Ayon kay Lucas
10 Pagkatapos nito, nag-atas ang Panginoon ng 70 iba pa at isinugo sila nang dala-dalawa+ para mauna sa kaniya sa bawat lunsod at nayon na pupuntahan niya. 2 Pagkatapos, sinabi niya: “Talagang marami ang aanihin, pero kakaunti ang mga manggagawa. Kaya makiusap kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa pag-aani niya.+ 3 Humayo kayo! Isinusugo ko kayong gaya ng mga kordero* sa gitna ng mga lobo.*+ 4 Huwag kayong magdala ng pera,* lalagyan ng pagkain, o sandalyas,+ at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.* 5 Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna: ‘Magkaroon nawa ng kapayapaan sa bahay na ito.’+ 6 At kung may isang kaibigan ng kapayapaan na naroon, mapapasakaniya ang inyong kapayapaan. Pero kung wala, babalik ito sa inyo. 7 Kaya manatili kayo sa bahay na iyon,+ at kainin ninyo at inumin ang ibinibigay nila,+ dahil ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran.+ Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay.
8 “Gayundin, saanmang lunsod kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kainin ninyo ang inihahain nila sa inyo, 9 pagalingin ang mga maysakit doon, at sabihin sa kanila: ‘Ang Kaharian ng Diyos ay malapit na.’+ 10 Pero kapag hindi kayo tinanggap sa isang lunsod, lumabas kayo sa malalapad na daan nito at sabihin ninyo: 11 ‘Pinupunasan namin maging ang alikabok na dumikit sa mga paa namin mula sa inyong lunsod bilang patotoo laban sa inyo.+ Pero tandaan ninyo, ang Kaharian ng Diyos ay malapit na.’ 12 Sinasabi ko sa inyo na sa araw na iyon, mas magaan pa ang magiging parusa sa Sodoma kaysa sa lunsod na iyon.+
13 “Kaawa-awa ka, Corazin! Kaawa-awa ka, Betsaida! dahil kung nakita ng mga lunsod ng Tiro at Sidon ang makapangyarihang mga gawa na nakita ninyo, matagal na sana silang nagsisi, na nakasuot ng telang-sako at nakaupo sa abo.+ 14 Dahil dito, mas magaan pa ang magiging parusa sa Tiro at Sidon sa paghuhukom kaysa sa inyo. 15 At ikaw, Capernaum, itataas ka kaya sa langit? Sa Libingan* ka ibababa!
16 “Ang sinumang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin.+ At sinumang hindi tumatanggap sa inyo ay hindi rin tumatanggap sa akin. Isa pa, sinumang hindi tumatanggap sa akin ay hindi rin tumatanggap sa nagsugo sa akin.”+
17 Pagkatapos, masayang bumalik ang 70 at sinabi nila: “Panginoon, maging ang mga demonyo ay napapasunod namin sa pamamagitan ng pangalan mo.”+ 18 Sinabi niya: “Nakikita ko nang nahulog si Satanas+ na tulad ng kidlat mula sa langit. 19 Ibinigay ko na sa inyo ang awtoridad na tapak-tapakan ang mga ahas* at mga alakdan, gayundin ang lakas para talunin ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway,+ at walang anumang makapananakit sa inyo. 20 Pero huwag kayong magsaya dahil napapasunod ninyo ang mga espiritu, kundi magsaya kayo dahil ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa langit.”+ 21 Nang mismong oras na iyon ay nag-umapaw siya sa kagalakan dahil sa banal na espiritu at sinabi niya: “Sa harap ng mga tao ay pinupuri kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil maingat mong itinago ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino+ at isiniwalat ang mga ito sa mga bata. Oo, dahil ito ang kalooban mo, O Ama.+ 22 Ang lahat ng bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama, at walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak+ at ang sinumang gustong turuan ng Anak tungkol sa Ama.”+
23 Pagkatapos, tumingin siya sa mga alagad at sinabi niya: “Maligaya ang mga nakakakita ng mga bagay na nakikita ninyo.+ 24 Dahil sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at hari ang naghangad na makita ang mga nakikita ninyo pero hindi nila nakita ang mga iyon,+ at marinig ang mga naririnig ninyo pero hindi nila narinig ang mga iyon.”
25 At isang lalaki na eksperto sa Kautusan ang tumayo para subukin siya at nagsabi: “Guro, ano ang kailangan kong gawin para magmana ako ng buhay na walang hanggan?”+ 26 Sinabi niya sa lalaki: “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang naintindihan mo sa nabasa mo?” 27 Sumagot ito: “‘Dapat mong ibigin si Jehova* na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa* mo at nang buong lakas mo at nang buong pag-iisip mo’+ at ‘ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’”+ 28 Sinabi niya rito: “Tama ang sagot mo; patuloy mong gawin ito at magkakaroon ka ng buhay.”+
29 Pero dahil gusto ng lalaki na patunayang matuwid siya,+ sinabi niya kay Jesus: “Sino ba talaga ang kapuwa ko?” 30 Sinabi ni Jesus: “Isang lalaki na galing* sa Jerusalem ang papuntang Jerico at nabiktima ng mga magnanakaw. Hinubaran siya ng mga ito, binugbog, at iniwang halos patay na. 31 Nagkataon naman, isang saserdote ang dumaan doon,* pero nang makita niya ang lalaki, lumipat siya sa kabilang panig ng daan. 32 Dumaan din ang isang Levita; nang makita niya ang lalaki, lumipat din siya sa kabilang panig ng daan. 33 Pero nang makita ng isang Samaritanong+ naglalakbay sa daang iyon ang lalaki, naawa siya rito. 34 Kaya nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat nito, at binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ito sa kaniyang hayop, dinala sa isang bahay-tuluyan, at inalagaan. 35 Kinabukasan, nagbigay siya ng dalawang denario* sa may-ari ng bahay-tuluyan at sinabi niya: ‘Alagaan mo siya, at kung mas malaki pa rito ang magagastos mo, babayaran kita pagbalik ko.’ 36 Sa tingin mo, sino sa tatlong ito ang naging kapuwa+ sa lalaking nabiktima ng mga magnanakaw?” 37 Sinabi niya: “Ang nagpakita ng awa sa kaniya.”+ Sinabi ni Jesus: “Kung gayon, ganoon din ang gawin mo.”+
38 Nagpatuloy sila sa paglalakbay at pumasok sa isang nayon. At isang babae na nagngangalang Marta+ ang tumanggap kay Jesus sa bahay niya. 39 May kapatid itong babae, si Maria, na nakaupo sa paanan ng Panginoon at patuloy na nakikinig sa itinuturo* niya. 40 Samantala, abalang-abala si Marta sa dami ng inaasikaso niya. Kaya lumapit siya kay Jesus, at sinabi niya: “Panginoon, hahayaan mo na lang ba na hindi ako tinutulungan ng kapatid ko sa paghahanda? Sabihin mo naman sa kaniya na tulungan ako.” 41 Sumagot ang Panginoon: “Marta, Marta, masyado kang nag-aalala sa maraming bagay. 42 Iilang bagay lang ang kailangan o kahit isa lang. Pinili ni Maria ang mabuting* bahagi+ at hindi ito kukunin sa kaniya.”