Daniel
11 “At kung tungkol sa akin, nang unang taon ni Dario na Medo+ ay tumayo ako bilang tagapagpalakas at bilang tanggulan sa kaniya. 2 At ngayon ay sasabihin ko sa iyo ang katotohanan:+
“Narito! Magkakaroon pa ng tatlong hari na tatayo para sa Persia,+ at ang ikaapat+ ay magkakamal ng higit na kayamanan kaysa sa lahat ng iba pa.+ At kapag lumakas na siya sa kaniyang kayamanan, pupukawin niya ang lahat ng bagay laban sa kaharian ng Gresya.+
3 “At isang makapangyarihang hari ang tatayo at mamamahalang taglay ang malawak na pamumuno+ at gagawa ng ayon sa kaniyang kalooban.+ 4 At kapag siya ay nakatayo na,+ ang kaniyang kaharian ay mawawasak at mahahati tungo sa apat na hangin+ ng langit,+ ngunit hindi sa kaniyang kaapu-apuhan+ at hindi ayon sa kaniyang pamumuno na kaniyang ipinamahala; sapagkat ang kaniyang kaharian ay bubunutin, para nga sa iba bukod pa sa mga ito.
5 “At ang hari ng timog ay lalakas, ang isa nga sa kaniyang mga prinsipe; at siya ay mananaig laban sa kaniya at tiyak na mamamahalang taglay ang malawak na pamumuno na higit kaysa sa kapangyarihang mamahala ng isang iyon.
6 “At sa pagwawakas ng ilang taon ay makikipag-alyado sila sa isa’t isa, at ang mismong anak na babae ng hari ng timog ay paroroon sa hari ng hilaga upang gumawa ng isang marapat na kasunduan. Ngunit hindi mananatili sa babae ang kapangyarihan ng bisig nito;+ at hindi siya tatayo, ni ang kaniyang bisig man; at ang babae ay pababayaan, siya mismo, at yaong mga nagdadala sa kaniya, at siyang nagpangyari ng kapanganakan ng babae, at yaong nagpapalakas sa kaniya sa mga panahong iyon. 7 At ang isang nagmula sa sibol+ ng mga ugat ng babae ay tatayo sa kaniyang posisyon, at siya ay paroroon sa hukbong militar at paroroon laban sa tanggulan ng hari ng hilaga at kikilos laban sa kanila at mananaig. 8 At paroroon din siya sa Ehipto taglay ang kanilang mga diyos,+ taglay ang kanilang mga binubong imahen, taglay ang kanilang mga kanais-nais na kagamitang pilak at ginto, at dala ang mga bihag. At siya mismo sa loob ng ilang taon ay mananatiling nakalayo mula sa hari ng hilaga.
9 “At siya ay papasok nga sa kaharian ng hari ng timog at babalik sa kaniyang sariling lupa.
10 “Kung tungkol naman sa kaniyang mga anak, sila ay magpapakabagabag at magtitipon nga ng isang pulutong ng malalaking hukbong militar. At sa pagdating siya ay tiyak na darating at aapaw at lalampas. Ngunit babalik siya, at siya ay magpapakabagabag hanggang sa kaniyang tanggulan.
11 “At papapaitin ng hari ng timog ang kaniyang loob at hahayo at makikipaglaban sa kaniya, samakatuwid ay sa hari ng hilaga; at patatayuin niya ang isang malaking pulutong, at ang pulutong ay ibibigay sa kamay ng isang iyon.+ 12 At ang pulutong ay tatangayin. Ang kaniyang puso ay magmamalaki,+ at siya ay magpapabuwal nga ng sampu-sampung libo; ngunit hindi niya gagamitin ang kaniyang malakas na posisyon.
13 “At ang hari ng hilaga ay babalik at maghahanda ng isang pulutong na mas malaki kaysa sa una; at sa kawakasan ng mga panahon, mga ilang taon, siya ay paroroon, na ginagawa iyon kasama ang isang malaking hukbong militar+ at taglay ang maraming pag-aari.+ 14 At sa mga panahong iyon ay marami ang tatayo laban sa hari ng timog.
