Liham sa mga Taga-Roma
10 Mga kapatid, hinahangad ng puso ko at idinadalangin ko sa Diyos na maligtas sila.+ 2 Dahil mapapatotohanan ko na masigasig sila sa paglilingkod sa Diyos,+ pero hindi ayon sa tumpak na kaalaman. 3 Hindi kasi nila alam ang katuwiran* ng Diyos+ kaya hindi sila nagpasakop dito;+ sa halip, sinikap nilang patunayan na matuwid ang sarili nila.+ 4 Si Kristo ang wakas ng Kautusan,+ para maging matuwid sa harap ng Diyos ang bawat isa na nananampalataya.+
5 Sumulat si Moises tungkol sa pagiging matuwid sa pamamagitan ng Kautusan: “Ang taong tumutupad sa mga iyon ay mabubuhay dahil sa mga iyon.”+ 6 Pero ganito naman ang sinasabi tungkol sa katuwiran na resulta ng pananampalataya: “Huwag mong sabihin sa iyong sarili,+ ‘Sino ang aakyat sa langit?’+ para dalhin si Kristo sa lupa, 7 o ‘Sino ang bababa sa kalaliman?’+ para buhaying muli si Kristo.” 8 Ano ang sinasabi nito? “Ang salita ay malapit sa inyo, nasa mismong bibig ninyo at puso”;+ ito ang “salita” ng pananampalataya, na ipinangangaral natin. 9 Dahil kung hayagan mong sinasabi sa pamamagitan ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon,+ at nananampalataya ka sa puso mo na binuhay siyang muli ng Diyos, ikaw ay maliligtas. 10 Dahil sa pamamagitan ng pusong may pananampalataya, ang isa ay nagiging matuwid. Pero sa pamamagitan ng bibig, ipinahahayag ng isa ang mensaheng iyon+ para maligtas.
11 Dahil sinasabi sa Kasulatan: “Walang sinumang nananampalataya sa kaniya ang mabibigo.”+ 12 Dahil walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego.+ Iisa lang ang Panginoon ng lahat, na bukas-palad* sa lahat ng tumatawag sa kaniya. 13 Dahil “ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”+ 14 Pero paano sila tatawag sa kaniya kung hindi naman sila nananampalataya sa kaniya? Paano naman sila mananampalataya kung wala silang narinig tungkol sa kaniya? Paano naman nila iyon maririnig kung walang mangangaral? 15 Paano naman sila mangangaral kung hindi sila isinugo?+ Gaya ng nasusulat: “Napakaganda ng mga paa ng mga naghahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!”+
16 Pero hindi lahat ay tumanggap* sa mabuting balita. Dahil sinabi ni Isaias: “Jehova, sino ang nanampalataya sa sinabi* namin?”+ 17 Kaya nagkakaroon lang ng pananampalataya kapag narinig ang mensahe;+ at naririnig ang mensahe kapag may nagsalita tungkol kay Kristo. 18 Pero ang tanong ko, Narinig nila ito, hindi ba? Ang totoo, “nakarating sa buong lupa ang tunog nila, at sa mga dulo ng lupa ang mensahe nila.”+ 19 Ang tanong ko pa, Alam ito ng Israel, hindi ba?+ Una, sinabi ni Moises: “Pipili ako ng ibang bansa para magselos kayo; gagalitin ko kayo nang husto gamit ang isang bansa na walang unawa.”+ 20 At naging napakatapang ni Isaias, at sinabi niya: “Nakita ako ng mga hindi humahanap sa akin;+ nakilala ako ng mga hindi nagtatanong tungkol sa akin.”+ 21 Pero sinabi niya tungkol sa Israel: “Buong araw kong iniuunat ang mga kamay ko sa isang bayan na masuwayin at matigas ang ulo.”+