UNANG LIHAM SA MGA TAGA-CORINTO
1 Ako si Pablo, na tinawag para maging apostol+ ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos, at kasama ko si Sostenes na ating kapatid; 2 sumusulat ako sa kongregasyon ng Diyos sa Corinto,+ sa inyo na pinabanal at kaisa ni Kristo Jesus,+ mga tinawag para maging banal,+ pati na sa lahat ng nasa ibang lugar na tumatawag sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo,+ na Panginoon nila at natin:
3 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo.
4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos dahil sa walang-kapantay na kabaitan na ibinigay ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ni Kristo Jesus; 5 dahil kayo ay kaisa niya, tinanggap ninyo ang lahat ng bagay, kasama na ang kakayahang ihayag ang salita at pagkakaroon ng lubos na kaalaman,+ 6 at ang patotoo* tungkol sa Kristo+ ay nagpatatag sa inyo, 7 kaya hindi kayo nagkukulang sa anumang kaloob, habang sabik ninyong hinihintay ang pagsisiwalat sa ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 8 Patatatagin din niya kayo hanggang wakas para maging malaya kayo sa anumang akusasyon sa araw ng ating Panginoong Jesu-Kristo.+ 9 Tapat ang Diyos,+ na tumawag sa inyo para maging kaisa ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo na ating Panginoon.
10 Mga kapatid, sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo, hinihimok ko kayong lahat na magsalita nang may pagkakaisa at huwag magkabaha-bahagi,+ kundi lubos kayong magkaisa sa kaisipan at pagpapasiya.*+ 11 Dahil mga kapatid ko, ibinalita sa amin ng ilan mula sa sambahayan ni Cloe na may mga di-pagkakasundo sa gitna ninyo.+ 12 Ang ibig kong sabihin, may nagsasabi sa inyo: “Kay Pablo ako,” “Kay Apolos ako,”+ “Kay Cefas ako,” “Kay Kristo ako.” 13 Nababahagi ba ang Kristo? Hindi ipinako sa tulos si Pablo para sa inyo, hindi ba? Binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Nagpapasalamat ako sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo+ at Gayo,+ 15 para walang sinumang magsabi na binautismuhan kayo sa pangalan ko. 16 Binautismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas.+ Bukod sa kanila, hindi ko alam kung may binautismuhan pa ako. 17 Dahil isinugo ako ni Kristo, hindi para magbautismo, kundi para ihayag ang mabuting balita,+ pero hindi gamit ang pananalita ng matatalinong tao,*+ para hindi mawalan ng silbi ang pahirapang tulos ng Kristo.
18 Dahil ang mensahe tungkol sa pahirapang tulos ay kamangmangan para sa mga malilipol,+ pero para sa atin na mga inililigtas, ito ay kapahayagan ng kapangyarihan ng Diyos.+ 19 Dahil nasusulat: “Paglalahuin ko ang karunungan ng marurunong, at itatakwil* ko ang katalinuhan ng matatalino.”+ 20 Nasaan ang marunong? Ang eskriba? Ang debatista ng sistemang ito? Hindi ba ginawa ng Diyos na kamangmangan ang karunungan ng sanlibutan? 21 Sa ganitong paraan naipakita ang karunungan ng Diyos: Hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos+ sa pamamagitan ng sarili nitong karunungan.+ Sa halip, minabuti ng Diyos na iligtas ang mga nananampalataya sa pamamagitan ng ipinangangaral na mensahe na kamangmangan+ para sa iba.
22 Dahil ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda+ at ang mga Griego ay naghahanap ng karunungan;+ 23 pero ipinangangaral natin si Kristo na ipinako sa tulos, na isang katitisuran para sa mga Judio+ at kamangmangan naman para sa ibang mga bansa.+ 24 Pero para sa mga tinawag, kapuwa mga Judio at mga Griego, si Kristo ang kapahayagan ng kapangyarihan at karunungan ng Diyos.+ 25 Dahil ang sinasabing kamangmangan at kahinaan ng Diyos ay nakahihigit sa itinuturing ng tao na karunungan at kalakasan.+
26 Dahil nakita ninyo, mga kapatid, na noong tawagin kayo ng Diyos, hindi siya pumili ng maraming matalino ayon sa pananaw ng tao,+ ng maraming makapangyarihan, at ng maraming ipinanganak na maharlika,+ 27 kundi pinili ng Diyos ang mga itinuturing na mangmang sa sanlibutan para ipahiya ang marurunong; pinili ng Diyos ang itinuturing na mahihina sa sanlibutan para ipahiya ang malalakas;+ 28 at pinili ng Diyos ang mga itinuturing na hamak sa sanlibutan at ang mga minamaliit, ang mga walang halaga, para wasakin ang mga itinuturing na mahalaga,+ 29 para walang sinuman ang magmalaki sa harap ng Diyos. 30 Dahil sa kaniya ay naging kaisa kayo ni Kristo Jesus, na nagsiwalat sa atin ng karunungan ng Diyos, naging paraan para maging matuwid tayo,+ nagpabanal sa atin,+ at nagpalaya sa atin sa pamamagitan ng pantubos,+ 31 para matupad ang nasusulat: “Siya na nagmamalaki, ipagmalaki niya si Jehova.”+
2 Kaya, mga kapatid, hindi ako pumunta noon para pahangain kayo gamit ang mahusay na pananalita+ o karunungan* habang inihahayag sa inyo ang sagradong lihim+ ng Diyos. 2 Dahil ipinasiya kong ituon ang pansin ninyo kay Jesu-Kristo at sa pagpako sa kaniya sa tulos.+ 3 Nang pumunta ako sa inyo, mahina ako, natatakot, at nanginginig; 4 at nang magsalita ako at mangaral, hindi ako gumamit ng mapanghikayat na pananalita gaya ng matatalino, kundi ng mga salitang nagpapakita ng kapangyarihan ng espiritu,+ 5 para ang pananampalataya ninyo ay maging batay sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.
6 At nagsasalita tayo ngayon sa gitna ng mga maygulang* tungkol sa karunungan,+ pero hindi tungkol sa karunungan ng sistemang ito o ng mga tagapamahala ng sistemang ito na maglalaho;+ 7 kundi nagsasalita tayo tungkol sa karunungan ng Diyos na nasa isang sagradong lihim,+ ang nakatagong karunungan, na patiunang itinakda ng Diyos para sa ating kaluwalhatian bago pa umiral ang mga sistema sa mundo. 8 Ang karunungang ito ay hindi nalaman ng mga tagapamahala ng sistemang* ito,+ dahil kung nalaman nila, hindi sana nila pinatay ang maluwalhating Panginoon.+ 9 Gaya ng nasusulat: “Hindi nakita ng mata, hindi narinig ng tainga, at hindi pumasok sa isip* ng tao ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya.”+ 10 Sa atin isiniwalat ng Diyos ang mga ito+ sa pamamagitan ng kaniyang espiritu,+ dahil sinasaliksik ng espiritu ang lahat ng bagay, maging ang malalalim na bagay ng Diyos.+
11 May iba bang nakaaalam sa kaisipan ng isang tao maliban sa sarili niyang puso?* Sa katulad na paraan, walang nakaaalam sa kaisipan ng Diyos maliban sa espiritu ng Diyos. 12 Ngayon ay tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos,+ para maunawaan natin ang mga bagay na may-kabaitang ibinigay sa atin ng Diyos. 13 At sinasalita rin natin ang mga ito, pero hindi gamit ang mga salitang mula sa karunungan ng tao.+ Gumagamit tayo ng espirituwal na mga salita, mga salitang itinuro ng espiritu,+ para ipaliwanag ang espirituwal na mga bagay.*
14 Pero hindi tinatanggap ng taong pisikal ang mga bagay na mula sa espiritu ng Diyos, dahil kamangmangan sa kaniya ang mga ito; at hindi niya mauunawaan ang mga ito, dahil kailangang suriin ang mga ito sa tulong ng espiritu. 15 Gayunman, sinusuri ng taong espirituwal ang lahat ng bagay,+ pero hindi siya masusuri ng sinumang tao. 16 Dahil “sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, para maturuan niya siya?”+ Pero taglay natin ang pag-iisip ni Kristo.+
3 Kaya, mga kapatid, hindi ko kayo nakausap na gaya ng mga taong espirituwal,+ kundi gaya ng mga taong makalaman, mga sanggol+ sa pagiging Kristiyano. 2 Binigyan ko kayo ng gatas, at hindi ng matigas na pagkain, dahil hindi pa ninyo kayang kainin iyon. Ang totoo, hindi pa rin ninyo kaya ngayon,+ 3 dahil makalaman pa kayo.+ Mayroon pang inggitan at pag-aaway sa gitna ninyo,+ kaya hindi ba makalaman kayo+ at namumuhay na gaya ng mga tao sa sanlibutan? 4 Dahil kapag sinasabi ng isa, “Kay Pablo ako,” pero sinasabi naman ng iba, “Kay Apolos+ ako,” hindi ba gaya lang din kayo ng mga tao sa sanlibutan?
