Liham sa mga Hebreo
11 Ang pananampalataya ay ang paghihintay sa mga bagay na may garantiya, ang malinaw na katibayan* na ang hindi nakikita ay totoo. 2 Dahil may pananampalataya ang mga tao noon,* tumanggap sila ng patotoo na nalugod sa kanila ang Diyos.
3 Dahil sa pananampalataya, naiintindihan natin na ang mga sistema ng mga bagay* ay inayos sa pamamagitan ng salita ng Diyos, kaya ang mga bagay na nakikita ay umiral mula sa mga bagay na hindi nakikita.
4 Dahil sa pananampalataya, nagbigay si Abel sa Diyos ng isang handog na nakahihigit sa handog ni Cain, at dahil sa pananampalatayang iyan, ipinakita ng Diyos na itinuturing Niya siyang matuwid, dahil kinalugdan ng Diyos ang mga regalo niya, at kahit namatay na siya, nagsasalita pa rin siya sa pamamagitan ng pananampalataya niya.
5 Dahil sa pananampalataya, si Enoc ay inilipat para hindi makatikim ng kamatayan, at hindi siya makita saanman dahil inilipat siya ng Diyos; dahil bago siya inilipat, tumanggap siya ng patotoo na lubusan niyang napalugdan ang Diyos. 6 Bukod diyan, kung walang pananampalataya, imposibleng mapalugdan nang lubos ang Diyos, dahil ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat na maniwala na siya ay umiiral at nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kaniya nang buong puso.
7 Dahil sa pananampalataya, si Noe, pagkatapos tumanggap ng babala mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay nagpakita ng makadiyos na takot at nagtayo ng arka para maligtas ang sambahayan niya; at dahil sa pananampalatayang ito, hinatulan niya ang sanlibutan, at siya ay naging tagapagmana ng katuwiran na bunga ng pananampalataya.
8 Dahil sa pananampalataya, sumunod si Abraham nang utusan siyang pumunta sa lugar na tatanggapin niya bilang mana; umalis siya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. 9 Dahil sa pananampalataya, tumira siya bilang dayuhan sa lupaing ipinangako, at tumira siya sa mga tolda kasama sina Isaac at Jacob, ang mga kasama niyang tagapagmana ng pangako ring iyon. 10 Dahil hinihintay niya ang lunsod na may tunay na mga pundasyon, na ang nagdisenyo* at gumawa ay ang Diyos.
11 Dahil din sa pananampalataya, nagdalang-tao* si Sara kahit lampas na siya sa edad, dahil naniniwala siyang tapat* ang nangako nito. 12 Dahil dito, nagmula sa isang lalaki, na para na ring patay, ang mga anak na kasindami ng mga bituin sa langit at hindi mabilang na gaya ng buhangin sa tabing-dagat.
13 Lahat sila ay namatay nang may pananampalataya, kahit hindi nila naranasan ang katuparan ng mga pangako; pero nakita nila ang mga iyon mula sa malayo at nagsaya sila dahil sa mga iyon at hayagang sinabi na sila ay mga tagaibang bayan at pansamantalang naninirahan sa lupain. 14 Dahil ipinapakita ng mga nagsasalita nang ganito na marubdob silang naghahanap ng sarili nilang lugar. 15 Pero kung patuloy nilang inisip ang lugar na pinanggalingan nila, may pagkakataon sana silang bumalik. 16 Pero ngayon ay inaabot nila ang isang mas mabuting lugar, isang lugar na may kaugnayan sa langit. Kaya hindi ikinahihiya ng Diyos na tinatawag nila siyang Diyos nila, dahil naghanda siya ng isang lunsod para sa kanila.
17 Dahil sa pananampalataya, nang subukin si Abraham, para na rin niyang inihandog si Isaac—ang tao na masayang tumanggap ng mga pangako ay nagtangkang ihandog ang kaisa-isa niyang anak— 18 kahit na sinabi sa kaniya: “Kay Isaac magmumula ang tatawaging iyong supling.”* 19 Pero inisip niya na kaya ng Diyos na buhayin itong muli, at ibinalik nga sa kaniya ang anak niya mula sa kamatayan sa makasagisag na paraan.
