Daniel
11 “Nang unang taon ni Dario+ na Medo, tumayo ako para palakasin siya at patibayin.* 2 At ngayon ay sasabihin ko sa iyo ang katotohanan:
“Magkakaroon pa ng tatlong hari na tatayo para sa Persia, at ang ikaapat ay magiging mas mayaman kaysa sa lahat ng iba. At kapag naging malakas siya dahil sa kayamanan niya, uudyukan niya ang lahat na kalabanin ang kaharian ng Gresya.+
3 “At isang makapangyarihang hari ang tatayo at magiging malawak ang awtoridad niya+ at gagawin niya kung ano ang gusto niya. 4 At kapag napakamakapangyarihan na niya,* babagsak ang kaharian niya at mangangalat sa apat na direksiyon.*+ Mapupunta ito sa iba at hindi sa mga inapo niya, at hindi magiging katulad ng pamamahala niya ang pamamahala nila; dahil bubunutin ang kaharian niya at mapupunta sa iba.
5 “At magiging malakas ang hari ng timog, ibig sabihin, isa sa mga prinsipe niya; pero may isang makakatalo sa kaniya at magiging malawak ang awtoridad nito, mas malakas kaysa sa kapangyarihan niyang mamahala.
6 “Pagkalipas ng ilang taon, magiging magkaalyado sila, at ang anak na babae ng hari ng timog ay pupunta sa hari ng hilaga para gumawa ng isang kasunduan. Pero hindi mananatiling malakas ang bisig ng babae; at maiwawala ng hari ang kapangyarihan niya; at pababayaan ang babae, siya at ang mga nagdala sa kaniya, at ang kaniyang ama* at ang nagpapalakas sa kaniya sa mga panahong iyon. 7 At isang kapamilya* ng babae ang papalit* sa posisyon niya, at pupuntahan nito ang hukbo at sasalakayin ang tanggulan ng hari ng hilaga, at makikipaglaban ito sa kanila at tatalunin sila. 8 Pupunta rin siya sa Ehipto dala ang kanilang mga diyos, metal na imahen, kanais-nais na* bagay na gawa sa pilak at ginto, at mga bihag. Sa loob ng ilang taon, lalayuan niya ang hari ng hilaga, 9 na sasalakay naman sa kaharian ng hari ng timog pero babalik sa sarili nitong lupain.
10 “At ang mga anak niya ay maghahanda para sa pakikipagdigma at bubuo ng napakalaking hukbo. Walang makapipigil sa pagdating ng isa sa kanila,* at dadaan ito sa lupain na gaya ng baha. Pero babalik ito at makikipagdigma hanggang sa makarating sa tanggulan.
11 “At magagalit ang hari ng timog at makikipaglaban sa hari ng hilaga; titipunin naman nito ang isang malaking hukbo, pero ang hukbo ay ibibigay sa kamay ng isang iyon.* 12 At tatangayin ng haring iyon ang hukbo. Magmamataas ang puso niya, at pababagsakin niya ang sampu-sampung libo; pero hindi niya gagamitin ang kalakasan niya.
13 “At babalik ang hari ng hilaga at bubuo ng hukbo na mas malaki kaysa sa nauna; at pagkalipas ng ilang panahon, ng ilang taon, tiyak na darating siya kasama ang isang malaking hukbo na maraming sandata at suplay para sa digmaan. 14 Sa mga panahong iyon, marami ang kakalaban sa hari ng timog.
“At ang mararahas na tao* sa iyong bayan ay maiimpluwensiyahan, at gagawa sila ng paraan para matupad ang isang pangitain; pero mabibigo* sila.
15 “At darating ang hari ng hilaga at gagawa ng rampang pangubkob at sasakupin ang isang napapaderang* lunsod. At hindi makatatayo ang mga hukbo* ng timog, kahit ang piling mga lalaki nito; at wala silang lakas para lumaban. 16 At gagawin ng dumarating na kalaban nito ang anumang gusto niya, at walang makatatayo sa harap niya. Tatayo siya sa Magandang Lupain,*+ at may kakayahan siyang lumipol. 17 Determinado siyang* pumunta kasama ang buong puwersang militar ng kaharian niya, at makikipagkasundo siya rito; at isasagawa niya ang plano niya. Hahayaan din siyang ipahamak ang anak na babae. At hindi ito makatatayo, at hindi ito mananatiling kaniya. 18 Babaling siya sa mga lupain sa tabing-dagat at marami siyang sasakupin. At patitigilin ng isang kumandante ang panghahamak na dinaranas nito sa kaniya, kaya magwawakas ang panghahamak na iyon. Pagbabayarin siya nito. 19 At babalik siya* sa mga tanggulan ng lupain niya, at matitisod siya at mabubuwal, at hindi na siya makikita pang muli.
20 “At may papalit sa posisyon niya, at magpapadala ito ng isang maniningil ng buwis* sa marilag na kaharian. Gayunman, babagsak ito pagkalipas ng ilang araw, pero hindi dahil sa galit o digmaan.
21 “At ang papalit sa posisyon nito ay kinasusuklaman,* at hindi nila ibibigay sa kaniya ang karangalan ng kaharian; at darating siya sa panahong tiwasay,* at makukuha niya ang kaharian sa pamamagitan ng panlilinlang. 22 At ang mga hukbo* na gaya ng baha ay tatalunin niya, at babagsak sila, pati ang Lider+ ng tipan.+ 23 At dahil sa isang pakikipag-alyansa sa kaniya, manlilinlang siya at sasalakay at magiging malakas sa pamamagitan ng isang maliit na bansa. 24 Pupunta siya sa pinakamagagandang bahagi* ng nasasakupang distrito sa panahong tiwasay,* at gagawin niya ang hindi ginawa ng mga ninuno niya. Mamamahagi siya sa kaniyang bayan ng samsam at iba pang bagay; at magpaplano siya ng masama laban sa mga tanggulan, pero sa loob lang ng isang yugto ng panahon.
