Ayon kay Mateo
27 Nang mag-umaga na, pinag-usapan ng lahat ng punong saserdote at matatandang lalaki ng bayan kung paano maipapapatay si Jesus.+ 2 Matapos siyang gapusin, dinala nila siya kay Pilato, ang gobernador.+
3 Nang makita ng nagtraidor na si Hudas na nahatulan na si Jesus, nabagabag siya at ibinalik niya ang 30 pirasong pilak sa mga punong saserdote at matatandang lalaki+ 4 at sinabi: “Nagkasala ako. Nagtraidor ako sa isang taong matuwid.” Sinabi nila: “Ano ngayon sa amin? Problema mo na iyan!” 5 Kaya inihagis niya sa templo ang mga piraso ng pilak. Pagkatapos, umalis siya at nagbigti.+ 6 Pero kinuha ng mga punong saserdote ang mga piraso ng pilak at sinabi: “Hindi tamang ihulog ang mga iyon sa sagradong kabang-yaman, dahil ang mga iyon ay halaga ng dugo.” 7 Matapos mag-usap-usap, ang pera ay ipinambili nila ng bukid ng magpapalayok para gawing libingan ng mga tagaibang bayan. 8 Kaya ang bukid na iyon ay tinatawag na Bukid ng Dugo+ hanggang ngayon. 9 Kaya natupad ang sinabi ng propetang si Jeremias: “At kinuha nila ang 30 pirasong pilak,+ ang halagang itinakda sa isang tao, ang isa na tinakdaan ng halaga ng ilan sa mga anak ni Israel, 10 at ipinambili nila ang mga iyon ng bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos ni Jehova sa akin.”+
11 Nang humarap si Jesus sa gobernador, tinanong siya nito: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na mismo ang nagsasabi.”+ 12 Pero nang inaakusahan siya ng mga punong saserdote at matatandang lalaki, hindi siya kumibo.+ 13 Pagkatapos, sinabi ni Pilato: “Hindi mo ba naririnig kung gaano karami ang ipinaparatang nila sa iyo?” 14 Pero wala siyang isinagot sa kaniya, wala, kahit isang salita, kaya takang-taka ang gobernador.
15 Sa bawat kapistahan, naging kaugalian ng gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na hihilingin ng mga tao.+ 16 Noon ay may isang kilalang bilanggo na tinatawag na Barabas.+ 17 Kaya nang magkatipon ang mga tao, sinabi ni Pilato sa kanila: “Sino ang gusto ninyong palayain ko, si Barabas o si Jesus na tinatawag na Kristo?” 18 Ginawa ito ni Pilato dahil alam niyang naiinggit lang sila kaya ibinigay nila si Jesus sa kaniya. 19 Bukod diyan, habang nakaupo si Pilato sa luklukan ng paghatol, ipinasabi ng asawa niya: “Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan, dahil labis akong pinahirapan ngayon ng isang panaginip dahil sa kaniya.” 20 Pero hinikayat ng mga punong saserdote at matatandang lalaki ang mga tao na ang hilingin ay si Barabas+ at ipapatay si Jesus.+ 21 Tinanong sila ulit ng gobernador: “Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?” Sinabi nila: “Si Barabas.” 22 Sinabi sa kanila ni Pilato: “Ano naman ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?” Sinabi nilang lahat: “Ibayubay siya sa tulos!”+ 23 Sinabi niya: “Bakit? Ano ba ang ginawa niyang masama?” Pero lalo nilang inilakas ang sigaw: “Ibayubay siya sa tulos!”+
24 Nang makita ni Pilato na hindi nakabuti ang ginawa niya kundi nagkagulo pa nga ang mga tao, kumuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. Sinabi niya: “Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito.* Kayo na ang may pananagutan diyan.” 25 Kaya sumagot ang buong bayan: “Kami at ang mga anak namin ang may pananagutan sa dugo niya.”+ 26 Pagkatapos, pinalaya niya si Barabas, pero ipinahagupit niya si Jesus+ at ibinigay sa mga sundalo para ibayubay sa tulos.+
27 Pagkatapos, dinala si Jesus ng mga sundalo ng gobernador sa bahay ng gobernador, at tinipon nila ang buong pangkat ng mga sundalo sa palibot niya.+ 28 At pagkahubad sa kaniya, sinuotan nila siya ng matingkad-na-pulang balabal,+ 29 at gumawa sila ng koronang tinik at inilagay iyon sa ulo niya at pinahawakan sa kanang kamay niya ang isang tambo. Lumuhod sila sa harap niya at ginawa siyang katatawanan. Sinasabi nila: “Magandang araw, Hari ng mga Judio!” 30 At dinuraan nila siya+ at kinuha ang tambo at pinaghahampas siya sa ulo. 31 Matapos nila siyang gawing katatawanan, hinubad nila sa kaniya ang balabal at isinuot sa kaniya ang damit niya at inilabas siya para ipako sa tulos.+