5 Sino ba si Apolos? Sino si Pablo? Mga lingkod+ lang na nagsasagawa ng gawaing ibinigay ng Panginoon at tumulong lang para maging mananampalataya kayo. 6 Ako ang nagtanim,+ si Apolos ang nagdilig,+ pero ang Diyos ang patuloy na nagpapalago, 7 kaya ang dapat purihin ay hindi ang nagtanim o ang nagdilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.+ 8 Ang nagtanim at ang nagdilig ay iisa, pero ang bawat isa ay gagantimpalaan ayon sa sarili niyang gawa.+ 9 Dahil kami ay mga kamanggagawa ng Diyos.+ Kayo ang bukid ng Diyos na sinasaka niya, ang gusaling itinayo ng Diyos.+
10 Dahil sa walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos sa akin, naging gaya ako ng isang mahusay na tagapagtayo. Naglagay ako ng pundasyon+ pero iba ang nagtatayo rito. Kaya patuloy na bantayan ng bawat isa kung paano siya nagtatayo rito. 11 Dahil walang makapaglalagay ng iba pang pundasyon maliban sa nailagay na, si Jesu-Kristo.+ 12 At kung ang sinuman ay magtayo sa pundasyon gamit ang ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, dayami, o pinaggapasan, 13 makikita* sa araw ng pagsubok kung ano ang ginawa niya. Maisisiwalat ito sa pamamagitan ng apoy,+ at ipapakita ng apoy ang kalidad ng gawa ng bawat isa. 14 Kung hindi masira ang itinayo rito ng isang tao, gagantimpalaan siya; 15 kung masunog ito, mawawalan siya, pero siya mismo ay maliligtas; gayunman, magiging gaya siya ng isang taong nakaligtas sa sunog.
16 Hindi ba ninyo alam na kayo ang templo ng Diyos+ at nasa inyo ang espiritu ng Diyos?+ 17 Kung sirain ng sinuman ang templo ng Diyos, pupuksain siya ng Diyos; dahil banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyon.+
18 Huwag dayain ng sinuman ang sarili niya: Kung iniisip ng sinuman sa inyo na marunong siya sa sistemang ito, magpakamangmang siya para maging marunong siya.+ 19 Dahil ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos, gaya nga ng nasusulat: “Ang marurunong ay hinuhuli niya sa sarili nilang bitag.”*+ 20 Gayundin: “Alam ni Jehova na walang saysay ang mga pangangatuwiran ng marurunong.”+ 21 Kaya huwag ninyong ipagmalaki ang mga tao; dahil sa inyo ang lahat ng bagay, 22 maging si Pablo o si Apolos o si Cefas+ o ang sanlibutan o ang buhay o ang kamatayan o ang mga bagay na narito ngayon o ang mga bagay na darating, ang lahat ng bagay ay sa inyo; 23 kayo naman ay kay Kristo;+ at si Kristo naman ay sa Diyos.
4 Ituring sana kami ng mga tao na tagapaglingkod ni Kristo at katiwala ng mga sagradong lihim ng Diyos.+ 2 Ang kahilingan sa mga katiwala ay ang maging tapat. 3 Bale-wala sa akin kung suriin ninyo ako o ng hukuman ng tao. Ang totoo, ako mismo ay hindi sumusuri sa sarili ko. 4 Dahil malinis ang konsensiya* ko. Pero hindi naman ako napatutunayang matuwid dahil dito; ang sumusuri sa akin ay si Jehova.+ 5 Kaya huwag ninyong hatulan ang sinuman+ bago dumating ang takdang panahon, ang pagdating ng Panginoon. Ilalantad niya ang lihim na mga bagay na nasa dilim at isisiwalat ang mga intensiyon ng puso, at sa gayon, ang bawat isa ay tatanggap mula sa Diyos ng papuri na karapat-dapat sa kaniya.+
6 Mga kapatid, ginamit ko ang sarili ko at si Apolos+ bilang halimbawa para sa inyong kapakinabangan, para matutuhan ninyo ang alituntuning ito: “Huwag higitan ang mga bagay na nasusulat,” para hindi kayo magmalaki+ at mas parangalan ang isang tao kaysa sa iba. 7 Dahil ano ba ang mayroon ka kaya naiisip mong nakahihigit ka sa iba? Ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap?+ At kung tinanggap mo iyon, bakit ka nagmamalaki na para bang hindi mo iyon tinanggap?
8 Kontento na ba kayo? Mayaman na ba kayo? Nagsimula na ba kayong maghari+ nang wala kami? Sana nga ay naghahari na kayo para kami rin ay maghari nang kasama ninyo.+ 9 Sa tingin ko, kaming mga apostol ay inilagay ng Diyos sa isang tanghalan at huling ipinakilala bilang mga taong hinatulan ng kamatayan.+ Dahil kami ay naging panoorin ng buong mundo+ at ng mga anghel at ng mga tao. 10 Mga mangmang kami+ dahil kay Kristo, pero marunong kayo dahil kay Kristo; mahina kami, pero malakas kayo; pinararangalan kayo, pero hinahamak kami. 11 Hanggang sa mismong oras na ito, nagugutom kami,+ nauuhaw,+ halos walang maisuot, bugbog,*+ at walang tahanan; 12 patuloy kaming nagsisikap sa trabaho gamit ang aming mga kamay.+ Kapag nilalait, mabait kaming tumutugon;+ kapag pinag-uusig, nagtitiis kami;+ 13 kapag sinisiraang-puri, sumasagot kami nang mahinahon;*+ naging gaya kami ng basura ng sanlibutan,+ dumi ng lipunan, hanggang ngayon.
14 Isinusulat ko ang mga ito, hindi para ipahiya kayo, kundi para payuhan kayo bilang minamahal kong mga anak. 15 Dahil mayroon man kayong 10,000 tagapag-alaga na nagtuturo sa inyo kung paano sundin si Kristo, tiyak na wala kayong maraming ama; pero ako ay naging inyong ama nang ihayag ko sa inyo ang mabuting balita tungkol kay Kristo Jesus.+ 16 Kaya hinihimok ko kayo na tularan ako.+ 17 Dahil diyan, isinusugo ko sa inyo si Timoteo,+ na minamahal kong anak at tapat na lingkod ng Panginoon.+ Ipapaalaala niya sa inyo ang pamamaraan ko may kaugnayan kay Kristo Jesus,+ gaya ng itinuturo ko sa bawat kongregasyon sa lahat ng lugar.
18 Ang ilan ay nagmamalaki, dahil inaakala nilang hindi ako pupunta diyan. 19 Pero malapit na akong pumunta, kung loloobin ni Jehova. Hindi ako interesado sa sasabihin ng mayayabang na iyon; ang gusto kong malaman ay kung ano talaga ang kapangyarihan nila.* 20 Dahil ang pagiging sakop ng Kaharian ng Diyos ay mapatutunayan, hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan.* 21 Ano ang gusto ninyo? Pumunta ako diyan nang may pamalo+ o may pag-ibig at kahinahunan?
5 Ang totoo, nabalitaan ko na may isang lalaki sa inyo na kinakasama* ang asawa ng kaniyang ama.+ Ang ganitong seksuwal na imoralidad+ ay mas masahol pa sa ginagawa ng ibang mga bansa. 2 Ipinagmamalaki ba ninyo iyon? Hindi ba dapat kayong magdalamhati+ at alisin sa gitna ninyo ang taong gumawa nito?+ 3 Kahit wala ako diyan, iniisip ko ang kalagayan ninyo,* at hinatulan ko na ang taong gumawa nito, na para bang nariyan ako. 4 Kapag nagkatipon kayo sa ngalan ng ating Panginoong Jesus, at alam ninyo na iniisip ko kayo,* ako na tumanggap ng kapangyarihan* mula sa ating Panginoong Jesus, 5 dapat ninyong ibigay ang gayong tao kay Satanas+ para maalis ang makalamang impluwensiya,* para maingatan ang espirituwalidad ng kongregasyon sa araw ng Panginoon.+
6 Hindi kayo dapat magmalaki. Hindi ba ninyo alam na ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa?+ 7 Alisin ninyo ang lumang masa na may lebadura para kayo ay maging bagong masa. Dahil ang totoo, wala na kayong lebadura dahil si Kristo na ating korderong* pampaskuwa+ ay inihandog na.+ 8 Kaya ipagdiwang natin ang kapistahan,+ hindi gamit ang lumang masa na may lebadura o ang lebadura ng kasamaan at kasalanan, kundi gamit ang walang-pampaalsang* tinapay ng kataimtiman at katotohanan.
9 Sa liham ko sa inyo, sinabihan ko kayo na tigilan ang pakikisama sa mga imoral, 10 pero hindi ibig sabihin na wala na talaga kayong pakikipagsamahan sa mga imoral sa sanlibutang ito+ o sa mga sakim, mangingikil, o sumasamba sa idolo. Dahil kung gayon, kailangan ninyong umalis sa sanlibutan.+ 11 Pero ngayon ay sinusulatan ko kayo na tigilan ang pakikisama+ sa sinumang tinatawag na kapatid pero imoral, sakim,+ sumasamba sa idolo, manlalait, lasenggo,+ o mangingikil,+ at huwag man lang kumaing kasama ng gayong tao. 12 Dahil ano ang kinalaman ko sa paghatol sa mga nasa labas? Hindi ba dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob,+ 13 samantalang ang Diyos ang hahatol sa mga nasa labas?+ “Alisin ninyo ang masama sa gitna ninyo.”+
6 Kung ang sinuman sa inyo ay may reklamo laban sa iba,+ bakit kayo nangangahas na pumunta sa hukuman sa harap ng mga taong di-matuwid, at hindi sa harap ng mga banal?+ 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga banal ang hahatol sa sanlibutan?+ At kung hahatulan ninyo ang sanlibutan, hindi ba kaya rin ninyong litisin ang napakaliit na mga bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel?+ Gaano pa kaya ang mga bagay-bagay sa buhay na ito! 4 Kaya kung may mga bagay-bagay sa buhay na ito na kailangang lutasin,+ bakit ninyo pinipiling hukom ang mga lalaking hinahamak ng kongregasyon? 5 Sinasabi ko ito para makadama kayo ng kahihiyan. Wala bang kahit isang lalaking marunong sa gitna ninyo na makahahatol sa pagitan ng mga kapatid niya? 6 Sa halip, dinadala ng isang kapatid ang kapatid niya sa hukuman—sa harap ng mga di-sumasampalataya!