25 “At magpapakita siya ng lakas at tapang, at lulusubin niya ang hari ng timog kasama ang isang malaking hukbo; at ang hari ng timog ay maghahanda para sa digmaan kasama ang isang napakalaki at napakalakas na hukbo. At hindi siya makatatayo, dahil magpaplano sila ng masama laban sa kaniya. 26 At pababagsakin siya ng mga kumakain ng masasarap na pagkain niya.
“Matatalo* ang hukbo niya, at marami ang mamamatay.
27 “Ang puso ng dalawang haring ito ay nakatuon sa paggawa ng masama, at uupo sila sa iisang mesa at magsisinungaling sa isa’t isa. Pero walang magtatagumpay sa mga plano nila, dahil darating ang wakas sa itinakdang panahon.+
28 “At babalik siya sa lupain niya na may dalang napakaraming pag-aari, at ang puso niya ay magiging laban sa banal na tipan. Isasagawa niya ang plano niya, at babalik siya sa lupain niya.
29 “Babalik siya sa itinakdang panahon at lalabanan niya ang timog. Pero hindi na ito magiging gaya noong una, 30 dahil lalabanan siya ng mga barko ng Kitim,+ at mapapahiya siya.
“Babalik siya at tutuligsain ang* banal na tipan+ at isasagawa niya ang plano niya; at babalik siya at magbibigay-pansin sa mga tumalikod sa banal na tipan. 31 At babangon ang mga hukbo* niya; at lalapastanganin ng mga ito ang santuwaryo,+ ang tanggulan, at aalisin ang regular na handog.+
“At ipupuwesto nila ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang.+
32 “At ang mga gumagawa ng masama at sumisira sa tipan ay aakayin niya sa apostasya sa pamamagitan ng panlilinlang.* Pero ang bayan na nakakakilala sa kanilang Diyos ay mananaig at kikilos. 33 At ang mga may kaunawaan+ sa gitna ng mga tao ay magbibigay ng unawa sa marami. At mabubuwal sila at magiging biktima ng espada, apoy, pagkabihag, at pandarambong sa loob ng ilang araw. 34 Pero kapag ibinuwal sila, tatanggap sila ng kaunting tulong; at marami ang sasama sa kanila sa pamamagitan ng panlilinlang.* 35 At ibubuwal ang ilan sa mga may kaunawaan para magsagawa ng pagdadalisay* at ng paglilinis at ng pagpapaputi+ hanggang sa panahon ng wakas; dahil iyon ay sa itinakdang panahon pa.
36 “Gagawin ng hari ang gusto niya, at itataas niya ang sarili niya at dadakilain ang sarili niya nang higit kaysa sa lahat ng diyos; at magsasalita siya ng nakakagulat na mga bagay laban sa Diyos ng mga diyos.+ At magiging matagumpay siya hanggang sa matapos ang pagtuligsa; dahil dapat mangyari ang bagay na naipasiya na. 37 Hindi niya igagalang ang Diyos ng kaniyang mga ama; hindi niya igagalang ang gusto ng mga babae o ang alinmang diyos, kundi dadakilain niya ang sarili niya nang higit kaysa sa lahat. 38 Pero* luluwalhatiin niya ang diyos ng mga tanggulan; luluwalhatiin niya ang isang diyos na hindi kilala ng kaniyang mga ama sa pamamagitan ng ginto, pilak, mamahaling mga bato, at kanais-nais na* mga bagay. 39 At magtatagumpay siya sa pagsalakay sa pinakamatitibay na tanggulan, kasama ang* isang bagong* diyos. Pararangalan niya nang husto ang mga kumikilala sa kaniya* at gagawin silang tagapamahala sa marami; at ipamamahagi* niya ang lupain kapalit ng isang halaga.
40 “Sa panahon ng wakas, makikipagtulakan* sa kaniya ang hari ng timog, at sasalakayin naman ito ng hari ng hilaga na gaya ng bagyo, na may kasamang mga karwahe* at mangangabayo at maraming barko; at papasukin niya ang mga lupain at dadaanan ang mga ito na gaya ng baha. 41 Papasukin din niya ang Magandang Lupain,*+ at maraming lupain ang matatalo. Pero ang mga ito ang makatatakas mula sa kamay niya: ang Edom at ang Moab at ang pinakamahalagang grupo ng mga Ammonita. 42 At patuloy niyang gagamitin ang kapangyarihan niya laban sa mga lupain; at hindi makatatakas kahit ang lupain ng Ehipto. 43 At pamamahalaan niya ang nakatagong mga kayamanan, na ginto at pilak, at ang lahat ng kanais-nais na* bagay ng Ehipto. At susunod sa kaniya ang mga taga-Libya at taga-Etiopia.
44 “Pero may mga ulat mula sa silangan* at mula sa hilaga na liligalig sa kaniya, at galit na galit siyang manlilipol at marami siyang pupuksain. 45 At itatayo niya ang maharlikang* mga tolda niya sa pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok ng Magandang Lupain;*+ at hahantong siya sa katapusan niya, at walang tutulong sa kaniya.