Ayon kay Juan
12 Anim na araw bago ang Paskuwa, dumating si Jesus sa Betania,+ ang lugar ni Lazaro,+ na binuhay-muli ni Jesus.* 2 Kaya naghanda sila ng hapunan para sa kaniya, at si Marta ang nagsisilbi ng pagkain sa kanila,+ habang si Lazaro ay isa sa mga kumakaing* kasama niya. 3 At kumuha si Maria ng isang libra ng mabangong langis na gawa sa nardo, puro at napakamamahalin, at ibinuhos iyon sa mga paa ni Jesus at pinunasan ang mga paa nito ng kaniyang buhok.+ Amoy na amoy sa buong bahay ang mabangong langis.+ 4 Pero sinabi ni Hudas Iscariote,+ isa sa mga alagad niya at malapit nang magtraidor sa kaniya: 5 “Bakit hindi na lang ipinagbili ang mabangong langis na ito sa halagang 300 denario at ibinigay sa mahihirap?” 6 Pero sinabi niya ito hindi dahil sa naaawa siya sa mahihirap, kundi dahil magnanakaw siya at nasa kaniya ang kahon ng pera at dati na niyang ninanakaw ang perang inilalagay roon. 7 Kaya sinabi ni Jesus: “Hayaan ninyo siya, para magawa niya ito bilang paghahanda sa araw ng aking libing.+ 8 Dahil lagi ninyong kasama ang mahihirap,+ pero hindi ninyo ako laging makakasama.”+
9 Samantala, nalaman ng maraming Judio na naroon si Jesus, at pumunta sila, hindi lang dahil sa kaniya, kundi para makita rin si Lazaro na binuhay niyang muli.*+ 10 Kaya nagsabuwatan ang mga punong saserdote para patayin din si Lazaro.+ 11 Marami kasi sa mga Judio ang pumupunta roon at nananampalataya kay Jesus dahil sa kaniya.+
12 Kinabukasan, narinig ng mga pumunta sa Jerusalem para sa kapistahan na darating si Jesus. 13 Kaya kumuha sila ng mga sanga ng puno ng palma at lumabas para salubungin siya.+ Sumisigaw sila: “Iligtas nawa siya! Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova,+ ang Hari ng Israel!”+ 14 Nang makakita si Jesus ng isang batang asno, sumakay siya rito,+ gaya ng nasusulat: 15 “Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion. Tingnan mo! Ang iyong hari ay dumarating na nakasakay sa bisiro ng isang asno.”+ 16 Noong una, hindi ito naintindihan ng mga alagad niya,+ pero nang luwalhatiin na si Jesus,+ naalaala nila na ang ginawa nila ay ang mismong nakasulat tungkol sa kaniya.+
17 At patuloy na nagpapatotoo ang mga nakakita nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan+ at buhayin itong muli.*+ 18 Ito rin ang dahilan kaya siya sinalubong ng mga tao,* dahil narinig nila na ginawa niya ang tandang ito. 19 Kaya sinabi ng mga Pariseo sa isa’t isa: “Nakikita ba ninyo? Walang nangyayari sa mga plano natin. Tingnan ninyo! Ang buong mundo* ay sumusunod na sa kaniya.”+
20 May ilang Griego rin na pumunta sa kapistahan para sumamba. 21 Nilapitan nila si Felipe+ na mula sa Betsaida ng Galilea at hiniling sa kaniya: “Ginoo, gusto naming makita si Jesus.” 22 Pinuntahan ni Felipe si Andres+ at sinabi ito sa kaniya. Pumunta naman sina Andres at Felipe kay Jesus, at sinabi nila ito sa kaniya.