7 Ang totoo, talo na kayo kapag idinedemanda ninyo ang isa’t isa. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng mali?+ Bakit hindi na lang kayo magpadaya? 8 Pero ang nangyayari, kayo pa ang gumagawa ng mali at nandaraya, at sa sarili pa ninyong mga kapatid!
9 Hindi ba ninyo alam na ang mga di-matuwid ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos?+ Huwag kayong magpalinlang. Ang mga imoral,+ sumasamba sa idolo,+ mangangalunya,+ lalaking nagpapagamit sa kapuwa lalaki,+ lalaking nagsasagawa ng gawaing homoseksuwal,+ 10 magnanakaw, sakim,+ lasenggo,+ manlalait, at mangingikil+ ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.+ 11 Ganiyan ang ilan sa inyo noon.+ Pero hinugasan na kayo at naging malinis;+ pinabanal na kayo;+ ipinahayag na kayong matuwid+ sa ngalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.+
12 Lahat ng bagay ay puwede kong gawin, pero hindi lahat ay kapaki-pakinabang.+ Lahat ng bagay ay puwede kong gawin, pero hindi ko hahayaang kontrolin ako* ng anuman. 13 Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain, pero parehong papawiin iyon ng Diyos.+ Ang katawan ay hindi para sa seksuwal na imoralidad, kundi para sa paglilingkod sa Panginoon,+ at ang Panginoon ay para sa katawan. 14 Pero binuhay-muli ng Diyos ang Panginoon+ at bubuhayin din tayong muli+ sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan.+
15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ng katawan ng Kristo?+ Kaya kukunin ko ba ang mga bahagi ng katawan ng Kristo at gagawing bahagi ng katawan ng isang babaeng bayaran? Siyempre hindi! 16 Hindi ba ninyo alam na kung nakikipagtalik ang isa sa isang babaeng bayaran, sila ay magiging iisang katawan? Dahil sabi niya, “ang dalawa ay magiging isang laman.”+ 17 Pero ang kaisa ng Panginoon ay kaisa niya sa pag-iisip.*+ 18 Tumakas kayo mula sa seksuwal na imoralidad!+ Ang lahat ng iba pang kasalanan na magagawa ng isang tao ay walang tuwirang kaugnayan sa katawan niya, pero ang namimihasa sa seksuwal na imoralidad ay nagkakasala sa sarili niyang katawan.+ 19 Hindi ba ninyo alam na ang katawan ninyo ang templo+ ng banal na espiritu, na nasa loob ninyo at ibinigay sa inyo ng Diyos?+ Isa pa, hindi ninyo pag-aari ang sarili ninyo,+ 20 dahil binili na kayo sa malaking halaga.+ Kaya gamitin ninyo ang inyong katawan sa pagluwalhati sa Diyos.+
7 Kung tungkol sa isinulat ninyo, ito ang sagot ko: mas mabuti para sa isang lalaki na huwag humipo ng babae, 2 pero dahil laganap ang seksuwal na imoralidad, ang lalaki ay mag-asawa ng isang babae+ at ang babae ay mag-asawa ng isang lalaki.+ 3 Ibigay ng asawang lalaki ang pangangailangan ng asawa niya, at iyan din ang dapat gawin ng asawang babae sa asawa niya.+ 4 Hindi ang asawang babae ang may awtoridad sa katawan niya kundi ang asawa niya; at hindi ang asawang lalaki ang may awtoridad sa katawan niya kundi ang asawa niya. 5 Huwag ninyong pagkaitan ang isa’t isa, maliban na lang kung napagkasunduan ninyo ito sa loob ng maikling* panahon, para makapaglaan kayo ng panahon sa pananalangin. Pagkatapos, magsama kayong muli, dahil baka hindi kayo makapagpigil sa sarili at tuksuhin kayo ni Satanas. 6 Pero sinasabi ko ito hindi bilang utos kundi para magbigay ng permiso. 7 Ang totoo, gusto ko sana na katulad ko na lang ang lahat ng tao. Pero ang bawat isa ay may sariling kaloob+ mula sa Diyos, sa isa ay ganito, sa iba naman ay ganoon.
8 Sinasabi ko sa mga walang asawa at mga biyuda na mas mabuti para sa kanila na manatiling kagaya ko.+ 9 Pero kung wala silang pagpipigil sa sarili, mag-asawa sila, dahil mas mabuting mag-asawa kaysa hindi makapagpigil* sa matinding pagnanasa.+
10 Sa mga may asawa, nagbibigay ako ng mga tagubilin, hindi galing sa akin kundi sa Panginoon, na huwag makipaghiwalay ang asawang babae sa asawa niya.+ 11 Pero kung makipaghiwalay siya, dapat siyang manatiling walang asawa o kaya ay makipagkasundo sa asawa niya; at hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang asawa niya.+
12 Pero sa iba naman ay sinasabi ko, oo, ako, hindi ang Panginoon:+ Kung ang isang kapatid ay may asawang babae na di-sumasampalataya pero gusto nitong manatiling kasama niya, huwag niya itong iwan; 13 at kung ang isang babae ay may asawang di-sumasampalataya pero gusto nitong manatiling kasama niya, huwag niya itong iwan. 14 Dahil ang di-sumasampalatayang asawang lalaki ay napababanal dahil sa asawa niya, at ang di-sumasampalatayang asawang babae ay napababanal dahil sa kaniyang sumasampalatayang asawa; kung hindi gayon ay marumi sana ang inyong mga anak, pero banal na sila ngayon. 15 Pero kung nagpasiya ang di-sumasampalataya na iwan ang asawa niya, hayaan siyang gawin iyon. Sa ganitong kalagayan, hindi na nakatali ang kapatid na lalaki o babae; binigyan na kayo ng Diyos ng kapayapaan.+ 16 Dahil ikaw na asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?+ O ikaw na asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?
17 Gayunman, mamuhay ang bawat isa ayon sa kalagayang ibinigay sa kaniya ni Jehova, gaya noong tawagin siya ng Diyos.+ Ito rin ang tagubilin ko sa lahat ng kongregasyon. 18 Tuli ba ang isang tao nang tawagin siya?+ Manatili siyang gayon. Siya ba ay di-tuli nang tawagin siya? Huwag na siyang magpatuli.+ 19 Hindi mahalaga ang pagiging tuli o di-tuli;+ ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.+ 20 Anuman ang kalagayan ng isang tao nang tawagin siya, manatili siyang gayon.+ 21 Alipin ka ba nang tawagin ka? Huwag mo itong alalahanin;+ pero kung puwede kang maging malaya, samantalahin mo ang pagkakataon. 22 Dahil ang sinumang alipin na tinawag para maging alagad ng Panginoon ay pinalaya at pag-aari na ng Panginoon;+ gayundin, ang sinumang malaya nang tawagin ay alipin na ni Kristo.+ 23 Binili kayo sa malaking halaga;+ huwag na kayong magpaalipin sa tao.+ 24 Mga kapatid, anuman ang kalagayan ng isang tao nang tawagin siya, manatili siyang gayon sa harap ng Diyos.
25 Kung tungkol sa mga birhen, wala akong ibibigay na utos mula sa Panginoon, pero sasabihin ko ang opinyon ko,+ at mapagkakatiwalaan ninyo ito dahil kinaawaan ako ng Panginoon. 26 Sa tingin ko, pinakamabuti para sa isang lalaki na manatili kung ano siya sa kasalukuyan, dahil sa hirap ng kalagayan ngayon. 27 May asawa ka ba? Huwag mo nang hangaring lumaya.+ Wala ka bang asawa? Huwag ka nang maghanap ng asawa. 28 Pero kung mag-asawa ka man, hindi ka nagkakasala. At kung mag-asawa ang isang birhen, hindi siya nagkakasala. Gayunman, ang gagawa nito ay magkakaroon ng karagdagang mga problema sa buhay. Pero gusto kong makaiwas kayo rito.
29 Sinasabi ko rin sa inyo, mga kapatid, na maikli na ang natitirang panahon.+ Kaya mula ngayon, ang mga lalaking may asawa ay maging gaya ng wala, 30 ang mga umiiyak ay maging gaya ng mga hindi umiiyak, ang mga nagsasaya ay maging gaya ng mga hindi nagsasaya, ang mga bumibili ay maging gaya ng mga hindi nagmamay-ari sa binili nila, 31 at ang mga gumagamit ng sanlibutan ay maging gaya ng mga hindi gumagamit nito nang lubusan;+ dahil ang eksena sa sanlibutang ito ay nagbabago. 32 Talagang gusto kong maging malaya kayo sa mga álalahanín. Laging iniisip ng lalaking walang asawa ang mga bagay na may kaugnayan sa Panginoon, kung paano siya magiging kalugod-lugod sa Panginoon. 33 Pero laging iniisip ng lalaking may asawa ang mga bagay sa sanlibutan,+ kung paano niya mapasasaya ang asawa niya, 34 kaya hati ang isip niya. Lagi ring iniisip ng babaeng walang asawa at ng birhen ang mga bagay na may kaugnayan sa Panginoon,+ para maging banal ang katawan at isip* nila. Pero laging iniisip ng babaeng may asawa ang mga bagay sa sanlibutan, kung paano niya mapasasaya ang asawa niya. 35 Sinasabi ko ito para sa kapakinabangan ninyo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang gusto ko ay akayin kayo sa paggawa ng tama at sa patuloy na paglilingkod* sa Panginoon nang walang abala.
