Liham sa mga Taga-Filipos
2 Kaya kung pinapatibay ninyo ang isa’t isa dahil sa pagiging kaisa ni Kristo, inaaliw ninyo ang isa’t isa dahil sa pag-ibig, nagmamalasakit kayo sa isa’t isa, at may pagmamahalan at awa sa gitna ninyo,+ 2 lubusin na ninyo ang kagalakan ko—magkaroon din kayo ng iisang kaisipan at pag-ibig sa isa’t isa, na lubusang nagkakaisa at may iisang takbo ng isip.+ 3 Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil sa galit*+ o pagmamataas.+ Sa halip, maging mapagpakumbaba at ituring ang iba na nakatataas sa inyo,+ 4 habang iniisip ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lang ang sa inyo.+
5 Patuloy ninyong tularan ang pag-iisip ni Kristo Jesus,+ 6 dahil kahit umiiral siya sa anyong Diyos,+ hindi man lang niya inisip na maging kapantay ng Diyos;+ 7 kundi iniwan niya ang lahat ng taglay niya at nag-anyong alipin+ at naging tao.*+ 8 Higit pa riyan, nang ipanganak siya bilang tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang kamatayan,+ oo, kamatayan sa pahirapang tulos.+ 9 Dahil diyan, binigyan siya ng Diyos ng isang nakatataas na posisyon+ at ng pangalang nakahihigit sa lahat ng iba pang pangalan,+ 10 para lumuhod sa pangalan ni Jesus ang lahat ng tuhod—ang mga nasa langit at nasa lupa at nasa ilalim ng lupa+— 11 at hayagang kilalanin ng bawat isa na si Jesu-Kristo ay Panginoon+ para sa ikaluluwalhati ng Diyos na Ama.
12 At kung paanong lagi kayong sumusunod, mga minamahal, hindi lang kapag kasama ninyo ako kundi lalo na kapag wala ako riyan, patuloy rin ninyong gawin ang buong makakaya ninyo nang may takot at panginginig para maligtas kayo. 13 Dahil pinasisigla kayo ng Diyos at ibinibigay sa inyo ang pagnanais at lakas para kumilos kayo+ ayon sa kagustuhan* niya. 14 Patuloy ninyong gawin ang lahat ng bagay nang hindi nagbubulong-bulungan+ o nakikipagtalo,+ 15 para kayo ay maging walang kapintasan at dalisay, mga anak ng Diyos+ na walang dungis sa gitna ng isang masama at pilipit na henerasyon,+ kung saan sumisikat kayo bilang liwanag* sa mundo,+ 16 habang mahigpit kayong nanghahawakan sa salita ng buhay.+ Kung gayon, may dahilan ako para magsaya sa araw ni Kristo,+ dahil alam kong hindi nasayang ang pagtakbo at paghihirap ko. 17 Kagaya man ako ng ibinubuhos na handog na inumin+ sa ibabaw ng inyong hain+ at banal na paglilingkod, na ibinibigay ninyo dahil sa inyong pananampalataya, masaya pa rin ako at nakikipagsaya sa inyong lahat. 18 Sa gayon ding paraan, matuwa rin kayo at makipagsaya sa akin.
19 Umaasa ako na maisugo agad sa inyo si Timoteo,+ kung kalooban ng Panginoong Jesus, para mapatibay ako kapag nakabalita ako tungkol sa inyo. 20 Dahil wala na akong ibang maisusugo na may saloobing gaya ng sa kaniya, na talagang magmamalasakit* sa inyo.+ 21 Dahil inuuna ng lahat ng iba pa ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Kristo. 22 Pero alam ninyo kung paano niya pinatunayan ang kaniyang sarili: Gaya ng isang anak sa kaniyang ama,+ nagpaalipin siyang kasama ko sa ikasusulong ng mabuting balita. 23 Kaya siya ang gusto ko sanang isugo kapag nalaman ko na kung ano ang mangyayari sa akin. 24 Nagtitiwala ako na kung talagang kalooban ng Panginoon, di-magtatagal at makakapunta rin ako sa inyo.+
25 Pero sa ngayon, sa tingin ko ay kailangan kong isugo sa inyo si Epafrodito, ang aking kapatid at kamanggagawa at kapuwa sundalo, ang isinugo ninyo para mag-asikaso sa mga pangangailangan ko,+ 26 dahil gustong-gusto na niyang makita kayong lahat at lungkot na lungkot siya dahil nalaman ninyong nagkasakit siya. 27 Ang totoo, halos mamatay siya dahil sa sakit niya. Pero naawa sa kaniya ang Diyos, at sa katunayan, hindi lang sa kaniya kundi pati sa akin, para hindi na madagdagan ang paghihirap ng kalooban ko. 28 Kaya ngayon din ay isinusugo ko siya, para matuwa kayong muli kapag nakita ninyo siya at mabawasan ang pag-aalala ko. 29 Kaya malugod ninyo siyang tanggapin gaya ng pagtanggap ninyo sa mga tagasunod ng Panginoon, at lagi ninyong pahalagahan ang gayong tao,+ 30 dahil muntik na siyang mamatay alang-alang sa gawain ng Kristo; isinapanganib niya ang buhay niya para may mag-asikaso sa akin kahit wala kayo rito.+