Kung mabibigo siya, iyon ang pinakamalaking kadustaan na maidudulot ninuman sa pangalan ng kaniyang Ama.
Sabihin pa, sa pagpili sa kaniyang bugtong na Anak, hindi ‘ipinatong ni Jehova nang madalian ang kaniyang mga kamay sa kaniya,’ anupat nanganib na Siya’y maging ‘kabahagi sa anumang kasalanan na posibleng maganap,’ sapagkat si Jesus ay hindi naman isang baguhan na malamang na ‘magmalaki at mahulog sa hatol na ipinataw sa Diyablo.’ (Ihambing ang 1Ti 5:22; 3:6.) ‘Lubos na kilala’ ni Jehova ang kaniyang Anak dahil sa kaniyang matalik na pakikipagsamahan dito sa nakalipas na di-mabilang na mga panahon (Mat 11:27; ihambing ang Gen 22:12; Ne 9:7, 8) at sa gayo’y maaatasan niya ito na tuparin ang di-nagmimintis na mga hula ng Kaniyang Salita. (Isa 46:10, 11) Kaya naman hindi awtomatikong ginarantiyahan ng Diyos na “tiyak na magtatagumpay” ang kaniyang Anak sa pamamagitan lamang ng paglalagay niya rito sa papel ng inihulang Mesiyas (Isa 55:11), gaya ng iginigiit ng teoriya ng pagtatadhana.
Bagaman ang Anak ay hindi pa kailanman sumailalim sa pagsubok na gaya niyaong nasa harap niya noon, bago pa nito ay naipakita na niya ang kaniyang katapatan at debosyon. Nagkaroon na siya ng malaking pananagutan bilang Tagapagsalita ng Diyos, ang Salita. Gayunma’y hindi niya kailanman ginamit sa maling paraan ang kaniyang posisyon at awtoridad, gaya ng ginawa ng makalupang tagapagsalita ng Diyos na si Moises noong isang pagkakataon. (Bil 20:9-13; Deu 32:48-51; Jud 9) Yamang siya ang Isa na sa pamamagitan niya ay ginawa ang lahat ng bagay, ang Anak ay isang diyos, “ang bugtong na diyos” (Ju 1:18), anupat hawak niya ang isang posisyong maluwalhati at nakatataas kung ihahambing sa lahat ng iba pang espiritung anak ng Diyos. Ngunit hindi siya naging palalo. (Ihambing ang Eze 28:14-17.) Kaya hindi masasabi na hindi pa napatutunayan ng Anak ang kaniyang pagkamatapat, kapakumbabaan, at debosyon.
Bilang paglalarawan, isaalang-alang ang pagsubok sa unang taong anak ng Diyos, si Adan. Ang pagsubok na iyon ay walang kalakip na pagbabata ng pag-uusig o pagdurusa, kundi humihiling lamang ng patuloy na paggalang at pagsunod sa kalooban ng Diyos may kinalaman sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. (Gen 2:16, 17; tingnan ang PUNUNGKAHOY.) Ang paghihimagsik at pagtukso ni Satanas ay hindi bahagi ng pagsubok na orihinal na ibinigay ng Diyos kundi dumating bilang isang karagdagang bahagi, anupat hindi iyon nagmula sa Diyos. Ang pagsubok din, nang ibigay ito, ay hindi nagsangkot ng anumang pagtukso mula sa tao, na naranasan ni Adan dahil sa pagkakasala ni Eva. (Gen 3:6, 12) Dahil dito, ang pagsubok kay Adan ay maaaring isagawa nang walang panlabas na pagtukso o impluwensiya na gumawa ng masama, anupat lubusan itong nakasalalay sa puso ni Adan—sa kaniyang pag-ibig sa Diyos at pagiging di-makasarili. (Kaw 4:23) Kung mapatutunayan siyang tapat, magkakapribilehiyo sana si Adan na kumuha ng bunga mula sa “punungkahoy ng buhay at kumain at mabuhay hanggang sa panahong walang takda” bilang isang subók at sinang-ayunang taong anak ng Diyos (Gen 3:22), anupat sa lahat ng ito ay hindi siya kailangang sumailalim sa masamang impluwensiya at tukso, pag-uusig, o pagdurusa.
Mapapansin din na nang iwan ng espiritung anak na naging si Satanas ang paglilingkod sa Diyos, hindi niya ginawa iyon dahil may umusig sa kaniya o tumukso sa kaniya na gumawa ng mali. Tiyak na hindi iyon gagawin ng Diyos, sapagkat ‘hindi Niya sinusubok ang sinuman sa pamamagitan ng masasamang bagay.’ Gayunman, hindi nanatiling tapat ang espiritung anak na iyon, hinayaan niyang ‘hilahin at akitin siya ng sarili niyang pagnanasa,’ at nagkasala siya, anupat naging isang rebelde. (San 1:13-15) Hindi siya nakapasa sa pagsubok may kaugnayan sa pag-ibig.
Gayunman, dahil sa usaping ibinangon ng Kalaban ng Diyos, ang Anak, bilang ang ipinangakong Mesiyas at panghinaharap na Hari ng Kaharian ng Diyos, ay kinailangang dumaan sa isang pagsubok sa katapatan sa ilalim ng bagong mga kalagayan. Kailangan din ang pagsubok na ito at ang mga pagdurusang kaakibat nito upang siya’y “mapasakdal” para sa posisyon niya bilang Mataas na Saserdote ng Diyos sa sangkatauhan. (Heb 5:9, 10) Upang matugunan ang mga kahilingan para sa lubusang pagtatalaga sa kaniya bilang ang Punong Ahente ng kaligtasan, ang Anak ng Diyos ay ‘kinailangang maging tulad ng kaniyang “mga kapatid” [yaong naging mga pinahirang tagasunod niya] sa lahat ng bagay, upang siya ay maging isang mataas na saserdote na maawain at tapat.’ Dapat siyang magbata ng mga paghihirap at pagdurusa, upang ‘magawa niyang saklolohan yaong mga nalalagay sa pagsubok,’ makiramay sa kanilang mga kahinaan bilang isa na “sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.” Bagaman sakdal at walang kasalanan, magagawa pa rin niyang “makitungo nang mahinahon sa mga walang-alam at sa mga nagkakamali.” Tanging sa pamamagitan ng gayong Mataas na Saserdote maaaring “lumapit [ang mga taong di-sakdal] nang may kalayaan sa pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na kabaitan, upang makapagtamo [sila] ng awa at makasumpong ng di-sana-nararapat na kabaitan bilang tulong sa tamang panahon.”—Heb 2:10-18; 4:15–5:2; ihambing ang Luc 9:22.