“At ang mga anak ng mga magnanakaw sa iyong bayan, sa ganang kanila, ay madadala upang tangkaing magkatotoo ang isang pangitain;+ at sila nga ay matitisod.+
15 “At ang hari ng hilaga ay paroroon at magtitindig ng muralyang pangubkob+ at bibihagin nga ang isang lunsod na may mga kuta. At kung tungkol sa mga bisig ng timog, ang mga iyon ay hindi makatatayo, ni ang bayan man ng kaniyang mga pinili; at hindi magkakaroon ng kapangyarihan upang manatiling nakatayo. 16 At ang isang dumarating laban sa kaniya ay gagawa nang ayon sa kaniyang kalooban, at walang sinumang makatatayo sa harap niya. At tatayo siya sa lupain ng Kagayakan,+ at magkakaroon ng paglipol mula sa kaniyang kamay.+ 17 At itutuon niya ang kaniyang mukha+ na pumaroon taglay ang puwersa ng kaniyang buong kaharian, at magkakaroon ng marapat+ na pakikipagkasundo sa kaniya; at siya ay kikilos sa mabisang paraan.+ At kung tungkol sa anak na babae ng kababaihan, ipauubaya sa kaniya na ipahamak ito. At ito ay hindi tatayo, at hindi ito mananatiling kaniya.+ 18 At ibabaling niya ang kaniyang mukha sa mga baybaying lupain+ at bibihag nga ng marami. At patitigilin ng isang kumandante ang pandurusta mula sa kaniya para sa kaniyang sarili, upang ang kaniyang pandurusta ay mawala na. Ibabaling niya ito sa isang iyon. 19 At ibabaling niya ang kaniyang mukha sa mga tanggulan ng kaniyang sariling lupain, at siya ay tiyak na matitisod at mabubuwal, at hindi siya masusumpungan.+
20 “At tatayo sa kaniyang posisyon ang isang+ nagpaparaan ng tagakuha ng pataw+ sa marilag na kaharian, at sa ilang araw ay wawasakin siya, ngunit hindi sa galit ni sa pakikidigma man.
21 “At tatayo sa kaniyang posisyon ang isa na marapat hamakin,+ at hindi nila ibibigay sa kaniya ang dangal ng kaharian; at darating siya sa panahong malaya sa alalahanin+ at susunggaban ang kaharian sa pamamagitan ng kadulasan.+ 22 At kung tungkol sa mga bisig+ ng baha, ang mga iyon ay aapawan dahil sa kaniya, at ang mga iyon ay babaliin;+ gayundin+ ang Lider+ ng tipan.+ 23 At dahil sa kanilang pakikipag-alyado sa kaniya, siya ay magsasagawa ng panlilinlang at aahon nga at magiging malakas sa pamamagitan ng isang maliit na bansa.+ 24 Sa panahong malaya sa alalahanin,+ maging sa katabaan ng nasasakupang distrito ay papasok siya at gagawin nga niya yaong hindi ginawa ng kaniyang mga ama at ng mga ama ng kaniyang mga ama. Ang dinambong at samsam at pag-aari ay ipangangalat niya sa gitna nila; at laban sa mga nakukutaang dako ay magpapakana siya ng kaniyang mga pakana,+ ngunit hanggang sa isang panahon lamang.
25 “At pupukawin niya ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang puso laban sa hari ng timog kasama ang isang malaking hukbong militar; at ang hari ng timog, sa ganang kaniya, ay magpapakabagabag para sa digmaan kasama ang isang lubhang malaki at makapangyarihang hukbong militar. At hindi siya tatayo, sapagkat sila ay magpapakana laban sa kaniya ng mga pakana. 26 At mismong ang mga kumakain ng kaniyang masasarap na pagkain ang magpapasapit ng kaniyang pagkawasak.
“At kung tungkol sa kaniyang hukbong militar, iyon ay tatangayin ng baha, at marami ang mabubuwal na patay.
27 “At kung tungkol sa dalawang haring ito, ang kanilang puso ay kikiling sa paggawa ng masama, at sa isang mesa+ ay kasinungalingan ang patuloy nilang sasalitain.+ Ngunit walang anumang magtatagumpay,+ sapagkat ang kawakasan ay ukol pa sa panahong itinakda.+
28 “At babalik siya sa kaniyang lupain taglay ang napakaraming pag-aari, at ang kaniyang puso ay magiging laban sa banal na tipan.+ At siya ay kikilos sa mabisang paraan+ at babalik sa kaniyang lupain.
29 “Sa panahong itinakda+ ay babalik siya, at siya ay paroroon laban sa timog;+ ngunit hindi mangyayari sa huli ang gaya ng sa una. 30 At paroroon laban sa kaniya ang mga barko ng Kitim,+ at siya ay malulumbay.