32 Habang palabas sila, nakita nila ang isang lalaking nagngangalang Simon na taga-Cirene. Pinilit nila itong buhatin ang pahirapang tulos ni Jesus.+ 33 At nang makarating sila sa isang lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay Bungo,+ 34 binigyan nila si Jesus ng alak na hinaluan ng mapait na likido para inumin;+ pero nang matikman niya ito, tumanggi siyang uminom. 35 Nang maipako na nila siya sa tulos, pinaghati-hatian nila ang damit niya sa pamamagitan ng palabunutan,+ 36 at naupo sila habang binabantayan siya. 37 Gumawa rin sila ng paskil at inilagay ito sa ulunan niya. Nakasulat doon ang akusasyon sa kaniya: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.”+
38 Pagkatapos, dalawang magnanakaw ang ipinako rin sa tulos, isa sa kanan niya at isa sa kaliwa.+ 39 At ang mga dumadaan ay pailing-iling+ at iniinsulto siya:+ 40 “Hindi ba ibabagsak mo ang templo at itatayo ito sa loob ng tatlong araw?+ Iligtas mo ang sarili mo! Kung anak ka ng Diyos, bumaba ka sa pahirapang tulos!”+ 41 Ininsulto rin siya ng mga punong saserdote pati ng mga eskriba at matatandang lalaki:+ 42 “Iniligtas niya ang iba; ang sarili niya, hindi niya mailigtas! Siya ay Hari ng Israel;+ bumaba siya ngayon sa pahirapang tulos at maniniwala kami sa kaniya. 43 Nagtitiwala siya sa Diyos; iligtas Niya siya ngayon kung mahal Niya siya.+ Hindi ba sinabi niya, ‘Ako ang Anak ng Diyos’”?+ 44 Ininsulto rin siya pati ng mga magnanakaw na nakapako sa mga tulos sa tabi niya.+
45 Mula nang ikaanim na oras hanggang sa ikasiyam na oras, nagdilim sa buong lupain.*+ 46 Nang bandang ikasiyam na oras na ay sumigaw si Jesus nang malakas: “Eli, Eli, lama sabaktani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”+ 47 Nang marinig ito, sinabi ng ilan sa mga nakatayo roon: “Tinatawag ng taong ito si Elias.”+ 48 At agad na tumakbo ang isa sa kanila at kumuha ng espongha at isinawsaw ito sa maasim na alak. Inilagay niya ito sa isang tambo at ibinigay kay Jesus para inumin.+ 49 Pero sinabi ng iba: “Pabayaan mo siya! Tingnan natin kung darating si Elias para iligtas siya.” 50 Muling sumigaw si Jesus at nalagutan ng hininga.+
51 At ang kurtina ng templo+ ay nahati sa dalawa,+ mula sa itaas hanggang sa ibaba,+ at nayanig ang lupa, at nabiyak ang mga bato. 52 At ang mga libingan ay nabuksan at maraming bangkay ng mga banal* ang napahagis 53 (matapos siyang buhaying muli, ang mga taong nagpunta sa libingan ay pumasok sa banal na lunsod), at nakita ito ng maraming tao. 54 Takot na takot ang opisyal ng hukbo at ang mga kasama niya na nagbabantay kay Jesus nang masaksihan nila ang paglindol at ang mga bagay na nangyayari. Sinabi nila: “Tiyak na ito ang Anak ng Diyos.”*+
55 At maraming babae ang naroon at nagmamasid mula sa malayo. Sumama sila noon kay Jesus mula sa Galilea para maglingkod sa kaniya.+ 56 Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Joses, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.+
57 Nang dapit-hapon na, may dumating na isang taong mayaman mula sa Arimatea, na nagngangalang Jose at naging alagad din ni Jesus.+ 58 Ang taong ito ay pumunta kay Pilato at hiningi ang katawan ni Jesus.+ Kaya iniutos ni Pilato na ibigay iyon sa kaniya.+ 59 Kinuha ni Jose ang katawan, binalot iyon ng malinis at magandang klase ng lino,+ 60 at inilagay sa kaniyang bagong libingan,+ na inuka niya sa bato. At matapos igulong ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan, umalis siya. 61 Pero si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay nanatili roon; nakaupo sila sa harap ng libingan.+
62 Kinabukasan, pagkatapos ng araw ng Paghahanda,+ ang mga punong saserdote at ang mga Pariseo ay sama-samang nagpunta kay Pilato. 63 Sinabi nila: “Ginoo, naalaala namin ang sinabi ng impostor na iyon noong buháy pa siya, ‘Pagkatapos ng tatlong araw ay bubuhayin akong muli.’+ 64 Kaya iutos mo na bantayang mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw para hindi pumunta roon ang mga alagad niya at nakawin siya+ at sabihin sa mga tao, ‘Binuhay siyang muli!’ At ang huling pandarayang ito ay magiging mas masama pa kaysa sa una.” 65 Sinabi ni Pilato sa kanila: “Puwede kayong maglagay ng mga bantay. Pabantayan ninyo iyon nang mabuti.” 66 Kaya pumunta sila sa libingan at isinara itong mabuti,* at naglagay sila ng mga bantay.