May kalayaan pa ring magpasiya. Si Jesus mismo ang nagsabi na ang lahat ng hula may kinalaman sa Mesiyas ay tiyak na magkakatotoo, anupat “kailangang matupad.” (Luc 24:44-47; Mat 16:21; ihambing ang Mat 5:17.) Gayunman, tiyak na hindi nito inalis sa Anak ng Diyos ang bigat ng pananagutan, ni ang kaniyang kalayaang pumili—na maging tapat o di-tapat. Hindi lamang kay Jehova, na Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, nakasalalay ang bagay na ito. Dapat ding gawin ng kaniyang Anak ang bahagi nito upang magkatotoo ang mga hula. Tiniyak ng Diyos na matutupad ang mga hula sa pamamagitan ng matalinong pagpili niya sa “Anak ng kaniyang pag-ibig” upang gumanap sa atas na iyon. (Col 1:13) Malinaw na nanatili pa rin sa kaniyang Anak ang malayang kalooban nito at na ginamit niya iyon samantalang naririto siya sa lupa bilang tao. Binanggit ni Jesus na mayroon siyang sariling kalooban, subalit ipinakita niyang kusang-loob siyang nagpapasakop sa kalooban ng kaniyang Ama (Mat 16:21-23; Ju 4:34; 5:30; 6:38) at sinikap niyang tuparin ang kaniyang atas gaya ng nakasaad sa Salita ng kaniyang Ama. (Mat 3:15; 5:17, 18; 13:10-17, 34, 35; 26:52-54; Mar 1:14, 15; Luc 4:21) Sabihin pa, hindi kontrolado ni Jesus ang katuparan ng ibang mga hula, anupat naganap pa nga ang ilan pagkamatay niya. (Mat 12:40; 26:55, 56; Ju 18:31, 32; 19:23, 24, 36, 37) Kapansin-pansin na ipinakikita ng ulat ng pangyayari noong gabi bago mamatay si Jesus ang kaniyang masidhing pagsisikap na ipasakop ang kalooban niya sa nakatataas na kalooban ng Isa na mas marunong kaysa sa kaniya, ang kaniyang Ama. (Mat 26:36-44; Luc 22:42-44) Isinisiwalat din nito na, bagaman sakdal siya, lubusan niyang kinilala na bilang isang tao, kailangang siya’y umasa sa kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, ukol sa kalakasan sa panahon ng kagipitan.—Ju 12:23, 27, 28; Heb 5:7.
Samakatuwid, maraming dapat bulay-bulayin si Jesus, at marami ring dahilan upang patibayin niya ang kaniyang sarili, noong panahon ng 40 araw na ginugol niya sa pag-aayuno (gaya ng ginawa ni Moises) sa ilang matapos siyang bautismuhan at pahiran. (Exo 34:28; Luc 4:1, 2) Doon ay tuwiran niyang nakaharap ang tulad-serpiyenteng Kalaban ng kaniyang Ama. Sa pamamagitan ng mga taktikang kahawig ng ginamit nito sa Eden, sinikap ni Satanas na Diyablo na udyukan si Jesus na maging makasarili, dakilain ang kaniyang sarili, at itakwil ang posisyon ng kaniyang Ama bilang Soberano. Di-tulad ni Adan, si Jesus (“ang huling Adan”) ay nag-ingat ng katapatan at, sa pamamagitan ng palaging pagsipi sa ipinahayag na kalooban ng kaniyang Ama, napaalis niya si Satanas, “hanggang sa iba pang kumbinyenteng panahon.”—Luc 4:1-13; 1Co 15:45.
Ang Kaniyang mga Gawa at Personal na mga Katangian. Dahil “ang di-sana-nararapat na kabaitan at ang katotohanan” ay darating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, kinailangan niyang makihalubilo sa mga tao upang marinig nila siya at makita nila ang kaniyang mga gawa at mga katangian. Sa gayon ay maaari nila siyang makilala bilang ang Mesiyas at makapananampalataya sila sa kaniyang hain kapag namatay siya para sa kanila bilang “ang Kordero ng Diyos.” (Ju 1:17, 29) Personal siyang dumalaw sa maraming lugar sa Palestina, anupat naglakad nang daan-daang milya. Nakipag-usap siya sa mga tao sa mga baybayin ng lawa at mga dalisdis ng burol, gayundin sa mga lunsod at mga nayon, mga sinagoga at templo, mga pamilihan, mga lansangan at mga bahay (Mat 5:1, 2; 26:55; Mar 6:53-56; Luc 4:16; 5:1-3; 13:22, 26; 19:5, 6), anupat nagsalita sa malalaking pulutong at sa mga indibiduwal, lalaki’t babae, matanda’t bata, mayaman at dukha.—Mar 3:7, 8; 4:1; Ju 3:1-3; Mat 14:21; 19:21, 22; 11:4, 5.
Inihaharap ng kalakip na tsart ang isang paraan kung paano maaaring pag-ugnay-ugnayin sa kronolohikal na paraan ang apat na ulat ng buhay ni Jesus sa lupa. Ipinakikita rin ito ng iba’t ibang “kampanya” o paglalakbay na isinagawa niya noong panahon ng kaniyang tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo.
Nagpakita si Jesus ng halimbawa para sa kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng pagiging masikap, anupat bumabangon nang maaga at naglilingkod hanggang sa gumabi. (Luc 21:37, 38; Mar 11:20; 1:32-34; Ju 3:2; 5:17) Di-miminsan na magdamag siyang nanalangin, gaya ng ginawa niya noong gabi bago niya bigkasin ang Sermon sa Bundok. (Mat 14:23-25; Luc 6:12–7:10) Nang isa pang pagkakataon, matapos maglingkod noong nagdaang gabi, siya ay bumangon habang madilim pa at nagtungo sa isang liblib na dako upang manalangin. (Mar 1:32, 35) Bagaman madalas magambala ng mga pulutong ang kaniyang pag-iisa, gayunma’y “tinanggap niya sila nang may kabaitan at nagsimulang magsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos.” (Luc 9:10, 11; Mar 6:31-34; 7:24-30) Naranasan niyang mapagod, mauhaw, at magutom, anupat kung minsan ay hindi na siya kumakain dahil may gawaing naghihintay.—Mat 21:18; Ju 4:6, 7, 31-34; ihambing ang Mat 4:2-4; 8:24, 25.
May timbang na pangmalas sa materyal na mga bagay. Gayunman, hindi siya asetiko, anupat labis-labis na pinagkakaitan ang kaniyang sarili nang hindi isinasaalang-alang ang mga kalagayan. (Luc 7:33, 34) Tumanggap siya ng maraming paanyaya sa mga kainan at kahit sa mga piging, anupat dumalaw siya sa mga tahanan ng mga taong mayayaman. (Luc 5:29; 7:36; 14:1; 19:1-6) Tumulong siya upang maging higit na kasiya-siya ang isang kasalan nang gawin niyang mainam na alak ang tubig. (Ju 2:1-10) At pinahalagahan niya ang mabubuting bagay na ginawa para sa kaniya. Nang magpahayag ng pagkayamot si Hudas dahil ginamit ng kapatid ni Lazaro na si Maria ang isang librang mabangong langis (nagkakahalaga nang mahigit sa $220, o mga isang-taóng kabayaran ng isang trabahador) upang pahiran ang mga paa ni Jesus at magkunwang nababahala siya sa mga dukha na diumano’y maaaring makinabang sa mapagbibilhan ng langis, sinabi ni Jesus: “Pabayaan ninyo siya, upang magampanan niya ito para sa araw ng aking libing. Sapagkat ang mga dukha ay lagi ninyong kasama, ngunit ako ay hindi ninyo laging makakasama.” (Ju 12:2-8; Mar 14:6-9) Ang panloob na kasuutang suot niya nang arestuhin siya, na “hinabi mula sa itaas hanggang sa buong haba nito,” ay maliwanag na de-kalidad. (Ju 19:23, 24) Gayunpaman, espirituwal na mga bagay ang laging inuna ni Jesus at hindi niya kailanman labis na ikinabahala ang materyal na mga bagay, gaya ng ipinayo niya sa iba.—Mat 6:24-34; 8:20; Luc 10:38-42; ihambing ang Fil 4:10-12.