20 Dahil din sa pananampalataya, pinagpala ni Isaac sina Jacob at Esau may kinalaman sa mga bagay na darating.
21 Dahil sa pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jacob, pinagpala niya ang mga anak na lalaki ni Jose at sumamba siya habang nakahawak sa tungkod niya.
22 Dahil sa pananampalataya, si Jose, nang malapit na siyang mamatay, ay nagsalita tungkol sa pag-alis ng mga anak ni Israel, at nagbigay siya ng tagubilin* may kinalaman sa mga buto* niya.
23 Dahil sa pananampalataya, itinago si Moises ng mga magulang niya sa loob ng tatlong buwan pagkapanganak sa kaniya, dahil nakita nilang maganda ang sanggol at hindi sila natakot sa utos ng hari. 24 Dahil sa pananampalataya, tumanggi si Moises na tawaging anak ng prinsesa ng Ehipto* nang malaki na siya; 25 mas pinili niyang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa pansamantalang magpakasaya sa kasalanan, 26 dahil para sa kaniya, ang hamakin bilang Isa na Pinili* ay kayamanang nakahihigit sa mga kayamanan ng Ehipto, dahil nakapokus siya sa panahong tatanggapin niya ang gantimpala. 27 Dahil sa pananampalataya, iniwan niya ang Ehipto, pero hindi siya natakot sa galit ng hari, dahil nanatili siyang matatag na parang nakikita ang Isa na di-nakikita. 28 Dahil sa pananampalataya, ipinagdiwang niya ang Paskuwa at naglagay siya ng dugo sa mga poste ng pinto, para hindi patayin* ng tagapuksa ang mga panganay nila.
29 Dahil sa pananampalataya, tumawid sila sa Dagat na Pula na gaya ng sa tuyong lupa, pero nang subukang tumawid ng mga Ehipsiyo, nilamon sila ng tubig.
30 Dahil sa pananampalataya, ang mga pader ng Jerico ay bumagsak pagkatapos magmartsa ng bayan sa palibot nito sa loob ng pitong araw. 31 Dahil sa pananampalataya, ang babaeng bayaran na si Rahab ay hindi namatay kasama ng mga masuwayin, dahil tinanggap niya nang mapayapa ang mga espiya.
32 Magpapatuloy pa ba ako? Kukulangin ako ng oras kung ilalahad ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jepte, David, pati ang kay Samuel at sa iba pang propeta. 33 Sa pamamagitan ng pananampalataya, tinalo nila ang mga kaharian, nagtaguyod sila ng katuwiran, tumanggap ng mga pangako, nagtikom ng bibig ng mga leon, 34 dumaig sa naglalagablab na apoy, tumakas sa talim ng espada, mula sa mahinang kalagayan ay napalakas, naging magiting sa digmaan, nagpaurong sa sumasalakay na mga hukbo. 35 Binuhay-muli ang namatay na mga mahal sa buhay ng mga babae, pero ang ibang tao ay pinahirapan dahil tumanggi silang mapalaya sa pamamagitan ng anumang pantubos, para magkaroon sila ng mas mabuting pagkabuhay-muli. 36 Oo, nasubok ang iba sa pamamagitan ng mga panghahamak at mga hagupit, at higit pa riyan, sa pamamagitan ng mga gapos at mga bilangguan. 37 Sila ay binato, sila ay sinubok, sila ay hinati ng lagari, sila ay pinatay sa pamamagitan ng espada, sila ay nagpagala-gala na nakasuot ng balat ng tupa, ng balat ng kambing, samantalang sila ay kapos, nahihirapan, pinagmamalupitan; 38 at ang sanlibutan ay hindi naging karapat-dapat sa kanila. Sila ay nagpagala-gala sa mga disyerto at mga bundok at tumira sa mga kuweba at mga lungga sa lupa.
39 Pero lahat sila, kahit na ipinakita sa kanila ng Diyos na kinalulugdan niya sila dahil sa pananampalataya nila, ay hindi nagkamit ng katuparan ng pangako, 40 dahil patiunang nakita ng Diyos ang isang bagay na mas mabuti para sa atin, para hindi sila maging perpekto nang una* sa atin.