36 Pero kung iniisip ng sinuman na gumagawi siya nang di-nararapat para sa isang walang asawa at lampas na siya sa kasibulan ng kabataan, ito ang gawin niya: Mag-asawa siya kung iyon ang gusto niyang gawin. Hindi siya nagkakasala.+ 37 Pero kung naipasiya ng isang tao sa puso niya na huwag mag-asawa at desidido siya rito, at hindi niya nadaramang kailangan niyang mag-asawa at nakokontrol niya ang kaniyang mga pagnanasa, mapapabuti siya.+ 38 Ang nag-aasawa ay napapabuti rin, pero ang hindi nag-aasawa ay mas napapabuti.+
39 Ang asawang babae ay natatali sa asawa niya habang buháy ito.+ Pero kung mamatay* ang asawa niya, malaya siyang mag-asawa ng sinumang gusto niya, pero dapat na tagasunod ito ng Panginoon.+ 40 Pero sa opinyon ko, mas maligaya siya kung mananatili siya sa kalagayan niya; naniniwala akong nasa akin din ang espiritu ng Diyos.
8 Ngayon may kinalaman sa pagkaing inihandog sa mga idolo:+ Totoo, may kaalaman tayong lahat tungkol dito.+ Ang kaalaman ay nagpapalaki ng ulo, pero ang pag-ibig ay nagpapatibay.+ 2 Kung iniisip ng sinuman na alam na niya ang lahat tungkol sa isang bagay, akala lang niya iyon. 3 Pero kung iniibig ng sinuman ang Diyos, kilala niya siya.
4 Kung tungkol sa pagkain ng mga pagkaing inihandog sa mga idolo, alam natin na walang halaga ang idolo+ at na iisa lang ang Diyos.+ 5 Dahil kahit may tinatawag na mga diyos, sa langit man o sa lupa,+ at maraming “diyos” at “panginoon” ang mga tao, 6 alam natin na iisa lang ang Diyos,+ ang Ama,+ na pinagmulan ng lahat ng bagay, at nabubuhay tayo para sa kaniya;+ at iisa lang ang Panginoon,+ si Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ay umiral ang lahat ng bagay,+ at nabuhay tayo sa pamamagitan niya.
7 Pero hindi lahat ng tao ay nakaaalam nito.+ At kapag kumakain ang ilan, na dating sumasamba sa idolo, naiisip pa rin nila na ang kinakain nila ay inihain sa idolo,+ at dahil mahina ang konsensiya nila, nababagabag sila.*+ 8 Pero hindi tayo magiging mas malapít sa Diyos dahil sa pagkain;+ hindi tayo napapasamâ kung hindi tayo kumain, at hindi rin tayo napapabuti kung kumain tayo.+ 9 Pero lagi kayong mag-ingat para hindi maging katitisuran sa mahihina ang karapatan ninyong pumili.+ 10 Dahil kung ikaw na may kaalaman ay kumain sa templo ng idolo at makita ka ng isang mahina ang konsensiya, hindi ba lalakas ang loob niya hanggang sa puntong kumain na siya ng pagkaing inihandog sa mga idolo? 11 Kaya dahil sa kaalaman mo, napapahamak ang taong mahina, ang iyong kapatid na alang-alang sa kaniya ay namatay si Kristo.+ 12 Kapag nagkasala kayo sa inyong mga kapatid sa ganitong paraan at nasugatan ang kanilang mahinang konsensiya,+ nagkakasala kayo kay Kristo. 13 Kaya kung natitisod ang kapatid ko dahil sa pagkain, hinding-hindi na ako kakain ng karne para hindi ko matisod ang kapatid ko.+
9 Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol?+ Hindi ko ba nakita si Jesus na ating Panginoon?+ Hindi ba kayo ang bunga ng paglilingkod ko sa Panginoon? 2 Kung hindi ako naglingkod bilang apostol sa iba, naglingkod ako bilang apostol sa inyo! At kayo ang tatak na nagpapatunay na apostol ako ng Panginoon.+
3 Ito ang depensa ko sa mga pumupuna sa akin: 4 Hindi ba may karapatan* kaming kumain at uminom? 5 Hindi ba may karapatan kaming magkaroon ng sumasampalatayang asawa+ na maisasama namin sa paglalakbay, gaya ng ibang apostol, ng mga kapatid ng Panginoon,+ at ni Cefas?+ 6 Kami lang ba ni Bernabe+ ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay?* 7 Sino bang sundalo ang maglilingkod sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim ng ubas at hindi kumakain ng bunga nito?+ O sino ang nagpapastol ng kawan at hindi nakikinabang sa gatas nito?
8 Kaisipan ba ng tao ang sinasabi ko? Hindi ba sinasabi rin ito sa Kautusan? 9 Dahil nakasulat sa Kautusan ni Moises: “Huwag mong bubusalan ang* toro habang gumigiik ito.”+ Mga toro ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos? 10 O sinabi niya iyon para sa kapakanan natin? Talagang isinulat iyon para sa kapakanan natin, dahil ang taong nag-aararo at ang taong gumigiik ay dapat magtrabaho sa pag-asang makatatanggap sila ng parte sa ani.
11 Kung naghasik kami sa inyo ng espirituwal na mga bagay, mali ba kung tumanggap* kami sa inyo ng materyal na suporta?+ 12 Kung ang ibang tao ay may karapatang tumanggap ng suporta mula sa inyo, hindi ba lalo na kami? Pero kahit may karapatan* kami, hindi kami humihiling ng anuman sa inyo,+ kundi tinitiis namin ang lahat para hindi namin mahadlangan sa anumang paraan ang mabuting balita tungkol sa Kristo.+ 13 Hindi ba ninyo alam na ang mga lalaking gumaganap ng sagradong mga atas ay kumakain ng mga bagay na mula sa templo, at ang mga regular na naglilingkod sa altar ay may parte sa mga bagay na inihahandog sa altar?+ 14 Sa katulad na paraan, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga naghahayag ng mabuting balita ay matustusan sa pamamagitan ng mabuting balita.+
15 Pero hindi ko ginamit ang kahit isa man sa mga paglalaang ito.+ At hindi ko ito isinulat para ito ang gawin sa akin. Mas mabuti pang mamatay ako—walang taong makapag-aalis ng dahilan ko para magmalaki!+ 16 Ngayon, kung inihahayag ko ang mabuting balita, hindi dahilan iyon para magmalaki ako, dahil ang pananagutan ay nakaatang sa akin.+ Talagang kaawa-awa ako kung hindi ko ihahayag ang mabuting balita!+ 17 Kung ginagawa ko ito nang bukal sa loob, may gantimpala ako; pero kahit gawin ko ito nang labag sa kalooban ko, nasa akin pa rin ang responsibilidad na ipinagkatiwala sa akin.+ 18 Kung gayon, ano ang gantimpala ko? Ang gantimpala ko ay ang ihayag ang mabuting balita nang walang bayad. Sa ganitong paraan, maiiwasan kong abusuhin ang awtoridad* ko bilang mángangarál ng mabuting balita.
19 Dahil kahit wala akong pagkakautang sa sinumang tao, nagpaalipin ako sa lahat para maakay ko ang pinakamaraming tao hangga’t posible. 20 Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio, para maakay ko ang mga Judio;+ sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng nasa ilalim ng kautusan, kahit na wala ako sa ilalim ng kautusan, para maakay ko ang mga nasa ilalim ng kautusan.+ 21 Sa mga walang kautusan, ako ay naging gaya ng walang kautusan,+ kahit na sumusunod ako sa kautusan ng Diyos at nasa ilalim ako ng kautusan ni Kristo,+ para maakay ko ang mga walang kautusan. 22 Sa mahihina, ako ay naging mahina, para maakay ko ang mahihina.+ Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao para mailigtas ko ang ilan sa anumang paraan. 23 Ginagawa ko ang lahat alang-alang sa mabuting balita para maibahagi ko ito sa iba.+
24 Hindi ba ninyo alam na lahat ng kasali sa takbuhan ay tumatakbo, pero isa lang ang tumatanggap ng gantimpala? Tumakbo kayo sa paraang makukuha ninyo ito.+ 25 Ang lahat ng kasali sa isang paligsahan ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila ito para tumanggap ng isang koronang nasisira,+ pero ginagawa natin ito para sa gantimpalang hindi nasisira.+ 26 Kaya nga, hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan;+ hindi ako sumusuntok na parang sumusuntok sa hangin;+ 27 kundi binubugbog ko ang aking katawan+ at ginagawa itong alipin, dahil baka pagkatapos kong mangaral sa iba, ako naman ang hindi sang-ayunan.*
10 Ngayon, mga kapatid, gusto kong malaman ninyo na ang mga ninuno natin ay lumakad sa ilalim ng ulap+ at lahat ay tumawid sa dagat+ 2 at lahat ay nabautismuhan habang sumusunod kay Moises sa pamamagitan ng ulap at ng dagat, 3 at lahat ay kumain ng iisang espirituwal na pagkain*+ 4 at lahat ay uminom ng iisang espirituwal na inumin.*+ Dahil umiinom sila noon mula sa espirituwal na bato na malapit* sa kanila, at ang batong iyon ay kumakatawan sa Kristo.+ 5 Pero hindi nalugod ang Diyos sa karamihan sa kanila, at ang pagkamatay nila sa ilang ang nagpapatunay nito.+
6 Nagsilbing halimbawa para sa atin ang mga iyon para hindi tayo magnasa ng nakapipinsalang mga bagay gaya nila.+ 7 Huwag tayong sumamba sa idolo, tulad ng ilan sa kanila; gaya ng nasusulat: “Umupo ang bayan para kumain at uminom. At tumayo sila para magsaya.”+ 8 Huwag tayong mamihasa sa seksuwal na imoralidad, gaya ng ilan sa kanila na nagkasala ng seksuwal na imoralidad, kung kaya 23,000 sa kanila ang namatay sa isang araw.+ 9 Huwag din nating susubukin si Jehova,+ gaya ng ilan sa kanila na sumubok sa kaniya, kung kaya nalipol sila sa pamamagitan ng mga ahas.+ 10 Huwag din tayong magbulong-bulungan,+ gaya ng ginawa ng ilan sa kanila,+ kung kaya nilipol sila ng tagapuksa.+ 11 Ngayon ang mga bagay na ito na nangyari sa kanila ay nagsisilbing halimbawa at isinulat para maging babala sa atin+ na nabubuhay sa wakas ng sistemang ito.+
12 Kaya ang sinumang nag-iisip na nakatayo siya ay dapat mag-ingat para hindi siya mabuwal.+ 13 Anumang tuksong dumating sa inyo ay nararanasan din ng ibang tao.+ Pero ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo,+ kundi gagawa siya ng daang malalabasan para matiis* ninyo ang tukso.+
14 Kaya nga, mga minamahal ko, tumakas kayo mula sa idolatriya.+ 15 Kayo ay mga taong may unawa, kaya kayo ang magpasiya kung tama ang sinasabi ko. 16 Kapag umiinom tayo mula sa kopa ng pagpapala na ipinagpapasalamat natin, hindi ba nakikibahagi tayo sa dugo ng Kristo?+ Kapag kinakain natin ang tinapay na pinagpipira-piraso natin, hindi ba nakikibahagi tayo sa katawan ng Kristo?+ 17 Dahil iisa lang ang tinapay, tayo rin ay iisang katawan lang kahit marami tayo,+ dahil nakikibahagi tayong lahat sa iisang tinapay na iyon.