Magiting na Tagapagpalaya. Sa kaniyang buong ministeryo, nagpakita siya ng kagitingan, pagkalalaki, at tibay ng loob. (Mat 3:11; Luc 4:28-30; 9:51; Ju 2:13-17; 10:31-39; 18:3-11) Tulad nina Josue, Haring David, at ng iba pa, nakipaglaban si Jesus para sa panig ng Diyos at alang-alang sa mga maibigin sa katuwiran. Bilang ang ipinangakong “binhi,” kinailangan niyang harapin ang pakikipag-alit ng ‘binhi ng serpiyente,’ anupat nakipagbaka siya sa mga iyon. (Gen 3:15; 22:17) Puspusan siyang nakipagdigma sa mga demonyo at sa kanilang impluwensiya sa isip at puso ng mga tao. (Mar 5:1-13; Luc 4:32-36; 11:19-26; ihambing ang 2Co 4:3, 4; Efe 6:10-12.) Ipinakita ng mapagpaimbabaw na mga lider ng relihiyon na sila’y aktuwal na salansang sa soberanya at kalooban ng Diyos. (Mat 23:13, 27, 28; Luc 11:53, 54; Ju 19:12-16) Lubusan silang tinalo ni Jesus sa sunud-sunod na berbal na engkuwentro. Ginamit niya “ang tabak ng espiritu,” ang Salita ng Diyos, nang may puwersa, ganap na kontrol, at estratehiya, anupat ibinuwal niya ang tusong mga argumento at panghuling mga tanong ng mga sumasalansang sa kaniya, sa gayo’y sinukol niya sila o inilagay sa alanganing situwasyon. (Mat 21:23-27; 22:15-46) Walang-takot na inilantad ni Jesus kung ano talaga sila: mga guro ng mga tradisyon at pormalismo ng tao, mga bulag na lider, isang salinlahi ng mga ulupong, at mga anak ng Diyablo, na prinsipe ng mga demonyo at mapamaslang na sinungaling.—Mat 15:12-14; 21:33-41, 45, 46; 23:33-35; Mar 7:1-13; Ju 8:40-45.
Sa lahat ng ito, hindi kailanman naging padalus-dalos si Jesus, hindi siya naghanap ng gulo, at iniwasan niyang manganib siya nang hindi kinakailangan. (Mat 12:14, 15; Mar 3:6, 7; Ju 7:1, 10; 11:53, 54; ihambing ang Mat 10:16, 17, 28-31.) Ang kaniyang lakas ng loob ay nakasalig sa pananampalataya. (Mar 4:37-40) Nang siya’y laitin at pagmalupitan, hindi siya nawalan ng pagpipigil sa sarili kundi nanatili siyang mahinahon anupat “ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.”—1Pe 2:23.
Sa pamamagitan ng magiting na pakikipaglaban para sa katotohanan at paghahatid ng liwanag sa mga tao may kinalaman sa layunin ng Diyos, tinupad ni Jesus, bilang isa na mas dakila kaysa kay Moises, ang makahulang papel ng Tagapagpalaya. Naghayag siya ng kalayaan sa mga bihag. (Isa 42:1, 6, 7; Jer 30:8-10; Isa 61:1) Bagaman marami ang tumanggi dahil sa pansariling mga kadahilanan at dahil sa takot sa mga nasa kapangyarihan (Ju 7:11-13; 9:22; 12:42, 43), ang iba ay naglakas-loob na makalaya sa kanilang mga gapos ng kawalang-alam at tulad-aliping pagpapailalim sa mga bulaang lider at mga bulaang pag-asa. (Ju 9:24-39; ihambing ang Gal 5:1.) Kung paanong ang tapat na mga Judeanong hari ay nagsagawa ng mga kampanya upang mapawi ang huwad na pagsamba mula sa lupain (2Cr 15:8; 17:1, 4-6; 2Ha 18:1, 3-6), ang ministeryo rin ni Jesus, na Mesiyanikong Hari ng Diyos, ay nagkaroon ng mapangwasak na epekto sa huwad na relihiyon noong kaniyang mga araw.—Ju 11:47, 48.
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa ministeryo ni Jesu-Kristo sa lupa, tingnan ang MGA MAPA, Tomo 2, p. 540, 541.
May masidhing damdamin at init. Ngunit si Jesus ay isa ring tao na madamayin, na isang kahilingan para sa paglilingkod bilang Mataas na Saserdote ng Diyos. Bagaman sakdal siya, hindi siya naging labis na mapamuna o mapagmataas at dominante (gaya ng mga Pariseo) sa di-sakdal at makasalanang mga tao na sa gitna nila’y namuhay at gumawa siya. (Mat 9:10-13; 21:31, 32; Luc 7:36-48; 15:1-32; 18:9-14) Palagay ang loob sa kaniya kahit ng mga bata, at nang gamitin niyang halimbawa ang isang bata, hindi lamang niya pinatayo ang bata sa harap ng kaniyang mga alagad kundi ‘iniyakap din niya rito ang kaniyang mga bisig.’ (Mar 9:36; 10:13-16) Siya’y naging tunay na kaibigan at mapagmahal na kasamahan ng kaniyang mga tagasunod, anupat ‘inibig niya sila hanggang sa wakas.’ (Ju 13:1; 15:11-15) Hindi niya ginamit ang kaniyang awtoridad upang maging mapaghanap at magdagdag ng pasanin sa mga tao kundi sa halip ay sinabi niya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal . . . pagiginhawahin ko kayo.” Napatunayan ng kaniyang mga alagad na siya’y “mahinahong-loob at mababa ang puso,” anupat ang kaniyang pamatok ay may-kabaitan at ang kaniyang pasan ay magaan.—Mat 11:28-30.
Kabilang sa mga tungkulin ng saserdote ang pangangalaga sa pisikal at espirituwal na kalusugan ng taong-bayan. (Lev 13-15) Udyok ng pagkahabag, tinulungan ni Jesus ang mga taong nagdurusa dahil sa sakit, pagkabulag, at iba pang mga karamdaman. (Mat 9:36; 14:14; 20:34; Luc 7:11-15; ihambing ang Isa 61:1.) Dahil sa pagkamatay ng kaniyang kaibigang si Lazaro at sa idinulot nitong pighati sa mga kapatid na babae ni Lazaro, si Jesus ay ‘dumaing at lumuha.’ (Ju 11:32-36) Sa gayon, bilang pagpapatiuna, ‘dinala ni Jesus na Mesiyas ang mga sakit at pinasan niya ang mga kirot’ ng iba, anupat ginawa niya iyon kahit makabawas iyon sa kaniyang kapangyarihan. (Isa 53:4; Luc 8:43-48) Ginawa niya iyon hindi lamang bilang pagtupad sa hula kundi dahil ‘ibig niya.’ (Mat 8:2-4, 16, 17) Higit na mahalaga, dinulutan niya sila ng espirituwal na kalusugan at kapatawaran ng mga kasalanan, palibhasa’y binigyan siya ng awtoridad na gawin iyon sapagkat, bilang ang Kristo, patiuna siyang itinalaga na maglaan ng haing pantubos, anupat sumasailalim na siya noon sa bautismo sa kamatayan na magwawakas sa pahirapang tulos.—Isa 53:4-8, 11, 12; ihambing ang Mat 9:2-8; 20:28; Mar 10:38, 39; Luc 12:50.
“Kamangha-manghang Tagapayo.” Ang saserdote ang may pananagutan sa pagtuturo sa taong-bayan tungkol sa kautusan at kalooban ng Diyos. (Mal 2:7) Sa katulad na paraan, bilang ang maharlikang Mesiyas, ang inihulang “maliit na sanga mula sa tuod ni Jesse [ama ni David],” kinailangang ipakita ni Jesus ‘ang espiritu ni Jehova taglay ang karunungan, payo, kalakasan, kaalaman, lakip ang pagkatakot kay Jehova.’ Ipinamalas niya ang “kasiyahan” na resulta ng gayong pagkatakot sa Diyos. (Isa 11:1-3) Ang walang-katulad na karunungan na masusumpungan sa mga turo ni Jesus, na “higit pa kaysa kay Solomon” (Mat 12:42), ay isa sa pinakamatitibay na ebidensiya na siya nga ang Anak ng Diyos at na ang mga ulat ng Ebanghelyo ay hindi maaaring bunga lamang ng kaisipan o imahinasyon ng di-sakdal na mga tao.