23 Pero sinabi ni Jesus sa kanila: “Dumating na ang oras para luwalhatiin ang Anak ng tao.+ 24 Tinitiyak ko sa inyo, kung hindi mahulog sa lupa ang isang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong isang butil lang; pero kung mamatay ito,+ mamumunga ito ng marami. 25 Ang sinumang nagmamahal sa buhay* niya ay pupuksa rito, pero kung napopoot ang isa sa buhay* niya+ sa mundong ito, maiingatan niya ito para sa buhay na walang hanggan.+ 26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, sumunod siya sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din ang aking lingkod.+ Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama. 27 Ngayon ay nababagabag ako,*+ at ano ang dapat kong sabihin? Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito.+ Pero ito ang dahilan kung bakit ako dumating, para harapin ang oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At isang tinig+ ang nanggaling sa langit: “Niluwalhati ko ito at luluwalhatiing muli.”+
29 Narinig iyon ng mga naroroon at sinabing kulog iyon. Sinabi naman ng iba: “Kinausap siya ng isang anghel.” 30 Sinabi ni Jesus: “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin.+ 31 Ngayon ay may paghatol sa mundong* ito; ngayon ay palalayasin ang tagapamahala ng mundong* ito.+ 32 Pero kung itataas ako mula sa lupa,+ ilalapit ko sa akin ang lahat ng uri ng tao.”+ 33 Sinasabi niya ito para ipahiwatig kung anong uri ng kamatayan ang malapit na niyang danasin.+ 34 Sumagot ang mga tao: “Narinig namin mula sa Kautusan na ang Kristo ay nananatili magpakailanman.+ Bakit mo sinasabi na kailangang itaas ang Anak ng tao?+ Sino ang tinutukoy mong Anak ng tao?” 35 Kaya sinabi ni Jesus: “Makakasama ninyo ang liwanag nang kaunting panahon pa.+ Lumakad kayo habang nasa inyo pa ang liwanag, para hindi kayo madaig ng kadiliman; sinumang lumalakad sa kadiliman ay hindi nakaaalam kung saan siya papunta.+ 36 Habang nasa inyo ang liwanag, manampalataya kayo sa liwanag, para kayo ay maging mga anak ng liwanag.”+
Pagkasabi nito, umalis si Jesus at nagtago sa kanila. 37 Kahit gumawa siya ng napakaraming tanda* sa harap nila, hindi sila nanampalataya sa kaniya, 38 kaya natupad ang sinabi ni Isaias na propeta: “Jehova, sino ang nanampalataya sa sinabi namin?+ At kanino ipinakita ni Jehova ang lakas niya?”+ 39 Sinabi muli ni Isaias ang dahilan kung bakit hindi sila naniniwala: 40 “Binulag ko ang mga mata nila at pinatigas ang mga puso nila, para hindi makakita ang mga mata nila at hindi makaunawa ang mga puso nila at hindi sila manumbalik at hindi ko sila mapagaling.”+ 41 Sinabi ito ni Isaias tungkol sa Kristo dahil nakita niya ang kaluwalhatian nito.+ 42 Gayunman, marami pa ring tagapamahala ang nanampalataya sa kaniya.+ Pero dahil sa takot sa mga Pariseo, hindi nila ito ipinapakita para hindi sila matiwalag mula sa sinagoga;+ 43 dahil mas mahalaga sa kanila na maluwalhati ng tao kaysa maluwalhati ng Diyos.+
44 Gayunman, sinabi ni Jesus: “Ang sinumang nananampalataya sa akin ay hindi lang sa akin nananampalataya, kundi sa nagsugo rin sa akin;+ 45 at sinumang nakakakita sa akin ay nakakakita rin sa nagsugo sa akin.+ 46 Dumating ako sa mundo* bilang liwanag+ para hindi manatili sa kadiliman ang bawat isa na nananampalataya sa akin.+ 47 Pero kung ang sinuman ay nakarinig sa mga pananalita ko at hindi tumupad sa mga iyon, hindi ko siya hahatulan; dahil dumating ako, hindi para hatulan ang sangkatauhan,* kundi para iligtas ang sangkatauhan.+ 48 May isa na hahatol sa sinumang nagwawalang-halaga sa akin at hindi tumatanggap sa mga pananalita ko. Ang mensahe na ipinahayag ko ang hahatol sa kaniya sa huling araw.+ 49 Dahil hindi ko sariling ideya ang sinasabi ko, kundi sa Ama na nagsugo sa akin. Siya ang nag-utos sa akin kung ano ang sasabihin at ituturo ko.+ 50 At alam kong ang utos niya ay umaakay sa buhay* na walang hanggan.+ Kaya anuman ang sinasabi ko, iyon mismo ang sinabi sa akin ng Ama.”+