18 Alalahanin ninyo ang mga Israelita: Kapag kinakain nila ang mga inihandog sa altar, hindi ba parang kumakain silang kasama ng Diyos?+ 19 Kaya ano ang ibig kong sabihin? Na ang inihahandog sa idolo ay may kabuluhan, o na ang isang idolo ay may kabuluhan?+ 20 Hindi; ang ibig kong sabihin, ang inihahandog ng mga bansa ay inihahandog nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos;+ at ayokong makisama kayo sa mga demonyo.+ 21 Hindi kayo puwedeng uminom sa kopa ni Jehova at sa kopa ng mga demonyo; hindi kayo puwedeng kumain sa “mesa ni Jehova”+ at sa mesa ng mga demonyo. 22 ‘Pinagseselos ba natin si Jehova’?+ Mas malakas ba tayo kaysa sa kaniya?
23 Lahat ng bagay ay ipinapahintulot ng kautusan, pero hindi lahat ay kapaki-pakinabang.+ Lahat ng bagay ay ipinapahintulot ng kautusan, pero hindi lahat ay nakapagpapatibay.+ 24 Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.+
25 Kainin ninyo ang anumang ibinebenta sa pamilihan ng karne nang hindi nagtatanong dahil sa inyong konsensiya, 26 dahil “kay Jehova ang lupa at ang lahat ng narito.”+ 27 Kung imbitahan kayo ng isang di-sumasampalataya at gusto ninyong pumunta, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo nang hindi nagtatanong dahil sa inyong konsensiya. 28 Pero kung may magsabi sa inyo, “Inihandog ito sa mga idolo,” huwag kayong kumain alang-alang sa nagsabi nito at dahil sa konsensiya.+ 29 Ang tinutukoy ko ay hindi ang konsensiya ninyo kundi ang sa ibang tao. Dahil bakit ko gagamitin ang kalayaan ko kung hahatulan naman ako ng konsensiya ng iba?+ 30 Kahit na ipinagpapasalamat ko ang kinakain ko, tama pa rin bang kumain ako kung may masasabing masama sa akin ang iba?+
31 Kaya kumakain man kayo o umiinom o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.+ 32 Iwasan ninyong maging katitisuran sa mga Judio, pati na sa mga Griego at sa kongregasyon ng Diyos,+ 33 kagaya ko rin na nagsisikap na palugdan sa lahat ng bagay ang lahat ng tao at inuuna ang kapakanan ng marami sa halip na ang sa akin,+ nang sa gayon ay maligtas sila.+
11 Tularan ninyo ako, kung paanong tinutularan ko si Kristo.+
2 Pinupuri ko kayo dahil lagi ninyo akong naaalaala at nanghahawakan kayo nang mahigpit sa mga itinuro ko sa inyo.+ 3 Pero gusto kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo;+ ang ulo ng babae ay ang lalaki;+ at ang ulo ng Kristo ay ang Diyos.+ 4 Ang bawat lalaki na nananalangin o nanghuhula na may anumang bagay sa ulo niya ay humihiya sa kaniyang ulo; 5 pero ang bawat babae na nananalangin o nanghuhula+ nang walang lambong ang ulo ay humihiya sa kaniyang ulo, dahil para na rin siyang babaeng ahit ang ulo. 6 Dahil kung hindi naglalambong* ang isang babae, magpagupit na rin siya; pero kung kahiya-hiya na magupitan o maahitan ang isang babae, dapat siyang maglambong.
7 Ang isang lalaki ay hindi dapat maglambong,* dahil siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos,+ samantalang ang babae ay kaluwalhatian ng lalaki. 8 Dahil ang lalaki ay hindi nanggaling sa babae, kundi ang babae ang nagmula sa lalaki.+ 9 Isa pa, ang lalaki ay hindi nilalang* alang-alang sa babae, kundi ang babae alang-alang sa lalaki.+ 10 Kaya naman ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng awtoridad sa ulo niya, dahil sa mga anghel.+
11 Bukod diyan, sa kaayusan ng Panginoon, walang babae kung walang lalaki at walang lalaki kung walang babae. 12 Dahil kung paanong ang babae ay nagmula sa lalaki,+ ang lalaki naman ay ipinanganak ng babae; pero ang lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos.+ 13 Kayo ang humatol: Tama bang manalangin sa Diyos ang isang babae nang hindi nakalambong? 14 Hindi ba natural lang isipin na kahiya-hiya ang isang lalaki kapag mahaba ang buhok niya? 15 Pero kung babae ang may mahabang buhok, kaluwalhatian ito sa kaniya. Dahil ang buhok niya ang ibinigay sa kaniya sa halip na isang lambong. 16 Pero kung ipagpilitan ng isang tao ang ibang kaugalian, sabihin mo sa kaniya na ito lang ang kaugalian natin at ng mga kongregasyon ng Diyos.
17 Pero habang ibinibigay ko ang mga tagubiling ito, hindi ko kayo pinupuri, dahil nagtitipon kayo para sa ikasasama at hindi sa ikabubuti. 18 Halimbawa, nabalitaan ko* na kapag nagtitipon kayo sa kongregasyon, may pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo;+ at mukhang may katotohanan nga iyon. 19 Tiyak na magkakaroon din ng mga sekta sa gitna ninyo,+ at sa gayon ay makikilala ang mga taong may pagsang-ayon ng Diyos.+
20 Kapag nagtitipon kayo sa isang lugar, hindi naman talaga kayo nagtitipon para sa Hapunan ng Panginoon.+ 21 Dahil kapag kakainin na ninyo ito, may mga nauna nang kumain ng sarili nilang hapunan, kaya ang iba ay gutom, pero ang iba naman ay lasing. 22 Wala ba kayong sariling bahay para doon kumain at uminom? Wala ba kayong respeto sa kongregasyon ng Diyos at gusto ninyong hiyain ang mahihirap? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Papuri? Hindi ko kayo pupurihin.
23 Dahil ang itinuturo ko sa inyo ay galing sa Panginoon. Noong gabing+ pagtataksilan ang Panginoong Jesus, kumuha siya ng tinapay, 24 at nang makapagpasalamat, pinagpira-piraso niya ito at sinabi: “Sumasagisag ito sa aking katawan+ na ibibigay ko alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”+ 25 Gayon din ang ginawa niya sa kopa+ pagkatapos nilang maghapunan. Sinabi niya: “Ang kopang ito ay sumasagisag sa bagong tipan+ na magkakabisa sa pamamagitan ng aking dugo.+ Patuloy ninyong gawin ito, at sa tuwing iinumin ninyo ito, alalahanin ninyo ako.”+ 26 Dahil sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopang ito, patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon,+ hanggang sa dumating siya.
27 Dahil dito, ang sinumang kumakain ng tinapay o umiinom sa kopa ng Panginoon nang di-karapat-dapat ay magkakasala may kinalaman sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Suriin muna ng isang tao ang sarili niya at tiyaking karapat-dapat siya,+ at pagkatapos ay puwede na siyang kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Dahil siya na kumakain at umiinom pero hindi nakauunawa sa katawan ay nagdadala ng hatol sa sarili niya. 30 Iyan ang dahilan kung bakit marami sa inyo ang mahina at may sakit, at marami ang namatay na.+ 31 Pero kung masusuri natin kung ano talaga tayo, hindi tayo mahahatulan. 32 Gayunman, kapag hinatulan tayo, dinidisiplina tayo ni Jehova+ para hindi tayo mahatulan kasama ng sanlibutan.+ 33 Dahil dito, mga kapatid ko, kapag nagtitipon kayo para kainin ito, maghintayan kayo. 34 Kung may gutom sa inyo, kumain siya sa bahay, para hindi siya mahatulan kapag nagtitipon kayo.+ Pero ang iba pang bagay ay aayusin ko pagdating ko diyan.