Pinatunayan ni Jesus na siya ang ipinangakong “Kamangha-manghang Tagapayo” (Isa 9:6) sa pamamagitan ng kaalaman niya sa Salita at kalooban ng Diyos, sa pamamagitan ng unawa niya sa kalikasan ng tao, sa pamamagitan ng kakayahan niyang maarok ang punto ng mga tanong at mga usapin, at sa pamamagitan ng pagpapakita ng solusyon sa mga problema ng pang-araw-araw na pamumuhay. Isang mahusay na halimbawa nito ang kilaláng Sermon sa Bundok. (Mat 5-7) Dito, ipinakita ng kaniyang payo ang daan tungo sa tunay na kaligayahan, kung paano lulutasin ang mga di-pagkakasundo, kung paano maiiwasan ang imoralidad, kung paano makikitungo sa mga nakikipag-alit, kung paano magsasagawa ng katuwiran nang walang pagpapaimbabaw, ang tamang saloobin sa materyal na mga bagay sa buhay, ang pagtitiwala sa pagkabukas-palad ng Diyos, ang gintong aral upang magkaroon ng tamang kaugnayan sa iba, kung paano makikilala ang mga pandaraya ng relihiyon, at kung paano maghahanda para sa isang tiwasay na kinabukasan. “Lubhang namangha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo; sapagkat siya ay nagtuturo sa kanila na gaya ng isang taong may awtoridad, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.” (Mat 7:28, 29) Matapos siyang buhaying-muli, patuloy siyang gumanap ng pangunahing papel sa pakikipagtalastasan ni Jehova sa sangkatauhan.—Apo 1:1.
Dalubhasang Guro. Napakabisa ng kaniyang paraan ng pagtuturo. (Ju 7:45, 46) Iniharap niya nang simple, maikli, at malinaw ang mga bagay na lubhang mahalaga at malalim. Ipinaghalimbawa niya ang mga puntong pinalilitaw niya sa pamamagitan ng mga bagay na pamilyar sa kaniyang mga tagapakinig (Mat 13:34, 35)—mga mangingisda (Mat 13:47, 48), mga pastol (Ju 10:1-17), mga magsasaka (Mat 13:3-9), mga tagapagtayo (Mat 7:24-27; Luc 14:28-30), mga mangangalakal (Mat 13:45, 46), mga alipin o mga panginoon (Luc 16:1-9), mga ginang ng tahanan (Mat 13:33; Luc 15:8), o kaninuman (Mat 6:26-30). Gumamit siya ng simpleng mga bagay, tulad ng tinapay, tubig, asin, mga sisidlang balat, at mga lumang kasuutan, upang sumagisag sa mga bagay na napakahalaga, kung paanong ginamit din ang mga ito sa Hebreong Kasulatan. (Ju 6:31-35, 51; 4:13, 14; Mat 5:13; Luc 5:36-39) Ang kaniyang lohika, na kadalasa’y inilalahad sa pamamagitan ng mga analohiya, ay pumawi sa maling mga pagtutol at naglagay ng mga bagay-bagay sa wastong punto de vista. (Mat 16:1-3; Luc 11:11-22; 14:1-6) Pangunahin niyang itinuon ang kaniyang mensahe sa puso ng mga tao, anupat gumamit siya ng nakaaantig na mga tanong upang sila’y mag-isip, bumuo ng sarili nilang mga konklusyon, magsuri ng kanilang mga motibo, at gumawa ng mga pasiya. (Mat 16:5-16; 17:24-27; 26:52-54; Mar 3:1-5; Luc 10:25-37; Ju 18:11) Hindi niya pinagsikapang makuha ang pabor ng karamihan kundi, sa halip, sinikap niyang gisingin ang puso niyaong mga taimtim na nagugutom sa katotohanan at katuwiran.—Mat 5:3, 6; 13:10-15.
Bagaman siya’y makonsiderasyon sa limitadong unawa ng kaniyang mga tagapakinig at maging ng kaniyang mga alagad (Mar 4:33) at bagaman gumamit siya ng kaunawaan hinggil sa dami ng impormasyong ibibigay niya sa kanila (Ju 16:4, 12), hindi niya kailanman ‘binantuan’ ang mensahe ng Diyos upang maging popular o magkamit ng pabor. Ang kaniyang pananalita ay tuwiran, anupat tahasan pa nga kung minsan. (Mat 5:37; Luc 11:37-52; Ju 7:19; 8:46, 47) Ang tema ng kaniyang mensahe ay: “Magsisi kayo, . . . sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mat 4:17) Gaya ng mga propeta ni Jehova noong mas naunang mga panahon, tuwiran niyang sinabi sa mga tao “ang kanilang pagsalansang, at sa sambahayan ni Jacob [naman] ang kanilang mga kasalanan” (Isa 58:1; Mat 21:28-32; Ju 8:24), anupat itinuro sila sa ‘makipot na pintuang-daan at masikip na daan’ na aakay sa kanila pabalik sa lingap ng Diyos at sa buhay.—Mat 7:13, 14.
“Lider at Kumandante.” Ipinakita ni Jesus ang kaniyang mga kuwalipikasyon bilang “lider at kumandante” at “saksi sa mga liping pambansa.” (Isa 55:3, 4; Mat 23:10; Ju 14:10, 14; ihambing ang 1Ti 6:13, 14.) Nang dumating ang panahon para rito, ilang buwan matapos niyang simulan ang kaniyang ministeryo, pumaroon siya sa ilang tao na dati na niyang kakilala at inanyayahan sila: “Maging tagasunod kita.” Bilang pagtugon, kaagad na iniwan ng mga lalaking iyon ang hanapbuhay na pangingisda at ang pagtatrabaho sa tanggapan ng buwis. (Mat 4:18-22; Luc 5:27, 28; ihambing ang Aw 110:3.) Iniabuloy naman ng mga babae ang kanilang panahon, pagsisikap, at materyal na mga pag-aari upang ilaan ang mga pangangailangan ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod.—Mar 15:40, 41; Luc 8:1-3.
Ang maliit na grupong ito ang magiging pinakapundasyon ng isang bagong “bansa,” ang espirituwal na Israel. (1Pe 2:7-10) Magdamag na nanalangin si Jesus ukol sa patnubay ng kaniyang Ama bago siya pumili ng 12 apostol, na kung mananatiling tapat ay magiging mga haligi ng bagong bansang iyon, tulad ng 12 anak ni Jacob para sa Israel sa laman. (Luc 6:12-16; Efe 2:20; Apo 21:14) Kung paanong si Moises ay may kasamang 70 lalaki na mga kinatawan ng bansa, nang maglaon ay inatasan din ni Jesus sa ministeryo ang karagdagang 70 alagad. (Bil 11:16, 17; Luc 10:1) Mula noon, pinagtuunan ni Jesus ng pantanging pansin ang mga alagad na ito sa kaniyang pagtuturo at pagbibigay ng tagubilin, anupat maging ang Sermon sa Bundok ay pangunahin nang binigkas para sa kanila, gaya ng ipinakikita ng nilalaman nito.—Mat 5:1, 2, 13-16; 13:10, 11; Mar 4:34; 7:17.
