Liham sa mga Taga-Efeso
6 Mga anak, maging masunurin kayo sa inyong mga magulang,+ ayon sa kalooban ng Panginoon, dahil ito ay matuwid. 2 “Parangalan* mo ang iyong ama at ina.”+ Iyan ang unang utos na may kasamang pangako: 3 “Para mapabuti ka at humaba ang buhay mo sa lupa.” 4 At mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak,+ kundi palakihin sila ayon sa disiplina+ at patnubay* ni Jehova.*+
5 Mga alipin, maging masunurin kayo sa mga panginoon* ninyo,+ na may takot at paggalang at nang buong puso, gaya ng pagsunod ninyo sa Kristo, 6 hindi lang kapag may nakatingin sa inyo, para matuwa sa inyo ang mga tao,+ kundi gaya ng alipin ni Kristo, na buong kaluluwang* ginagawa ang kalooban ng Diyos.+ 7 Magpaalipin kayo nang may magandang saloobin, na parang kay Jehova* kayo naglilingkod+ at hindi sa mga tao, 8 dahil alam ninyo na anumang mabuti ang gawin ng isang tao, gagantimpalaan siya ni Jehova*+ dahil doon, alipin man siya o malaya. 9 Kayo namang mga panginoon, patuloy ninyo silang pakitunguhan sa gayon ding paraan at huwag ninyo silang takutin, dahil alam ninyo na sila at kayo ay may iisang Panginoon sa langit,+ at hindi siya nagtatangi.
10 Bilang panghuli, patuloy kayong kumuha ng lakas+ sa Panginoon at sa kaniyang dakilang kapangyarihan. 11 Isuot ninyo ang kumpletong kasuotang pandigma+ mula sa Diyos para maging matatag kayo sa kabila ng tusong mga pakana* ng Diyablo; 12 dahil nakikipaglaban* tayo,+ hindi sa dugo at laman, kundi sa mga pamahalaan, mga awtoridad, mga tagapamahala ng madilim na sanlibutang ito, at sa hukbo ng napakasasamang espiritu+ sa makalangit na dako. 13 Kaya kunin ninyo ang kumpletong kasuotang pandigma mula sa Diyos.+ Sa gayon, malalabanan ninyo ang pagsalakay sa inyo sa masamang araw at makatatayo kayong matatag dahil naihanda ninyo ang lahat.
14 Kaya tumayo kayong matatag, na suot ang sinturon ng katotohanan+ at ang baluti ng katuwiran+ 15 at suot sa inyong mga paa ang sandalyas ng mabuting balita ng kapayapaan, na handa ninyong ihayag.+ 16 Kunin din ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya,+ na magagamit ninyo bilang panangga sa lahat ng nagliliyab na palaso* ng isa na masama.*+ 17 Gayundin, tanggapin ninyo ang helmet ng kaligtasan+ at ang espada ng espiritu, ang salita ng Diyos.+ 18 Kasabay nito, sa pamamagitan ng iba’t ibang uri ng panalangin+ at pagsusumamo ay patuloy kayong manalangin sa bawat pagkakataon kaayon ng espiritu.+ Para magawa ito, manatili kayong gisíng at laging magsumamo para sa lahat ng banal. 19 Ipanalangin din ninyo ako para malaman ko kung ano ang dapat sabihin kapag ibinuka ko ang aking bibig, para lakas-loob kong maihayag ang sagradong lihim ng mabuting balita,+ 20 dahil ako ay nakatanikalang embahador+ nito, at para makapagsalita ako tungkol dito nang may tapang, gaya ng nararapat.
21 At kung tungkol sa kalagayan ko at sa pinagkakaabalahan ko, sasabihin ito sa inyo ni Tiquico,+ isang minamahal na kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon.+ 22 Kaya isinusugo ko siya sa inyo para malaman ninyo ang kalagayan namin at para maaliw niya kayo.
23 Magkaroon nawa ang mga kapatid ng kapayapaan at pag-ibig na may pananampalataya mula sa Diyos na Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo. 24 Tumanggap nawa ng walang-kapantay na kabaitan ang mga umiibig nang walang hanggan sa ating Panginoong Jesu-Kristo.