12 Mga kapatid, gusto kong maunawaan ninyo ang tungkol sa espirituwal na mga kaloob.*+ 2 Alam ninyo na noong kayo ay hindi pa mananampalataya, naimpluwensiyahan kayo at nailigaw sa pagsamba sa mga idolong iyon na hindi makapagsalita,+ at sumusunod kayo noon saanman nila kayo akayin. 3 Kaya nililinaw ko sa inyo na hindi sasabihin ng sinumang ginagabayan ng espiritu ng Diyos: “Si Jesus ay isinumpa!” at ang ginagabayan lang ng banal na espiritu ang makapagsasabi: “Si Jesus ay Panginoon!”+
4 Ngayon ay may iba’t ibang kaloob, pero may iisang espiritu;+ 5 may iba’t ibang klase ng paglilingkod,+ pero may iisang Panginoon; 6 at may iba’t ibang gawain,* pero iisa ang Diyos na nagsasagawa ng lahat ng iyon sa lahat ng tao.+ 7 Pero ang tulong ng espiritu, na malinaw na nakikita sa lahat, ay ibinibigay para makinabang ang iba.+ 8 Sa isang tao, ang ibinigay ay pananalita ng karunungan sa pamamagitan ng espiritu,+ sa iba ay pananalita ng kaalaman mula rin sa espiritung iyon, 9 sa iba ay pananampalataya+ mula rin sa espiritung iyon, sa iba ay kaloob na magpagaling+ mula sa espiritung iyon, 10 at sa iba pa ay kakayahang gumawa ng himala,+ humula,+ kumilala ng pananalita mula sa Diyos,+ magsalita ng iba’t ibang wika,+ at magsalin sa ibang wika.+ 11 Ang lahat ng kakayahang ito ay nagagawa sa pamamagitan ng iisang espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa kagustuhan ng Diyos.*
12 Dahil kung paanong ang katawan ay iisa pero maraming bahagi at ang lahat ng bahagi ng katawang iyon, kahit marami, ay bumubuo sa iisang katawan,+ gayon din ang Kristo. 13 Dahil sa pamamagitan ng iisang espiritu ay binautismuhan tayong lahat para bumuo ng iisang katawan, Judio man o Griego, alipin man o malaya, at tayong lahat ay tumanggap* ng iisang espiritu.
14 Dahil ang katawan ay hindi lang binubuo ng isang bahagi kundi ng marami.+ 15 Kahit sabihin ng paa, “Hindi ako kamay, kaya hindi ako bahagi ng katawan,” bahagi pa rin ito ng katawan. 16 At kahit sabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya hindi ako bahagi ng katawan,” bahagi pa rin ito ng katawan. 17 Kung ang buong katawan ay mata, paano ito makaririnig? Kung ang buong katawan ay tainga, paano ito makaaamoy? 18 Pero iniayos ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kagustuhan niya.
19 Kung ang lahat ng bahagi ay magkakapareho, ano ang mangyayari sa katawan? 20 Pero marami ang bahagi, at iisa lang ang katawan. 21 Hindi puwedeng sabihin ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin puwedeng sabihin ng ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa kabaligtaran, kailangan ang mga bahagi ng katawan na mukhang mahina, 23 at ang mga bahagi ng katawan na iniisip nating hindi maganda ay mas binibigyang-pansin natin,+ kaya mas naaalagaan natin ang mga bahaging hindi kaayaaya, 24 samantalang ang magagandang bahagi natin ay hindi nangangailangan ng anuman. Binuo ng Diyos ang* katawan sa katulad na paraan; binibigyan niya ng higit na karangalan ang bahaging kulang nito 25 para hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi ang katawan, kundi magmalasakit sa isa’t isa ang mga bahagi nito.+ 26 Kung nagdurusa ang isang bahagi, nagdurusang kasama nito ang lahat ng iba pang bahagi;+ o kung pinuri ang isang bahagi, nakikisaya rito ang lahat ng iba pang bahagi.+
27 Kayo ang katawan ni Kristo,+ at ang bawat isa sa inyo ay bahagi nito.+ 28 At inilagay ng Diyos sa kongregasyon ang bawat isa sa mga ito: una, mga apostol;+ ikalawa, mga propeta;+ ikatlo, mga guro;+ pagkatapos, mga gumagawa ng himala;+ pagkatapos, mga may kaloob na magpagaling;+ mga tumutulong sa iba; mga may kakayahang manguna;+ at mga nagsasalita ng iba’t ibang wika.+ 29 Lahat ba ay apostol? Lahat ba ay propeta? Lahat ba ay guro? Lahat ba ay gumagawa ng himala?* 30 Lahat ba ay may kaloob na magpagaling? Lahat ba ay nagsasalita ng iba’t ibang wika?+ Lahat ba ay tagapagsalin? Hindi.+ 31 Gayunman, patuloy ninyong sikaping makatanggap ng* mas dakilang mga kaloob.+ Pero may ipapakita ako sa inyo na nakahihigit sa lahat ng ito.+
13 Kung nakapagsasalita ako ng mga wika ng tao at ng anghel pero wala akong pag-ibig, gaya lang ako ng isang umaalingawngaw na gong o maingay na simbalo.* 2 At kung may kaloob ako na humula at nauunawaan ko ang lahat ng sagradong lihim at ibinigay sa akin ang lahat ng kaalaman,+ at sa laki ng pananampalataya ko ay makapaglilipat ako ng mga bundok,+ pero wala akong pag-ibig, wala pa rin akong kabuluhan.+ 3 At kahit ibigay ko ang lahat ng pag-aari ko para pakainin ang iba,+ at kahit ibigay ko ang buhay ko para may maipagmalaki ako, pero wala naman akong pag-ibig,+ wala pa rin akong pakinabang sa mga ito.
4 Ang pag-ibig+ ay matiisin+ at mabait.+ Ang pag-ibig ay hindi naiinggit.+ Hindi ito nagyayabang, hindi nagmamalaki,+ 5 hindi gumagawi nang hindi disente,+ hindi inuuna ang sariling kapakanan,+ at hindi nagagalit.+ Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob.+ 6 Hindi ito natutuwa sa kasamaan+ kundi nagsasaya sa katotohanan. 7 Pinagpapasensiyahan nito ang lahat ng bagay,+ pinaniniwalaan ang lahat ng bagay,+ inaasahan ang lahat ng bagay,+ at tinitiis ang lahat ng bagay.+
8 Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo. Ang kaloob na humula ay aalisin; ang pagsasalita ng iba’t ibang wika ay matatapos din; ang kaalaman ay maglalaho. 9 Kulang pa tayo sa kaalaman+ at hindi kumpleto ang mga hula natin, 10 pero kapag lubos na natin itong naunawaan, ang kakulangan sa kaalaman at sa kakayahang manghula ay matatapos din. 11 Noong bata pa ako, nagsasalita ako, nag-iisip, at nangangatuwiran na gaya ng bata; pero ngayong malaki na ako, iniwan ko na ang mga ugali ng isang bata. 12 Sa ngayon, malabo pa ang nakikita natin na para bang tumitingin tayo sa isang salaming metal, pero makakakita rin tayo nang malinaw, na para bang nakikita natin nang mukhaan ang isang tao. Sa ngayon, kaunti pa lang ang alam ko tungkol sa Diyos, pero makikilala ko rin siya nang lubos* kung paanong lubos* niya akong nakikilala. 13 Gayunman, mananatili ang tatlong ito: pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig; pero ang pinakadakila sa mga ito ay pag-ibig.+
14 Patuloy na magpakita ng pag-ibig, pero patuloy rin ninyong sikaping makatanggap ng* espirituwal na mga kaloob, lalo na ang kaloob na humula.+ 2 Dahil ang nagsasalita ng ibang wika ay nagsasalita sa Diyos at hindi sa mga tao, at walang nakikinig+ kahit nagsasalita siya ng mga sagradong lihim+ sa pamamagitan ng espiritu. 3 Pero ang humuhula ay nagpapatibay at nagpapasigla at umaaliw sa mga tao sa pamamagitan ng sinasabi niya. 4 Pinapatibay ng nagsasalita ng ibang wika ang sarili niya, pero pinapatibay ng humuhula ang kongregasyon. 5 Gusto ko sanang makapagsalita kayong lahat ng iba’t ibang wika,+ pero mas gusto kong humula kayo.+ Ang totoo, mas mabuting humula ang isang tao kaysa magsalita ng iba’t ibang wika, maliban na lang kung nagsasalin siya, para mapatibay ang kongregasyon. 6 Mga kapatid, kung pumunta ako sa inyo na nagsasalita ng iba’t ibang wika, may maitutulong ba ako sa inyo? May maitutulong lang ako kung may dala akong pagsisiwalat,+ kaalaman,+ hula, o turo.