Lubusan niyang tinanggap ang mga pananagutan ng kaniyang pagkaulo, anupat nanguna siya sa lahat ng paraan (Mat 23:10; Mar 10:32), nagbigay siya sa kaniyang mga alagad ng mga pananagutan at mga atas bukod pa sa kanilang gawaing pangangaral (Luc 9:52; 19:29-35; Ju 4:1-8; 12:4-6; 13:29; Mar 3:9; 14:12-16), at siya’y nagpatibay-loob at sumaway (Ju 16:27; Luc 10:17-24; Mat 16:22, 23). Siya ang kanilang kumandante, at ang kaniyang pangunahing utos ay ‘ibigin nila ang isa’t isa kung paanong inibig niya sila.’ (Ju 15:10-14) Nakaya niyang kontrolin ang mga pulutong na may bilang na libu-libo. (Mar 6:39-46) Ang patuluyan at kapaki-pakinabang na pagsasanay na ibinigay niya sa kaniyang mga alagad, na karamiha’y mga taong may mababang posisyon at edukasyon, ay napakabisa. (Mat 10:1–11:1; Mar 6:7-13; Luc 8:1) Nang maglaon, ang mga taong may mataas na katayuan at pinag-aralan ay nagtaka dahil sa mapuwersa at may-tiwalang pananalita ng mga apostol; at bilang “mga mangingisda ng mga tao,” nagkaroon ng kamangha-manghang mga resulta ang gawain nila—libu-libong tao ang tumugon sa kanilang pangangaral. (Mat 4:19; Gaw 2:37, 41; 4:4, 13; 6:7) Dahil sa kanilang unawa sa mga simulain ng Bibliya, na maingat na ikinintal ni Jesus sa kanilang puso, nang maglaon ay naging mga tunay na pastol sila ng kawan. (1Pe 5:1-4) Sa gayon, sa loob lamang ng tatlo at kalahating taon, nakapagtatag si Jesus ng matibay na pundasyon para sa isang nagkakaisang internasyonal na kongregasyon na may libu-libong miyembro mula sa iba’t ibang lahi.
Mahusay na Tagapaglaan at Matuwid na Hukom. Ang kaniyang pamamahala ay magiging higit na masagana kaysa sa pamamahala ni Solomon; ipinakita ito ng kakayahan ni Jesus na pangunahan nang may napakalaking tagumpay ang pangingisda ng kaniyang mga alagad. (Luc 5:4-9; ihambing ang Ju 21:4-11.) Ang pagpapakain sa libu-libo katao na isinagawa ng lalaking ito na ipinanganak sa Betlehem (nangangahulugang “Bahay ng Tinapay”), gayundin ang paggawa niyang mainam na alak sa tubig, ay patikim lamang ng piging na ilalaan ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos sa hinaharap “para sa lahat ng mga bayan.” (Isa 25:6; ihambing ang Luc 14:15.) Hindi lamang wawakasan ng kaniyang pamamahala ang karalitaan at gutom kundi pangyayarihin din nito ang ‘paglamon sa kamatayan.’—Isa 25:7, 8.
Gayundin naman, kasuwato ng Mesiyanikong mga hula, maraming dahilan upang magtiwala sa katarungan at matuwid na kahatulan na idudulot ng kaniyang pamahalaan. (Isa 11:3-5; 32:1, 2; 42:1) Nagpakita siya ng matinding paggalang sa kautusan, lalo na sa kautusan ng kaniyang Diyos at Ama, pati na rin sa batas ng “nakatataas na mga awtoridad” na pinahintulutang umiral sa lupa, samakatuwid ay ang sekular na mga pamahalaan. (Ro 13:1; Mat 5:17-19; 22:17-21; Ju 18:36) Tinanggihan niya ang pagsisikap ng mga tao na isali siya sa daigdig ng pulitika nang tangkain nilang ‘gawin siyang hari.’ (Ju 6:15; ihambing ang Luc 19:11, 12; Gaw 1:6-9.) Hindi siya lumampas sa mga hangganan ng kaniyang awtoridad. (Luc 12:13, 14) Walang sinumang ‘makahahatol sa kaniya ng kasalanan,’ hindi lamang dahil ipinanganak siyang sakdal kundi dahil sinikap din niyang lubusang tuparin ang Salita ng Diyos. (Ju 8:46, 55) Ang katuwiran at katapatan ay nakabigkis sa kaniya na parang sinturon. (Isa 11:5) Bukod sa siya’y may pag-ibig sa katuwiran, taglay rin niya ang pagkapoot sa kabalakyutan, pagpapaimbabaw, at pandaraya, gayundin ang pagkagalit sa mga sakim at manhid sa mga pagdurusa ng iba. (Mat 7:21-27; 23:1-8, 25-28; Mar 3:1-5; 12:38-40; ihambing ang tal 41-44.) Magagalak ang maaamo at maralita sapagkat papawiin ng kaniyang pamamahala ang kawalang-katarungan at paniniil.—Isa 11:4; Mat 5:5.
Nagpakita siya ng matalas na kaunawaan sa mga simulain, sa tunay na kahulugan at layunin ng mga kautusan ng Diyos, anupat idiniin niya “ang mas mabibigat na bagay,” ang “katarungan at awa at katapatan.” (Mat 12:1-8; 23:23, 24) Hindi siya nagpakita ng pagtatangi ni ng paboritismo, bagaman partikular niyang minahal ang isa sa kaniyang mga alagad. (Mat 18:1-4; Mar 10:35-44; Ju 13:23; ihambing ang 1Pe 1:17.) Bagaman ang isa sa mga huling ginawa niya noong mamamatay na siya sa pahirapang tulos ay ang magpakita ng pagkabahala sa kaniyang inang tao, ang kaniyang ugnayang pampamilya ay hindi kailanman nauna sa kaniyang espirituwal na mga kaugnayan. (Mat 12:46-50; Luc 11:27, 28; Ju 19:26, 27) Gaya ng inihula, hindi mababaw ang pag-aasikaso niya sa mga problema, na waring “ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata, ni [ang kaniyang saway man ay] ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga.” (Isa 11:3; ihambing ang Ju 7:24.) Nababasa niya ang puso ng mga tao at napag-uunawa niya ang kanilang pag-iisip, pangangatuwiran, at mga motibo. (Mat 9:4; Mar 2:6-8; Ju 2:23-25) At pinanatili niyang nakatuon ang kaniyang pakinig sa Salita ng Diyos at hinanap niya, hindi ang kaniyang sariling kalooban, kundi ang kalooban ng kaniyang Ama; tinitiyak nito na, bilang Hukom na inatasan ng Diyos, ang kaniyang mga pasiya ay laging tama at matuwid.—Isa 11:4; Ju 5:30.
Namumukod-tanging Propeta. Tinupad ni Jesus ang mga kahilingan sa isang propeta na tulad ni Moises ngunit mas dakila kaysa sa propetang ito. (Deu 18:15, 18, 19; Mat 21:11; Luc 24:19; Gaw 3:19-23; ihambing ang Ju 7:40.) Inihula niya ang kaniyang mga pagdurusa at paraan ng kamatayan, ang pangangalat ng kaniyang mga alagad, ang pagkubkob sa Jerusalem, at ang lubos na pagkawasak ng lunsod na iyon at ng templo nito. (Mat 20:17-19; 24:1–25:46; 26:31-34; Luc 19:41-44; 21:20-24; Ju 13:18-27, 38) May kaugnayan sa huling nabanggit na mga pangyayari, nilakipan niya ang mga ito ng mga hula na matutupad sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, kapag nagpupuno na ang kaniyang Kaharian. At, tulad ng naunang mga propeta, nagsagawa siya ng mga tanda at mga himala bilang katibayan na isinugo siya ng Diyos. Nahigitan ng kaniyang mga kredensiyal yaong kay Moises—pinatahimik niya ang nagngangalit na dagat ng Galilea; lumakad siya sa ibabaw ng tubig nito (Mat 8:23-27; 14:23-34); nagpagaling siya ng bulag, bingi, at pilay, at ng mga taong may malulubhang sakit gaya ng ketong; at nagbangon pa nga siya ng mga patay.—Luc 7:18-23; 8:41-56; Ju 11:1-46.
