Daniel
9 Nang unang taon ni Dario+ na anak ni Ahasuero—inapo ng mga Medo na ginawang hari sa kaharian ng mga Caldeo+— 2 oo, sa unang taon ng paghahari niya, naunawaan ko, akong si Daniel, sa pamamagitan ng mga aklat,* ayon sa sinabi ni Jehova kay Jeremias na propeta, na ang bilang ng mga taon na mananatiling wasak ang Jerusalem+ ay 70 taon.+ 3 Kaya lumapit ako kay Jehova na tunay na Diyos at nakiusap sa panalangin, na may pag-aayuno+ at telang-sako at abo. 4 Nanalangin ako sa aking Diyos na si Jehova at ipinagtapat sa kaniya ang mga kasalanan namin:
“O Jehova na tunay na Diyos, na dakila at kahanga-hanga,* na tumutupad sa kaniyang tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig+ sa mga nagmamahal sa kaniya at sumusunod sa mga utos niya,+ 5 nagkasala kami at gumawa ng mali at ng napakasamang mga bagay at nagrebelde;+ at lumihis kami sa iyong mga utos at batas.* 6 Hindi kami nakinig sa iyong mga lingkod na propeta,+ na nakipag-usap sa aming mga hari, pinuno, ninuno, at sa lahat ng tao sa lupain sa ngalan mo. 7 Ikaw ay matuwid, O Jehova, samantalang kami ay laging nagdadala ng kahihiyan sa sarili namin, gaya ngayon—sa buong Israel, kasama na ang mga taga-Juda at ang mga nakatira sa Jerusalem, ang mga nasa malapit at malayo, sa lahat ng lupain kung saan mo sila pinangalat dahil hindi sila naging tapat sa iyo.+
8 “O Jehova, kahiya-hiya kami, ang aming mga hari, pinuno, at ninuno, dahil nagkasala kami sa iyo. 9 Maawain at mapagpatawad ang Diyos naming si Jehova,+ pero nagrebelde kami sa kaniya.+ 10 Hindi namin sinunod ang tinig ng Diyos naming si Jehova—hindi namin sinunod ang mga iniutos niya sa amin sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta.+ 11 Nilabag ng buong Israel ang Kautusan mo, at tinalikuran ka nila nang hindi sila sumunod sa tinig mo, kaya ibinuhos mo sa amin ang sumpa na pinagtibay ng panatang nakasulat sa Kautusan ni Moises na lingkod ng tunay na Diyos,+ dahil nagkasala kami sa Kaniya. 12 Tinupad niya ang sinabi niya laban sa amin+ at laban sa aming mga pinuno na namahala* sa amin, kaya pinasapitan niya kami ng malaking kapahamakan; hindi pa nangyari sa alinmang bahagi ng lupa ang nangyari sa Jerusalem.+ 13 Kung ano ang nakasulat sa Kautusan ni Moises, iyon ang lahat ng kapahamakang sumapit sa amin,+ pero hindi namin sinikap na makuha ang pabor* ng Diyos naming si Jehova sa pamamagitan ng pagtalikod sa ginagawa naming kasalanan+ at pagbibigay-pansin sa iyong katapatan.*
14 “Kaya patuloy na nagbantay si Jehova at pinasapit niya sa amin ang kapahamakan, dahil matuwid ang lahat ng gawa ng Diyos naming si Jehova; pero hindi namin sinunod ang tinig niya.+
15 “Ngayon, O Diyos naming Jehova, ikaw na naglabas sa iyong bayan mula sa Ehipto gamit ang iyong makapangyarihang kamay+ at gumawa ng pangalan para sa iyong sarili na nananatiling tanyag hanggang ngayon,+ nagkasala kami at gumawa ng napakasamang mga bagay. 16 O Jehova, ikaw na laging kumikilos nang matuwid,+ pakisuyo, pawiin mo ang iyong galit at poot sa iyong lunsod na Jerusalem, ang iyong banal na bundok; ang Jerusalem at ang iyong bayan ay naging tampulan ng pandurusta ng lahat ng nasa palibot namin dahil sa mga kasalanan namin at mga pagkakamali ng mga ninuno namin.+ 17 At ngayon, O aming Diyos, pakinggan mo ang panalangin ng iyong lingkod at ang kaniyang mga pakiusap, at pasinagin mo ang iyong mukha sa iyong tiwangwang na santuwaryo,+ alang-alang sa iyong sarili, O Jehova. 18 O Diyos ko, makinig ka sana! Idilat mo ang iyong mga mata at tingnan ang aming paghihirap at ang tiwangwang na lunsod na tinatawag sa iyong pangalan; nakikiusap kami sa iyo hindi dahil sa aming matuwid na mga gawa, kundi dahil napakamaawain mo.+ 19 O Jehova, makinig ka sana. O Jehova, magpatawad ka.+ O Jehova, magbigay-pansin ka at kumilos! Huwag kang magpaliban, alang-alang sa iyong sarili, O Diyos ko, alang-alang sa iyong pangalan na itinatawag sa iyong lunsod at bayan.”+
20 Habang nagsasalita pa ako at nananalangin at nagtatapat ng kasalanan ko at ng aking bayang Israel at nagsasabi ng kahilingan ko sa harap ni Jehova na aking Diyos para sa banal na bundok ng aking Diyos,+ 21 oo, habang nananalangin pa ako, ang lalaking si Gabriel,+ na nakita ko noon sa pangitain,+ ay dumating noong hinang-hina ako, noong oras ng panggabing handog na kaloob. 22 Binigyan niya ako ng kakayahang umunawa, at sinabi niya:
“O Daniel, dumating ako ngayon para bigyan ka ng kaunawaan at ng kakayahang umintindi. 23 Nang magsimula kang makiusap, may natanggap akong mensahe, kaya pumunta ako para sabihin ito sa iyo, dahil isa kang taong talagang kalugod-lugod.*+ Kaya pag-isipan mo ito at unawain mo ang pangitain.
24 “May 70 linggo* na itinakda para sa iyong bayan at banal na lunsod,+ para wakasan ang pagsuway, tapusin ang kasalanan,+ magbayad-sala para sa pagkakamali,+ maghatid ng walang-hanggang katuwiran,+ tatakan ang pangitain at hula,*+ at atasan* ang Banal ng mga Banal.* 25 Dapat mong malaman at maintindihan na pagkalabas ng utos na ibalik sa dating kalagayan ang Jerusalem+ at itayo itong muli, lilipas ang 7 linggo at 62 linggo,+ pagkatapos ay lilitaw ang Mesiyas*+ na Lider.+ Ibabalik ito sa dating kalagayan at itatayong muli na may liwasan* at kanal, pero sa isang mahirap na panahon.
26 “Pagkalipas ng 62 linggo, papatayin ang Mesiyas,+ at walang anumang matitira sa kaniya.+
“At ang lunsod at ang banal na lugar ay wawasakin ng mga hukbo* ng isang paparating na pinuno.+ Magwawakas ito na para bang may dumating na baha. At hanggang sa wakas ay magkakaroon ng digmaan; ang naipasiya ay pagkawasak.+
27 “At para sa marami, pananatilihin niyang may bisa ang tipan sa loob ng isang linggo; at sa kalagitnaan ng linggo, patitigilin niya ang paghahain at ang pag-aalay ng handog na kaloob.+
“At ang dahilan ng pagkatiwangwang ay darating na nakasakay sa pakpak ng kasuklam-suklam na mga bagay;+ at hanggang sa paglipol, ang naipasiya ay sasapitin din ng* isa na nakatiwangwang.”