7 Gayon din sa walang-buhay na mga bagay na nakalilikha ng tunog, gaya ng plawta o alpa. Kung hindi malinaw ang pagbabago-bago sa nota, paano malalaman kung ano ang tinutugtog sa plawta o sa alpa? 8 Kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda para makipagdigma? 9 Sa katulad na paraan, kung kayo* ay gagamit ng mga salitang mahirap maintindihan, paano malalaman ng iba kung ano ang sinasabi ninyo? Para lang kayong nagsasalita sa hangin. 10 Totoo, maraming wika sa mundo, pero lahat ay puwedeng maintindihan. 11 Kung hindi ko naiintindihan ang wika ng kumakausap sa akin, magiging banyaga ako sa kaniya, at magiging banyaga rin siya sa akin. 12 Gayon din sa inyo. Dahil gustong-gusto ninyo ang mga kaloob ng espiritu, sikapin ninyong managana sa mga kaloob na magpapatibay sa kongregasyon.+
13 Kaya ipanalangin ng nagsasalita ng ibang wika na makapagsalin siya.+ 14 Dahil kapag nananalangin ako sa ibang wika, ang kaloob sa akin ng espiritu ang nananalangin, pero hindi gumagana ang isip ko.+ 15 Kaya ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako gamit ang kaloob ng espiritu, pero mananalangin din ako sa wikang naiintindihan ko. Aawit ako ng papuri gamit ang kaloob ng espiritu, pero aawit din ako sa wikang naiintindihan ko.+ 16 Dahil kapag naghahandog ka ng papuri gamit ang kaloob ng espiritu, paano magsasabi ng “Amen” sa binigkas mong pasasalamat ang karaniwang tao sa gitna ninyo kung hindi niya naintindihan ang sinabi mo? 17 Totoo, nagpapasalamat ka sa mahusay na paraan, pero hindi naman napapatibay ang iba. 18 Nagpapasalamat ako sa Diyos na nagsasalita ako ng mas maraming wika kaysa sa inyong lahat. 19 Gayunman, mas gugustuhin ko pang bumigkas sa kongregasyon ng limang salitang naiintindihan para maturuan ko ang iba, kaysa bumigkas ng sampung libong salita sa ibang wika.+
20 Mga kapatid, huwag kayong maging mga bata pagdating sa pang-unawa+ kundi maging bata kung tungkol sa kasamaan;+ at maging nasa hustong-gulang pagdating sa pang-unawa.+ 21 Nakasulat sa Kautusan: “‘Makikipag-usap ako sa bayang ito sa mga wikang banyaga at sa mga salita ng estranghero, pero hindi pa rin sila magbibigay-pansin sa akin,’ sabi ni Jehova.”+ 22 Kaya ang pagsasalita ng iba’t ibang wika ay isang tanda para sa mga di-sumasampalataya at hindi sa mga mananampalataya,+ samantalang ang panghuhula ay para sa mga mananampalataya at hindi sa mga di-sumasampalataya. 23 Pero kung nagtitipon sa isang lugar ang buong kongregasyon at nagsasalita silang lahat ng iba’t ibang wika, at pumasok ang mga karaniwang tao o di-sumasampalataya, hindi ba sasabihin ng mga ito na baliw kayo? 24 Gayunman, kung nanghuhula kayong lahat at pumasok ang isang di-sumasampalataya o karaniwang tao, siya ay masasaway at maingat na masusuri ng lahat. 25 At magiging malinaw sa kaniya ang laman ng puso niya,+ kaya susubsob siya at sasamba sa Diyos at sasabihin niya: “Talagang nasa gitna ninyo ang Diyos.”+
26 Kaya ano ang dapat gawin, mga kapatid? Kapag nagtitipon kayo, may umaawit, may nagtuturo, may nagsisiwalat, may nagsasalita ng ibang wika, at may nagsasalin.+ Gawin ninyo ang lahat ng bagay para mapatibay ang isa’t isa.+ 27 At kung may nagsasalita ng ibang wika, limitahan ito sa dalawa o tatlo at dapat na maghalinhinan sila; dapat na may tagapagsalin din.+ 28 Pero kung walang tagapagsalin, mas mabuti pang huwag siyang magsalita sa kongregasyon kundi makipag-usap nang tahimik sa Diyos. 29 Hayaang dalawa o tatlong propeta+ ang magsalita, at uunawain naman ng iba ang kahulugan. 30 Pero kung may isang nakaupo roon na tumanggap ng pagsisiwalat, tumahimik muna ang nagsasalita. 31 Sa ganitong paraan, makapanghuhula kayong lahat nang isa-isa at matututo at mapapatibay ang lahat.+ 32 At ang kaloob ng espiritu sa* mga propeta ay dapat nilang gamitin sa maayos na paraan. 33 Dahil ang Diyos ay Diyos ng kapayapaan at hindi ng kaguluhan.+
Gaya ng sa lahat ng kongregasyon ng mga banal, 34 ang mga babae ay manatiling tahimik sa mga kongregasyon, dahil hindi sila pinapahintulutang magsalita.+ Dapat silang magpasakop,+ gaya rin ng sinasabi sa Kautusan. 35 Kung may gusto silang matutuhan, sa bahay sila magtanong sa kanilang asawa, dahil kahiya-hiya para sa isang babae na magsalita sa kongregasyon.
36 Sa inyo ba nanggaling ang salita ng Diyos, o sa inyo lang ba ito nakaabot?
37 Kung may nag-iisip na propeta siya o na may kaloob siya ng espiritu, dapat niyang kilalanin na ang mga isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Pero ang hindi kikilala rito ay hindi rin kikilalanin.* 39 Kaya, mga kapatid ko, patuloy ninyong sikaping matanggap ang kaloob na humula,+ pero huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita ng iba’t ibang wika.+ 40 Mangyari nawa ang lahat ng bagay nang disente at maayos.+
15 Ngayon ay ipinapaalaala ko sa inyo, mga kapatid, ang mabuting balita na inihayag ko sa inyo;+ tinanggap ninyo ito at nanindigan kayo para dito. 2 Kung nanghahawakan kayo nang mahigpit sa mabuting balita na inihayag ko sa inyo, naililigtas kayo.+ Kung hindi, walang saysay ang pagiging mananampalataya ninyo.
3 Ang bagay na ito ay kasama sa pinakamahahalagang itinuro ko sa inyo, na natutuhan ko rin: si Kristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa Kasulatan;+ 4 at inilibing siya,+ oo, binuhay siyang muli+ nang ikatlong araw+ ayon sa Kasulatan;+ 5 at nagpakita siya kay Cefas,+ at pagkatapos ay sa 12 apostol.+ 6 Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit 500 kapatid sa isang pagkakataon;+ kasama pa rin natin ang karamihan sa mga ito, pero ang ilan ay namatay* na. 7 Nagpakita rin siya kay Santiago,+ at pagkatapos ay sa lahat ng apostol.+ 8 At panghuli, nagpakita rin siya sa akin,+ ako na parang ipinanganak na kulang sa buwan.
9 Ako ang pinakamababa sa mga apostol,+ at hindi ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang kongregasyon ng Diyos.+ 10 Pero dahil sa walang-kapantay* na kabaitan ng Diyos, ako ay naging kung ano ako ngayon.+ At hindi nawalan ng kabuluhan ang walang-kapantay na kabaitan niya sa akin, dahil nagpagal ako nang higit kaysa sa kanilang lahat; pero hindi ko ito nagawa sa sarili kong lakas kundi dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos na sumasaakin.+ 11 Gayunman, ako man iyon o sila, tungkol dito ang ipinangangaral namin at pinaniwalaan ninyo iyon.
12 Ngayon kung ipinangangaral natin na binuhay-muli si Kristo,+ bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang pagkabuhay-muli?+ 13 Kung walang pagkabuhay-muli, ibig sabihin, hindi rin binuhay-muli si Kristo. 14 Pero kung hindi binuhay-muli si Kristo, walang saysay ang pangangaral namin, at wala ring saysay ang pananampalataya ninyo. 15 At ituturing din kaming sinungaling na mga saksi tungkol sa Diyos,+ dahil pinatototohanan namin na binuhay-muli ng Diyos ang Kristo+ pero hindi naman pala, kung wala naman talagang pagkabuhay-muli ng mga patay. 16 Dahil kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, hindi rin binuhay-muli si Kristo. 17 At kung hindi binuhay-muli si Kristo, walang silbi ang pananampalataya ninyo; namumuhay pa rin kayo sa inyong mga kasalanan.+ 18 At ang mga namatay* na kaisa ni Kristo ay lubusan nang naglaho.+ 19 Kung sa buhay lang na ito tayo umaasa kay Kristo, pinakakaawa-awa tayo sa lahat ng tao.
20 Pero binuhay-muli si Kristo, ang unang bunga sa mga natulog sa kamatayan.+ 21 Kung paanong nagkaroon ng kamatayan sa pamamagitan ng isang tao,+ ang pagkabuhay-muli ay sa pamamagitan din ng isang tao.+ 22 Kung kay Adan, ang lahat ay namamatay;+ kay Kristo naman, ang lahat ay bubuhayin,+ 23 pero bawat isa ayon sa tamang pagkakasunod-sunod: si Kristo ang unang bunga,+ pagkatapos ay ang mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang presensiya.*+ 24 Kasunod ay ang wakas, kapag ibinigay niya ang Kaharian sa kaniyang Diyos at Ama, kapag inalis na niya ang lahat ng pamahalaan at lahat ng awtoridad at kapangyarihan. + 25 Maghahari siya hanggang sa mailagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng mga paa niya.+ 26 At ang huling kaaway, ang kamatayan, ay mawawala na.+ 27 Dahil “inilagay ng Diyos ang lahat ng bagay sa ilalim ng mga paa niya.”+ Pero nang sabihing ‘ang lahat ng bagay ay napasailalim,’+ malinaw na hindi kasama rito ang Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay.+ 28 Kapag napasailalim na niya ang lahat ng bagay, ang Anak ay magpapasailalim din sa Isa na nagbigay sa kaniya ng awtoridad sa lahat ng bagay,+ para ang Diyos ang maging nag-iisang Tagapamahala ng lahat.+
29 Kung hindi ito totoo, ano ang mangyayari sa mga binabautismuhan para maging mga patay?+ Kung hindi talaga bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa sila binabautismuhan para maging gayon? 30 At bakit hinahayaan nating manganib ang buhay natin sa bawat oras?*+ 31 Araw-araw akong napapaharap sa kamatayan. Totoo ito kung paanong ipinagmamalaki ko kayo, mga kapatid, na mga alagad ni Kristo Jesus na ating Panginoon. 32 Kung gaya ng ibang tao* ay nakipaglaban ako sa mababangis na hayop sa Efeso,+ ano ang pakinabang ko roon? Kung hindi bubuhaying muli ang mga patay, “kumain tayo at uminom, dahil bukas ay mamamatay tayo.”+ 33 Huwag kayong magpalinlang.* Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.*+ 34 Bumalik kayo sa katinuan at gawin ang tama, at huwag kayong mamihasa sa kasalanan,+ dahil ang ilan ay walang kaalaman sa Diyos. Sinasabi ko ito para makadama kayo ng kahihiyan.