Napakahusay na halimbawa ng pag-ibig. Ang katangiang nangingibabaw sa lahat ng aspektong ito ng personalidad ni Jesus ay pag-ibig—ang pag-ibig ni Jesus sa kaniyang Ama higit kaninuman at ang pag-ibig niya sa kaniyang mga kapuwa nilalang. (Mat 22:37-39) Dahil dito, pag-ibig ang magiging pagkakakilanlan ng kaniyang mga alagad. (Ju 13:34, 35; ihambing ang 1Ju 3:14.) Ang kaniyang pag-ibig ay hindi sentimentalidad lamang. Bagaman nagpakita siya ng matinding damdamin, si Jesus ay laging ginabayan ng simulain (Heb 1:9); ang kalooban ng kaniyang Ama ang pangunahin niyang ikinabahala. (Ihambing ang Mat 16:21-23.) Pinatunayan niya ang kaniyang pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan ng pagtupad sa mga utos ng Diyos (Ju 14:30, 31; ihambing ang 1Ju 5:3) at sa pamamagitan ng pagsisikap na luwalhatiin ang kaniyang Ama sa lahat ng pagkakataon. (Ju 17:1-4) Noong huling gabi niya kasama ng kaniyang mga alagad, tatlumpung beses niyang tinukoy ang pag-ibig, anupat tatlong beses niyang inulit ang utos na “ibigin [nila] ang isa’t isa.” (Ju 13:34; 15:12, 17) Sinabi niya sa kanila: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan. Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.”—Ju 15:13, 14; ihambing ang Ju 10:11-15.
Pagkatapos nito, bilang katibayan ng kaniyang pag-ibig sa Diyos at sa di-sakdal na sangkatauhan, hinayaan niyang siya ay ‘dalhing tulad ng isang tupa patungo sa patayan,’ anupat pumayag na siya’y litisin, sampalin, suntukin, duraan, hagupitin, at sa katapus-tapusan, ipako sa isang tulos sa pagitan ng mga kriminal. (Isa 53:7; Mat 26:67, 68; 27:26-38; Mar 14:65; 15:15-20; Ju 19:1) Sa pamamagitan ng kaniyang sakripisyong kamatayan, ipinakita niya ang pag-ibig ng Diyos sa mga tao (Ro 5:8-10; Efe 2:4, 5) at tinulungan niya ang mga tao na lubusang magtiwala sa kaniyang di-nagmamaliw na pag-ibig sa kaniyang tapat na mga alagad.—Ro 8:35-39; 1Ju 3:16-18.
Yamang ang larawan ng Anak ng Diyos na iginuguhit ng nakasulat na rekord, bagaman maikli (Ju 21:25), ay maringal, tiyak na lalong higit na maringal ang katunayan nito. Ang kaniyang nakaaantig na halimbawa ng kapakumbabaan at kabaitan, lakip ang katatagan para sa katuwiran at katarungan, ay nagbibigay-katiyakan na ang pamahalaan ng kaniyang Kaharian ang siyang pinananabikan ng mga taong may pananampalataya sa nakalipas na maraming siglo, at na sa katunayan, hihigitan pa nito ang lahat ng kanilang inaasahan. (Ro 8:18-22) Sa lahat ng bagay, ipinakita niya ang sakdal na pamantayan para sa kaniyang mga alagad, na ibang-iba sa pamantayan ng mga tagapamahala ng sanlibutan. (Mat 20:25-28; 1Co 11:1; 1Pe 2:21) Siya mismo, na kanilang Panginoon, ang naghugas ng kanilang mga paa. Sa gayong paraan, nagbigay siya ng parisan ng pagiging maalalahanin, makonsiderasyon, at mapagpakumbaba na magiging pagkakakilanlan ng kaniyang kongregasyon ng mga pinahirang tagasunod, hindi lamang sa lupa kundi pati sa langit. (Ju 13:3-15) Bagaman nasa langit ang kanilang mga trono at makikibahagi sila kay Jesus sa ‘lahat ng awtoridad sa langit at sa lupa’ sa loob ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, dapat nilang mapagpakumbabang asikasuhin at maibiging ilaan ang mga pangangailangan ng kaniyang mga sakop sa lupa.—Mat 28:18; Ro 8:17; 1Pe 2:9; Apo 1:5, 6; 20:6; 21:2-4.
Ipinahayag na Matuwid at Karapat-dapat. Sa pamamagitan ng kaniyang buong-buhay na landasin ng katapatan sa Diyos, lakip ang kaniyang hain, naisagawa ni Jesu-Kristo ang “isang gawa ng pagbibigay-katuwiran” na nagpatunay na kuwalipikado siyang maglingkod bilang ang pinahirang Haring-Saserdote ng Diyos sa langit. (Ro 5:17, 18) Sa pamamagitan ng kaniyang pagkabuhay-muli mula sa mga patay tungo sa buhay bilang isang makalangit na Anak ng Diyos, siya ay “ipinahayag na matuwid sa espiritu.” (1Ti 3:16) Ipinroklama ng makalangit na mga nilalang na siya’y “karapat-dapat na tumanggap ng kapangyarihan at kayamanan at karunungan at lakas at karangalan at kaluwalhatian at pagpapala,” anupat isa na tulad-leon alang-alang sa katarungan at kahatulan ngunit tulad-kordero naman sa pagbibigay ng kaniyang sarili bilang hain upang mailigtas ang iba. (Apo 5:5-13) Tinupad niya ang kaniyang pangunahing layunin na pabanalin ang pangalan ng kaniyang Ama. (Mat 6:9; 22:36-38) Ginawa niya ito, hindi lamang sa pamamagitan ng paggamit sa pangalang iyon, kundi sa pamamagitan din ng pagsisiwalat sa Personang kinakatawanan niyaon, anupat ipinakita niya ang kamangha-manghang mga katangian ng kaniyang Ama—ang Kaniyang pag-ibig, karunungan, katarungan, at kapangyarihan—sa gayo’y tinulungan niya ang mga tao na malaman o maranasan kung ano ang isinasagisag ng pangalan ng Diyos. (Mat 11:27; Ju 1:14, 18; 17:6-12) Higit sa lahat, ginawa niya ito sa pamamagitan ng pagtataguyod sa pansansinukob na soberanya ni Jehova, anupat ipinakitang ang pamahalaan ng kaniyang Kaharian ay matibay na nakasalig sa Kataas-taasang Pinagmumulan ng awtoridad. Kaya naman masasabi tungkol sa kaniya: “Ang Diyos ang iyong trono magpakailan-kailanman.”—Heb 1:8.
Sa gayon, ang Panginoong Jesu-Kristo ang siyang “Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya.” Sa pamamagitan ng pagtupad niya sa hula at pagsisiwalat niya sa mga layunin ng Diyos sa hinaharap, gayundin sa mga sinabi at ginawa niya at sa mga katangiang ipinakita niya, naglaan siya ng matibay na pundasyon na magiging saligan ng tunay na pananampalataya.—Heb 12:2; 11:1.
[Tsart sa pahina 1213]
TAMPOK NA MGA PANGYAYARI SA BUHAY NI JESUS SA LUPA
Ang Apat na Ebanghelyo Ayon sa Kronolohikal na Pagkakasunud-sunod
Bago ang Ministeryo ni Jesus
Panahon
Lugar
Pangyayari
Mateo
Marcos
Lucas
Juan
3 B.C.E.
Jerusalem, templo
Kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo inihula kay Zacarias
—
—
—
mga 2 B.C.E.
