Mga Gawa ng mga Apostol
20 Nang humupa ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Pinatibay niya sila at nagpaalam, saka siya naglakbay papuntang Macedonia.+ 2 Pagkatapos niyang malibot ang mga lugar doon at makapagbigay ng maraming pampatibay sa mga naroon, pumunta siya sa Gresya. 3 Nanatili siya roon nang tatlong buwan, at noong maglalayag na siya papuntang Sirya, nalaman niyang may pakana ang mga Judio laban sa kaniya,+ kaya ipinasiya niyang bumalik at dumaan sa Macedonia. 4 Sinamahan siya ni Sopatro na anak ni Pirro na taga-Berea, nina Aristarco+ at Segundo na mga taga-Tesalonica, ni Gayo ng Derbe, ni Timoteo,+ at nina Tiquico+ at Trofimo+ na mula sa lalawigan* ng Asia. 5 Nauna na ang mga ito at hinintay kami sa Troas;+ 6 kami naman ay naglayag mula sa Filipos pagkatapos ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa,+ at nagkita-kita kami sa Troas makalipas ang limang araw. Nanatili kami roon nang pitong araw.
7 Noong unang araw ng sanlinggo, nang magkakasama kami para kumain, nagsimulang magpahayag si Pablo, dahil aalis na siya kinabukasan; at nagpahayag siya hanggang hatinggabi. 8 Kaya maraming lampara sa silid sa itaas kung saan kami nagkakatipon. 9 Nakaupo sa bintana ang kabataang lalaki na si Eutico, at habang nagsasalita si Pablo, nakatulog siya nang mahimbing kaya nahulog siya mula sa ikatlong palapag at namatay. 10 Pero bumaba si Pablo, dumapa sa kabataan at niyakap ito+ at sinabi: “Huwag na kayong mag-alala, dahil buháy siya.”+ 11 Pagkatapos, umakyat si Pablo at pinasimulan ang kainan. Nakipag-usap pa siya hanggang magbukang-liwayway* at saka umalis. 12 Umuwi sila kasama ang kabataan at masayang-masaya sila dahil buháy ito.
13 Nauna kaming sumakay ng barko patungong Asos, at si Pablo naman ay naglakad papunta roon. Doon namin siya hihintayin at pasasakayin ng barko, gaya ng bilin niya. 14 Kaya nang magkita kami sa Asos, sumakay rin siya sa barko at pumunta kami sa Mitilene. 15 Kinabukasan, naglayag kami at nakarating sa tapat ng Kios, at nang sumunod na araw, dumaong kami sa Samos, at nang sumunod pang araw, dumating kami sa Mileto. 16 Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso+ para hindi siya matagalan sa lalawigan ng Asia, dahil gusto niyang makarating sa Jerusalem+ sa araw ng Kapistahan ng Pentecostes+ kung posible.
17 Pero mula sa Mileto, nagpadala siya ng mensahe sa Efeso para ipatawag ang matatandang lalaki ng kongregasyon. 18 Pagdating nila, sinabi niya: “Alam na alam ninyo kung paano ako namuhay kasama ninyo mula nang unang araw na dumating ako sa lalawigan ng Asia.+ 19 Nagpaalipin ako sa Panginoon nang buong kapakumbabaan,+ na may mga luha at pagsubok dahil sa mga pakana ng mga Judio; 20 hindi rin ako nag-atubiling sabihin sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang* o turuan kayo nang hayagan+ at sa bahay-bahay.+ 21 Kundi lubusan akong nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at Griego tungkol sa pagsisisi+ at pagbaling sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.+ 22 At ngayon, dahil itinutulak ako ng espiritu, pupunta ako sa Jerusalem,+ kahit hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang alam ko lang, pagkabilanggo at mga kapighatian ang naghihintay sa akin, gaya ng paulit-ulit na sinasabi sa akin ng banal na espiritu sa bawat lunsod.+ 24 Gayunman, hindi ko itinuturing na mahalaga* ang sarili kong buhay, matapos ko lang ang aking takbuhin+ at ang ministeryong tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus,+ na lubusang magpatotoo tungkol sa mabuting balita ng walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos.
25 “At alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli, kayong lahat na pinangaralan ko tungkol sa Kaharian. 26 Kaya kinukuha ko kayo ngayon bilang saksi na ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao,+ 27 dahil hindi ko ipinagkait na sabihin sa inyo ang lahat ng kalooban ng Diyos.+ 28 Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili+ at ang buong kawan; inatasan kayo ng banal na espiritu para maging mga tagapangasiwa+ nila, para magpastol sa kongregasyon ng Diyos,+ na binili niya ng dugo ng sarili niyang Anak.+ 29 Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang malulupit na lobo*+ na hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, 30 at mula sa inyo mismo ay may lilitaw na mga taong pipilipit sa katotohanan para ilayo ang mga alagad at pasunurin sa kanila.+
31 “Kaya manatili kayong gisíng, at isaisip ninyo na sa loob ng tatlong taon,+ gabi at araw, walang-sawa kong pinaalalahanan ang bawat isa sa inyo nang may pagluha. 32 At ngayon, ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos at sa salita ng kaniyang walang-kapantay na kabaitan; ang salitang ito ay makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na para sa mga pinabanal.+ 33 Hindi ko hinangad ang pilak o ginto o damit ng sinuman.+ 34 Alam ninyo na ang mga kamay kong ito ang naglaan sa mga pangangailangan ko+ at ng mga kasama ko. 35 Sa lahat ng bagay, ipinakita ko sa inyo na kailangan ninyong magpagal+ sa pagtulong sa mahihina. At lagi ninyong tandaan ang sinabi mismo ng Panginoong Jesus: ‘May higit na kaligayahan sa pagbibigay+ kaysa sa pagtanggap.’”
36 Nang masabi na niya ito, lumuhod siyang kasama nila at nanalangin. 37 Nag-iyakan silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan, 38 dahil lungkot na lungkot sila nang sabihin niyang hindi na sila magkikitang muli.+ Pagkatapos, inihatid nila siya sa barko.