Ayon kay Mateo
6 “Tiyakin ninyo na hindi pakitang-tao lang ang paggawa ninyo ng mabuti;+ kung hindi, wala kayong magiging gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit. 2 Kaya kung gagawa ka ng mabuti sa mahihirap,* huwag kang hihihip ng trumpeta, gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari* sa mga sinagoga at kalye para purihin sila ng mga tao. Sinasabi ko sa inyo, iyon na ang buong gantimpala nila. 3 Sa halip, kapag gumagawa ka ng mabuti sa mahihirap, huwag mong ipaalám sa kaliwang kamay mo ang ginagawa ng kanang kamay mo, 4 para ang paggawa mo ng mabuti sa mahihirap ay maging lihim. At ang iyong Ama na nakakakita ng lahat ng bagay* ang gaganti sa iyo.+
5 “Gayundin, kapag nananalangin kayo, huwag ninyong gayahin ang mga mapagkunwari,+ dahil gusto nilang manalangin nang nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto ng malalapad na daan para makita sila ng mga tao.+ Sinasabi ko sa inyo, iyon na ang buong gantimpala nila. 6 Sa halip, kapag mananalangin ka, pumasok ka sa isang silid sa iyong bahay, isara mo ang pinto, at saka ka manalangin sa iyong Ama sa langit.*+ At ang iyong Ama na nakakakita ng lahat ng bagay ang gaganti sa iyo. 7 Kapag nananalangin, huwag kayong maging paulit-ulit sa sinasabi ninyo gaya ng ginagawa ng mga tao ng ibang mga bansa, dahil inaakala nilang pakikinggan sila sa paggamit ng maraming salita. 8 Kaya huwag ninyo silang gayahin, dahil alam ng inyong Ama kung ano ang kailangan ninyo+ bago pa ninyo hingin iyon sa kaniya.
9 “Manalangin kayo sa ganitong paraan:+
“‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa* ang pangalan mo.+ 10 Dumating nawa ang Kaharian+ mo. Mangyari nawa ang kalooban mo,+ kung paano sa langit, gayon din sa lupa.+ 11 Bigyan mo kami ng pagkain* para sa araw na ito;+ 12 at patawarin mo kami sa mga kasalanan* namin, kung paanong pinatatawad namin ang mga nagkakasala* sa amin.+ 13 At huwag mo kaming hayaang mahulog sa tukso,*+ kundi iligtas mo kami mula sa isa na masama.’*+
14 “Dahil kung pinatatawad ninyo ang mga pagkakamali ng iba, patatawarin din kayo ng inyong Ama sa langit;+ 15 pero kung hindi ninyo pinatatawad ang mga pagkakamali ng iba, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang mga pagkakamali ninyo.+
16 “Kapag nag-aayuno kayo,+ huwag na kayong maglungkot-lungkutan tulad ng mga mapagkunwari, dahil hindi sila nag-aayos ng sarili para mapansin ng mga tao na nag-aayuno sila.+ Sinasabi ko sa inyo, iyon na ang buong gantimpala nila. 17 Sa halip, kapag nag-aayuno ka, langisan mo ang ulo mo at maghilamos ka, 18 para hindi mahalata ng mga tao na nag-aayuno ka. Hayaan mong ang iyong Ama sa langit* ang makakita nito. At ang iyong Ama na nakakakita ng lahat ng bagay ang gaganti sa iyo.
19 “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa,+ kung saan may insekto* at kalawang na naninira, at may masasamang tao na nagnanakaw. 20 Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit,+ kung saan walang insekto o kalawang na naninira,+ at walang masasamang tao na nagnanakaw. 21 Dahil kung nasaan ang kayamanan mo, naroon din ang puso mo.
22 “Ang mata ang lampara ng katawan.+ Kaya kung nakapokus* ang mata mo, magiging maliwanag* ang buong katawan mo. 23 Pero kung ang mata mo ay mainggitin,*+ magiging madilim ang buong katawan mo. Kung ang liwanag na nasa iyo ay hindi naman talaga liwanag kundi kadiliman, napakatindi nga ng kadilimang iyon!
24 “Walang alipin ang makapaglilingkod sa dalawang panginoon; dahil alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa,+ o magiging tapat siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo puwedeng magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.+
25 “Kaya sinasabi ko sa inyo: Huwag na kayong mag-alala+ kung ano ang kakainin o iinumin ninyo, o kung ano ang isusuot ninyo.+ Hindi ba mas mahalaga ang buhay* kaysa sa pagkain at ang katawan kaysa sa pananamit?+ 26 Tingnan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit;+ hindi sila nagtatanim o umaani o nagtitipon sa kamalig,* pero pinakakain sila ng inyong Ama sa langit. Hindi ba mas mahalaga kayo kaysa sa kanila? 27 Sino sa inyo ang makapagpapahaba nang kahit kaunti* sa buhay niya dahil sa pag-aalala?+ 28 At bakit kayo nag-aalala tungkol sa pananamit? Matuto kayo mula sa mga liryo* na tumutubo sa parang; hindi sila nagtatrabaho o nananahi; 29 pero sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon,+ sa kabila ng karangyaan niya, ay hindi nakapagdamit na gaya ng isa sa mga ito. 30 Kung ganito dinaramtan ng Diyos ang pananim, na nasa parang ngayon at bukas ay ihahagis sa pugon, hindi ba mas gugustuhin niyang damtan kayo, kayo na may maliit na pananampalataya? 31 Kaya huwag kayong mag-alala+ at magsabing ‘Ano ang kakainin namin?’ o, ‘Ano ang iinumin namin?’ o, ‘Ano ang isusuot namin?’+ 32 Ang lahat ng ito ang pinagkakaabalahan ng mga bansa. Alam ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito.
33 “Kaya patuloy ninyong unahin ang Kaharian at ang katuwiran* niya, at ibibigay* niya sa inyo ang lahat ng ito.+ 34 Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw,+ dahil ang kasunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín. Sapat na ang mga problema sa bawat araw.