35 Gayunman, may magsasabi: “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Oo, ano ang magiging katawan nila kapag binuhay silang muli?”+ 36 Ikaw na di-makatuwiran! Ang inihahasik mo ay hindi mabubuhay kung hindi muna ito mamamatay.+ 37 At kung tungkol sa inihahasik mo, ang inihahasik mo ay hindi ang mismong katawan na tutubo kundi isang butil lang, trigo man ito o iba pang uri ng binhi; 38 pero binibigyan ito ng Diyos ng katawan ayon sa kalooban niya, at ang bawat binhi ay binibigyan niya ng sarili nitong katawan. 39 Hindi magkakatulad ang lahat ng katawan; iba ang sa tao, iba ang sa hayop,* iba ang sa ibon, at iba ang sa isda. 40 At may mga katawang makalangit+ at mga katawang makalupa;+ pero magkaiba ang kaluwalhatian ng mga katawang makalangit at mga katawang makalupa. 41 Iba ang kaluwalhatian ng araw, iba rin ang sa buwan,+ at iba ang sa mga bituin; ang totoo, magkakaiba ang kaluwalhatian ng bawat bituin.
42 Gayon din ang pagkabuhay-muli ng mga patay. Ang inihahasik ay katawang nabubulok, pero ang ibabangon ay katawang hindi nabubulok.+ 43 Wala itong karangalan nang ihasik pero maluwalhati kapag ibinangon.+ Mahina ito nang ihasik pero makapangyarihan kapag ibinangon.+ 44 Pisikal na katawan ito nang ihasik pero espiritung katawan kapag ibinangon.+ Kung may pisikal na katawan, mayroon ding espiritung katawan. 45 Gaya ng nasusulat: “Ang unang taong si Adan ay nagkaroon ng buhay.”+ Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.+ 46 Kaya hindi una ang espiritung katawan. Pisikal na katawan ang una, at pagkatapos ay espiritung katawan. 47 Ang unang tao ay mula sa lupa at gawa sa alabok;+ ang ikalawang tao ay mula sa langit.+ 48 Gaya niya na gawa sa alabok, gayon din ang mga gawa sa alabok; at gaya niya na makalangit, gayon din ang mga makalangit.+ 49 At kung gaya tayo ngayon ng isa na gawa sa alabok,+ magiging gaya rin tayo ng isa na makalangit.+
50 Pero sinasabi ko sa inyo, mga kapatid, na ang laman at dugo ay hindi puwedeng magmana ng Kaharian ng Diyos at ang katawang nabubulok ay hindi puwedeng magmana ng kawalang-kasiraan. 51 Sinasabi ko sa inyo ang isang sagradong lihim: Hindi lahat sa atin ay matutulog sa kamatayan, pero tayong lahat ay babaguhin,+ 52 sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa pagtunog ng huling trumpeta. Dahil tutunog ang trumpeta,+ at ang mga patay ay bubuhaying muli na may katawang hindi nabubulok, at tayo ay babaguhin.+ 53 Dahil ang nabubulok ay kailangang maging walang kasiraan,+ at ang mortal ay kailangang maging imortal.+ 54 Pero kapag ang nabubulok ay naging walang kasiraan at ang mortal ay naging imortal, mangyayari ang nasusulat: “Ang kamatayan ay nilamon magpakailanman.”+ 55 “Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?”+ 56 Ang kamandag na nagbubunga ng kamatayan ay kasalanan,+ at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan.+ 57 Pero salamat sa Diyos, dahil ibinibigay niya sa atin ang tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo!+
58 Kaya, mahal kong mga kapatid, maging matatag kayo,+ di-natitinag at laging maraming ginagawa+ para sa* Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang pagpapagal ninyo+ para sa Panginoon.
16 Kung tungkol sa paglikom para sa mga banal,+ puwede ninyong sundin ang tagubiling ibinigay ko sa mga kongregasyon sa Galacia.+ 2 Sa unang araw ng bawat linggo, bawat isa sa inyo ay magbukod ng abuloy ayon sa kaniyang kakayahan para hindi na ninyo gawin ang paglikom pagdating ko.+ 3 Pagdating ko diyan, isusugo ko ang mga lalaking inaprobahan ninyo sa inyong mga liham+ para magdala sa Jerusalem ng inyong kusang-loob na abuloy. 4 Pero kung makakabuting sumama ako sa pagpunta nila roon, sasama ako.
5 Pero pupuntahan ko kayo pagkagaling ko sa Macedonia, dahil dadaan din ako sa Macedonia;+ 6 at baka magtagal ako diyan nang kaunti, o hanggang taglamig pa nga, para maalalayan ninyo ako sa simula ng paglalakbay ko, saanman ako pupunta. 7 Dahil ayoko sanang saglit lang tayong magkita; gusto kong makasama kayo nang matagal-tagal,+ kung ipapahintulot ni Jehova. 8 Pero mananatili ako sa Efeso+ hanggang sa Kapistahan ng Pentecostes, 9 dahil isang malaking pinto na umaakay sa gawain ang binuksan para sa akin,+ pero maraming humahadlang.
10 Kung darating diyan si Timoteo,+ tiyakin ninyo na wala siyang anumang ikakatakot, dahil gawain ni Jehova ang ginagawa niya,+ gaya ko rin naman. 11 Kaya walang sinuman ang dapat humamak sa kaniya. Samahan ninyo siya sa simula ng paglalakbay para makarating siya sa akin nang ligtas, dahil hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid.
12 Kung tungkol sa kapatid nating si Apolos,+ pinakiusapan ko siya na samahan ang mga kapatid sa pagpunta sa inyo. Wala pa siyang balak pumunta ngayon, pero pupunta rin siya kapag may pagkakataon.
13 Manatili kayong gisíng,+ manghawakan kayong mahigpit sa pananampalataya,+ maging matapang kayo,+ magpakalakas kayo.+ 14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang may pag-ibig.+
15 Alam ninyo na ang sambahayan ni Estefanas ang mga unang alagad* sa Acaya at na ibinuhos nila ang buo nilang makakaya para maglingkod sa mga banal. Kaya hinihimok ko kayo, mga kapatid: 16 Patuloy rin sana kayong magpasakop sa gayong uri ng mga tao at sa lahat ng nakikipagtulungan at nagpapagal.+ 17 Pero masaya ako na nandito sina Estefanas,+ Fortunato, at Acaico, dahil naging malaking tulong sila sa akin noong wala kayo. 18 Dahil pinaginhawa nila ako at kayo. Kaya pahalagahan ninyo ang gayong uri ng mga tao.
19 Binabati kayo ng mga kongregasyon sa Asia. Sina Aquila at Prisca+ at ang kongregasyong nagtitipon sa bahay nila+ ay taos-pusong bumabati sa inyo sa Panginoon. 20 Binabati kayo ng lahat ng kapatid. Malugod ninyong batiin ang isa’t isa.*
21 Ako, si Pablo, ay bumabati rin sa inyo.
22 Kung ang sinuman ay walang pagmamahal sa Panginoon, sumpain siya. O aming Panginoon, pumarito ka! 23 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng Panginoong Jesus. 24 Sumainyo nawang lahat na kaisa ni Kristo Jesus ang aking pag-ibig.
O “testimonya.”
O “at takbo ng pag-iisip.”
O “ang mahusay na pananalita.”
O “isasaisantabi.”
O “at malalim na karunungan.”
O “mga matibay ang pananampalataya.” Lit., “mga perpekto.”
O “panahong.”
Lit., “puso.”
Lit., “espiritu.”
O posibleng “Gumagamit tayo ng mga salitang itinuro ng espiritu para ipaliwanag ang espirituwal na mga bagay sa espirituwal na mga tao.”
O “di-sana-nararapat.”
Lit., “mahahayag.”
O “tusong pakana.”
O “budhi.”
O “pinagsusuntok.”
O “nakikiusap kami.”
O “kung talagang ginagabayan sila ng kapangyarihan ng Diyos.”
O “sa mga gawang nagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos.”
Lit., “kinuha.”
Lit., “naririyan ako sa espiritu.”
Lit., “na naririyan ako sa espiritu.”
O “awtoridad.”
Lit., “para mapuksa ang laman.”
O “batang tupa na.”
O “walang-lebadurang.”
O “hahayaang mapasailalim ako sa awtoridad.”
Lit., “espiritu.”
O “itinakdang.”
O “kaysa magningas.”
Lit., “espiritu.”
O “na pag-uukol ng debosyon.”
O “matulog sa kamatayan.”
Lit., “nagiging marumi ito.”
Lit., “awtoridad.”
O “ang dapat maghanapbuhay?”
O “tatakpan ang bibig ng.”
Lit., “umani.”
Lit., “awtoridad.”
O “ang mga karapatan.”
O “ang maging hindi kuwalipikado.”
O “iisang pagkain na mula sa Diyos.”
O “iisang inumin na mula sa Diyos.”
Lit., “sumusunod.”
O “mabata.”
O “nagtatalukbong.”
O “magtalukbong.”
O “nilikha.”
O “lagi kong nababalitaan.”
Lit., “espirituwal (na mga bagay).”
O “pagkilos.”
O “ng puwersa ng Diyos.”
Lit., “pinainom.”
O “Pinagsasama-sama ng Diyos ang iba’t ibang bahagi ng.”
O “makapangyarihang gawa.”
O “patuloy ninyong hanapin nang may kasigasigan ang.”
O “pompiyang.”
O “nang may katumpakan.”
O “may katumpakan.”
O “patuloy rin ninyong hanapin nang may kasigasigan ang.”
O “kung kayo na may dila.”
Lit., “At ang mga espiritu ng.”
O posibleng “ang sinumang walang alam ay mananatiling walang alam.”
Lit., “natulog.”
O “di-sana-nararapat.”
Lit., “natulog.”
O “pagkanaririto.”
O “sa lahat ng panahon?”
O posibleng “Kung sa pananaw ng tao” o “Kung gaya ng sa ibang tao ang motibo ko.”
O “paliligaw.”
O “kaugalian.”
Hayop na apat ang paa gaya ng baka.
O “laging abala sa gawain ng.”
Lit., “bunga.”
Lit., “Batiin ninyo ang isa’t isa ng banal na halik.”