Ayon kay Mateo
11 Pagkatapos magbigay ni Jesus ng tagubilin sa 12 alagad niya, umalis siya para magturo at mangaral sa kalapít na mga lunsod.+
2 Nang mabalitaan ni Juan sa kulungan+ ang mga ginagawa ng Kristo, isinugo niya ang mga alagad niya+ 3 para tanungin ito: “Ikaw ba ang hinihintay namin, o may iba pang darating?”+ 4 Sumagot si Jesus: “Sabihin ninyo kay Juan ang inyong naririnig at nakikita:+ 5 Ang mga bulag ay nakakakita na,+ ang mga lumpo ay nakalalakad, ang mga ketongin+ ay gumagaling, ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay binubuhay, at ang mahihirap ay pinangangaralan ng mabuting balita.+ 6 Maligaya ang nagtitiwala sa akin.”*+
7 Nang paalis na ang mga ito, sinabi ni Jesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Ano ang nakita ninyo sa ilang?+ Isang taong gaya ng tambo na hinahampas-hampas ng hangin? Hindi.+ 8 Kung gayon, ano ang nakita ninyo? Isang taong may malambot na damit?* Hindi. Ang mga nagsusuot ng malambot na damit ay nasa palasyo ng mga hari. 9 Kung gayon, sino talaga siya? Isang propeta? Oo, at sinasabi ko sa inyo, hindi lang siya basta propeta.+ 10 Siya ang tinutukoy sa Kasulatan: ‘Isinusugo ko ang aking mensahero* sa unahan mo,* na maghahanda ng iyong dadaanan!’+ 11 Sinasabi ko sa inyo, sa lahat ng taong nabuhay, walang mas dakila kaysa kay Juan Bautista, pero ang pinakamababa sa Kaharian ng langit ay mas dakila kaysa sa kaniya.+ 12 Mula noong panahon ni Juan Bautista hanggang ngayon, nagsisikap ang mga tao na makamit ang Kaharian ng langit, at nakakamit ito ng mga patuloy na nagsisikap.+ 13 Dahil ang lahat, ang mga Propeta at ang Kautusan, ay humula hanggang sa panahon ni Juan;+ 14 at maniwala man kayo o hindi, siya ang ‘Elias na darating.’+ 15 Ang may tainga ay makinig.+
16 “Kanino ko ikukumpara ang henerasyong ito?+ Tulad ito ng mga bata na nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa mga kalaro nila: 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng plawta, pero hindi kayo sumayaw; humagulgol kami, pero hindi kayo nagdalamhati.’ 18 Sa katulad na paraan, si Juan ay hindi kumakain o umiinom,+ pero sinasabi ng mga tao, ‘Siya ay may demonyo.’ 19 Ang Anak ng tao ay kumakain at umiinom,+ pero sinasabi ng mga tao, ‘Matakaw ang taong ito at mahilig uminom ng alak; kaibigan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan.’+ Pero ang karunungan ay makikita sa gawa.”*+
20 Pagkatapos, tinuligsa niya ang mga lunsod kung saan niya ginawa ang karamihan sa kaniyang makapangyarihang mga gawa, dahil hindi sila nagsisi:+ 21 “Kaawa-awa ka, Corazin! Kaawa-awa ka, Betsaida! dahil kung nakita ng mga lunsod ng Tiro at Sidon ang makapangyarihang mga gawa na nakita ninyo, matagal na sana silang nagsisi at nagsuot ng telang-sako at umupo sa abo.+ 22 Pero sinasabi ko sa inyo, mas magaan pa ang magiging parusa sa Tiro at Sidon+ sa Araw ng Paghuhukom kaysa sa inyo.+ 23 At ikaw, Capernaum,+ itataas ka kaya sa langit? Sa Libingan ka ibababa;+ dahil kung nakita ng lunsod ng Sodoma ang makapangyarihang mga gawa na nakita mo, nanatili sana iyon hanggang sa mismong araw na ito. 24 Pero sinasabi ko sa iyo, mas magaan pa ang magiging parusa sa lupain ng Sodoma sa Araw ng Paghuhukom kaysa sa iyo.”+
25 Nang panahong iyon, sinabi ni Jesus: “Sa harap ng mga tao ay pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil itinago mo ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino at isiniwalat ang mga ito sa mga bata.+ 26 Oo, dahil ito ang kalooban mo, O Ama. 27 Ang lahat ng bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama,+ at walang lubos na nakakakilala sa Anak kundi ang Ama;+ wala ring lubos na nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustong turuan ng Anak tungkol sa Ama.+ 28 Lumapit kayo sa akin, lahat kayo na pagod* at nabibigatan, at pagiginhawahin ko kayo. 29 Pasanin ninyo ang pamatok ko at matuto kayo sa akin,* dahil ako ay mahinahon+ at mapagpakumbaba,+ at magiginhawahan kayo. 30 Dahil ang pamatok ko ay madaling dalhin,* at ang pasan ko ay magaan.”