Ayon kay Mateo
5 Nang makita niya ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok; at pagkaupo niya, lumapit sa kaniya ang mga alagad niya. 2 At nagsimula siyang magturo sa kanila. Sinabi niya:
3 “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos,*+ dahil mapapasakanila ang Kaharian ng langit.
4 “Maligaya ang mga nagdadalamhati, dahil aaliwin sila.+
5 “Maligaya ang mga mahinahon,*+ dahil mamanahin nila ang lupa.+
6 “Maligaya ang mga nagugutom at nauuhaw+ sa katuwiran,* dahil bubusugin sila.+
7 “Maligaya ang mga maawain,+ dahil pagpapakitaan sila ng awa.
8 “Maligaya ang mga malinis ang puso,+ dahil makikita nila ang Diyos.
9 “Maligaya ang mga mapagpayapa,+ dahil tatawagin silang mga anak ng Diyos.
10 “Maligaya ang mga pinag-uusig sa paggawa ng tama,+ dahil mapapasakanila ang Kaharian ng langit.
11 “Maligaya kayo kapag nilalait kayo ng mga tao,+ inuusig,+ at pinaparatangan ng kung ano-anong masasamang bagay dahil sa akin.+ 12 Matuwa kayo at mag-umapaw sa saya,+ dahil malaki ang gantimpala+ ninyo sa langit; inusig din nila sa gayong paraan ang mga propeta noon.+
13 “Kayo ang asin+ ng mundo; pero kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat muli? Wala na itong silbi; itatapon na lang ito sa labas+ at tatapakan ng mga tao.
14 “Kayo ang liwanag ng sangkatauhan.*+ Ang isang lunsod na nasa bundok ay kitang-kita. 15 Kapag ang mga tao ay nagsisindi ng lampara, hindi nila iyon tinatakpan ng basket,* kundi inilalagay sa patungan ng lampara, at nagbibigay ito ng liwanag sa lahat ng nasa bahay.+ 16 Pasikatin din ninyo ang inyong liwanag sa mga tao,+ para makita nila ang mabubuting ginagawa ninyo+ at purihin ang inyong Ama na nasa langit.+
17 “Huwag ninyong isipin na dumating ako para sabihing walang saysay* ang Kautusan o ang mga Propeta.* Dumating ako, hindi para sabihing wala itong saysay, kundi para tuparin ito.+ 18 Tinitiyak ko sa inyo, mawala man ang langit at lupa, hindi mawawala ang pinakamaliit na letra o kudlit mula sa Kautusan nang hindi natutupad ang lahat ng nakasulat dito.+ 19 Kaya ang sinumang lumalabag sa isa sa mga utos nito, na itinuturing ng mga tao na di-gaanong mahalaga, at nagtuturo sa iba na lumabag din ay tatawaging pinakamababa may kaugnayan sa* Kaharian ng langit. Pero ang sinumang sumusunod sa mga ito at nagtuturo nito ay tatawaging pinakadakila may kaugnayan sa* Kaharian ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo na kung ang matuwid na mga gawa ninyo ay katulad lang ng sa mga eskriba at mga Pariseo,+ hinding-hindi kayo makakapasok sa Kaharian ng langit.+
21 “Alam ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang papatay;+ dahil ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’+ 22 Pero sinasabi ko sa inyo na sinumang patuloy na napopoot+ sa kapatid niya ay mananagot sa hukuman; at sinumang nagsasabi ng matinding pang-iinsulto sa kaniyang kapatid ay magsusulit sa Kataas-taasang Hukuman; samantalang ang sinumang nagsasabi, ‘Mangmang ka at walang-kuwentang tao!’ ay nanganganib na mapunta sa maapoy na Gehenna.*+
23 “Kaya kapag nagdadala ka ng iyong handog sa altar+ at naalaala mo roon na ang kapatid mo ay may reklamo sa iyo, 24 iwan mo sa harap ng altar ang handog mo, at puntahan mo ang iyong kapatid. Makipagkasundo ka muna sa kaniya, at saka ka bumalik para ialay ang handog mo.+
25 “Makipag-ayos ka kaagad sa isa na may reklamo laban sa iyo habang papunta kayo sa hukuman. Kung hindi, baka ipaubaya ka niya sa hukom, at ipakulong ka nito sa guwardiya.+ 26 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makalalaya hanggang sa mabayaran mo ang kahuli-hulihang sentimo* na dapat mong bayaran.