Nazaret; Judea
Kapanganakan ni Jesus inihula kay Maria, na dumalaw kay Elisabet
—
—
—
2 B.C.E.
Maburol na lupain ng Judea
Ipinanganak si Juan na Tagapagbautismo; namuhay sa disyerto nang maglaon
—
—
—
2 B.C.E., mga Okt. 1
Betlehem
Ipinanganak si Jesus (ang Salita, na sa pamamagitan niya ay umiral ang lahat ng iba pang bagay), inapo ni Abraham at ni David
—
—
Malapit sa Betlehem
Ipinahayag ng anghel ang mabuting balita; dinalaw ng mga pastol ang sanggol
—
—
—
—
Betlehem; Jerusalem
Tinuli si Jesus (ika-8 araw), dinala sa templo (pagkaraan ng ika-40 araw)
—
—
—
1 B.C.E. o 1 C.E.
Jerusalem; Betlehem; Nazaret
Mga astrologo; pagtakas patungong Ehipto; mga sanggol pinatay; pagbabalik ni Jesus
—
—
12 C.E.
Jerusalem
Ang 12-taóng-gulang na si Jesus noong Paskuwa; umuwi
—
—
—
29, tagsibol
Ilang, Jordan
Ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo
Ang Pasimula ng Ministeryo ni Jesus
Panahon
Lugar
Pangyayari
Mateo
Marcos
Lucas
Juan
29, taglagas
Ilog Jordan
Binautismuhan at pinahiran si Jesus, ipinanganak bilang tao sa linya ni David ngunit ipinahayag na Anak ng Diyos
—
Ilang ng Juda
Nag-ayuno si Jesus; tinukso
—
—
Betania sa ibayo ng Jordan
Nagpatotoo si Juan na Tagapagbautismo tungkol kay Jesus
—
—
—
—
Mataas na Libis ng Jordan
Unang mga alagad ni Jesus
—
—
—
—
Cana ng Galilea; Capernaum
Unang himala ni Jesus; dumalaw siya sa Capernaum
—
—
—
30, Paskuwa
Jerusalem
Pagdiriwang ng Paskuwa; mga negosyante pinalayas niya sa templo
—
—
—
—
Jerusalem
Nakipag-usap si Jesus kay Nicodemo
—
—
—
—
Judea; Enon
Nagbautismo mga alagad ni Jesus; Juan magiging kaunti
—
—
—
—
Tiberias
Ibinilanggo si Juan; nagpunta si Jesus sa Galilea
—
Sicar, sa Samaria
Habang patungong Galilea, nagturo si Jesus sa mga Samaritano
—
—
—
Ang Dakilang Ministeryo ni Jesus sa Galilea
Panahon
Lugar
Pangyayari
Mateo
Marcos
Lucas
Juan
—
Galilea
Sinimulan niyang ipatalastas, “Ang kaharian ng langit ay malapit na”
—
Cana; Nazaret; Capernaum
Nagpagaling ng bata; binasa ang atas niya; itinakwil; lumipat sa Capernaum
—
—
Dagat ng Galilea, malapit sa Capernaum
Tinawag sina Simon at Andres, Santiago at Juan
—
—
Capernaum
Pinagaling ang inaalihan ng demonyo, pati biyenan ni Pedro at marami pang iba
—
—
Galilea
Unang paglalakbay sa Galilea, kasama ang apat na tinawag
—
—
Galilea
Ketongin pinagaling; dinagsa ng pulutong
—
—
Capernaum
Nagpagaling ng paralitiko
—
—
Capernaum
Mateo tinawag; piging kasama ng mga maniningil ng buwis
—
—
Judea
Nangaral sa mga sinagoga ng Judea
—
—
—
31, Paskuwa
Jerusalem
Dumalo sa kapistahan; nagpagaling ng isang tao; sinaway ang mga Pariseo
—
—
—
—
Pauwi mula sa Jerusalem(?)
Mga alagad nangitil ng mga uhay ng butil noong Sabbath
—
—
Galilea; Dagat ng Galilea
Nagpagaling ng kamay noong Sabbath; nagpahinga sa baybay-dagat; nagpagaling
—
—
Bundok malapit sa Capernaum
Pinili ang 12 bilang mga apostol
—
—
—
Malapit sa Capernaum
Ang Sermon sa Bundok
—
—
—
Capernaum
Lingkod ng opisyal ng hukbo pinagaling
—
—
—
Nain
Anak ng babaing balo binuhay-muli
—
—
—
—
Galilea
Si Juan na nakabilanggo, nagsugo ng mga alagad kay Jesus
—
—
—
Galilea
Mga lunsod tinuligsa; pagsisiwalat sa mga sanggol; pamatok may-kabaitan
—
—
—
—
Galilea
Paa pinahiran ng makasalanang babae; ilustrasyon: dalawang may utang
—
—
—
—
Galilea
Ikalawang paglalakbay sa Galilea, nangaral kasama ang 12
—
—
—
—
Galilea
Pinagaling ang inaalihan ng demonyo; pinaratangang kakampi ni Beelzebub
—
—
—
Galilea
Mga eskriba at mga Pariseo humingi ng tanda
12:38-45
—
—
—
—
Galilea
Mga alagad ni Kristo, malalapit niyang kamag-anak
—
—
Dagat ng Galilea
Mga ilustrasyon: manghahasik, mga panirang-damo, at iba pa; ipinaliwanag
—
—
Dagat ng Galilea
Buhawi sa lawa pinahupa
—
—
Gadara, TS ng Dagat ng Galilea
Dalawang inaalihan ng demonyo pinagaling; mga baboy sinaniban ng mga demonyo
—
—
Malamang sa Capernaum
Babae pinagaling; anak na babae ni Jairo binuhay-muli
—
—
Capernaum(?)
Nagpagaling ng dalawang bulag at ng piping inaalihan ng demonyo
—
—
—
—
Nazaret
Muling dumalaw sa kinalakhang lunsod, muling itinakwil
—
—
—
Galilea
Ikatlong paglalakbay sa Galilea, pinalawak nang isugo ang mga apostol
—
—
Tiberias
Juan na Tagapagbautismo pinugutan ng ulo; natakot si Herodes dahil sa ginawa niya
—
32, bago mag-Paskuwa (Ju 6:4)
Capernaum(?); HS panig ng Dagat ng Galilea
Mga apostol nagbalik mula sa pangangaral; 5,000 pinakain
—
HS panig ng Dagat ng Galilea; Genesaret
Pinagtangkaang gawing hari si Jesus; lumakad sa ibabaw ng dagat; nagpagaling
—
—
Capernaum
Ipinakilala ang “tinapay ng buhay”; humiwalay ang maraming alagad
—
—
—
32, pagkatapos ng Paskuwa
Malamang sa Capernaum
Mga tradisyong nagpapawalang-saysay sa Salita ng Diyos
—
—
Fenicia; Decapolis
Malapit sa Tiro, Sidon; pagkatapos ay sa Decapolis; 4,000 pinakain
—
—
—
Magadan
Mga Saduceo at mga Pariseo muling humingi ng tanda
—
—
—
Dagat ng Galilea, HS panig; Betsaida
Nagbabala laban sa lebadura ng mga Pariseo; nagpagaling ng bulag
—
—
—
Cesarea Filipos
Si Jesus na Mesiyas; inihula ang kamatayan, pagkabuhay-muli
—
—
Malamang sa Bdk. Hermon
Nagbagong-anyo sa harap nina Pedro, Santiago, at Juan
—
—
Cesarea Filipos
Pinagaling ang inaalihan ng demonyo na hindi napagaling ng mga alagad
—
—
Galilea
Muling inihula ang kamatayan niya at pagkabuhay-muli
—
—
Capernaum
Makahimalang inilaan ang salaping buwis
—
—
—
—
Capernaum
Pinakadakila sa Kaharian; paglutas sa di-pagkakaunawaan; awa
18:1-35
—
—
Galilea; Samaria
Umalis sa Galilea patungo sa Kapistahan ng mga Kubol; inuna ang ministeryo
—
