Genesis
2 Kaya natapos ang langit at ang lupa at ang lahat ng naroon.*+ 2 At pagdating ng ikapitong araw, natapos na ng Diyos ang ginagawa niya, at siya ay nagsimulang magpahinga noong ikapitong araw sa lahat ng ginagawa niya.+ 3 At pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong banal, dahil noon ay nagpapahinga na siya mula sa lahat ng ginawa niya, pagkatapos niyang lalangin ang lahat ng bagay na nilayon niyang gawin.
4 Ito ang kasaysayan ng langit at lupa noong panahong lalangin ang mga ito, noong araw na gawin ng Diyos na Jehova* ang lupa at langit.+
5 Wala pang halaman noon sa lupa o iba pang tumutubong pananim, dahil hindi pa nagpapaulan ang Diyos na Jehova sa lupa at wala pang tao na magsasaka rito. 6 Pero isang manipis na ulap ang pumapailanlang mula sa lupa, at dinidiligan nito ang ibabaw ng buong lupa.
7 At inanyuan ng Diyos na Jehova ang tao mula sa alabok+ ng lupa at inihihip sa mga butas ng ilong nito ang hininga ng buhay,+ at ang tao ay nagkaroon ng buhay.*+ 8 Bukod diyan, ang Diyos na Jehova ay gumawa ng isang hardin sa Eden,+ na nasa silangan; doon niya inilagay ang tao na inanyuan niya.+ 9 At pinatubo ng Diyos na Jehova mula sa lupa ang bawat puno na magandang tingnan at may mga bunga na mabuting kainin, pati na ang puno ng buhay+ sa gitna ng hardin at ang puno ng pagkaalam ng mabuti at masama.+
10 At may isang ilog na umaagos mula sa Eden na dumidilig sa hardin. At mula roon, nahahati ito sa apat na ilog.* 11 Ang pangalan ng una ay Pison; iyon ang pumapalibot sa buong lupain ng Havila, kung saan may ginto. 12 Mataas ang kalidad ng ginto sa lupaing iyon at mayroon ding mabangong dagta* at batong onix. 13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; iyon ang pumapalibot sa buong lupain ng Cus. 14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hidekel,*+ na umaagos sa silangan ng Asirya.+ At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.+
15 Inilagay ng Diyos na Jehova ang tao sa hardin ng Eden para sakahin iyon at alagaan.+ 16 Inutusan din ng Diyos na Jehova ang tao: “Makakakain ka ng bunga mula sa bawat puno sa hardin hanggang sa masiyahan ka.+ 17 Pero huwag kang kakain ng bunga mula sa puno ng pagkaalam ng mabuti at masama, dahil sa araw na kumain ka mula roon ay tiyak na mamamatay ka.”+
18 Pagkatapos, sinabi ng Diyos na Jehova: “Hindi mabuti para sa lalaki na manatiling nag-iisa. Gagawa ako para sa kaniya ng isang katulong na makakatuwang niya.”+ 19 At ang Diyos na Jehova ay patuloy na gumawa mula sa lupa ng bawat mailap na hayop sa parang at bawat lumilipad na nilalang sa langit, at dinala niya ang mga ito sa lalaki para malaman kung ano ang itatawag nito sa bawat isa. Anuman ang itawag ng lalaki sa bawat buháy na nilalang,* iyon ang nagiging pangalan nito.+ 20 Kaya pinangalanan ng lalaki ang lahat ng maaamong hayop at lumilipad na nilalang sa langit at bawat mailap na hayop sa parang, pero ang lalaki ay walang katulong na magiging katuwang niya. 21 Kaya ang lalaki ay pinatulog nang mahimbing ng Diyos na Jehova. Habang natutulog ito, kinuha ng Diyos ang isa sa mga tadyang ng lalaki at saka isinara ang laman sa ibabaw nito. 22 At ang tadyang na kinuha ng Diyos na Jehova mula sa lalaki ay ginawa niyang isang babae, at dinala niya ang babae sa lalaki.+
23 Pagkatapos, sinabi ng lalaki:
“Sa wakas, ito ay buto ng aking mga buto,
At laman ng aking laman.
Tatawagin itong Babae,
Dahil kinuha siya mula sa lalaki.”+
24 Iyan ang dahilan kung bakit iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at mamumuhay kasama* ng kaniyang asawang babae, at sila ay magiging isang laman.+ 25 At nanatili silang hubad,+ ang lalaki at ang asawa niya; pero hindi sila nahihiya.