Ayon kay Mateo
14 Nang panahong iyon, nabalitaan ni Herodes na tagapamahala ng distrito* ang tungkol kay Jesus,+ 2 at sinabi niya sa mga lingkod niya: “Siya si Juan Bautista na binuhay-muli kaya nakagagawa siya ng mga himala.”*+ 3 Inaresto ni Herodes* si Juan at iginapos ito at ipinabilanggo dahil kay Herodias, na asawa ng kapatid niyang si Felipe,+ 4 dahil sinasabi ni Juan kay Herodes: “Hindi tamang gawin mo siyang asawa.”+ 5 Pero kahit gustong patayin ni Herodes si Juan, natatakot siya sa mga tao dahil propeta ang turing nila rito.+ 6 Nang ipinagdiriwang ang kaarawan ni Herodes,+ sumayaw ang anak na babae ni Herodias at tuwang-tuwa si Herodes,+ 7 kaya sumumpa siyang ibibigay rito ang anumang hingin nito. 8 Ayon sa idinikta ng ina, sinabi ng dalaga: “Ibigay ninyo sa akin ngayon sa isang bandehado ang ulo ni Juan Bautista.”+ 9 Nalungkot ang hari, pero dahil sa sumpang binitiwan niya sa harap ng mga bisita,* iniutos niyang ibigay iyon. 10 Kaya nagsugo siya ng sundalo at pinapugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 11 At ang ulo ni Juan ay inilagay sa isang bandehado at ibinigay sa dalaga, at dinala niya ito sa kaniyang ina. 12 Di-nagtagal, dumating ang mga alagad ni Juan at kinuha ang bangkay niya at inilibing ito; pagkatapos, pumunta sila kay Jesus para sabihin ang nangyari. 13 Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya sakay ng bangka papunta sa isang liblib na lugar para mapag-isa. Pero nang malaman ito ng mga tao, naglakad sila mula sa mga lunsod at sumunod sa kaniya.+
14 Pagdating niya sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming tao; naawa siya sa kanila,+ at pinagaling niya ang mga maysakit.+ 15 Nang gumagabi na, lumapit sa kaniya ang mga alagad at sinabi nila: “Liblib ang lugar na ito at gumagabi na; paalisin mo na ang mga tao para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng makakain nila.”+ 16 Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi nila kailangang umalis; bigyan ninyo sila ng makakain.” 17 Sinabi nila sa kaniya: “Limang tinapay lang at dalawang isda ang mayroon tayo.” 18 Sinabi niya: “Dalhin ninyo sa akin ang mga iyon.” 19 Pagkatapos, pinaupo niya ang mga tao sa damuhan. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, at pagtingala sa langit, nanalangin siya.*+ Matapos pagpira-pirasuhin ang mga tinapay, ibinigay niya ang mga iyon sa mga alagad, at ibinigay naman iyon ng mga alagad sa mga tao. 20 Kaya kumain silang lahat at nabusog, at nang tipunin nila ang natirang mga piraso, 12 basket ang napuno nila.+ 21 Ang kumain ay mga 5,000 lalaki, bukod pa sa mga babae at mga bata.+ 22 Pagkatapos, pinasakay niya agad sa bangka ang mga alagad niya para mauna ang mga ito sa kabilang ibayo, at pinauwi naman niya ang mga tao.+
23 Matapos niyang gawin ito, umakyat siya sa bundok nang mag-isa para manalangin.+ Ginabi siyang mag-isa roon. 24 Samantala, napakalayo na* ng bangka sa dalampasigan, at sinasalpok ito ng mga alon dahil ang hangin ay pasalungat sa kanila. 25 Pero nang madaling-araw na,* naglakad si Jesus sa ibabaw ng tubig papunta sa kanila. 26 Nang makita nila siyang naglalakad sa ibabaw ng tubig, natakot ang mga alagad. Sinabi nila: “Totoo ba ito?” At napasigaw sila sa takot. 27 Pero agad na sinabi ni Jesus sa kanila: “Lakasan ninyo ang loob ninyo! Ako ito; huwag kayong matakot.”+ 28 Sinabi ni Pedro sa kaniya: “Panginoon, kung ikaw iyan, utusan mo akong pumunta sa iyo sa ibabaw ng tubig.” 29 Sinabi niya: “Halika!” Kaya bumaba si Pedro mula sa bangka at naglakad sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. 30 Pero nang makita niyang malakas ang hangin, natakot siya. At nang lumulubog na siya, sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” 31 Agad na iniunat ni Jesus ang kamay niya at hinawakan si Pedro at sinabi: “Ikaw na may kakaunting pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?”+ 32 Pagkasampa nila sa bangka, tumigil ang malakas na hangin. 33 Lumuhod at yumuko sa kaniya ang mga nasa bangka at nagsabi: “Talagang ikaw ang Anak ng Diyos.” 34 At nakatawid sila at nakarating sa baybayin ng Genesaret.+
35 Nang makilala siya ng mga tagaroon, ipinamalita nila sa kalapít na mga lugar na dumating siya, at dinala sa kaniya ng mga tao ang lahat ng maysakit. 36 At nakiusap sila sa kaniya na hayaan silang hipuin man lang ang palawit ng damit niya,+ at ang lahat ng humipo rito ay gumaling.