Ikalawang Liham sa mga Taga-Corinto
1 Ako si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at kasama ko si Timoteo+ na ating kapatid; sumusulat ako sa kongregasyon ng Diyos sa Corinto at sa lahat ng banal sa buong Acaya:+
2 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.
3 Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo,+ ang Ama na magiliw at maawain+ at ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon,+ 4 ang umaaliw sa atin sa harap ng lahat ng pagsubok,+ para maaliw rin natin ang iba+ na napapaharap sa anumang pagsubok sa pamamagitan ng kaaliwan na tinanggap natin mula sa Diyos.+ 5 Dahil kung paanong marami tayong pagdurusa para sa Kristo,+ marami rin tayong tinatanggap na kaaliwan sa pamamagitan ng Kristo. 6 Kaya kapag dumaranas kami ng pagsubok, para iyon sa inyong kaaliwan at kaligtasan; at kapag naaaliw kami, para iyon sa inyong kaaliwan, na tumutulong sa inyo na matiis ang mga pagdurusang napapaharap din sa amin.+ 7 At buo ang tiwala namin sa inyo, dahil pare-pareho nating alam na kung paanong nagdurusa kayo gaya namin, maaaliw rin kayo gaya namin.+
8 Dahil gusto naming malaman ninyo, mga kapatid, ang kapighatiang naranasan namin sa lalawigan* ng Asia.+ Dumanas kami ng matinding hirap na higit sa makakaya namin, at inisip naming mamamatay na kami.+ 9 Ang totoo, pakiramdam namin ay nasentensiyahan kami ng kamatayan. Pero nangyari ito para huwag kaming magtiwala sa sarili namin, kundi sa Diyos+ na bumubuhay ng patay. 10 Iniligtas niya kami mula sa banta ng kamatayan at muli niya kaming ililigtas; nagtitiwala kami na patuloy pa rin niya kaming ililigtas.+ 11 Matutulungan din ninyo kami sa pamamagitan ng pagsusumamo para sa amin;+ sa gayon, marami ang magpapasalamat* para sa kabaitang ipinakita sa amin bilang sagot sa panalangin ng marami.+
12 Ito ang ipinagmamalaki namin: Nagpapatotoo ang konsensiya* namin na nagpakita kami ng kabanalan at kataimtiman na mula sa Diyos sa gitna ng sanlibutan, at lalo na sa gitna ninyo. Hindi kami nagtiwala sa karunungan ng sanlibutan,+ kundi sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. 13 Dahil ang mga isinusulat lang namin sa inyo ay ang mga bagay na madali ninyong mabasa at maunawaan,* at umaasa akong patuloy ninyong uunawain nang lubos ang mga ito, 14 kung paanong naunawaan at tinanggap ng ilan sa inyo na maipagmamalaki ninyo kami, kung paanong maipagmamalaki rin namin kayo sa araw ng ating Panginoong Jesus.+
15 Dahil nagtitiwala ako rito, gusto ko sana noon na pumunta sa inyo+ para magkaroon kayo ng ikalawang dahilan para magsaya; 16 dahil gusto ko sanang dalawin kayo noong papunta ako sa Macedonia at bumalik sa inyo pagkagaling sa Macedonia, at pagkatapos ay magpasama sa inyo sa simula ng paglalakbay ko sa Judea.+ 17 Noong pinlano kong gawin iyon, hindi ko iyon itinuring na maliit na bagay lang. At hindi ako nagplano ayon sa kaisipan ng tao, na kahit sinabi kong “Oo, oo” ay “Hindi, hindi” naman pala. 18 Kung paanong makapagtitiwala kayo sa Diyos, makapagtitiwala rin kayo na hindi namin sasabihing “oo” pero “hindi” pala. 19 Dahil ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, na ipinangaral namin sa inyo nina Silvano at Timoteo,+ ay hindi nagsasabing “oo” pero “hindi” naman pala, kundi ang kaniyang “oo” ay laging “oo.” 20 Dahil gaano man karami ang mga pangako ng Diyos, ang mga iyon ay naging “oo” sa pamamagitan niya.+ Kaya naman sa pamamagitan din niya, sinasabi natin sa Diyos ang “Amen,”+ na nagbibigay sa Kaniya ng kaluwalhatian. 21 Ang Diyos ang gumagarantiya na kayo at kami ay kay Kristo, at Siya ang pumili* sa atin.+ 22 Inilagay rin niya sa atin ang kaniyang tatak;+ inilagay niya sa ating mga puso ang espiritu+ bilang garantiya ng darating.
23 Kinukuha ko ang Diyos bilang saksi ko: Hindi pa ako pumupunta sa Corinto dahil ayokong mas mapalungkot pa kayo. 24 Hindi sa kami ang mga panginoon ng inyong pananampalataya,+ kundi mga kamanggagawa kami para sa inyong kagalakan, dahil nakatayo kayong matatag sa pamamagitan ng inyong pananampalataya.