“At siya ay babalik at magpupukol ng mga pagtuligsa+ laban sa banal na tipan+ at kikilos sa mabisang paraan; at babalik siya at isasaalang-alang niya yaong mga nagpapabaya sa banal na tipan. 31 At may mga bisig na tatayo, na nanggagaling sa kaniya; at lalapastanganin ng mga ito ang santuwaryo,+ ang tanggulan, at aalisin ang palagiang handog.+
“At ilalagay nila ang kasuklam-suklam na bagay+ na sanhi ng pagkatiwangwang.+
32 “At yaong mga gumagawi nang may kabalakyutan laban sa tipan+ ay aakayin niya sa apostasya+ sa pamamagitan ng madudulas na salita.+ Ngunit kung tungkol sa bayan na nakakakilala sa kanilang Diyos,+ sila ay mananaig+ at kikilos sa mabisang paraan. 33 At kung tungkol doon sa mga may kaunawaan+ sa gitna ng bayan, sila ay magbibigay ng unawa sa marami.+ At sila ay ibubuwal sa pamamagitan ng tabak at ng liyab, ng pagkabihag at ng pandarambong,+ sa loob ng ilang araw. 34 Ngunit kapag sila ay nabubuwal, tutulungan sila ng kaunting tulong;+ at marami ang lalakip nga sa kanila sa pamamagitan ng kadulasan.+ 35 At ang iba sa mga may kaunawaan ay mabubuwal,+ upang magsagawa ng pagdadalisay dahil sa kanila at magsagawa ng paglilinis at magsagawa ng pagpapaputi,+ hanggang sa panahon ng kawakasan;+ sapagkat iyon ay ukol pa sa panahong itinakda.+
36 “At gagawin nga ng hari ang ayon sa kaniyang sariling kalooban, at itataas niya ang kaniyang sarili at dadakilain ang kaniyang sarili nang higit kaysa sa bawat diyos;+ at laban sa Diyos ng mga diyos+ ay magsasalita siya ng mga kamangha-manghang bagay. At tiyak na magiging matagumpay siya hanggang sa ang pagtuligsa ay dumating na sa katapusan;+ sapagkat ang bagay na naipasiya ay dapat na isagawa. 37 At ang Diyos ng kaniyang mga ama ay hindi niya isasaalang-alang; at ang ninanasa ng mga babae at ang lahat ng iba pang diyos ay hindi niya isasaalang-alang, kundi dadakilain niya ang kaniyang sarili nang higit kaysa sa lahat.+ 38 Ngunit sa diyos ng mga tanggulan, sa kaniyang posisyon ay magbibigay siya ng kaluwalhatian; at sa isang diyos na hindi nakilala ng kaniyang mga ama ay magbibigay siya ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng ginto at ng pilak at ng mahalagang bato at ng mga kanais-nais na bagay. 39 At siya ay kikilos sa mabisang paraan laban sa mga moog na lubhang nakukutaan, kasama ng isang banyagang diyos. Ang sinumang kumikilala sa kaniya ay pasasaganain niya sa kaluwalhatian, at pamamahalain nga niya sila sa marami; at ang lupain ay hahati-hatiin niya ukol sa isang halaga.
40 “At sa panahon ng kawakasan ang hari ng timog+ ay makikipagtulakan sa kaniya, at laban sa kaniya ang hari ng hilaga ay dadaluhong na may mga karo at mga mangangabayo at maraming barko; at siya ay papasok sa mga lupain at aapaw at lalampas. 41 Siya rin ay papasok+ sa lupain ng Kagayakan,+ at maraming lupain ang mabubuwal.+ Ngunit ang mga ito ang siyang makatatakas mula sa kaniyang kamay, ang Edom at ang Moab+ at ang pangunahing bahagi ng mga anak ni Ammon. 42 At patuloy niyang iuunat ang kaniyang kamay laban sa mga lupain; at kung tungkol sa lupain ng Ehipto,+ hindi siya magiging takas. 43 At siya ay mamamahala nga sa mga nakatagong kayamanan na ginto at pilak at sa lahat ng kanais-nais na mga bagay ng Ehipto. At ang mga taga-Libya at ang mga Etiope ay susunod sa kaniyang mga hakbang.
44 “Ngunit may mga ulat na liligalig sa kaniya,+ mula sa sikatan ng araw+ at mula sa hilaga, at siya ay tiyak na hahayo sa matinding pagngangalit upang lumipol at magtalaga ng marami sa pagkapuksa.+ 45 At itatayo niya ang kaniyang malapalasyong mga tolda sa pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok ng Kagayakan;+ at siya ay darating hanggang sa kaniyang kawakasan,+ at walang tutulong sa kaniya.+