27 “Alam ninyo na sinabi noon: ‘Huwag kang mangangalunya.’+ 28 Pero sinasabi ko sa inyo na ang sinumang patuloy na tumitingin sa isang babae+ nang may pagnanasa ay nagkakasala na ng pangangalunya sa puso niya.+ 29 Kaya kung nagkakasala ka dahil sa kanang mata mo, dukitin mo ito at itapon.+ Dahil mas mabuti pang mawala ang isang parte ng katawan mo kaysa ihagis ang buong katawan mo sa Gehenna.*+ 30 Gayundin, kung nagkakasala ka dahil sa kanang kamay mo, putulin mo ito at itapon.+ Dahil mas mabuti pang mawala ang isang parte ng katawan mo kaysa mapunta ang buong katawan mo sa Gehenna.*+
31 “Sinabi rin noon: ‘Sinumang nakikipagdiborsiyo sa kaniyang asawang babae ay dapat magbigay rito ng kasulatan ng diborsiyo.’+ 32 Pero sinasabi ko sa inyo na kapag diniborsiyo ng isa ang kaniyang asawang babae, malibang dahil sa seksuwal na imoralidad,* inilalagay niya ito sa panganib na mangalunya, at sinumang mag-asawa ng babaeng diniborsiyo ay nangangalunya.+
33 “Alam din ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang susumpa nang hindi mo gagawin,+ kundi tuparin mo ang iyong mga panata kay Jehova.’*+ 34 Pero sinasabi ko sa inyo: Huwag ka nang sumumpa,+ sa ngalan man ng langit, dahil iyon ang trono ng Diyos; 35 o ng lupa, dahil ito ang tuntungan ng kaniyang mga paa;+ o ng Jerusalem, dahil iyon ang lunsod ng dakilang Hari.+ 36 Huwag mong ipanumpa ang iyong ulo,* dahil kahit isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Pero tiyakin ninyo na ang inyong ‘Oo’ ay oo at ang inyong ‘Hindi’ ay hindi,+ dahil ang pagiging di-tapat sa sinasabi ay katangian ng masama.*+
38 “Alam ninyo na sinabi noon: ‘Mata para sa mata at ngipin para sa ngipin.’+ 39 Pero sinasabi ko sa inyo: Huwag kang lumaban sa masamang tao, kundi sa sinumang sumampal sa kanang pisngi mo, iharap mo rin ang kabila.+ 40 At kung gusto ng isang tao na dalhin ka sa hukuman at kunin ang damit mo, hayaan mong kunin na rin niya ang balabal mo;+ 41 at kung utusan ka ng isang nasa awtoridad na sumama sa kaniya nang isang milya* para paglingkuran siya, sumama ka sa kaniya nang dalawang milya. 42 Magbigay ka sa humihingi sa iyo, at huwag mong talikuran ang nanghihiram* sa iyo.+
43 “Alam ninyo na sinabi noon: ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa+ at kapootan ang iyong kaaway.’ 44 Pero sinasabi ko sa inyo: Patuloy na mahalin ang inyong mga kaaway+ at ipanalangin ang mga umuusig sa inyo,+ 45 para mapatunayan ninyong mga anak kayo ng inyong Ama na nasa langit,+ dahil pinasisikat niya ang kaniyang araw sa masasama at sa mabubuti at nagpapaulan siya sa mga taong matuwid at di-matuwid.+ 46 Dahil kung minamahal ninyo ang mga nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan?+ Hindi ba ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lang ninyo ang binabati ninyo, ano ang kahanga-hanga roon? Hindi ba ginagawa rin iyon ng mga tao ng ibang mga bansa? 48 Kaya dapat kayong maging perpekto,* kung paanong ang Ama ninyo sa langit ay perpekto.+