Ayon kay Mateo
24 Nang paalis na si Jesus sa templo, lumapit sa kaniya ang mga alagad niya at itinuro ang mga gusali ng templo. 2 Sinabi niya sa kanila: “Nakikita ba ninyo ang lahat ng gusaling ito? Sinasabi ko sa inyo, walang matitirang magkapatong na bato rito. Lahat ay ibabagsak.”+
3 Habang nakaupo siya sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kaniya ang mga alagad nang sarilinan at nagsabi: “Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga ito, at ano ang magiging tanda ng presensiya* mo+ at ng katapusan ng sistemang* ito?”+
4 Sumagot si Jesus: “Mag-ingat kayo para hindi kayo mailigaw ng sinuman,+ 5 dahil marami ang gagamit sa pangalan ko at magsasabi, ‘Ako ang Kristo,’ at marami silang maililigaw.+ 6 Makaririnig kayo ng ingay ng mga digmaan at ng mga ulat ng digmaan. Huwag kayong matakot, dahil kailangang mangyari ang mga ito, pero hindi pa ito ang wakas.+
7 “Dahil maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian,+ at magkakaroon ng taggutom+ at lindol sa iba’t ibang lugar.+ 8 Ang lahat ng ito ay pasimula ng matinding paghihirap.*
9 “Pagkatapos, pag-uusigin kayo ng mga tao+ at papatayin,+ at kapopootan kayo ng lahat ng bansa dahil sa pangalan ko.+ 10 At marami rin ang mawawalan ng pananampalataya* at magtatraidor sa isa’t isa at mapopoot sa isa’t isa. 11 Marami ang magkukunwaring propeta at marami silang maililigaw;+ 12 at dahil sa paglaganap ng kasamaan,* ang pag-ibig ng nakararami ay lalamig. 13 Pero ang makapagtitiis* hanggang sa wakas ay maliligtas.+ 14 At ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng* lahat ng bansa,+ at pagkatapos ay darating ang wakas.
15 “Kaya kapag nakita ninyong nakatayo na sa isang banal na lugar ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang, na sinabi ng propetang si Daniel+ (kailangan itong unawain ng mambabasa), 16 ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan.+ 17 Ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba para kunin ang mga pag-aari niya mula sa kaniyang bahay, 18 at ang nasa bukid ay huwag nang bumalik para kunin ang balabal niya. 19 Kaawa-awa ang mga nagdadalang-tao at nagpapasuso ng sanggol sa mga araw na iyon! 20 Patuloy na ipanalanging hindi matapat sa taglamig o sa araw ng Sabbath ang pagtakas ninyo; 21 dahil sa panahong iyon ay magkakaroon ng malaking kapighatian+ na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng mundo* hanggang sa ngayon at hindi na mangyayari pang muli.+ 22 Sa katunayan, kung hindi paiikliin ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas; pero dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.+
23 “Kung may magsabi sa inyo, ‘Nandito ang Kristo!’+ o, ‘Nandoon!’ huwag ninyong paniwalaan iyon.+ 24 Dahil may mga magpapanggap na Kristo at magkukunwaring mga propeta+ na gagawa ng mga himala at kababalaghan para iligaw,+ kung posible, maging ang mga pinili. 25 Nabigyan ko na kayo ng babala. 26 Kaya kung sabihin sa inyo ng mga tao, ‘Nasa ilang siya,’ huwag kayong pumunta roon; ‘Nasa loob siya ng kuwarto,’ huwag kayong maniwala.+ 27 Dahil kung paanong ang kidlat sa silangan ay nagliliwanag hanggang sa kanluran, magiging ganoon ang presensiya* ng Anak ng tao.+ 28 Kung nasaan ang bangkay, doon magpupuntahan ang mga agila.+
29 “Agad-agad pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon, ang araw ay magdidilim,+ at ang buwan ay hindi magliliwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng langit ay mayayanig.+ 30 Pagkatapos, lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng tao, at ang lahat ng tribo sa lupa ay magdadalamhati,*+ at makikita nila ang Anak ng tao+ na dumarating na nasa mga ulap sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.+ 31 At isusugo niya ang kaniyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta, at titipunin nila ang mga pinili niya mula sa apat na direksiyon,* mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabilang dulo nito.+
32 “Ngayon ay matuto kayo sa ilustrasyon tungkol sa puno ng igos: Sa sandaling tubuan ito ng malalambot na sanga at umusbong ang mga dahon nito, alam ninyo na malapit na ang tag-araw.+ 33 Sa katulad na paraan, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng ito, makakatiyak kayong malapit na siya at nasa pintuan na.+ 34 Sinasabi ko sa inyo na ang henerasyong ito ay hindi lilipas hanggang sa mangyari ang lahat ng ito. 35 Ang langit at lupa ay maglalaho, pero ang mga salita ko ay hindi maglalaho.+
36 “Tungkol sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam,+ kahit ang mga anghel sa langit o kahit ang Anak, kundi ang Ama lang.+ 37 Dahil ang presensiya* ng Anak ng tao ay magiging gaya noong panahon ni Noe.+ 38 Noong panahong iyon bago ang Baha, ang mga tao ay kumakain at umiinom, ang mga lalaki at babae ay nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka,+ 39 at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang Baha at tinangay silang lahat.+ Magiging gayon ang presensiya ng Anak ng tao. 40 Sa panahong iyon, dalawang lalaki ang magtatrabaho sa bukid; ang isa ay isasama at ang isa naman ay iiwan. 41 Dalawang babae ang maggigiling ng trigo; ang isa ay isasama at ang isa naman ay iiwan.+ 42 Kaya patuloy kayong magbantay, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.+
43 “Pero isipin ninyo ito: Kung nalaman lang ng may-bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw,+ nanatili sana siyang gisíng at hindi hinayaang mapasok ang bahay niya.+ 44 Kaya maging handa rin kayo,+ dahil ang Anak ng tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.
45 “Sino talaga ang tapat at matalinong* alipin na inatasan ng panginoon niya sa mga lingkod ng sambahayan nito, para magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon?+ 46 Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng panginoon niya ay madatnan siyang gayon ang ginagawa!+ 47 Sinasabi ko sa inyo, aatasan siya ng panginoon sa lahat ng pag-aari nito.
48 “Pero kung masama ang aliping iyon at sabihin niya sa sarili, ‘Matatagalan pa ang panginoon ko,’+ 49 at bugbugin ang mga kapuwa niya alipin at kumain at uminom na kasama ng kilalang mga lasenggo, 50 ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam,+ 51 at paparusahan siya nang napakatindi at itatapon sa kinaroroonan ng mga mapagkunwari. Iiyak siya roon at magngangalit ang mga ngipin niya.+