Ministeryo ni Jesus sa Judea Nang Dakong Huli
Panahon
Lugar
Pangyayari
Mateo
Marcos
Lucas
Juan
32, Kapistahan ng mga Kubol
Jerusalem
Hayagang nagturo noong Kapistahan ng mga Kubol
—
—
—
—
Jerusalem
Nagturo pagkatapos ng Kapistahan; nagpagaling ng bulag
—
—
—
—
Malamang sa Judea
Isinugo ang 70 upang mangaral; nagsibalik, nag-ulat
—
—
—
—
Judea; Betania
Nagkuwento tungkol sa madamaying Samaritano; sa tahanan nina Marta, Maria
—
—
—
—
Malamang sa Judea
Muling itinuro ang modelong panalangin; magpumilit sa paghingi
—
—
—
—
Malamang sa Judea
Pinasinungalingan ang bulaang paratang; ipinakitang dapat hatulan ang salinlahing iyon
—
—
—
—
Malamang sa Judea
Sa hapag ng isang Pariseo, tinuligsa ni Jesus ang mga mapagpaimbabaw
—
—
—
—
Malamang sa Judea
Diskurso tungkol sa pangangalaga ng Diyos; tapat na katiwala
—
—
—
—
Malamang sa Judea
Nagpagaling ng babaing lumpo sa Sabbath; tatlong ilustrasyon
—
—
—
32, Kapistahan ng Pag-aalay
Jerusalem
Si Jesus sa Kapistahan ng Pag-aalay; Mabuting Pastol
—
—
—
Ministeryo ni Jesus sa Silangan ng Jordan Nang Dakong Huli
Panahon
Lugar
Pangyayari
Mateo
Marcos
Lucas
Juan
—
Sa ibayo ng Jordan
Marami ang nanampalataya kay Jesus
—
—
—
—
Perea (sa ibayo ng Jordan)
Nagturo sa mga lunsod, mga nayon, patungong Jerusalem
—
—
—
—
Perea
Pagpasok sa Kaharian; banta ni Herodes; bahay itiniwangwang
—
—
—
—
Malamang sa Perea
Kapakumbabaan; ilustrasyon tungkol sa malaking hapunan
—
—
—
—
Malamang sa Perea
Pagtuos sa magugugol bilang alagad
—
—
—
—
Malamang sa Perea
Mga ilustrasyon: nawawalang tupa, nawawalang barya, alibughang anak
—
—
—
—
Malamang sa Perea
Mga ilustrasyon: di-matuwid na katiwala, taong mayaman at si Lazaro
—
—
—
—
Malamang sa Perea
Pagpapatawad at pananampalataya; walang-kabuluhang mga alipin
—
—
—
—
Betania
Lazaro binuhay-muli ni Jesus
—
—
—
—
Jerusalem; Efraim
Payo ni Caifas laban kay Jesus; umalis si Jesus
—
—
—
—
Samaria; Galilea
Nagpagaling at nagturo habang dumaraan sa Samaria, Galilea
—
—
—
—
Samaria o Galilea
Mga ilustrasyon: mapilit na babaing balo, ang Pariseo at ang maniningil ng buwis
—
—
—
—
Perea
Dumaan sa Perea; nagturo hinggil sa diborsiyo
—
—
—
Perea
Tinanggap at pinagpala ang mga bata
—
—
Perea
Mayamang binata; ilustrasyon: mga trabahador sa ubasan
—
—
Malamang sa Perea
Sa ikatlong pagkakataon, inihula ni Jesus ang kamatayan niya, pagkabuhay-muli
—
—
Malamang sa Perea
Santiago at Juan humiling ng prominenteng dako sa Kaharian
—
—
—
Jerico
Habang dumaraan sa Jerico, nagpagaling ng dalawang bulag; dumalaw kay Zaqueo; ilustrasyon ng sampung mina
—
Pangwakas na Ministeryo ni Jesus sa Jerusalem
Panahon
Lugar
Pangyayari
Mateo
Marcos
Lucas
Juan
Nisan 8, 33
Betania
Dumating sa Betania anim na araw bago ang Paskuwa
—
—
—
Nisan 9
Betania
Piging sa bahay ni Simon na ketongin; pinahiran ni Maria ng langis si Jesus; mga Judio pinuntahan sina Jesus at Lazaro
—
—
Betania-Jerusalem
Ang matagumpay na pagpasok ni Kristo sa Jerusalem
Nisan 10
Betania-Jerusalem
Di-namumungang puno ng igos isinumpa; ikalawang paglilinis sa templo
—
—
Jerusalem
Mga punong saserdote at mga eskriba nagpakanang ipapatay si Jesus
—
—
—
Jerusalem
Nakipag-usap sa mga Griego; mga Judio walang pananampalataya
—
—
—
Nisan 11
Betania-Jerusalem
Natuyot ang di-namumungang puno ng igos
—
—
—
Jerusalem, templo
Awtoridad ni Kristo kinuwestiyon; ilustrasyon tungkol sa dalawang anak
—
—
Jerusalem, templo
Mga ilustrasyon: balakyot na mga tagapagsaka, piging ng kasalan
—
—
Jerusalem, templo
Nanghuhuling mga tanong hinggil sa buwis, pagkabuhay-muli, utos
—
—
Jerusalem, templo
Napatahimik ng tanong ni Jesus hinggil sa pinagmulan ng Mesiyas
—
—
Jerusalem, templo
Matinding pagtuligsa sa mga eskriba at mga Pariseo
—
—
Jerusalem, templo
Dalawang barya ng babaing balo
—
—
—
Bundok ng mga Olibo
Jerusalem inihulang babagsak; pagkanaririto ni Jesus; katapusan ng sistema
—
—
Bundok ng mga Olibo
Mga ilustrasyon: sampung dalaga, mga talento, mga tupa at kambing
—
—
—
Nisan 12
Jerusalem
Mga lider ng relihiyon nagpakanang ipapatay si Jesus
—
—
Jerusalem
Hudas nakipagkasundo sa mga saserdote para ipagkanulo si Jesus
—
Nisan 13 (Huwebes ng hapon)
Malapit sa Jerusalem at sa loob nito
Mga kaayusan para sa Paskuwa
—
Nisan 14
Jerusalem
Hapunan ng Paskuwa kasama ang 12
—
—
Jerusalem
Mga paa ng mga apostol hinugasan ni Jesus
—
—
—
—
Jerusalem
Hudas ipinakilalang traidor, pinaalis
—
Jerusalem
Hapunan ng Memoryal pinasimulan, kasama ang 11
—
Jerusalem
Pagkakaila ni Pedro at pangangalat ng mga apostol, inihula
—
Jerusalem
Katulong; pag-ibig sa isa’t isa; kapighatian; panalangin ni Jesus
—
—
—
—
Getsemani
Matinding paghihirap ni Jesus sa hardin; ipinagkanulo, inaresto
—
Jerusalem
Nilitis nina Anas, Caifas, ng Sanedrin; ipinagkaila ni Pedro
—
Jerusalem
Hudas na tagapagkanulo nagbigti
—
—
—
Jerusalem
Iniharap kay Pilato, dinala kay Herodes, ibinalik kay Pilato
—
Jerusalem
Tinangkang palayain ni Pilato, ibinigay upang patayin
(mga 3:00 n.h., Biyernes)
Golgota, Jerusalem
Kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos, at mga kaganapan noon
—
Jerusalem
Katawan ni Jesus inalis sa pahirapang tulos at inilibing
Nisan 15
Jerusalem
Mga saserdote at mga Pariseo pinabantayan ang libingan
—
—
—
Nisan 16
Jerusalem at kapaligiran nito
Pagkabuhay-muli ni Jesus at mga pangyayari nang araw na iyon
—
Jerusalem; Galilea
Iba pang mga pagpapakita ni Jesu-Kristo
Iyyar 25
Bundok ng mga Olibo, malapit sa Betania
Pag-akyat ni Jesus sa langit, ika-40 araw matapos siyang buhaying-muli
—
—