Liham sa mga Taga-Galacia
6 Mga kapatid, kung ang isang tao ay makagawa ng maling hakbang nang hindi niya namamalayan, kayong may-gulang na mga Kristiyano ay magsikap na ibalik sa ayos ang gayong tao sa mahinahong paraan.+ Pero bantayan ninyo ang inyong sarili,+ dahil baka matukso rin kayo.+ 2 Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa,+ at sa ganitong paraan, matutupad ninyo ang kautusan ng Kristo.+ 3 Dahil kung iniisip ng sinuman na mahalaga siya pero hindi naman,+ nililinlang niya ang sarili niya. 4 Kundi suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos.+ Sa gayon, magsasaya siya dahil sa mga nagawa niya, at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao.+ 5 Dahil ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.+
6 Bukod diyan, ibahagi ng sinumang tinuruan ng salita ng Diyos ang lahat ng mabubuting bagay sa isa na nagtuturo.+
7 Huwag ninyong dayain ang sarili ninyo: Hindi puwedeng linlangin ang Diyos. Dahil anuman ang inihahasik ng isang tao, iyon din ang aanihin niya;+ 8 dahil ang naghahasik para sa laman ay mag-aani ng kasiraan mula sa kaniyang laman,+ pero ang naghahasik para sa espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan mula sa espiritu.+ 9 Kaya huwag tayong tumigil sa paggawa ng mabuti,+ dahil mag-aani tayo sa takdang panahon kung hindi tayo titigil.+ 10 Kaya hangga’t may pagkakataon tayo, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, pero lalo na sa mga kapananampalataya natin.
11 Tingnan ninyo kung gaano kalalaki ang letra sa* liham na ito, na isinulat ng sarili kong kamay.
12 Ang mga pumipilit sa inyo na magpatuli+ ay ang mga gustong magkaroon ng magandang impresyon sa harap ng tao, at ginagawa nila ito para hindi sila pag-usigin dahil sa pahirapang tulos ng Kristo. 13 Dahil hindi naman sumusunod sa Kautusan kahit ang mga nagpatuli.+ Gusto lang nila kayong magpatuli para maipagmalaki nila ang ginawa sa inyong laman. 14 Pero sa bahagi ko, huwag sana akong magmalaki, maliban kung may kaugnayan sa pahirapang tulos* ng ating Panginoong Jesu-Kristo,+ na siyang dahilan kung bakit ang sanlibutan ay patay sa pananaw ko at ako naman ay patay sa pananaw ng sanlibutan. 15 Dahil hindi mahalaga ang pagiging tuli o di-tuli.+ Ang mahalaga ay ang pagiging bagong nilalang.+ 16 At sa lahat ng lumalakad ayon sa simulaing ito, sumakanila nawa ang kapayapaan at awa, oo, sa Israel ng Diyos.+
17 Mula ngayon,* wala na sanang manggulo sa akin, dahil nasa katawan ko ang mga pilat na tanda ng isang alipin ni Jesus.+
18 Mga kapatid, sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian. Amen.